Chapter 27 - Chapter 27

"Kale Nixon Oliveros, I want you to play again."

Napahinto si Kale nang marinig niyang may nagsalita. Hinarap niya ito. Siya siguro ang coach ng women's basketball team, sabi ng kanyang isip.

"I'm sorry ma'am but I can't play anymore." Inip na inip na si Kale at gusto nang umuwi.

"I don't believe you, Oliveros. I know that you can play, you were just pretending you can't. Halata sa bawat galaw mo na pinepeke mo lang at kunwaring pagod na pagod. In short, pinagbigyan mo lang ang player kong si Sam," litanya nito habang seryosong nakatingin sa kanya.

"But ma'am, I won't pla—"

"My decision is final, if you won't play then I'll automatically register your name in the basketball team so you decide, play tomorrow or not?" maawtoridad at madiin nitong sabi.

Pumayag na rin si Kale dahil mukhang 'di pa siya makakauwi kung sakaling tatanggi pa siya. Kung 'di magulo ang makasalamuha ko ay makulit naman. Henderson Univesity nga naman.

"Anyways, I'm coach Rachel Krause. You can call me coach Ellie. And to remind you again, tomorrow, 8:00 am here." Pagkasabi no'n ay tuluyan na itong umalis kasama ang apat na matatangkad na babaeng players.

Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at umuwi na. Pagdating niya sa kanyang apartment ay naligo na agad siya at naghanda na para pumasok sa trabaho.

***

Pagdating ni Kale sa bar ay kaunti lang ang tao at puro silang employees lang ang nandoon.

"Dude! Halika na rito sa VIP lounge! Wala tayong work ngayon, off natin! 'Di ba iti-treat daw tayo ni Manager Oli?" sigaw sa kanya ni dude mula sa second floor ng bar.

Buti naman at off namin ngayon. Sobra akong napagod kanina. Pumunta na agad siya sa VIP lounge.

Pagpasok niya ay nadatnan niya ang mga katrabahong nag-iinuman at nagkakantahan. Si Yan ay puro lamon at si dude ay nagpapakasawa sa alak.

"Oh Oliveros, nandito ka na pala. Halika na, kumain ka na at uminom. Kumuha ka lang diyan," yaya sa kanya ni Manager Oli. Himala, 'di muna siya masungit sa 'kin.

Tumango naman si Kale at nanguha lang nang kaunting pagkain at tubig. Ayokong magkakakain masyado at uminom dahil may game ako bukas. Bawal kasi 'yon lalo na ang alak kapag naglalaro.

Nagtagal lang siya ng isang oras at nagpaalam na. Hinayaan na lang siya ng mga ito dahil ang iba ay lasing na.

Pag-uwi niya ay inayos niya ang kanyang sarili at mabilis na dinalaw ng antok dahil sa labis na pagod.

***

Maagang nagising si Kale kaya nag-stretching muna siya sa kanyang apartment.

Makalipas ang isang oras ay pumunta na siya sa kusina para kumain. Nang handa at ayos na ang kanyang sarili ay umalis na siya para pumasok.

Pagdating sa university ay dumiretso muna siya sa cafeteria para bumili ng tubig. Saglit muna siyang tumambay dahil siya pa lang ang estudyante rito. Ipinasak niya ang kanyang earphones at nakinig ng music sa kanyang Walkman.

Pumikit muna siya para mag-relax. Pinapakalma ang kanyang isip at katawan. Mayamaya ay 'di niya namalayang nakaidlip siya.

***

Biglang napadilat si Kale nang maramdaman niyang may nagwawalis sa paanan niya. Tiningnan niya ang relo. Alas-otso na. Dumarami na rin ang estudyante sa cafeteria kaya nagmadali na siyang umalis. Baka may makasalubong o humataw na naman sa 'kin ng 'di kanais-nais.

Dumiretso na siya sa gym habang nakapasak pa rin ang earphones. Nagmumuni-muni siya habang naglalakad.

Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na siya sa gym at pumasok na. Nadatnan niyang kumpleto ang women's basketball team at nag-eensayo na ang mga ito. Nakaupo naman sa bench ang apat na babae kahapon na kasama ni coach Ellie at tila bored na bored na pinapanood ang ibang ka-teammates.

Napahinto sila sa paglalaro nang mapansin nila si Kale na nakatayo lang sa gilid ng court. Nakaramdam naman siya ng hiya. Sige tumitig lang kayo.

Lumapit sa kanya si coach Ellie at niyaya siyang pumunta sa bench kung nasaan ang apat na players na kasama nito kahapon. Hindi pa rin siya gumagalaw at hinayaan lang si coach Ellie. Ba't pa kasi ako napunta rito.

Naramdaman ni coach Ellie na hindi sumunod si Kale kaya napaharap siya rito at humalukipkip saka ito tinaasan ng kilay. "Ano pang tinatanga-tanga mo diyan? 'Di ka pa ba susunod o kailangan pa kitang kaladkarin?"

Lahat na lang ata ng napupuntahan ko ay may masusungit. Mga pinaglihi ata s—

"Oliveros!" Wala sa sariling sumunod si Kale dahil sumisigaw na si coach Ellie at napatingin na sa kanila ang lahat.

"Hello girls, this is your new teammate, Kale Nixon Oliveros. Oliveros, these are the Big Four and the four greatest and powerful players of Henderson's women's basketball team," pakilala ni coach Ellie sa players niya at kay Oliveros nang makalapit sila sa bench.

"Coach Ellie? Akala ko po ba maglalaro ako eh bakit po bigla na akong kasama sa team? 'Di naman po ako pumayag eh," naguguluhan niyang tanong.

"I'm sorry Oliveros pero akala ko rin eh. Pero dahil nandito ka na rin ay automatic na kasama ka na sa team. Hindi mo siguro napansin kung ano talaga ang tunay kong pakay. That was my way of recruiting a person to become a member of my team and my player," mahabang paliwanag nito saka ngumisi.

Napakamot na lang si Kale ng ulo. Ang galing mo coach Ellie. Tama 'yan, naisahan mo ako coach. Mapipilitan tuloy akong maglaro imbes na hindi na ako kasali sa sports meet.

"Okay girls, go back to your training! Ayoko ng may nagpapahinga at pa-easy-easy lang! Gusto ko nahihirapan kayong lahat! Go, go, go! Keep moving and playing!"galit na sigaw ni coach Ellie habang ipinapalakpak ang kanyang mga kamay sa mga players niyang hindi na magkandaugaga sa pagod.

"And you Oliveros, stay put! You'll start your training later! For now, just sit wherever you want," sigaw din nito sa kanya. Sumunod agad siya.

Narinig ni Kale na tinatawag siya ng isang babae sa Big Four pero tumakbo na siya at pumunta sa pinakamalayong puwesto mula sa kanila.

Kasalukuyan siyang nakaupo sa dulo at mataas na bahagi ng bleachers ng gym at tanaw na tanaw niya ang mga itong nag-eensayo.

Napagpasyahan niya munang humiga at matulog habang nakapasak ang earphones.

Mayamaya ay naramdaman niyang may yumuyugyog sa kanya.

"Oliveros, wake up! Hey!" Pagdilat niya ay isang babaeng mula sa Big Four.

Bumangon na siya at inayos ang sarili. "By the way, I'm Abi," masayang bati nito sa kanya.

"Kale Nixon."

"Coach Ellie is calling you. She wants you to practice now and she's very mad," sabi nito sa kanya at nauna nang umalis. Sumunod na rin siya.

Pagbaba niya ng bleachers ay nakita niyang nagpapahinga na ang players. Mukhang break ng mga ito.

Nang makalapit na si Kale ay tinawag agad siya ni coach Ellie.

"Oliveros! Take a warm-up first, 10 laps jogging and after that practice shooting. We'll watch here. Now, move fast!" sigaw nito sa kanya habang siya nama'y binagalan pa. Sumigaw na naman ito.

"Make it 15 laps Oliveros! Hindi ka pa talaga magmamadali ha!" at may hawak itong pamalo kaya tumakbo na agad si Kale. Grabeng coach naman 'to, 15 laps agad.

Nakakalimang laps pa lang siya'y gusto na niyang tumigil ngunit matalim ang mga tinging ipinupukol nito sa kanya habang ang mga ibang players ay pinapanood siya. Nakakahiya naman itong ginagawa ko.

Nang matapos niya ang 15 laps ay uupo na sana siya pero nasa tabi na agad niya si coach Ellie at hahampasin na sana siya nito ng hawak na pamalo nang bigla siyang tumakbo nang mabilis papunta sa court at nagsimula nang mag-shoot ng bola.

Distracted si Kale kay coach Ellie kaya walang pumapasok. Bato lang siya nang bato ng bola kaya hindi pumapasok. Buti na lang ay nakatalikod si coach Ellie kaya hindi nito nakikita ang kanyang pinaggagagawa. Puwede na siguro 'to. Practice lang naman.

Puro pulot naman ang ginagawa ng tatlong watergirls ng basketball team. Tumingin naman si Kale sa ibang players. Napansin niyang pinipigilan ng isang player ang pagtawa dahil sa kanyang ginagawa. Napansin ito ni coach Ellie kaya bigla itong lumingon sa kanya.

Tumakbo-takbo naman siya at kunwari'y nagdidribol dribol tapos magsho-shoot at hindi pumapasok ang kanyang mga tira. Nakaka-enjoy pala 'yong ganitong pinaggagagawa.

Bigla siyang sinugod ni coach Ellie sa court at kinaladkad papunta sa puwesto ng mga players at piningot nang madiin ang kanyang tenga. Namimilipit siya sa sakit.

"Coach! Tama na coach, teka—" Pilit niyang tinatanggal ang pagkakapingot nito at buti na lang ay bumitiw na ito.

"Ikaw Oliveros! Akala mo hindi ko napapansin 'yang mga katangahan at kagaguhan mo ha! Ayusin mo ang training kung hindi, sasamain at dodoblehin ko ang pagpapahirap sa 'yo!" sigaw at sermon na naman nito sa kanya.

"Ayoko po coach. Pagod na po ako eh," sagot naman niya rito at akmang hahampasin na naman siya nang mabilis niyang inawat si coach Ellie.

"Joke lang coach! Aayos na po." Naririnig niya ang pagpipigil ng tawa ng ibang players.

"Make sure Oliveros. Anyways, team, this is Kale Nixon Oliveros, the new member of our team. Siya lang ang nag-iisang first year na naging part ng team natin. Oliveros, these are your teammates."

Tumango lang si Kale at hindi na nagsalita.

"This is the team captain, Jin Morgan, no. 8 and her position is power forward. Lily Villa, no. 3, small forward, Abi Smith, no. 10, point guard and Hail Salva, no.6, our center," pakilala ni coach Ellie mula sa babaeng mas matangkad kay Kale at kulay blonde ang buhok hanggang sa pinakamatangkad na babae na may wristband sa kaliwang kamay nito. Bumaling naman sa kanya si coach at proud na proud uling nagsalita.

"They are the powerhouse of our team. And they are famously known as the Big Four.

Napakahaba ng introduction ni coach Ellie sa Big Four. Kahit gano'n ay wala akong natandaan. Wala rin akong masabi.

"Ah okay po coach. Ang galing." Iyan lang ang tanging naisagot ni Kale rito. At bigla siyang tiningnan nang masama nang marinig ang kanyang sinabi.

"Ang haba ng sinabi ko tapos 'yan lang ang sasabihin mo, Oliveros! Isa na lang talaga. Anyways, anong gusto mong jersey number dahil susukatan ka na."

Kunwaring nag-iisip siya at medyo tinagalan niya pa. "1/2 po?" Pagkasabi ni Kale no'n ay bigla siyang pinaghahampas ng towel na hawak ni coach Ellie at nakabusangot na naman. May mali ba sa sinabi ko? As an engineering student, number naman 'yong ½. Rational number to be exact.

"Ito na po seryoso na. No. 1 po ang gusto kong jersey number."

"Ah, lumapit ka na lang kay Yuri. Siya na ang magsusukat sa 'yo ngayon din." Itinuro na sa kanya si Yuri.

"Okay girls, tapos na ang patalastas. Back to training! Ibang drills na ang gagawin niyo! 'Yong pinakamahirap na at improve your shooting! Faster team!" sigaw nito sa ibang players habang siya nama'y lumapit na kay Yuri.

"Yuri, puwede bang sukatan mo na ako?"

"Sure Oliveros! Halika na rito," at sinukatan na siya. Nang matapos ay nagkuwentuhan ang dalawa.

"Ibang klase ka talaga Oliveros! Ikaw lang ang may kayang gumawa ng gano'n kay coach! Kanina pa kami naaaliw sa inyo ni coach Ellie," natatawang saad nito sa kanya.

"Gano'n talaga Yuri, ang sarap kayang asarin ni coach Ellie."

"Ewan ko sa 'yo Oliveros! Nga pala, marunong ka ba talagang maglaro ng basketball? Kasi bihira lang na si coach mismo ang kumausap sa taong gusto niyang maging member ng team niya lalo ka na dahil first year ka pa lang. Never nanguha si coach ng first year, lahat rejected," mahabang litanya ni Yuri at bakas sa mukha nito ang kuryosidad.

"Hindi ako marunong. Baka naihip ng masamang hangin si coach o kaya may saltik kaya kinuha ako."

Tumawa na lang si Yuri sa sinabi ni Kale at mayamaya ay tinawag na sila ni coach Ellie upang bumalik sa training.