Chereads / Ways To Find True Love / Chapter 4 - ~ The Step 3 and 4 ~

Chapter 4 - ~ The Step 3 and 4 ~

3. Isang linggo bago ang pagsapit ng Valentine's day kailangan sindihan ang mga nasabing kandila (maliban sa Indigo at Yellow). Kapag nasindihan na ay kailangan patayin kapag nangalahati ang kandila. Muli itong sindihan pagsapit ng alas nuebe ng gabi.

"Ngayon ko na kaya gawin?" Hinawakan ko ang mga kandila at tinanggal mula sa pagkakatali. Inihiwalay ko ang Indigo at ang Yellow.

"Baka makatulugan ko 'to. Masunog pa ang bahay. Bukas na lang nga." Muli kong ibinalik ang mga kandila sa drawer saka ito isinara.

Humiga ako sa kama at kinuha ang cellphone ko. Napagpasyahan ko na lamang na manuod ng movie.

NAGISING ako sa tunog ng cellphone ko. Hindi ko na namalayan na nakatulugan ko ang pinapanuod ko. Nag-unat ako at dali-daling bumangon.

"Puwede ko ng sindihan ang mga kandila. Siguro naman pagtapos kong gumayak at kumain ay nakakalahati na 'tong kandila."

Bago ko pa man sindihan ang mga ito ay nilagyan ko ng palatandaan sa gitna. Para masigurong kalahati nga ang naubos bago ko patayin ang apoy. Matapos lagyan lahat ay sinimulan ko ng sindihan isa-isa. Siniguro kong nakaayos ang pagkakatayo ng mga ito sa lagayan nila. Nang matapos sindihan lahat ay nagtungo na ako sa banyo para maligo.

Matapos maligo at makapagbihis ay isa-isa kong tiningnan ang mga kandila. Kaunting-kaunti na lang ay malapit na sa gitna ang kulay Lavender, Orange at Deep Red. Kaya naman kinuha ko ang upuan at naupo sa harapan ng mga kandila.

Nang maabot ang gitna ay pinatay ko na ang Lavender, Orange at Deep Red. Tinignan ko pa ang natitira. Siguradong pagtapos ko kumain ay naabot na rin ang gitna ng kulay White, Dark Blue, Purple at Pink.

"Bakit ba kasi hindi na lang kayo sabay-sabay matapos. Kaloka!" Tumayo na ako saka bumaba para kumain.

Katulad ng araw-araw na senaryo sa bahay ay inaasahan ko na ang pang-aasar niya kapag nagkita na kami. Pero hindi ko inaasahan na titignan lang ako ni Kuya ng makita akong pababa ng hagdan.

"Kumain ka na. Nauna na si Mama dahil may dadaanan pa raw siya."

"Ikaw ba, Kuya?"

"Mamaya na ako. Dalian mo kumain at sabay na tayo lumabas."

"Aba! Wala sa mood? Saan ang lakad mo?"

"Sa shop ni Mama. Ayoko makakita ng pangit, e. At saka boring sa shop mo,"

"Aba! Talaga naman. Akala ko pahinga ng asaran ngayon, bumuwelo ka lang pala," sabi ko saka siya tinalikuran.

Abala ako sa pagtingin sa Facebook ko ng pumasok sa kusina si Kuya para kumuha ng maiinom. Hindi ko siya pinansin at patuloy lang ako sa ginagawa.

"Ikaw ba ay may balak pumunta sa shop o papaabutin mo pa ng hapon 'yang kinakain mo?" pagsusungit nito.

"Sungit mo? Uy! Tumatanda na," pang-aasar ko.

"Dalian mo na riyan Susanne. Magdala ka ng payong bago tayo lumabas. Mukhang uulan," sagot ni Kuya saka iniwan ang baso sa lababo.

Sa kakatingin ko sa Facebook ko ay bigla nanamang nag pop-up iyong ads na nakita ko no'n. Hindi ko na tinapos ang kinakain ko at dali-daling tumakbo paakyat sa kuwarto.

"Kuya pahugas ako ng plato, ang sakit ng tiyan ko," sapo-sapo ko pa ang tiyan ko habang natakbo.

Hingal akong huminto sa harap ng mga kandila. Nanlumo ako ng makitang ang mga kandila ay lagpas kalahati na ang nabawas. Wala na akong nagawa kundi patayin na lamang ang apoy.

Simangot kong dinampot ang bag ko saka lumabas ng kuwarto dahil kanina pa naghihintay si Kuya.

MASYADONG naging mabilis ang araw. Ngayon ay araw na ng mga puso. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit ipinagpapatuloy ko pa rin ang nabasang ads sa Facebook. Na kung tutuusin ay sa ikatlong procedure ay pumalpak na ako.

Kahit na lumagpas na sa kalahati ang mga kandila no'n ay sinindihan ko pa rin ito pagsapit ng alas nuebe. Kahit na alam kong wala ng bisa ay mayroon pa rin sa loob kong ipagpatuloy.

Abala ako sa paglalaro. Nagpapalipas ng oras. Hinihintay na mag alas tres ng madaling araw para gawin ang pang-apat sa nabasa ko. Muli kong dinampot ang papel na katabi ko lang.

4. Pagsapit ng araw ng Valentine's day sa eksaktong alas-tres ng madaling araw ay sindihan ang kulay Indigo na kandila sa harap ng larawan ng lalaki pagkatapos ay maupo nang naka-Indian sit sa tapat nito. Ipikit ang mga mata at i-relax ang buong katawan at isip.

Kapag relax ka na at blangko na ang isip ay mag-isip ng isang lugar na gusto mong puntahan kasama ang dream guy mo. Isipin at idetalyeng mabuti upang maging malinaw ang imahe ng lugar. Kapag satisfied ka na sa ginawa mo ay hayaang nakasindi ang kandila.

Paulit-ulit ko na itong binabasa dahil ayoko ng magkamali sa pagkakataong ito. Tinignan ko ang aking relo, limang minuto na lang ay mag-aalas tres na ng madaling araw.

Tumayo ako mula sa pagkakahiga at kinuha ang mga kailangan. Inayos ko na ang binuo kong imahe ng lalaki at ang kandila. Dalawang minuto na lang ay sisindihan ko na ang kulay Indigo na kandila.

Panay ang lakad ko sa kwarto habang hinihintay ang oras. Nang tignan kong muli ang orasan ay eksaktong alas tres na ng madaling araw kaya naman dali-dali akong lumapit sa kandila at sinindihan ito. Naupo ako ng naka-Indian sit. Kinalma ko ang sarili at ipinikit ang mga mata.

Ang hampas ng alon na nagmumula sa dagat. Ang kulay ng kalangitan gawa ng papalubog na araw.

Ang hangin na humahaplos sa aking balat kasabay ng magagandang tanawin na aking nakikita. Ang sarap sa pakiramdam.

Inisip kong sa ilalim ng mga puno ay mayroong mahahabang kahoy na maaaring maupuan. Sa ilalim ng mga puno ay sabay naming papanuorin ang paglubog ng araw.

NAPAUNAT ako at biglang napabangon. Kaagad kong tinignan ang kandila at ang imahe ng lalaking aking nabuo.

"Naubos na ang kandila. Ano'ng nangyari?" Ipinagtataka ko kung paano akong nakatulog. Dahil ang huling naaalala ko ay nakaupo ako sa sahig at iniisip ang lugar kung saan kami magkikita.

Tulala akong nakaupo sa sala. Iniisip ang ginawa ko kaninang madaling araw. Hindi ko rin naman maiwasan na mapangiti kapag naiisip ko na ang lugar at kung gaano 'yon ka-romantic para sa akin.

Nagdahilan ako kaninang umaga na masakit ang tiyan kaya hindi ako pumasok ngayon sa store. Si Kuya na muna ang nagbantay ro'n ngayon kaya mag-isa ko lang sa bahay. Walang nang-iinis sa akin.

Nang makitang ala una na ng hapon ay umalis na rin ako sa bahay para gawin ang huling procedure.