Nasa kasarapan ako ng tulog ng maalimpungatan dahil parang may naulinigan akong nagsasalita. Na agad ko ring binalewala sa pag-aakalang panaginip lang iyon at inaantok na umikot ng higa paharap sa dingding at bumalik sa pagtulog.
Nang muli akong magising ay disoriented ako lalo na at hindi pamilyar ang paligid kaya ilang sandali rin akong tulala at pilit iniisip kung nasaan ako. Hanggang sa unti-unting bumalik sa akin ang lahat. Ang paglalayas ko at ang lugar kung saan ako naroroon ngayon. Dahilan para bigla akong mapabangon na nagdulot ng pagkahilo ko. Nagtaka pa ako kung paanong nahubad ang mga sapatos ko at maayos na ang aking pagkakahiga dahil ang naaalala ko ay nakalawit ang mga paa ko nang makatulog ako.
"Hayaan na nga lang, baka hindi ko lang napansin na hinubad ko ang sapatos ko kagabi dahil sa sobrang antok," bulong ko sa sarili habang dahan-dahang tumatayo. Naalala kong maaga ang oras ng almusal kaya kailangan ko ng mag-ayos ng sarili para hindi ako maubusan ng pagkain. Matamlay na nilapitan ko ang bag kung saan naroon ang mga damit ko para kumuha ng bihisan bago lumabas ng kwarto para magtungo ng banyo at dahil halos wala ako sa sarili ay ikinagulat ko ang biglang pagbukas ng pinto ng banyo kaya impit akong napatili ng bumulaga sa akin ang taong natatabunan ng mahabang buhok ang mukha.
"Sorry," hinging-paumanhin nito habang hinahawi ang mahaba nitong buhok bahagya pa itong natigilan at napatitig ng makita ako.
"Okay lang," sagot ko rito na may nakapaskil na alanganing ngiti sa mga labi dahil sa pagkailang.
"Bago ka lang dito?" Tanong nito sa 'kin habang ibinabalot sa tuwalya ang basang buho at gumilid upang bigyan ako ng daan.
"Oo. Kagabi lang," sagot ko habang papasok sa banyo. "Pasensya na pwede bang mamaya na tayo magkwentuhan nakakahiya naman sa susunod na gagamit ng banyo," nakangiting sabi ko kahit na ang totoong dahilan ay ang pagkaasiwa ko dahil para bang kinikilatis ako nito.
"Sige lang." At naglakad na ito palayo habang isinara ko naman ang pinto ng banyo kaya hindi ko na nakita kung alin sa mga pintong naroon ang inookupa ng babae. Ilang sandali rin akong napatitig sa salaming nasa harapan ko bago ako nagsimulang maghubad para maligo. Gustuhin ko mang magtagal sa banyo ay hindi maaari dahil alam kong may iba pang kailangang gumamit niyon. Kaya ilang sandali lang ay tapos na akong maligo at pabalik na sa kwarto upang ipasok ang mga hinubad ko at para makapagsuklay na rin. Nang maalala ko ang maliit na bintana malapit sa kama kaya habang nagsusuklay ay inusisa ko kung paano buksan ang bintanang inakala kong kahoy pero ng hawakan ko iyon ay doon ko nalamang salamin pala iyon na halos kakulay na ng kahoy.
At nakapa ko sa bandang ibaba ang tila isang pindutan at ng subukan kong pindutin iyon ay marahang umawang ang bintana. Itinigil ko muna ang pagsusuklay upang silipin ang siwang ng bintana para alamin kung ano ba ang nasa parteng iyon. Puro puna ang nahagip ng paningin ko kaya lakas loob ko na iyong tuluyang binuksan pero halos panawan ako ng ulirat ng tumambad sa akin ang isang napakalaking bahay at katapat ng maliit kong bintana ay ang malaking bukas na bintana. At sa tapat niyon ay may nakatayong apat na lalaking pare-parehong walang suot na pang-itaas. Hindi ko napansing matagal pala akong napatitig sa mga ito. At natauhan lang nang kawayan at ngitian ako ng isa sa mga iyon kaya wala sa sariling bigla kong naisara ang bintana mabuti na lang at hindi ito nabasag. Nanlalambot na napaupo ako sa gilid ng kama habang sapo ang dibdib dahil sa kaba. Ramdam ko rin ang pag-iinit ng buong mukha ko dulot ng hiya dahil sa inasta ko.
"Ano ba naman 'yan? Napadpad lang ako sa ibang lugar nagkakaganito na ako…" Naiinis na bulong ko sa sarili at mabilis na tinapos ang pagsusuklay bago napagpasyahang tuluyan ng lumabas ng kwarto. Tinapunan ko muna ng sulyap ang nakasarang bintana bago ko tuluyang isinara ang pinto ng aking kwarto. Nang makarating ako sa hagdan ay ibang kaba naman ang bumalot sa akin nang marinig ko ang mga tinig na nagmumula sa may dining area.
"Kaya ko 'to," bulong ko sa sarili at huminga ng malalim bago tuluyang bumaba ng hagdan at doon ay tumambad sa akin ang iba pang mga babaeng nakatira sa bahay na iyon.
"Good morning," bati sa 'kin nang babaeng nasalubong ko kanina na palabas ng banyo nang mapalingon sa direksyon ko habang hinihila ang silyang uupuan nito..
"Morning..." Bati ko sa nahihiya at naiilang na tinig dahil sa walong pares ng mga matang nakatutok sa akin na bakas ang gulat at pagtataka. At ang kaninang maingay na hapag ay binalot ng nakabibinging katahimikan dahil sa presensya ko.
"Halika dito ka na maupo sa tabi ko. Ako nga pala si Melanie," pakilala ng babaeng nasalubong ko sa paglabas ng banyo na itinuro ang bakanteng silya sa tabi nito. Napansin kong mas matangkad pala ako ng ilang pulgada rito sa taas kong 5'2 dahil nanatili pa itong nakatayo ng makalapit ako at saka lang ito umupo ng makaupo na ako. May pagka-chubby rin ito at hanggang beawang ang naakalugay nitong itim at mahabang buhok.
"Liane," sagot ko nang makaupo. Inisa-isa naman nitong ipinakilala ang walong babaeng naroon sa hapag pero dahil sa dami nila ay halos hindi ko na matandaan ang pangalan ng iba sa kanila matapos ang pagpapakilala ay nagsimula na kaming kumain. At dahil bago lang ako ay nagkasya na lang ako sa pakikinig sa kwentuhan ng mga ito at nagsasalita lang kung mayroong magtatanong sa akin. Hindi ko mapigilang mapasulyap-sulyap sa suot kong relo upang alamin ang oras dahil hindi ko alam kung anong oras ba pwedeng lumabas.
"Bakit panay ang tingin mo sa relo mo?" Puna ni Melanie.
"Ha? Ah chine-check ko lang 'yong oras."
"Bakit?"
"Ano kasi…inaalam ko lang kung anong oras ba pwedeng lumabas…" sagot ko sa mahinang tinig. "Bago lang kasi ako rito at hindi ko pa alam ang mga patakaran."
"Ah…h'wag kang mag-alala akong bahala sa 'yo. May oras kasi ang pagpapasada ng mga pedicab dito. Alas-otso ng umaga hanggang alas-siete ng gabi. Kapag lumampas na doon wala ka ng masasakyan kaya mapipilitan kang maglakad."
"Ah…"
"Gusto mo bang ipasyal kita para maging pamilyar ka rito sa lugar namin? Tamang-tama wala akong pasok sa trabaho ngayong araw."
"Okay lang ba? Pero pahinga mo ang araw na ito."
"Ayos lang 'yon. May dadaanan din naman ako, eh."
"Ikaw ang bahala. Anong oras tayo aalis?"
"Mas maganda ang maaga para mailibot kita. Kaya bilisan mo nang kumain para makaalis na agad tayo."
"Sige." At itinuon ko na ang buong pansin ko sa pagkain hanggang sa matapos ako at mahugasan ko na ang kinainan ko. "Melanie...may kukunin lang ako saglit sa kwarto ko," paalam ko rito dahil hindi pa naman ito tapos kumain kaya tinanguan lang ako.
Mabilis akong umakyat ng hagdan at pumasok sa kwarto para kunin ang pitaka kong nasa loob ng bag. Paalis na sana ako ng maalala ko ang malaking bahay at ang apat na lalaki.
"Makikita ko kaya sila ng malapitan?" Gusto ko sana uling buksan ang bintana upang alamin kung naroon pa ang mga ito pero agad rin akong napailing at mabilis ng lumabas ng kwarto para maghintay sa sala. Pababa na ako ng hagdan ng marinig ko ang usapan ng mga nasa dining area kaya napahinto ako sa paghakbang upang makinig.
"Sa tingin n'yo paano kaya siya nakapasok dito sa lugar natin? 'Di ba may harang ito para hindi makapasok ang mga tagalabas?"
"Oo nga. Ano kayang gagawin ni Supremo kapag natuklasan nilang may tagalabas na nakapasok."
"Hindi naman siguro nila parurusahan o sasaktan iyong babae, ano sa tingin ninyo?"
"Tumigil na nga kayo. Baka mamaya marinig pa kayo no'ng tao, ano pa ang isipin," saway ng tinig na pamilyar na sa akin. Si Melanie.
Nang masiguro kong wala ng nagsasalita ay saka ko itinuloy ang pagbaba para magtuloy sa sala at doon maghintay.
Hindi naman ako natagalan sa paghihintay dahil ilang sandali lang ay lumabas na si Melanie na agad akong nakita kaya sinenyasan na akong tutuloy na kami sa labas. Kaya tumango na ako at mabilis na tumayo para magtungo sa pinto.
"Bayan ho, manong," sabi nito sa driver ng tumapat kami sa isang bakanteng pedicab na kasya lang ang dalawang tao bilang pasahero.
Nakita ko ang gulat sa mukha ng lalaki nang makita ako at ilang sandali rin itong natulala, bago nagawang hamigin ang sarili at sumenyas na sumakay na kami.
"Malayo ba ang bayan mula rito sa bahay?" usisa ko ng makasakay kami.
"Hindi naman gaano. P'wede mo pa ring lakarin kung maaga pa at hindi ka nagmamadali."
"Ah…"
"Bakit?"
"Wala naman. Balak ko kasing maghanap ng mapapasukan dahil hindi tatagal ang pera ko."
"H'wag kang mag-alala aalamin ko kung may bakante sa pinapasukan ko. Ipapaalam ko kaagad sa 'yo."
"Talaga? Salamat!"
"Wala 'yon."
Matapos ang usapang iyon ay nawalan na kami ng imikan. Inabala ko na lang ang sarili sa pagmamasid sa paligid na malaya kong nagagawa dahil sa mabagal na andar ng sinasakyan namin.
Hindi ko mapigilan ang paghigit ng malalim na paghinga dahil sa sariwang hangin. Na dulot ng nagtataasan at malalagong puno na nakikita ko saan man ako lumingon. Tahimik ang paligid kahit na marami na akong nakikitang mga taong abala sa mga gawain nila. At ramdam ko ang kapayapaan sa lugar na tipikal sa isang probinsiya. Kahit marami akong nakikitang mga bahay ay hindi nagmumukhang crowded ang lugar dahil bawat pwesto ay mayroon pa ring mga bakod at may malawak na bakuran.
Wala sa sariling nahiling ko sa sarili na kung magkakaroon ako ng sariling bahay ay ganito ang gusto kong tirhan.
Pero kahit nililibang ko ang sarili sa mga nakikita ko sa paligid ay napapansin ko pa rin ang reaksyon ng mga taong nakakakita sa akin. Na para bang nakakita sila ng multo.
"Siya nga pala, kung mapapansin mo halos lahat ng bahay ay narito sa unahan. Kung may makikita ka mang nakahiwalay ay napakadalang lang." Narinig kong sabi ni Melanie kaya dito na nabaling ang pansin ko.
"Ah…eh, 'yong malaking bahay sa likod ng paupahan? May nakita kasi akong mga lalaki doon kaninang umaga nang buksan ko 'yong bintana sa kwarto ko."
Napansin kong bahagya itong natigilan at ilang sandaling hindi kumibo at inakala kong hindi na ito sasagot.
"Doon nakatira ang ano…ang lider ng lugar na ito. At iyong nakita mong mga lalaki, maaaring ang magkakapatid iyon. Namukhaan mo ba?"
"Hindi, naisara ko kasi agad ang bintana dahil sa pagkagulat."
"Payo ko lang sa 'yo dahil bago ka lang dito sa lugar namin, mag-ingat ka sa pakikitungo at pakikipag-usap sa kanila dahil masama silang magalit." Napatango na lang ako bilang tugon dahil hindi ko alam ang sasabihin ko.
Hanggang sa huminto na ang sinasakyan namin sa tapat ng isang kalye na maraming tao. Hindi ko na namalayan ang iba pa naming dinaanan dahil sa pakikinig ko rito.
"Narito na tayo," sabi nito na nauna ng bumaba kaya sumunod na rin ako at akmang dudukot ng pambayad sa pamasahe ng pigilan ako nito at isinama na ako sa bayad. Kaya nagpasalamat na lang ako.
Naglakad-lakad kami papunta sa loob ng palengke at ang una kong napansin ay ang malinis at walang amoy na palengke. Hindi katulad ng nakasanayan kong palengke. Napansin ko ring tila magkakakilala ang halos lahat ng naroon dahil kahit saan ako lumingon ay naririnig kong nagtatawagan sa pangalan ang mga ito. Mukhang napansin ni Melanie ang pagkamangha ko dahil naramdaman ko na lang ang pagkalabit nito sa akin.
"Bakit?"
"H'wag ka ng magtaka sa mga naririnig mo. Maliit lang ang populasyon ng Barrio namin kaya magkakakilala halos lahat. May ilang lupain pa nga rito na hindi pa nagagalaw kaya halos malagubat pa ang lugar na ito."
"Ah…hindi lang kasi ako sanay."
"Masanay ka na. Siya nga pala, isasama kita mamaya kung saan ako nagtatrabaho para malaman na rin natin kung may bakante pa."
"Salamat." Abala ako sa pagmamasid sa paligid nang mapansin ko na naman ang reaksiyon ng mga tao sa akin. Kaya hindi ko maiwasang hindi mailang sa paraan ng pagkakatitig ng mga ito. At halos parang iisang tao na tumigil ang lahat sa kanilang mga ginagawa kaya tumahimik ang buong paligid.
"Melanie, p'wede bang pumunta na tayo sa pinapasukan mo?"
"Ha?" At doon lang nito napansin na tumahimik ang paligid dahil abala ito sa pagdaldal na hindi ko na naintindihan kung ano man ang mga sinasabi nito. "Sige, malapit lang naman dito 'yon. Iyong malaking mall bago dumating dito sa palengke."
Habang sinasabi nito ang mga iyon ay nagsisimula na itong maglakad palabas ng palengke. Na mabilis ko nang sinundan habang nakatungo para hindi ko na makita ang reaksyon ng mga tao.