"Sarap mo." Hinihingal na sabi habang nakatitig sa aking mga mata.
"Ba-bakit mo ba ginagawa sa akin ang mga ito? Bakit hindi ko makontrol ang katawan ko? Kahit alam kong hindi dapat nangyayari ang mga ginagawa mo sa akin ay hindi ko magawang utusan ang katawan ko na pigilan at itulak ka. "
"Malalaman mo rin pero hindi pa ngayon," sagot nito pagkatapos ay muling hinawakan ang kamay ko at inakay palabas ng kwartong iyon. Nang masigurong naka-lock na ang pinto ay muli itong naglakad, akala ko ay babalik kami sa opisina nito. Pero napansin kong patungo kami sa labas ng grocery store.
"Saan tayo pupunta?" Nagtatakang tanong ko.
"Ihahatid na kita sa tinutuluyan mo. "
"Ha? Teka lang, sir. Hindi na po kailangan alam ko naman na po kung paano makabalik doon. " Pigil ko rito. Pero parang wala itong narinig na dire-diretsong naglakad palapit sa isang nakaparadang kulay pulang kotse.
"Sakay na," utos nito nang buksan ang pinto ng passenger seat.
"Pero—" Naputol ang sasabihin ko ng makita ang pagkislap ng mga mata nito at parang may sariling isip na gumalaw ang katawan ko at sumakay sa kotse nito. At mabilis naman itong umikot patungo sa may driver's side at sumakay.
At dahil naputol na ang pagkakahinang ng aming mga mata ay doon ko lang muling naigalaw ang aking katawan. Kasabay ng pagsibol ng galit sa aking dibdib kaya tinapunan ko ito ng matatalim na tingin habang umaayos ng upo.
"P'wede ho ba, sir? Kapag ayaw kong sumunod sa gusto n'yo, huwag mo akong pilitin!" Nanginginig ang tinig na sabi ko dahil sa pagtitimpi.
Bigla itong lumingon sa akin na ikinagulat ko. Akala ko ay magagalit ito dahil tinanggal nito ang pagkakakabit sa sariling seatbelt at biglang dumukwang sa direksyon ko. At dahil sa takot ay mariin akong napapikit at hinintay na lang ang kung anumang nais nitong gawin sa akin.
Pero agad din akong napadilat ng marinig ko ang mahina nitong tawa kasabay ng paglapat ng seatbelt sa katawan ko bago ito muling umayos ng upo. Ramdam ko ang pag-iinit ng buong mukha dahil sa kahihiyan kaya naman itinuon ko na lang ang mga mata sa labas ng bintana at pinagmasdan ang mga nadaraanan namin.
Naging tahimik ang buong byahe dahil hindi ko magawang sagutin ng maayos ang mga tanong nito kaya tumigil na rin ito sa pagsasalita. Hanggang sa namalayan ko na lang na nakahinto na kami sa tapat ng apartment na tinutuluyan ko.
"Paano mo nalamang dito ako tumutuloy?" Nagtatakang tanong ko. "Wala naman akong sinabing lugar."
"Nakalimutan mo na ba? Nakita ka namin sa bintana."
Oo nga pala. Napailing na lang ako ng maalala ang araw na iyon habang kinakalas ang seatbelt at akmang bubuksan na ang pinto para bumaba ng bigla itong nagsalita.
"Huwag kang gagalaw," utos nito at mabilis na bumaba ng sasakyan at umikot sa side ko upang binuksan ang pinto. "Halika na. " Sabay lahad ng kaliwang kamay nito upang alalayan akong bumaba.
Wala na akong nagawa kundi tanggapin ang kamay nito dahil sigurado akong hindi ito aalis sa kinatatayuan nito.
"Salamat po, sir. Okay na po ako rito, p'wede na po kayong umalis masyado ko nang naabala ang araw n'yo," sabi ko habang isinasara nito ang pinto ng kotse.
Nang magsasalita na ito ay siya namang pagsinghap ng kung sinong nasa likuran ko dahilan para bigla akong mapalingon at mawalan ng balanse. Mabuti na lang at maagap si sir Alexander at nasalo ako bago pa man bumagsak ang katawan ko sa lupa.
"Tsk!!" Narinig ko mula kay sir Alexander.
"Sorry po. " Mabilis kong sabi ng makatayo ng maayos pero ng tingnan ko ang mukha nito ay hindi ito sa akin nakatingin kung hindi sa taong nasa likuran ko na si Manang Rose.
"Pasensya na hindi ko sinasadyang gulatin ka." Hinging-paumanhin nito na ikinagulat ko.
"Okay lang po iyon. Medyo magugulatin lang talaga ako. "
"Magandang araw po, sir. " Bati nito sa kasama ko.
"Sir? Siya rin po ba ang may -ari nitong paupahan?" 'Di ko napigilang itanong at tumango naman si manang bilang sagot. "Ahh.. "
"May kailangan po ba kayo?"
"Wala naman. Inihatid ko lang itong si Liane," sagot nito at saka muli akong hinarap. "Magpahinga kang mabuti para magampanan mo ng maayos ang trabaho mo bukas."
"Op— Sige, sir. " Biglang bawi ko sa una kong sasabihin ng mapansin ko ang paniningkit ng mga mata nito.
"Good. Alis na 'ko. "
"Ingat kayo, sir. " Sabay naming sabi ni manang. Bago ito bumalik sa kotse ay huminto muna ito sa harapan ko at dinampian ako ng halik sa .ga labi. Nanlaki ang mga mata ko sa ginawa nito lalo na at kaharap pa namin si manang. Pero nang lingunin ko ang kinaroroonan nito ay nalaman kong wala na ito roon.
"Pumasok ka na," utos ni sir Alexander. Tumango na lang ako at wala sa sariling naglakad papasok sa pinto. Nang makapasok ako ng bahay ay saka ko lang narinig ang pag -andar ng sasakyan nito.
Napapabuntonghiningang napasandal ako sq nakasarang pinto nang bigla akong makaramdam ng pagkahapo. Dahil napakabilis ng mga pangyayari at hindi ko mapaniwalaan ang mga naganap sa akin.
Nang mahamig ko ang sarili ay saka lang ako nagkalakas na maglakad paakyat ng hagdan upang magtuloy sa kwarto ko. At dahil sa mga hindi maipaliwanag na kaganapan ay buong maghapon akong wala sa sarili. At hindi ko maintindihan ang sarili, dahil sa halip na takot ang aking maramdaman ay tila punung-puno ng pananabik ang dibdib ko.
At gustuhin ko mang sabihin kay Melanie ang mga nangyari ng sumapit ang gabi at kamustahin ako tungkol sa pag-a-apply ko ay para bang may pumipigil sa akin na gawin iyon. Kaya naman wala na akong ibang nagawa kung hindi ang sarilinin ang lahat. Mabuti na lang at nakuntento na ito sa sagot kong magsisimula na akong mag-training bukas at sabay na kaming papasok.