"Andito na tayo," anunsyo nito nang huminto kami sa tapat ng malaking department store. Nakita kong marami-rami ring tao sa loob at mukhang abalang-abala ang lahat.
"Sinong tatanungin mo para malaman kung may bakante?" usisa ko habang papasok kami sa loob ng store at palinga-linga sa paligid.
"Iyong head namin, si Ate Marie. Siya kasi ang humahawak ng mga tauhan dito sa store," sagot nito habang palinga-linga. "Teka, ayon siya sa may tapat ng opisina ni sir." Turo nito sa kaliwang bahagi ng store. At nang lingunin ko ang itinuturo nito ay nakita ko ang isang babae na may kausap na lalaking nakatalikod sa direksyon ko. "Halika, lapitan natin."
Bago pa ako makapagsalita ay nahawakan na ako nito sa kanang braso at hinila patungo sa kinaroroonan ng mga ito.
"Hi, ate Marie!" sigaw nito habang lumalapit dito kaya napatingin ito sa direksyon namin, na ikinalingon naman ng lalaking kausap nito.
'Di sinasadyang nagsalubong ang mga mata namin at pakiramdam ko ay tumigil ang paligid habang magkahugpong ang mga paningin namin.
Hindi ko na namalayang nakatayo na pala ako sa mismong harapan nito, kung hindi lang ako tinawag ni Melanie ay hindi ako matatauhan.
"Liane, si sir Alexander, ang boss namin. Sir, si Liane po pala. Bagong boarder ni Manang Rose." Pakilala nito sa aming dalawa. "At Liane, ito naman si Ate Marie. Iyong sinasabi ko kanina."
"Nice to meet you po, sir," bati ko sa boss ni Melanie bago bumaling sa babaeng tinawag nitong Marie. "Hello po."
"Nice meeting you too, Liane," sagot nito habang seryosong nakatitig sa akin bago tumingin kay Melanie. "Bakit narito ka? Hindi ba't day-off mo ngayon?"
"Opo, inilibot ko lang po itong si Liane dito sa lugar natin. Pagkatapos ay dumaan na kami dito para sana tanungin si ate Marie kung may bakante pang pwedeng pasukan. Naghahanap kasi ng trabaho itong si Liane."
"Ah…" Patangu-tangong sabi ng boss nito habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa. At pagkatapos ay tinitigan ako sa mukha. At dahil sa pagkailang ay wala sa sariling napaatras ako para magtago sa likod ni Melanie.
"Ah…titingnan ko muna sa record para malaman ko. Hindi ko kasi maalala."
"Don't bother, Marie. Mayroon pang bakanteng pwesto. Pumunta ka sa opisina para mapag-usapan ang tungkol doon." Baling ni sa babae bago muling tumingin sa akin. "At ikaw naman, Miss Liane, kung ayos lang sa 'yo bumalik ka bukas dala ang mga requirements na meron ka."
"Talaga po? Sige po, sir. Salamat!" Nakangiting sabi ko rito dahil hindi pa man ay pakiramdam ko ay matatanggap na ako.
"See you tomorrow," paalam nito bago tumalikod at naglakad patungo sa nag-iisang pinto na malapit sa kinatatayuan namin.
"Ang swerte mo!" Kinikilig na sabi ni Melanie habang niyuyugyog ako. "Alam mo bang hindi iyon basta-basta nakikipag-usap sa kahit na sino? Hay…ang gwapo niya talaga…"
"Tumigil ka nga riyan, Melanie. Marinig ka ni sir," saway ni ate Marie.
"Ito naman, nagde-day dream lang, eh. Halika na nga, Liane," yaya nito at basta na lang ako hinila paalis ng lugar na iyon.
"Saan naman tayo pupunta ngayon?" usisa ko nang makalayo kami sa store.
"Sa restaurant ni sir Jake. Ikatlong kapatid ni sir Alexander. Alam mo bang quadruplets sila at si sir Alexander ang panganay. At siya rin pala ang tumatayong lider sa lugar na ito."
"Talaga? Parang mayor? Buti nagagawa pa niyang asikasuhin ang negosyo niya kahit na siya ang lider ninyo?"
"Mayor? Oo, tama, parang mayor. At hindi naman siya nahihirapan dahil wala namang gaanong nangyayaring gulo dito sa lugar namin."
"Ah…eh, bakit sa restaurant tayo pupunta? Anong gagawin natin doon?"
"Ano bang ginagawa sa restaurant, 'di ba kumakain?"
"Pero wala akong pambayad doon. Uuwi na lang ako para doon kumain sa apartment."
"Ano ka ba? Sagot kita." Tanging sabi nito habang pumapara ng pedicab na sasakyan namin.
"Saan tayo, ineng?"
"Sa Jake's Restaurant po."
Wala na akong nagawa kundi ang sumunod dito nang sumakay ito sa pedicab.