Chapter 6 - ALEXANDER

"Kailangan ba talaga nating gawin 'to?" Kunot-noong tanong ko habang nakatayo kaming apat sa tapat ng nakabukas na malaking bintana kung saan tanaw ang likod na bahagi ng paupahan.

"S'yempre! Para makita niya tayo agad pagbukas niya ng bintana sa kwarto niya." Nakangiting sagot ng bunso kong kapatid na si Chris.

"Eh, bakit kailangan nakahubad pa?" Nakasimangot na tanong ni Samuel ang sumunod sa akin.

"H'wag na nga kayong mausisa. Hintayin na lang natin siya," sabi naman ni Jake ang ikatlo sa aming magkakapatid.

"Basta talaga kalokohan nagkakasundo kayong dalawa, ano?" At tinapunan ito ng masamang tingin na nginisihan lang ako at may kasama pang pagkibit ng mga balikat.

"Tumahimik na kayo. Binubuksan na niya ang bintana," saway ni Chris.

"Paano mo naman nasisigurong siya iyan?" usisa ni Sam.

"Pakiramdam ko lang."

Napailing na lang ako at itinuon na ang pansin sa bintanang unti-unting bumubukas. Nang tuluyan iyong bumukas at dumako sa direksyon namin ang paningin ng babae ay nakita kong nanlaki ang mga mata nito. Nakita ko naman sa gilid ng kanang mata ko nang ngitian at kawayan ito ni Chris. At nagulat na lang kami ng bigla nitong isara ang bintana.

"Sabi na, eh, masamang ideya talaga 'tong naisip mo, Chris. Naeskandalo siya dahil sa ayos natin. Ikaw ba naman ang makakita ng mga taong nakahubad," sermon ko rito.

"H'wag ka nga, Alex. Nakita naman nating namula siya ng ngitian at kawayan ko siya."

"Ewan ko sa 'yo! Mag-ayos na nga tayo at ng makapasok na." Pagkasabi ko niyon ay agad na akong tumalikod at dinampot ang polo shirt ko na nakapatong sa sandalan ng sofa bago tuluyang naglakad pababa ng hagdan. Nauna na akong lumabas ng bahay habang nagsusuot ng damit at nagtuloy sa garahe. Mabuti na lang at tao lang o nilalang na may sariling mga buhay ang hindi maaaring pumasok at makapasok sa harang. At nagagawa pa rin naming makalabas para makakuha at makabili ng mga gamit mula sa labas, gaya ng mga sasakyan at iba pang mahahalagang bagay.

Nasa kanto na ako at paliko na sana sa kanan nang dumaan sa harap ko ang isang pedicab kung saan lulan ang babaeng nakita namin kanina. At kasama si Melanie, isa sa mga tauhan ko sa Store.

"Saan kaya ang tungo ng mga ito?" bulong ko habang mabagal na pinaaandar ang sasakyan upang sundan ang mga ito. Ilang sandali pa ay nakita kong lumampas ang sinasakyan ng mga ito sa store na pag-aari ko tumigil sa tapat ng palengke. Habang huminto naman ako sa tapat ng store ko at tinanaw na lang ang mga ito gamit ang mas matalas kong mga paningin na alam kong hindi pangkaraniwan para sa mga normal na mga tao.

Hinintay ko munang makababa ng pedicab ang mga ito at makapasok sa loob ng palengke. Pero napakunot-noo ako ng mapansin ang kakaibang tingin ng mga tao. Mukhang kailangan ko silang kausapin para tigilan nila ang pagtitig sa babae.

Kaya naman napagdesisyunan ko na pag-uwi ko ay kakausapin ko ang mga kapatid ko upang magpatawag ng pangkalahatang meeting at para na rin ipakilala soya sa lahat.