Chapter 2 - Ang Pambungad

Tunog ng mga pagsabog, sigaw ng bawat pagsulong, banggaan ng mga sandata ang dumadagundong…

"Kumander Ranzerfort! Nasira na natin ang tarangkahan!"

Sigaw ng isang kawal na nakakabayo ang dali-daling nag-ulat mula sa pagsisiyasat at pagmamasid sa lupon ng mga kawal na nasa harap ng bukana ng kastilyong sinasalakay, naging senyales nito ay ang pagwawagay-way ng isang watawat buhat sa lugar kung saan sa tagal ng oras na pinipilit ng mga ito mabuksan ang tarangkahan (gate) gamit ang ram ay bigla na lamang ang mga ito humiyaw at sumulong papasok...

At ng marinig nga ito ni Kumander Ranzerfort ay nagbitaw na agad ito ng utos,

"Simulan na ang pagsalakay!!"

Sa hudyat na pinakawalan, wala ng sandali pang sinayang ang pwersa ni kumander Ranzerfort, na sa mga oras na iyon ay nag-aabang sa pagkakataon upang tuluyan ng makapasok sa tarangkahan na humahadlang sa kanilang pag-usad.

Ilang pagpapa-ulan na rin ng mga malalaking bato ang ginawa nila mula sa mga katapultong nakatayo sa labas ng kastilyong ninanais masira at makubkob, matatag at mataas din kasi ang pader na kanilang kinahaharap, isang matayog na balakid upang hindi nila tuluyan itong mapabagsak, na kahit ang mga mahahabang hagdan ay hindi din nakasasapat sa taas nito, sabayan pa ng mga mainit na kuldron na ibinubuhos sa sinumang nagtatangkang makaalpas, at habang unti-unting umuusad ay hindi na rin nila inalintana ang mga pinakawalan at naglilipirang palaso mula sa mga pana na lalong nagbibigay pasakit at hirap sa bawat kawal na humaharap at sumasalo nito...

"Ihanda ang mga pananggala!!"

Ng marinig ito'y dali-daling nagtaas ng kanya-kanyang pananggala ang bawat isang kawal at nagbuklod sa tig-dadalawampung pares kada pangkat, at ng matapos, ay pumorma ang bawat pangkat ng pakwadrado kung saan kapansin-pansin na balot na balot ang mga ito ng kanilang mga panangga na tumatakip sa uluhan, harapan, at maging sa magkabilang gilid.

Habang sumusulong, nakaawang naman ang mga sibat nito upang maging proteksyon sa mga sumasalakay na mga kalaban at kung magkakataon naman na ang mga ito'y makakapasok ay espada mula sa mga nasa loob na bahagi ang siyang tatapos sa mga ito, mabagal man ang mga ito na naglakad patungo sa tarangkahan, ay ginawa ang ganitong stratehiya upang lalong magbigay kalituhan sa mga pumapana na nagmumula sa taas ng pader at upang ang mga umaakyat ay maaari ng magkaroon ng pagkakataon na masira ang dipensa at tuluyan ng makuha ang kalamangan sa laban...

.

.

.

.

.

BOOOOONG!!!

.

.

.

.

.

Sa isang hudyat ng pandigmang tambuli (war horn), ay kumilos na ang mga pangubkob na tore na mula pa noong simula ay nakatayo't nag-aabang lamang sa magandang pagkakataon, sa pag-andar nito'y mas lalong nabuhayan ng loob ang lahat ng mga kawal mula sa pwersa ni Kumander Ranzerfort samantala'y takot at pagkabahala naman ang sa mga kalaban nito, ilang saglit pa nga'y ng marating na ng mga tore ang pader, at ng isa-isa itong magbukas ng pintuan na umangkla sa pader ay dumagsa na agad ang mga kawal na lulan nito na nag hudyat naman ng pagatras at pagsuko ng mga kaaway...

Ganito ang pamamaraan ng pagsalakay ni Kumander Ranzerfort, hangga't maaari iniiwasan niyang marami ang masawi sa kanyang mga tauhan, at sa tagpo ngang ito ay matagumpay nga niya napasok ang sinasalakay na kastilyo, bagama't nagapi at napasuko na ang iilang kinakalaban na mga kawal at mga opisyal nito, sa loob ng silid ng trono ay nag-aabang ang huling sasagupain, ang heneral ng mga kalaban, nakaupo ito sa mismong trono, nakapanumbaba ang kanang kamay habang ang kaliwa nama'y hawak ang espada na nakatarak sa lapag…

Sa tagpong ito ay si Kumander Ranzerfort na lamang ang siyang pumasok sa silid, habang nakabantay naman ang iba pa niyang mga kasama sa mga posibleng makialam sa nalalapit na pagtutuos, na sa tagal at hirap ng kanilang pinagdaanan upang mapasok ang kastilyo, ito na marahil ang katapusan ng kanilang kampanya, ang wakas ng rebelyon na nagdulot at humantong sa napakaraming sakripisyo.

At ng makapasok na nga ay nagkatitigan lamang ang dalawa mula sa pintuan kung saan pumasok si Ranzerfort, kasabay nito ay tumayo na rin ang heneral sa kanyang kinauupuan, ilang saglit pa'y dahan-dahan namang naglakad ang magkatunggali papalapit sa isa't-isa hanggang ang mga ito'y nagpanagpo sa gitna na halos ang pagitan at layo ay isang hakbang na lamang…

Sa pagsasalubong ng kanilang mga mata ay para bang naglalaban na ang mga ito sa isip pa lamang, nagpapakiramdaman kung sino ang sakaling mauuna, parehong hindi nagpapatinag sa mga nag-aalab na pagkakatitig sa isa't-isa, ilang saglit pa'y sa isang iglap mula sa walang kakurap-kurap na tagpo ay...

Nagpalitan na ito ng atake, parehong magaling sa pakikipaglaban ang dalawa, sa kumpas at wasiwas ng kanilang mga espada'y nasasalag at naiilagan lamang ito ng bawat isa, ni halos hindi magkasugatan ang parehong magkatunggali, sa bilis ay halos magkatapat din ang kanilang kakayahan, at kahit pareho man mawalan ng armas sa kamay ay hindi nagiging dahilan upang mapahinto sila sa kanilang pakikipaglaban, dahil kahit sa pambubuno ay mahusay din ang kanilang pinapikatang sagupaan, sa laban na ito ay tila ba hindi magkakaroon ng wakas.

Nagtagal ang laban ng ilang minuto, walang nais magpatalo, wasiwas dito't wasiwas doon, ilag dito't ilag doon, walang humpay at walang patid, makapigil hininga ang bawat eksena, walang nais magpatalo kahit ba humihingal na, ng biglang, sa hindi inaasahan, ay tumama sa mismong silid kung saan nagaganap ang kanilang paglalaban ang batong bala ng katapulto na mula sa labas ay pinakawalan…

.

.

.

.

.

BAAAAAM!

BOOOOOM!

.

.

.

.

.

At ng marinig ang dagundong ng pagsabog na nagmumula sa silid kung saan nakikipagsagupaan si Kumander Ranzerfort, ay dali-dali at walang atubiling pumasok ang mga tauhan ng Kumander upang alamin ang biglaang pangyayari...

Samantala naman, si Ranzerfort ng mga sandaling iyon ay humagis at tumilapon sa isa sa mga sulok ng silid, malubha ang naging kalagayan nito, halos sumuka siya ng dugo sa tindi ng pagkakahagis at pagtama nito sa pader, sabayan pa ng pagtabon ng mga bato sa kanyang kinaroroonan, ay hindi na nito magawang makakilos pa at tila naghahabol hininga mula sa sinapit niya...

Pakiwari sa isip ay maaaring ito na ang kanyang katapusan, papikit-pikit at tila mawawalan na ito ng malay mula sa dinanas, halos nagbabadya na rin itong sumuko buhat sa kanyang kalagayan, nahihilo't lutang ang pakiramdam.

Gaya nga ng sinasabi ng marami sa tuwing humaharap sa ganitong sitwasyon, habang ang liwanag ay lumalapit sa iyong mga paningin, ay magbabalik at mananariwa ang nakaraan sa iyong harapan, bagay na magbibigay kapanatagan sa napapagod mo ng katawan, at ng sa mga sandali ngang iyon na tila ba ang kamatayan ay sadyang nasa harap na lamang ng pintuan, kumakatok at nag-aabang na mapagbuksan, ay bigla naman nitong narinig ang tinig ng kanyang mga kasamahan…

"Kumander Ranzerfort! Kumander! KUMANDER~!!!"