Chapter 12 - ALEXANDER

Matapos ang tagpo kaninang umaga ay halos wala ako sa sarili habang binabasa ang isa sa mga nakatambak na report sa mesa. At dahil wala rin naman akong maintindihan ay tuluyan ko na iyong inilapag at napapabuntonghiningang napasandal sa aking kinauupuan.

Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin ako makapaniwala na darating pa ang araw na ito. Matagal ko ng inihanda ang sarili na tatanda na lamang kaming magkakapatid na walang ibang makakasama kundi ang isa't isa lang.

Dahil kahit gustuhin man naming sumubok na magmahal ay hindi maaari. Tanging ang babaeng itinakda para sa amin ang kailangan naming makasama. At kahit tangkain naming hanapin siya sa labas ng lugar na ito ay hindi iyon ganoon kadali, lalo na kung hindi namin alam kung ano ang hitsura niya. Hindi rin namin maaaring iwan ang lugar na ito dahil dito kami lumaki, nagkaisip at mahalaga para sa amin ang lahat ng narito. Higit sa lahat delikado para sa amin ang siyudad.

"Mom, dad… kung narito lang sana kayo ngayon magiging madali para sa amin ang lahat. Kailan ba kayo babalik? Napakatagal n'yo nang hindi umuuwi." Hindi ko napigilang ibulong sa kawalan.

Nasa ganoon akong ayos nang basta na lang bumukas ang pinto na lumikha ng malakas na ingay. Na muntik kong ikahulog sa kinauupuan. Kaya naiinis na sinamaan ko ng tingin ang unang taong bumungad sa pinto at tanging may lakas ng loob na gawin iyon sa opisina ko.

"Anong ginagawa mo rito, Chris? Wala ka bang trabaho?" Nakasimangot na naglakad ito palapit sa isa sa dalawang bakanteng upuan na nasa harapan ng mesa ko at pabagsak na naupo. Pero bago pa man ito makasagot ay nakita kong pumasok din si Jake na may malawak na ngisi kasunod ang kunot-noong si Sam. "Anong ginagawa ninyo rito?" Naiiritang tanong ko na muling napasandal sa kinauupuan at humalukipkip.

"Ibinalita ko lang sa kanila na nakita at nakausap na natin ng malapitan si Liane," sagot ni Jake habang isinasara ang pinto.

"Dahil lang doon nagpunta pa kayo rito?" 'Di makapaniwalang tanong ko.

"Of course! Madaya kayo! Bakit hindi n'yo man lang ako tinawagan para nakausap ko rin siya," maktol ni Chris habang nakatitig lang sa akin si Sam.

"Natural lang naman na magpunta si Liane sa kinaroroonan ko dahil restaurant iyon." Napapailing na sagot ni Jake na nanatiling nakatayo malapit sa pinto. "Ano naman ang gagawin niya sa construction site at sa police station?" Pang-aasar nito.

"Kahit na! Nakakainis!"

"Chris, tumigil ka nga! Para ka talagang bata, eh, magkakaedad lang naman tayo," saway ni Sam dito kaya napahalukipkip na lang ito habang pinupukol ng masamang tingin ang sahig.

"Hindi ko rin naman inaasahan na makikita at makakausap ko siya. Nagkataon lang na naghahanap siya ng mapapasukan at dito siya dinala ni Melanie."

"Kailang siya magsisimula?" Biglang tanong ni Chris na bakas ang pagkasabik sa mukha at tinig.

"Hindi pa siya magsisimula. Mag-a-apply pa lang siya."

"Bakit hindi mo na agad tinanggap? Pinahihirapan mo pa?"

"P'wede ba, Chris? Huwag kang masyadong atat. Magtataka iyon kapag tinanggap ko agad siya ng hindi tinitingnan ang mga requirements."

"Oo na. Basta ang daya n'yo pa rin. Kailan ba tayo magpapakilala sa kaniya? Hindi na ako makapaghintay."

"Hindi pa maaari. Kailangan muna nating masigurong komportable na siya rito para hindi na siya matakot at umalis," sabi ni Sam na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita na. "Kaya kailangan nating magtiis sa pag-titig at paglanghap sa sariwa niyang katawan." Tanging mga pag-ungol na lang ang naitugon ni Chris sa sinabi Sam. Dahil pare-pareho naming alam na tama si Sam.

"Pero ngayong alam natin na siya ang babaeng itinakda para sa atin, hindi malayong matuklasan na rin ito ng kalaban," seryosong sabi ko na napakuyom pa ang mga kamao dahil sa nadaramang galit.

Ramdam ko ang pagbabago ng paligid. Kung kanina ay magaan ang atmosphere ngayon ay nabalot iyon ng mabigat na aura, tanda na seryoso na rin ang tatlo.

"Tama ka, Alex. Kaya kailangan nating masigurong ligtas siya mula sa malayo," sang-ayon ni Sam.

"Hindi ko pa rin maintindihan hanggang ngayon kung bakit gusto nila tayong kalabanin. Hindi naman natin sila pinakikialaman sa mga ginagawa nila basta huwag lang silang manggugulo rito sa atin. " Kunot-noong sabi ni Chris.

"Huwag mo na munang isipin ang tungkol sa kanila. Ang pagtuunan mo ng pansin ay ang kaligtasan ni Liane."

"Pero, Alex, paano natin gagawin iyon ng hindi siya nilalapitan?" reklamo ni Jake.

"Oo nga. Isa pa gusto ko talaga siyang makita ng malapitan."

"Chris, Jake, pati ba naman iyan ako pa ang mamomroblema? Bahala kayong gumawa ng paraan para makalapit sa kaniya." Naiiritang sagot ko.

"Hmp! Gagawa talaga ako ng paraan," sagot ni Chris na mabilis ng tumayo mula sa kinauupuan nito at tuloy-tuloy na naglakad palabas ng pinto.

"Bumalik na kayo sa mga ginagawa ninyo. Mamaya na lang ulit natin ituloy ang usapang ito kapag nasa bahay na tayo."

Walang sali-salitang naglakad na patungo sa pinto sina Sam at Jake at tahimik na lumabas. Pagkasara ng pinto ay nahulog ako sa malalim na pag-iisip nang maalala ko ang nakaraan.