Chereads / Ways To Find True Love / Chapter 6 - ~ Lexious ~

Chapter 6 - ~ Lexious ~

Ilang araw na akong nananaginip ng isang babae at paulit-ulit lang ang eksena sa panaginip ko. Sinasabihan ko raw siya ng 'I love you too' pagkatapos ay akmang hahalikan ko siya pero bigla na lang akong magigising.

Ang isa pang nakakainis ay hindi ko maaninag ang mukha ng babaeng iyon kahit ano'ng gawin.

At kapag sinusubukan kong magsalita para tanungin kung sino ito ay parang may kung ano'ng pumipigil sa aking magsalita.

"Lexious! Tulala ka na naman diyan. May problema ka ba?" usisa ng kaibigan kong si Alex ng madatnan akong tulala sa sala namin ng hapon na iyon.

"Ilang araw na kasi akong nanananginip ng kakaiba, e. Hindi ko naman maintindihan kung ano ba 'yon?"

"Ano ba 'yang napapanaginipan mo at lagi ka na lang tulala?"

"May babae raw na lagi kong sinasabihan ng 'I love you' tapos kapag hahalikan ko na siya bigla akong magigising. At isa pang nakakainis hindi ko makita ang mukha niya."

"Baka stress ka lang. Ang mabuti pa maglaro na lang tayo ng basketball. Nagyayaya ang barkada."

"Sige." At halos sabay na kaming tumayo at lumabas ng bahay. Siniguro ko munang nakasara ang pinto dahil walang ibang tao sa bahay kung hindi ako. Mahirap na at baka masalisihan kami.

Nang makarating kami sa covered court ay natanaw ko na ang iba na nag-wa-warm- up na.

"Game na!!" Sigaw ni Alex habang papalapit kami at nag-kanya-kanyang grupo na kami para sa isang friendly match. At dahil natuon na ang pansin ko sa laro ay pansamantala kong nakalimutan ang tungkol sa panaginip ko.

***

Gabi na ng magpasya kaming umuwi at halos naliligo na rin ako sa pawis.

"Kamusta ang pakiramdam mo? Gumaan ba?"

"Oo. Salamat. Bukas ulit." At naghiwalay na kami ng landas para umuwi. Nang makarating ako sa bahay ay nadatnan kong nakauwi na pala sila mom at dad mula sa trabaho nila.

"O? Buti at narito ka na. Kakain na tayo. Maglinis ka na muna ng katawan mo bago ka kumain."

"Yes mom." Mabilis akong umakyat at nagtungo sa kwarto para maglinis ng katawan pagkatapos kong magbihis ay bumaba na rin ako agad para kumain. Tahimik lang ang naging pagkain namin dahil pare-pareho kaming pagod at may kani-kaniyang iniisip.

"Akyat na po ako." Paalam ko ng matapos kumain. Hindi ko na hinintay ang pagsagot nila at mabilis na akong tumayo para umakyat ng kwarto.

Pagpasok ko sa silid ko ay basta na lang akong humilata sa kama at tumitig sa kisame habang nakaunan sa nakatupi kong mga braso sa ilalim ng ulo ko.

Muli ko nanamang naalala ang panaginip ko nitong nakalipas na apat na araw. Noong unang beses ko iyong mapanaginipan ay nakita ko ang babaeng nakatayo ilang hakbang ang layo sa akin at naka-stretch ang kaliwang braso na para bang inaabot ako. Pero ng mga sumunod na araw ay magkayakap na kami at sinasabihan ko na siya ng 'I love you too'.

"Bakit ba ako nananaginip ng gano'n?" Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako habang nag-iisip at muli ay dinalaw nanaman ako ng kakaibang panaginip.

***

"Sino ka ba talaga? Bakit hindi ko makita ang mukha mo?" Tanong ko sa babae na tinawanan lang ako.

"Mahal kita..." Tanging sagot nito. Naramdaman ko ang mabilis at malakas na pagkabog ng dibdib nang marinig ko ang sinabi nito kaya nasapo ko iyon.

"Pa'no? Hindi naman tayo magkakilala. Sino ka ba talaga?"

"Magkikita rin tayo..." Sabi nito bago lumapit sa akin at yakapin ako ng mahigpit. Naramdaman ko na lang ang pagdampi ng mga labi nito sa pisngi ko bago ito unti-unting naglaho na parang isang usok.

"Sandali!" At bigla na lang akong nagising na nakataas ang kanang kamay na parang may inaabot. "Siya nanaman?" Napapabuntong-hiningang usal ko na napatulala na lang sa kawalan. May dalawang linggo akong bakasyon mula sa trabaho pero mukhang wala ring silbi ang pahinga ko dahil hindi naman ako matahimik dahil sa mga panaginip ko.

Napilitan na rin akong bumangon dahil umaga na rin naman at nagtuloy sa banyo para gawin ang morning routine ko bago bumaba para mag-almusal.

"Morning mom, dad." Nang madatnan ko ang mga ito na nag-aalmusal na.

"Morning." Sabay na bati ng mga ito.

"Akala ko mamaya ka pa babangon kaya hindi na kita ginising." Sabi ng mommy ko.

"Nagising na po ako eh. Kaya napagpasyahan kong bumaba na." Sagot ko habang umuupo sa hapag.

"Siya nga pala. Valentine's day na bukas wala ka bang i-de-date?" Usisa ni mommy.

"Wala po."

"Bakit mukhang masama ang gising mo? Hindi ka ba nakatulog ng mabuti?" Tanong naman ni daddy.

"Nakatulog naman po. Naudlot lang po ang tulog ko." Pagdadahilan ko.

***

"Wala ka bang lakad ngayon?" Usisa ni mommy.

"Wala naman po. Magtutulog lang po ako maghapon. O kaya manonood ng mga movies," sagot ko. Napatango na lang ang mga magulang ko at nagpatuloy na sa pagkain. "Ako na po ang maghuhugas ng mga pinagkainan."

"Sige at aalis na rin kami," sabi ni mommy ng tumayo ito. Marami pang ipinagbilin ang mga ito bago tuluyang umalis habang iniligpit ko na ang hapag.

Inabala ko na lang ang sarili ko sa panonood ng matapos makapaglinis ng bahay para magpalipas ng oras. Hanggang sa hindi ko namalayan na mag-ga-gabi na pala kaya napagpasyahan ko nang magluto ng hapunan bago dumating sila mommy.

***

Nasa kasarapan ako ng tulog nang magising ako dahil sa tawag ng kalikasan kaya naman dali-dali akong bumangon at nagtungo ng banyo.

Nang pabalik na ako sa kama para muling matulog ay nalaman kong alas-tres palang ng madaling araw kaya pala antok na antok pa ako. Halos nakapikit na ulit ang mga mata ko habang pabalik sa paghiga hanggang sa hindi ko na namalayan na nakatulog na muli ako.

***

"Nasaan ako?" Bulong ko sa sarili ng iikot ko ang paningin sa paligid hanggang sa makarinig ako ng tunog ng alon kaya sinundan ko iyon at tumambad sa akin ang isang napakagandang tanawin dahil kitang-kita ko ang papalubog na araw at tumatama sa tubig ang kulay orange nitong sinag.

At doon ko lang napansin ang mga mahahabang upuang kahoy na nakapwesto sa lilim ng mga puno pero ang ipinagtataka ko lang ay bakit walang katao-katao kaya naman naglakad-lakad ako hanggang sa may matanaw akong isang pigura na nakaupo sa isa sa mga upuan.

Dahan-dahan akong naglakad palapit dito hanggang sa nakatayo na ako sa harapan nito.

Agad na kumabog ang dibdib ko ng harapin ko ito pero napakunot-noo ako ng hindi ko pa rin makita ang mukha nito dahil parang blurred iyon.

"Mabuti at dumating ka akala ko hindi ka na darating," sabi nito at mabilis na tumayo at niyakap ako ng mahigpit.

"Anong nangyayari? Anong ibig sabihin nito?" Naguguluhang tanong ko.

"Puntahan mo ako dito mamayang hapon. Hihintayin kita..."

"Saan? Dito sa lugar na 'to? Panaginip lang naman ang lahat ng ito, hindi ba?"

"Maghihintay ako... Puntahan mo ako...." Sabi nito sa tinig na parang palayo ng palayo hanggang sa tuluyan itong maglaho at bigla akong magising.

Hinihingal na napaupo ako sa ibabaw ng kama habang nakatulala at iniisip ang panaginip ko. Hindi ko maintindihan kung bakit parang nakakaramdam ako ng pagkabalisa at mayroon akong gustong puntahan.

"Ano bang klaseng panaginip 'yon? Hindi naman totoo ang lahat ng iyon." Napasabunot na lang ako sa buhok ko dahil sa nadaramang pagkalito. Wala sa sariling bumaba ako ng kama at naglakad palabas ng kwarto para magtungo sa kusina at uminom ng tubig.

"Hoy! Lexi!! Mukha kang zombie!!" Naibuga ko ang iniinom kong tubig sa mukha ng taong nanggulat sa akin at halos hindi ako makahinga dahil sa pagkasamid.

"Yuck!! Bakit mo 'ko binugahan ng tubig! 'Di ka pa yata nagmumog!!" Nandidiring bulalas ni Alex.

"A—no b—a?!" Naiinis na sigaw sa pagitan ng pag-ubo. Naramdaman ko na lang ang paghampas ni Alex sa likuran ko hanggang sa umayos na ang paghinga ko. "Kasalanan mo 'yan! Aga-aga nambubwesit ka!"

"Anong maaga? Tanghali na kaya. Alas dose na. Balak na nga kitang bulabugin dahil kanina pa ako nandito ang tagal mong magising."

"Ewan ko sa'yo! Ano bang kailangan mo?"

"Valentine's day ngayon."

"E, ano naman?"

"Pasyal tayo." Yaya nito.

"Ulol! Mag-isa ka. Hindi ako bakla!" Naiinis na sabi ko dito bago ito tinalikuran para bumalik sa kwarto ko.

Hindi ko na namalayan na dalawang araw na pala ang nagdaan matapos ang Valentine's day pero hindi pa rin nawawala ang pagkabalisa ko at parang may kung anong humihila sa akin paalis ng bahay para magtungo sa kung saan.

At dahil sa hindi ko na matiis ang nararamdaman ko ay nagpasya na akong umalis ng bahay at hanapin ang lugar na nasa panaginip ko. Nagawa ko ng i-search sa internet kung saan ba may ganoong klaseng lugar at ng makita kong nasa Maynila pa iyon ay mabilis na akong gumayak bago nagpaalam sa mga magulang ko na may pupuntahan lang ako. Kaya naman mula Batangas ay nagbyahe ako patungo ng Maynila.

Tanghali na ako nakaalis kaya inabot na ako ng traffic sa daan. Habang nasa byahe ay halos hindi ako mapakali at iniisip kung tama ba itong ginagawa ko dahil wala namang kasiguruhan kong totoo nga ba ang nasa panaginip ko o hindi.

Hanggang sa namalayan ko na lang na huminto na ang bus na sinasakyan ko sa terminal at hindi na ako nag-aksaya ng oras at mabilis na naghanap ng masasakyang taxi. Nang may makita akong bakanteng taxi ay mabilis ko itong pinara para sumakay at mabilis na sinabi sa driver ang lugar na pupuntahan ko.

Habang nasa byahe ay nakatanaw lang ako sa labas ng bintana dahil napansin kong papalubog na ang araw at kung mata-traffic na naman ako ay siguradong aabutin na ako ng gabi bago ako makarating sa lugar na iyon.

***

Nabalik lang ako sa sarili ng ianunsiyo ng driver na nakarating na kami sa lugar na sinabi ko. Mabilis akong nagbayad at bumaba. At halos patakbo akong nagtungo sa direksiyon ng nakahilerang mga upuan para alamin kung mayroon ba doon babaeng naghihintay. Pero kahit isang tao ay wala akong nakita kaya naman nanlulumo akong napaupo sa upuang malapit sa akin at tumanaw sa dagat. Naisip kong baka hindi naman talaga totoo ang panaginip na iyon hanggang sa may mahagip ako mula sa gilid ng aking mga mata sa kasalungat na direksyon ng pinanggalingan ko. Napalingon ako doon at nakita kong mayroong naglalakad papalapit sa direksyon ko.

Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko ng halos ilang hakbang na lang ang layo nito sa akin. Ang una kong napansin ay ang suot nitong bestida na katulad ng suot ng babaeng nasa panaginip ko at ng magtaas ako ng tingin ay napansin kong nakatulala ito at parang naiiyak pa yata.

"Miss?" Tawag-pansin ko dito habang nag-aalangan kung lalapitan ko ba ito o hindi.

Isang hakbang na lang ang layo ko ng maulinigan ko ang ibinulong nito.

"Totoo nga... Totoo ka..."

"Miss!" Sigaw ko ng bigla na lang itong mawalan ng malay mabuti na lang at nasalo ko ito bago pa man ito bumagsak sa lupa. "Hindi lang siya isang panaginip...." Bulong ko pa habang pinagmamasdan ang mukha nito.

Maingat ko itong binuhat para iupo sa malapit na upuan at naupo na rin ako sa tabi nito bago ko ipinatong ang ulo nito sa kanang balikat ko. Pinagmasdan ko na lamang muna ang papalubog na araw habang hinihintay itong magising.

The End.