Chapter 2 - Quest

[Maligayang pagdating dito sa 'Tutorial phase' ng Tore. Wag kana magtanong, umpisahan na natin ang tutorial!]

Napasimangot ako nang marinig ang mga sinabi ng shopkeeper ngunit nawala agad ang inis ko nang masilayan ang paligid kung saan ako dinala ng TP scroll. Wow, napapalibutan ako ng mga puno at sa tingin ko ay nasa loob ako ng kakahuyan.

Nakarinig ako nang paggalaw sa hindi kalayuan at sumalubong sa akin ang isang nilalang. Nakasuot siya ng pang buong katawang baluti, sa tingin ko ay mabigat ang espada dahil makapal ito at malamang ay gawa ito sa bakal, tangan niya rin sa kanyang kabilang kamay ang isang pananggalang na hugis pentagon.

Sa sobrang angas ng baluti niya ay hindi ko malaman kung paano ko ito ilalarawan, basta mukha siyang kabalyero at kung hindi ako nagkakamali, ang pangalan niya ay Davion.

Hindi ko alam ang gagawin ko kaya't nagtitigan kaming dalawa nang ilang minuto.

[Bisita? Huwag kang tumunganga dyan at lapitan mo siya.]

Napatingin ako sa shopkeeper at sa pinaparating ng mata niya, nakatingin siya sa isang papel na nasa kamay ko na ngayon ko lamang napansin.

Ahhhh!

Sinunod ko ang nakalagay sa papel.

Isuot ko raw ang baluti, ano.. huhubarin ko kay Davion ang balu.. hindi ko na natapos ang tinatakbo nang iniisip ko dahil may nilalang na lumabas sa isang tolda - dapat siguro ay siyasatin ko muna ang lugar - tumatakbo ito at bitbit niya ang isa pang set ng baluti. Kulay berde ang nilalang, itim ang mukha niya at kulay asul ang kanyang mga mata.

Kakahuyan ang nakikita ko hanggang sa abot ng aking paningin, may dalawang tolda sa kanan at kaliwa ko, isa ay ang pinanggalingan siguro ni Davion at ang isa ay kung saan lumabas ang berdeng nilalang na may bibit na baluti.

Nang magsimula akong lumapit kay Davion ay ibinato ng berdeng nilalang ang baluti sa lupa, inisa-isa kong pulutin at isuot ang baluti. Taliwas sa inaakala kong mabigat ang bawat parte ng baluti, magaan ito sa pakiramdam. Sa ulo, balikat, braso, katawan, hita at paa. Balot na balot ako at iniisip kong uumpisahan na namin ang pakikipaglaban, teka asan ang espada at pananggalang ko? Napatingin ako sa shopkeeper pero hindi ko na siya nakita kaya't binaling ko ang tingin ko kay Davion.

"Subukan mo munang gumalaw-galaw."

Malalim ang boses niya, nakatingin siya sa akin na para bang iniisip kung may silbe ba ako o wala.

Ginalaw ko ang aking katawan, nag push-up at squats ako nang ilang beses at hiningal ako kaagad. Maagan lamang pala sa pakiramdam ang baluti ngunit nang magsimula akong gumawa ng mga aksyon ay ramdam ko na ang bigat nito. Sumalampak ako sa lupa at hinabol ko ang aking hininga. Narinig ko ang pag 'tsk' ni Davion at tumaas ang kanang kilay ko.

"Hindi tayo aalis dito kung ganyan lamang ang pinapakita mo."

Matapos niyang magsalita ay may nakita akong lumulutang na tandang padamdam sa itaas ng ulo niya.

Isang Quest?

Hindi ko alam kung papaano makukuha ang quest, wala akong mouse na pipindutin para makita ang nilalaman nito. Teka, papel.. gaya nang papel na nasa kamay.. ano to automatic ang pagbibigay ng quest? Nakita ko na lamang bigla sa kamay ko ang isang piraso ng papel, papel ako ng papel pero mas mabuting tawagin ko na lamang na scroll ang papel.

Binuklat ko ang scroll at binasa ang nilalaman nito.

-Layon

*Sa tingin ni Knight Davion ay hindi ka pa handa para magtungo sa labanan kaya'y inatasan ka niyang magsanay at pataasin ang ilan sa iyong pansariling statistika.

-Pabuya

*Sampung puntos para sa pansariling statistika.

-Gawain:

100 'Push-ups'

100 'Curl-ups'

100 'Squats'

10 kilometrong pagtakbo

Una ay napanganga ako dahil andami naman ata nang pinapagawa sa akin? Atsaka gagawin ko ba ang mga ito habang suot-suot ang baluti? Naloloko na ba si Davion?

"Teka, teka lang. Taympers muna. Gagawin ko to suot to?" Tinuro ko ang scroll at tinuro ko rin ang baluti.

Nagkibit balikat si Davion at nag-umpisa siyang maglakad papunta sa loob ng tolda.

Putya ka? Balak ko sanang sundan ang kupal na kabalyero pero nakarinig ako nang halakhak at sumasakit na ang ulo ko habang iniisip na napagtripan ata ako.

Pero teka, sampung puntos para sa pansariling statistika?

"Shopkeeper, anong ibig sabihin ng pansariling statistika?" Tanong ko kahit hindi ko nakikita ang shopkeeper.

[Ang pansariling statistika ay ang tinatawag ditong 'Attribute points'. Ang bawat Bisita sa loob ng Tore ay may iba't ibang attribute points.]

Nanigas ang bagang ko dahil halos wala ring impormasyon na ibinigay ang shopkeeper sa mga sinabi niya, liban sa sagot sa hinala kong hindi lamang ako ang Bisita sa lugar na ito.

"Ilan ang attribute points ko, shopkeeper?" Tanong ko, limitado ang mga binibigay na impormasyon ng shopkeeper kaya't mas maganda siguro kung damihan ko nalang at palawakin ang mga tanong ko.

[Tatlo. Lakas, Bilis at Talino.]

Mukhang nakatunog ang shopkeeper sa binabalak ko at sumeryoso ang kanyang boses.

[Karamihan sa mga Bisita ng Tore alam na ang lahat ng mga ito. Saan ka bang lungga lumabas at wala kang alam sa mga bagay na pinaka-basic?]

Hindi ko inintindi ang panlalait ng shopkeeper at itinuloy ko na lamang ang pagtatanong, "Ang attribute na Lakas, anong mayroon don?"

[Ubos na ang mga puntos mo para makapagtanong. Mag-ipon ka nang mga puntos at sasagutin ko ang kahit na anong katanungan mo.]

Matapos kong marinig ang nakakalokong pagtawa ng shopkeeper ay hindi ko na siya muling narinig kahit na ano pa ang pagtawag ko.

Ubos na ang puntos? Anong ibig sabihin niya na ginamit ko lahat ng puntos ko dahil may bayad ang pagtatanong? Hayup na yan!

Pwes, mag-iipon ako ng milyong puntos.. tingnan ko lang kung hindi mo sagutin lahat ng tanong ko!

Push-ups, curl-ups.. kayang-kaya kong gawin ang mga yon!

Inumpisahan kong gawin ang mga naka-atas na gawain ng quest ni Davion. Nagpush-up ako habang iniisip na makaka-ipon ako ng puntos para makapagtanong sa triper na shopkeeper na'yon.

Pinagpawisan ako nang matindi at sa tingin ko ay hindi ko na kakayanin ang bigat ng baluti. Masakit na ang buong kamay ko pati na rin ang dibdib ko.. pinilit kong itaas ang katawan ko, isa nalang.. aabot na ako ng sampu!

Gaah!

Huli kong narinig ang walang hiyang tawa ng bwisit na shopekeeper at nagdilim ang paningin ko.

---

Nagising ako nang maramdaman kong may nagpupunas nang basang bagay sa aking mukha. Nasilayan ko si Ina, mugto pa rin ang mga mata niya at bakas ang matinding pag-aalala sa ekspresyon niya.

"Anak, ayos ka na ba? Anong masakit sa iyo?" Mangiyak-ngiyak akong niyakap ni Ina.

Napagtanto kong wala na ako sa loob ng tutorial at bumalik na ako dito sa pangalawang mundo. Una ay ang pinanggalingan ng kaluluwa ko, pangalawa ay kung saan sumanib ang kaluluwa ko at pangatlo ay ang Tore. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nararanasan ko ngunit alam kong totoo ang mga ito at hindi ako nagdedelehiryo.

"Ayos lamang ako Ina." Hinagod ko ang likod ni Ina at inalis ko ang pagkakayakap niya. Akmang tatayo ako sa pagkakahiga ngunit pinigilan ako ni Ina. Tumingin siya sa akin na may bahid ng pagtataka.

"A- anak. Asaan ang kwintas?" Tanong ni Ina, pinagdaop niya ang mga palad niya at mariin ang pagkakahawak niya sa telang ginamit niya bilang pamunas, tumulo ang tubig at nabasa ang damit niya nang hindi niya namamalayan.

Napabuntong hininga ako. Lumilinya na naman ang kamalasan ko, hindi ko ata talaga matatakasan ang kapalaran ko maski na sa mundong ito. Napa-isip din ako kung asaan ang kwintas. Kinapkap ko ang katawan ko ngunit napagtanto kong wala ang kwintas dahil malamang ay kinapkapan na ako ni Ina.

Umiling-iling ako kay Ina, sumimangot siya na unang beses ko lamang nakita ngunit mabilis din iyong nawala na para bang namalikmata lang ako.

"Ganoon ba? Hindi ko nakita ang kwintas anak, kung saan kita natagpuan. Nasa labas ka malapit sa poso at doon ka ata nawalan ng malay. Alam kong dinaramdam mo rin ang pagkawala ng iyong itay. Magpahinga ka na muna anak, ipagluluto kita nang makakain."

"Opo Ina." Muli akong humiga.

Narinig ko ang pag-uumpisa ni Ina sa kanyang pagluluto kaya't napabuntong hininga ako. Hindi ko alam ang nangyari matapos akong mawalan ng malay sa loob ng tutorial pero dala-dala ko sa mundong ito ang HUD. Kita ko sa ibabang gitna ng paningin ko ang berdeng linya at sa ilalim nito ay ang asul na linya - ang HP at MP bar.

Napa-upo ako, sa tingin ko ay hinigop ng katawan ko ang kwintas, kung tama man ang hinala ko ay hindi talaga mahahanap ni Ina ang kwintas dahil wala na ito sa labas kundi ay nasa loob na ito. Pero papaano ako makakabalik sa loob ng Tore?

Teka nga lang, napansin ko ang isang piraso ng papel sa ibabaw ng mesa.

Ang quest scroll!

Dali-dali akong tumayo at binuklat ang scroll, binasa ko ang mga nakasulat, ibang alpabeto ang nakahulma ngunit kaya kong basahin ito. Isa lang ang ibig sabihin nito, tumpak ang hinala ko at hinigop nga ng katawan ko ang kwintas.

Anong ginagawa ng quest scroll sa lugar na ito?

A!

Maaari ko bang gawin ang naka-atas sa quest ni Davion habang andirito ako sa mundong ito? Kung tama iyon, makakaya kong gawin ang quest dahil hindi ko suot ang mabigat na baluti!

Balak ko na sanang umpisahan agad ang naka-atas upang maka-ipon na ako ng puntos para masagot ang mga tanong ko, ngunit nahilo ako bigla at narinig ko ang pag-kalam ng aking sikmura.

"Anak, hindi ba'y sinabihan kita na mahiga muna? Maupo ka na riyan at ika'y kumain na." Napangiwi ang bibig ko dahil parang nag 360 si Ina, wala na ang inis sa mga mata niya at bumalik na ito sa mapagmahal at butihing anyo nito.

Tumango ako at inumpisahang kainin ang inihanda ni Ina.

---

Ikatlong araw matapos ang insidente kung saan pumanaw ang Itay ni Marahuyo. Sa loob ng isang tahanan, di gaya sa barong-barong na bahay ng nakararami sa nayon ng Maralita, ang naturang tahanan ay may-kagarbohan at dalawa ang palapag nito. Isang indikasyon na mataas ang antas ng pamumuhay ng mga nakatira rito.

Makikita ang ilang kalalakihan na nagpupulong at nakapalibot sakanila ang iba pang kalalakihan na naka-suot ng damit pangangaso.

Kasalukuyang tahimik at walang may gustong umimik sa mga nagpupulong, inaantay nilang magsalita ang Punong Tagapamahala.

Tumikhim ang Punong Tagapamahala at sinabi niya, "Palakas na nang palakas ang mga halimaw sa loob ng Kweba ng Lagim, ikinalulungkot ko ang pagkamatay ni Rohelyo at hindi ko na aalamin kung sino ang may pakana. Pero isa lang ang masasabi ko, kung sino ka man, siguraduhin mong kakayanin mong talunin ang mga halimaw dahil kung hindi.. ipapalapa kita sa mga alaga kong mabangis na lobo!"

Hindi lingid sa kaalaman ng mga nagpupulong ang kalapastanganang ginawa ng salarin ngunit alam nila sa mga sarili nila na parte lamang ito nang pag-aagawan ng mga tao sa likas na yamang bigay ng Kweba.

Ipinagpatuloy ng Punong Tagapamahala ang mga sasabihin niya, "Si Rohelyo ay maituturing na isa sa mga pangunahing mandirigma ng ating nayon. Ngayong pumanaw na siya ay magtatalaga 'tayo' ng panibagong kapitan. Sino ang gustong mamuno sa mga mangangaso?"

Matapos ang katanungan ay tumayo sa pagkaka-upo ang isang lalaki, Matangkad siya at may matipunong pangangatawan. Mahaba ang buhok niya at kapansin-pansin ang balat ng oso sa kanyang damit.

"Ako, gusto kong pamunuan ang mga mangangaso. Sino mang gustong makipag-agawan sa pwestong ito ay tumayo na at umpisahan na natin ang duwelo!" Kinabig niya ang nakapatong na espada sa mesa at akmang maglalakad na siya papalabas ng tahanan.

Tahimik at walang gustong sumagot, iba't-iba ang reaksyon ng mga kalalakihan ngunit karamihan sa kanila ay may bahid ng takot ang mga mata.

"Wala? Kung ganoon ay itinatalaga ko bilang Kapitan ng mga Mangangaso si Gustin." Nakangiting tagumpay ang Punong Tagapamahala. Ilang taon na niyang minimithi na makontrol ang buong nayon, ngunit dahil nananatiling kapitan si Rohelyo ay hindi niya iyon magawa. Ngayong pumanaw na ang humahadlang sakanya, uumpisahan na niyang sakupin ang buong nayon.

Isang lalaki ang tumayo at hinampas niya ang mesa, sumigaw ito at galit na sinabi, "Kung inaakala niyong lululunin ko na lamang ang kalapastanganang ginawa niyo kay Rohelyo, at kung hindi ninyo maipapasok sa kokote ninyo na hindi natin kayang labanan ang paparating na sakuna kapag wala siya, mapipilitan akong magbitiw sa pwesto at lisanin ang nayon na ito!"

Kung andirito si Marahuyo ay makikilala niya ang lalaki. Siya ang lalaking yumakap at nagbigay ng kwintas na pamana ni Rohelyo.

"Talim! Huminahon ka, karamihan sa amin ay hindi rin kayang lululunin ang sinapit ni Rohelyo! Ngunit paparating na ang sakuna at kinakailangan nating mag kapit bisig, alang-alang sa ating mga pamilya."

Isa pang lalaki ang tumayo, matapos niyang magsalita ay nilapitan niya si Talim at pina-upo ito, bakas ang galit sa mukha niya at hinagpis ngunit gaya nang mga sinabi niya. Pamilya ang iniisip ng karamihan sa mga kasamahan ni Rohelyo kaya't andirito pa rin sila at nilalanghap ang parehong hangin kasama ng mga kasuklam-suklam na tao.

Napagtanto ni Talim na tama ang sinabi ng lalaki, samantala, na-isip niyang pansarili lamang niyang pamilya ang sumagi sa utak niya. Hindi niya na-isip na lahat sila ay pare-pareho lamang ang sitwasyon.

"Mga hangal! Kayang-kaya kong tapusin ang lahat ng mga halimaw mula sa Kweba, gamit ang espadang ito mula sa Syudad ng Pulang-araw, walang papantay sa lakas na taglay ko!" Buong tapang na sigaw ni Gustin

Nahintakutan ang karamihan dahil ito mismo ang espadang pumawi sa buhay ni Rohelyo.

Isang lalaki ang nagsalita, "Ilagay ninyo muna sa likod ng mga galit niyong mata ang pakikipagtalo, Punong Tagapamahala. Totoo ba na darating ang mga sundalo mula sa Syudad ng Pulang-araw? Hindi ba'y may kasunduan ang mga Organisasyon na ang mga Kweba ng Lagim ay nasa ilalim ng proteksyon ng Nayon kung saan ito umusbong?" May angking talino sa mga mata niya, ang tono niyang nagtatanong ay may kasamang pang-uuyam.

"Tama ang mga sinabi mo Lilak, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi natin kayang protektahan ang lahat ng mga mamamayan ng nayon, kaya naman minabuti ko na makipag-ugnayan sa mga kina-uukulan sa Syudad ng Pulang-araw." Sagot ng Punong Tagapamahala.

Naintindihan ni Lilak na huli na ang lahat dahil hindi na nila mapipigilan ang paglawak ng kapangyarihan ng Punong Tagapamahala. Sigurado na si Lilak na mapapasa-ilalim na ng kontrol ng Punong Tagapamahala ang buong nayon dahil mayroon na itong 'kapit' mula sa Syudad ng Pulang-araw. Umiling-iling na lamang siya at napagdesisyonang hindi na mange-alam sa pamumulitika ng Punong Tagapamahala.

Nanlumo ang mga kasamahan ni Rohelyo, lalong-lalo na si Talim. Wala na ang pinagkakatiwalaan nilang poste na nagsisilbing pundasyon nang kanilang mga mithiin at ngayong makakapasok ang mas matataas na sundalo mula sa syudad ay wala nang pag-asa pa na maging maayos ang buhay nila.

Nagpatuloy ang pagpupulong ayon sa gustong takbo ng Punong Tagapamahala at nang matapos ito ay nagsimulang mag-si-alisan ang mga kalalakihan.

Nang maiwan ang Punong Tagapamahala at si Gustin - ang bagong kapitan - ay nagsalita ang Punong Tagapamahala. "Anong magagawa nila? Sila'y mga pipitsuging mandirigma! Sa mga kamay ng sundalo mula sa syudad ay paniguradong malaking porsyento ng yaman mula sa Kweba ang mapapasakamay ko. Gustin, alamin mo ang lahat ng galaw at operasyon ng mga mangangaso. Siguraduhin mong walang sisira sa ating mga plano."

"Masusunod, maraming salamat dito sa napakabagsik na espada. Gamit ang espadang ito, walang sino man sa mga mangangaso ang magbabalak na kontrahin ang mga kagustuhan ko." Sagot at salaysay ni Gustin.

Matapos tumawa ang dalawa ay sumenyas ang Punong Tagapamahala na umalis na si Gustin.

Nakaramdam ng takot ang Punong Tagapamahala at naramdaman niya ang presenya sa kanyang likuran, agad na nawala ang 'mataas na hangin' sa kanyang utak at lumuhod siya sa harapan ng bagong dating.

"Mahabaging binibini, pinagpala ang iyong utusan na ika'y maluhuran, ano pong maipaglilingkod ko?"

"Ipagtimpla mo ako ng gatas."

Isang pang-batang tinig ang narinig ng Punong Tagapamahala, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala at nagtataka pa rin siya kung papaanong ang isang batang paslit ay may kapangyarihan na mas nakakatakot pa sa isang halimaw.

"Masusunod mahabaging binibini." Dali-daling nagpunta sa kusina ang Punong Tagapamahala at ipinagtimpla ng gatas ang bata. Narinig niya ang paghagikgik nito at kinilabutan siya, ayaw na ayaw niya kapag nasa kanyang tahanan ang bata ngunit wala siyang magagawa dahil iyon ang utos mula sa nakatataas.

---

(Marahuyo)

"Siyamnapu't-walo, syamnapu't-siyam.. i-isang daan! Ha.. HA!" Napasalampak ako sa lupa matapos kong gawin ang isang-daang squats, sunod ay ang sampung kilometrong pagtakbo.

Isang linggo na ang lumipas ay wala pa rin akong natatanggap na pabuya mula sa quest ni Davion. Araw-araw kong tinatapos ang mga naka-atas na gawain ngunit tila may mali ata sa paraan ko nang pagkompleto nito.

Sinubukan ko na ang tuloy-tuloy na pagkompleto ngunit hindi iyon ang solusyon. Noong una ay hindi ko kayang tapusin lahat ng gawain kaya inoonti-onti kong gawin ang mga naka-atas - push-ups at curl-ups sa umaga at squats at sampung kilometrong pagtakbo sa hapon- kaya naman sa mga sumunod na araw ay nakayanan ko na ring tapusin, ngunit kahit na anong gawin ko ay may mali pa rin talaga.

Napakamot ako sa ulo ko nang marahas pero ano pa nga ba? Imbes na magreklamo ako na wala namang katuturan ay hahanapin ko na lamang ang kasagutan. Inumpisahan kong tumakbo sa palibot ng nayon.

"Nadagdagan ata ang sira sa utak ng batang ito? Anong ginagawa mo at panay ang takbo mo sa nayon? May humahabol ba sa iyo?"

"Aba'y anong klaseng pakulo iyan? Hindi madaragdagan ang talino mo kung ikaw ay tatakbo lamang, magbasa ka ng mga libro.. naku sandali, hindi ka nga pala marunong magbasa!"

"HAHAHAHAHA"

Nakarinig ako nang mga nagtatawanan at pinalusot ko sa kanang tainga palabas sa kaliwang tainga ang mga sinasabi nila.

Hahaha, mga gago!

Nakasalubong ko sa daan ang ngayo'y magkasintahan nang si Kanor at Yari, balak ko sanang hindi na lamang sila pansinin ngunit nang makita ko ang isang bagay na ini-aabot ni Kanor sa kamay ni Yari ay hindi ko napigilan ang sarili ko na mapahinto.

"Ibinibigay ko sa iyo ang hikaw na ito, sana'y magustuhan mo ang regalo ko ini-irog kong Yari." Buong pagmamalaking bigkas ni Kanor.

"Ehehe, maraming salamat Kanor! Napakaganda naman ng iyong regalo, hindi ba'y mataas ang presyo nito?"

Napatigil ako dahil napansin kong tila may kapareha ang dyamanteng nakalawlaw sa hikaw. Tama, ang dyamanteng iyon ay kasing kulay ng dyamante sa kwintas na pamana ni Itay!

Hindi ko alam kung ano ang dyamante mula sa kwintas ngunit panigurado kong parehas ang itsura nito. Kailangan kong tanungin kay Ina ang natuklasan ko. Pero teka lang, anong koneksyon ng dalawang dyamante?

Bago pa man ako tuluyang maka-alis ay tinawag ni Kanor ang pangalan ko, "Marahuyo, huwag mo sanang kainggitan ang pag-iibigan namin ng aking kasintahan. Alam kong dati kayong ipinagkasundo ngunit ngayon ay ako na ang minamahal ni Yari."

Edi sayo na yan bakit ba?

Nangunot ang noo ni Kanor, "Ano pala itong bali-balita na ikaw ay tumatakbo ng ilang ikot sa palibot ng nayon? Hindi ka lang ata bobo, hibang ka pa!"

"Kanor, pabayaan na lamang natin si Huy.. Marahuyo. Wala naman tayong mapapala kung lalaitin natin ang isang walang alam na tao. Halika na, ako'y naiinitan sa sikat ng araw."

Ping!

Isang nakakabinging matinis na tunog ang sumabog sa tainga ko, bago ako tuluyang mawalan ng malay ay nakita ko ang pagliwanag ng dyamante mula sa mga kamay ni Yari, ha.. sinasabi ko na nga ba!

---

[Maligayang pagbabalik Bisita.]

[Mukhang nabuo nang muli ang piraso ng Bato ng Hilakbot na iyong pagmamay-ari, nawa ay magustuhan mo ang pamamalagi dito sa loob ng Tore.]

=[Ang Manlalarong si Marahuyo Kata ay nakatanggap ng dalawampung puntos para sa pansariling statistika]=

=[Natapos na ang Quest mula kay Davion]=

Sunod-sunod na notipikasyon ang natanggap ko bago pa man ako tuluyang magkamalay. Nakita ko ang shopkeeper at nakangiti siya sa akin habang tinititigan niya ako na para bang isa ako sa mga pinaka-biniyayaang nilalang sa mundo.

"Anong nangyari?" Takang tanong ko.

[Ang Bato ng Hilakbot na iyong pag-aari ay hindi kumpleto, kasya lamang ito para sa limitadong partisipasyon mo sa loob ng Tore kaya ngayong nakumpleto na ito ay maari ka nang mamalagi kung hanggang kailan mo man gustuhin.]

Aba? Maayos na ang pagsagot sa akin ng shopkeeper?

"Papaanong hindi kumpleto ang.. teka sandali, bago mo bawasan ang puntos ko. Binabawi ko ang tanong, ako na mismo ang sasagot doon." Napakamot ako sa ulo ko.

May kinalaman ba ang dyamanteng nasa pag-aari ni Kanor sa dyamanteng nasa kwintas ni Itay? Tsaka papaanong nahati ito at sino ang gumawa noon? Ginulo ko ang buhok ko dahil wala akong mapigang sagot sa utak ko. Ang tanging hinala ko lamang ay may kinalaman si Kanor, teka mali, ang pamilya ni Kanor sa pagkamatay ni Itay.