MAYA
"Anong mayroon?" malapad ang ngiting tanong ko sa kasamahan ko sa trabaho dahil hindi ko alam kung bakit maraming nagbibigay sa akin ng bulaklak.
Kahit paulit-ulit kong tanungin ang mga nagbibigay sa akin ng bulaklak kung ano ang dahilan nila, tanging pagngiti lang talaga ang tinutugon nila. Pakiramdam ko tuloy ay para akong nasa pelikula dahil ganoon ang madalas kong mapanood. Ayoko namang isiping si Landon ang may gawa niyon dahil nagsabi siya sa akin na may pupuntahan siya kaya magiging busy ang boyfriend ko.
Halos mabingi ako sa sigawan ng mga tao sa paligid ko nang sumulpot si Landon sa harapan ko. Matamis siyang nakangiti sa akin habang nakalagay ang isa niyang kamay sa bulsa. Lalo tuloy akong na-inlove sa kaniya dahil lalo siyang naging guwapo sa paningin ko. Para ngang may kung anong kumikislap sa bilugan niyang mga mata habang nakatitig sa akin. Hindi katangusan ang ilong niya pero bumagay naman iyon sa medyo makapal at mamula-mula niyang labi. Wala man siyang abs pero sapat na sa akin ang katawan niya. Hindi naman siya payat at hindi rin mataba.
"Will you marry me, Maya?" tanong sa akin ni Landon habang matamis pa rin siyang nakangiti sa akin.
Napaiyak na lang ako sanhi ng kasiyahan dahil matagal ko nang gustong marinig iyon kay Landon. Sa mahigit apat na taong relasyon namin, sigurado na akong siya ang lalaking nakatadhana kong makasama hanggang pagtanda. Kung hindi nga siya ang mapapangasawa ko, gusto ko na lang maging single habang-buhay. Bukod kasi sa angking kaguwapuhan niya, napakabuti rin niyang tao. Kung hindi nga dahil sa kaniya, naghihirap pa rin kami ng pamilya ko.
"Pangako, hinding-hindi kita sasaktan at paiiyakin, Maya."
Humugot ako ng malalim na hininga at malapad akong ngumiti. "Alam ko naman 'yon, Landon. Alam kong mabuti kang tao kaya pumapayag akong magpakasal sa iyo."
Bumalik lang ang diwa ko nang marinig ko ang pagtunog ng cellphone ko. Parang kanina lang ay pinagmamasdan ko ang sarili ko sa salamin. Hindi ko namalayang naglakbay na pala ang isip ko patungo sa panahon na masaya pa ang pagsasama naming dalawa ni Landon.
Sandali ko pang pinagmasdan ang sarili ko sa salamin bago ko sagutin ang tawag ng kaibigan kong si Marilou. "Pasabi na lang kay Ms. Cruz na kung puwede, maghanap na lang siya ng papalit sa akin."
"Gaga, nakakahiya naman saka kanina pa tawag nang tawag 'yong Ms. Cruz na 'yon sa akin. Bakit hindi mo raw sinasagot 'yong tawag niya? Galit na galit na nga kasi ngayon na ang party," walang prenong pahayag ni Marilou. "Nasaan ka na ba?"
Hindi ako nakapagsalita dahil ang totoo, hindi pa ako nag-aasikaso. Nasa loob lang ako ng kuwarto namin ni Landon habang nakaupo at pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Hindi ko kasi alam kung paano ko tatakpan ang mga pasa ko sa mukha. Kapag nakita kasi iyon ni Marilou, siguradong papayuhan na naman niya akong makipaghiwalay na sa asawa ko, bagay na hindi ko kayang gawin.
Oo, sinasaktan ako ni Landon. Kahit simpleng pagtatalo lang ay pinagbubuhatan na niya ako ng kamay. Kapag naman hindi ko siya napagbibigyan sa pangangailangan niya bilang isang lalaki, nagagalit siya at madalas iyong humantong sa pananakit. Naalala ko nga noon na naisugod ako sa ospital dahil tumama ang ulo ko sa pader nang sipain niya ako. Sinabi ko na nga lang sa pamilya ko na aksidente akong nauntog. Napaniwala ko naman sila dahil ang pagkakaalam nila ay hindi nananakit si Landon at higit sa lahat ay mabuting tao ang asawa ko.
Iyon din naman ang pagkakakilala ko kay Landon, na isa siyang mabuting tao. Kung noon palang ay nalaman ko nang ganoon ang ugali niya, hindi ko na sana siya pinakasalan. Sinisisi ko nga ang sarili ko kung bakit nagpadala ako sa mga matatamis niyang salita na hindi raw niya ako sasaktan at paiiyakin. Nalaman ko lang ang tunay niyang kulay, isang taon matapos naming ikasal. Nasanay na rin naman na ang katawan ko sa pananakit niya. Nakaya ko nga ang dalawang taong pananakit niya sa akin kaya sigurado akong makakaya ko pa iyon sa mga susunod pang taon. Umaasa rin akong magbabago ang asawa ko kaya nga sana, dumating na ang araw na iyon.
"Alam ko na, siguro sinaktan ka na naman ng guwapo pero demonyo mong asawa 'no kaya hindi ka makalakad?"
"Tinatamad lang talaga ako," pagsisinungaling ko. Sana lang ay mapaniwala ko si Marilou.
"Ano, sasabihin ko sa Ms. Cruz na 'yon na tinatamad ka kaya hindi ka makapupunta?"
"Kaya mo naman siguro 'yon, Marilou. Saka nasabi ko naman na kung ano ang gagawin." Muntikan na akong mapasigaw nang idampi ko sa braso ang kamay ko. Kagagawan din ni Landon kung bakit masakit iyon.
"Ano bang alam ko sa pag—"
Hindi natapos ang sasabihin ni Marilou dahil binaba ko na ang tawag. Dumating na kasi si Landon. Baka kasi kung ano pa ang marinig ng kaibigan ko mula sa asawa ko. Baka tuluyan na niyang sabihin kay Mama na sinasaktan ako ng manugang niya. Kung hindi ko nga lang pinakiusapan ang kaibigan ko, baka matagal na kaming hiwalay ni Landon.
"Nagtanghalian ka na ba? Magluluto ako. Ano bang gusto mong kainin?" walang prenong tanong ko kay Landon. Gusto ko na kasing lumabas ng kuwarto dahil hindi ko gusto ang malagkit na tingin sa akin ng asawa ko. Alam ko na kapag ganoon siya. Gusto ko man siyang pagbigyan pero masama ang pakiramdam ko dahil sa pambubugbog niya sa akin kagabi at isa pa, kase-sex lang din namin kagabi.
"Kung may gusto akong kainin, ikaw 'yon, Maya."
Lalakad na sana ako palabas ng kuwarto pero mabilis siyang lumapit sa akin at tinulak niya ako pahiga sa kama. Mabilis siyang pumatong sa akin na para bang isa siyang rapist na gusto nang makaraos. Naging mapusok siya. Unti-unti niyang pinupunit ang damit ko habang marahan niyang kinakagat at dinidilaan ang leeg ko.
"Landon, huwag namang ganito," pagpigil ko kay Landon pero nagpatuloy pa rin siya sa pagpunit ng damit ko.
Hindi ko gusto ang ginagawa ni Landon dahil hindi na niya ako nirerespeto. Oo alam kong asawa niya ako pero mali ang ginagawa niya. Pakiramdam ko tuloy ay hindi kami mag-asawa dahil para siyang rapist na nanggagahasa ng isang inosenteng babae.
"Landon, nasasaktan ako." Sinubukan kong kumawala sa asawa ko dahil sinasakal niya ako habang dinidilaan niya ang magkabila kong pisngi. "Landon, tama na!"
Napapikit na lang ako nang maramdaman kong tumigil si Landon sa ginagawa niya sa akin. Ilang sandali pa ay dahan-dahan akong dumilat. Nakaramdam ako ng takot dahil matalim ang tingin niya sa akin. Pakiramdam ko anumang oras ay sasaksakin niya ako ng kutsilyo habang nakatayo siya sa harapan ko.
"Bakit ayaw mo? May iba ka na ba? Magsabi ka!"
Halos masira ang tainga ko dahil sa lakas ng boses niya. Nanginginig ang katawan ko nang umupo ako. Ilang sandali ring nasa ibaba ang tingin ko bago ko ibaling iyon kay Landon. Parang hindi siya ang asawa ko dahil ang tingin ko sa kaniya ay parang isang demonyo na gustong pumatay ng tao. Namumula ang mukha niya sanhi ng galit at tila isang lukot na papel ang noo niya.
"May kinalolokohan kang iba, tama ba ako?"
"Landon naman. Wala akong iba, alam mo 'yon." Pinakalma ko ang sarili ko dahil medyo hirap akong magsalita sanhi ng panginginig. "Masama lang talaga ang pakiramdam ko at alam mo kung bakit."
"Hihiga ka lang naman ang dami mo pang arte. Ang sabihin mo, hindi ka na nasasarapan sa akin." Sinakmal ni Landon ang magkabila kong pisngi. "Ano, mas masarap ba sa akin 'yong bago mo?"
Hinampas ko ang kamay ni Landon para mabitiwan niya ang magkabila kong pisngi. "Wala akong lalaki, Landon."
"Sino bang tanga ang aamin na iniiputan niya sa ulo ang asawa niya?"
"Magluluto na ako. Alam ko namang gutom at pagod ka lang." Tumayo na ako. Nakakailang hakbang pa lang ako nang mahigpit niyang hawakan ang kumikirot kong braso.
"Kung alam ko lang na tatanggi ka, pinatulan ko na lang sana 'yong GRO na lumapit sa akin." Mas humigpit ang paghawak ni Landon sa braso ko. "Hindi ako nakipag-sex sa pokpok na 'yon dahil may asawa ako. Tapos ganito? Putcha naman! Kanina ko pa gustong ilabas 'to."
Malakas kong sinampal si Landon dahil hindi ko matanggap ang mga sinabi niya. "Asawa ba talaga ang tingin mo sa akin o parausan mo lang?"
Hindi ko na napigilang mapaiyak dahil sobra-sobra na si Landon. Pakiramdam ko, napakababa kong babae para itrato niya ako nang ganoon. Hindi ko na alam kung siya pa ba ang lalaking minahal ko nang wagas kasi ibang-iba na talaga siya. Kung alam ko lang pala na ganito ang mangyayari kapag naging asawa ko na siya, sana pala nakuntento na lang ako na maging nobyo siya. Nasasabik na ako sa dating Landon na minahal ko.
Napaupo ako nang suntukin ni Landon ang sikmura ko. Halos mamilipit ako sa sobrang sakit na tila pinipiga ang sikmura ko. Nandidilim din ang paningin ko na tila anumang oras ay mawawalan ako ng malay. Pakiramdam ko rin ay may sumasakal sa akin dahil nahihirapan akong huminga.
"Wala kang karapatang saktan ako dahil hindi ikaw ang nagpapakain sa akin!"
Kahit nandidilim ang paningin ko ay nakita ko ang paglabas ni Landon. Tanging paghagulhol na lang ng iyak ang nagawa ko nang bumalik ang lahat ng pananakit na ginawa niya sa akin. Hindi ko alam kung ano bang kasalanang nagawa ko para mangyari ito sa akin. Hindi ganito ang pinangarap kong pamilya.
"Landon!" impit kong sigaw dahil namimilipit pa rin ako sa sakit. "Landon, dinudugo ako! 'Yong baby natin!"