Chereads / WILD WAR: The Battles in Chromoa (Tagalog) / Chapter 3 - Ang Kasaysayan Ng Chromoa

Chapter 3 - Ang Kasaysayan Ng Chromoa

~§~

<===]=0 WILD WAR 0=[==>

THE BATTLES IN CHROMOA

~§~

"Walang hindi mapagsasama bilang iisa, ang kaharian na lumalaban ng sama-sama..."

Mga kataga ng unang emperador dalawandaang taon na ang nakararaan, layuning nagtagumpay at naitala sa kasaysayan, isang imperyo na naging sagisag ng pagkakaisa sa ilalim ng kalangitan, isang alamat na nakapagbuklod sa lahat ng mga tao, lipi, bayan, kaharian, at siyang nakapagpahinto sa mga digmaan...

Lumipas ang mahabang panahon, ang imperyo na noon ay matiwasay, maayos at mayabong ay biglang nagwakas at tuluyang nawasak, nahati sa anim na kaharian, bunga ng pagnanais ng kapangyarihan, nasasakupan, karangalan, paghihiganti at karangyaan...

Karanasan ang siyang bumubuhat sa atin upang magtagumpay sa bawat landas na ating pinapangarap na marating, layunin ang magpapatibay sa isip at puso na nagbibigay alab upang malampasan ang mga hirap na kahaharapin, mga bagay na magdadala sa atin mula sa nakaraan patungo sa bukas na magbibigay daan sa mas makabuluhang tagpo at yugto ng buhay na sa kasaysayan ay bubuklatin at magbibigay inspirasyon sa mga susunod na henerasyon na darating...

Ganito ang armas na ating gagamitin, upang mapaglabanan at mapagtagumpayan ang lahat ng hamon at hirap na magpapabagsak sa atin, ito ang natatangi at maaari nating mapanghawakan upang wakasan ang halos walang katapusan na sa buhay ay tinaguriang MABANGIS NA DIGMAAN!

(WILD WAR)

~§~

Chromoa, lupaing nababalot ng walang hanggang digmaan. Digmaan ng mahigit sa apatnapung kaharian na naglalayong mapalawig ang kanilang mga nasasakupan.

Noong unang panahon, bago pa man tuluyang nakamit ang kaayusan at kasarinlan, ay may isang tao na naglakas loob na humakbang upang tuldukan na ng tuluyan ang walang katapusang kaguluhan, ang itatalaga bilang kauna-unahang Emperador ng Chromoa sa kasaysayan, ang naglayon na mapag-isa ang lahat sa iisang kalangitan, at siyang magpapahinto ng mga digmaan.

~§~

Taong 150 A.C.

(Matapos ang Kolonyalisasyon)

Noong ang hari ng Brigatheine (ang kasalukuyang Kyulbi) ay pumanaw mula sa pakikipagdigma at maipasa ang trono sa kanyang anak na si prinsipe Aexcer Hoawerd I upang sumunod na maghari, ay dito na naitala ang kauna-unahang pakikipagsapalaran nito. Sa kanyang pag-upo bilang bagong hari ng kanyang mga nasasakupan sa edad na dalawapu't-isa, ay nilayon na agad nito na masakop ang buong lupain ng Chromoa.

Hindi man ito posible sa palagay ng maraming opisyal at mamamayan sa kanyang hangarin, nabansagan mang nababaliw dahil sa labis na kapusukan, ay ito rin ang naging dahilan upang ito ay kanyang mapatunayan.

"Walang hindi mapagsasama bilang iisa, ang kaharian na lumalaban ng sama-sama..."

Mga katagang iniwan niya sa diwa at isipan ng kanyang mga tapat na tagasunod na naniniwalang ang ganitong layunin ng hari ang siya ngang magpapatigil sa lahat ng kaguluhan.

Taong 151-156 A.C.

Nang unang likhain ni Haring Aexcer ang kanyang pribadong pangkat na sa paglipas ng panahon ay nabansagang mga "Sampung Delubyo" sa pakikipaglaban

Ito na rin ang panahon na naitala kung saan unang humakbang ang Hari sa kanyang pangangampanya patungo sa layuning gawing pagkaisahin ang lahat ng kalat-kalat na kaharian na kanyang tutunguhin

Sa una niyang pakikipaglaban bilang hari, ay sinalakay agad nito sa unang taon pa lamang ng kanyang panunungkulan ang hilagang bahagi ng Chromoa. Na sa mga nagdaang taon ay lubos ng kinatakutan at pinag usap-usapan ang lakas ng naturang samahan.

At sa loob lamang ng limang taon ng walang humpay na pakikipag sagupaan ay nagawa na nitong masakop ang mga kaharian sa hilagang silangan na tinawag niyang Sitrom hindi kalaunan na bagong estado ng umuusbong na kaharian, at nagpalawig ng kanyang nasasakupan.

Siya rin sa kasaysayan ang naitalang nakagawa ng ganitong kalawak at kalaking lupain na pinanghahawakan. Ito rin ang panahon na isa sa kanyang mga kaibigan ay nasawi sa pakikipaglaban, kung saan ang dating sampu ay nauwi na lamang sa siyam na lumalaban

Taong 156-162 A.C.

Ang panahong iginawad ang titulong Emperador sa unang pagkakataon sa hari ng Brigatheine na si Aexcer. Ito rin ang panahon na pumili ito ng unang gobernador na kanyang itinalaga upang humalili sa ngayon ay estado na ng Sitrom mula sa kanyang mga kaibigan na kabilang sa kanyang samahan at patuloy na lumalaban.

Sa mga taon na ring ito nagawang sumalakay na ngayon ay si Emperador Aexcer sa iba pang bahagi ng hilagang mga kaharian. Isa ito sa mga matitinding labanan na umukit sa kasaysayan, naging madugo at sadyang halos maubos ang kanyang mga tauhan.

Ang bulkang Albritz, ang nag-iisang bulkan at pinaka mataas na bundok na maitururing sa buong Chromoa ay pumutok sa panahon na ito, kasabay ito ng pananakop ng Emperador na nagdulot ng labis na pinsala sa kaniyang mga hukbo. Anim na buwan ang itinagal ng paglagablab nito, at halos limang buwan din nagdusa ang lahat mula sa abong pinakawalan nito.

Anim na taon ang ginugol ni Aexcer ng mapagtagumpayan at tuluyang masakop ang buong hilagang kanluran. Sa pagtatapos nito'y agad niyang itinalaga ang uupong gobernador ng bagong estado na kanilang itinatag na kaniyang tinawag na Alfrix, kung saan kasabay ng kanilang pagdiriwang ay ang tuluyang paghinto at pagkalma ng bulkan na hanggang sa kasalukuyan ay hindi na kailanman pumutok pa.

Taong 162-173 A.C.

Sa sobrang lawak na ng Imperyong Brigatheine, at sa walang tigil na pagtatagumpay nito, ay minabuti ng Emperador na hatiin na ang kanyang hukbong sandatahan na sabay na sasalakay sa silangan at kanlurang bahagi ng Chromoa.

Sa pamumuno ng kanyang mga kaibigan, kasapi ng "Sampung Delubyo", at sa loob ng labing-isang taon ng walang sawang pakikipagtuos sa mga kahariang unti-unting kinukubkob at pinapasuko sa kanilang mga paa, ay ito na rin ang panahon na kanilang itinayo at pinangalanan ang bagong estado na naging sentro noon ng mga kalakaran, ang Worenheim

Taong 173-177 A.C.

Ang mga taong tuluyan ng napasakamay ng Imperyo ang buong bahagi ng disyertong lupain sa timog, ang gitnang bahagi ng Chromoa, may kalayuan sa ibaba ng Brigatheine sa pagitan ng malawak na kagubatan at nasa kanlurang bahagi naman ng Worenheim sa pagitan ng mga kabundukan.

Sa panahon ng 175 A.C. habang patuloy sa pananakop si Aexcer malayo sa kanyang pamilya ay ipinanganak naman sa taong ito ang kanyang panganay na anak na si prinsipe Axcel Hoawerd, na siyang napipintong susunod na magmamana ng korona't trono ng kanyang ama

Taong 177-180 A.C.

Ang pagkamkam ng isa sa pinaka mahirap na landas na kanilang tinahak, ang Canyon ng "Parama", timog bahagi ng disyertong lupa, ang lugar na pinamumugaran ng mga sinaunang tribo at angkan na sanay sa pakikipaglaban sa matataas na bangin at kalupaan na ginagamit bilang kalamangan sa mga sagupaan, gamit ang mga bitag at mga kakaibang uri ng mga pamamaraan, bagama't maikli lamang ang sana'y lakarin at maliit lamang ang dapat na sakupin, ay inabot sila ng tatlong taon bago tuluyan ang mga ito napasuko at pasunurin.

Dahil sa matinding pakikipagsapalaran na kanilang naranasan na nagdulot ng malaking kawalan ng mga tauhan, ay dito na rin namayapa ang isa sa siyam na mandirigmang delubyo na itinuring ng mga kalaban, kung saan kasabay din nito ay ang pagdedeklara sa bagong estado na tinaguriang Wrethel.

Taong 180-199 A.C.

Ang tuluyang pagkakasakop ng buong Chromoa, kung saan sa loob ng labing-isang taon ay nagawa na ng Emperador masakop pa ang dalawang malaking lupain sa dulong timog ng Chromoa, ang pinangalanang Reksin sa timog kanluran at Rishwaga sa timog silangan.

Sa pagtatapos ng kanilang pangangampanya sa pagsakop sa buong kontinente, ay hindi na rin pinalad ang isa sa mga kasamahan ni Aexcer ng mamatay ito mula sa malubhang karamdamang hindi agad nila nagawang malunasan, malungkot man ang pito na natira sa ngayon ay mga buhay na alamat at mga bayani ng digmaan, ay naging masaya pa rin naman ang mga ito dahil sa wakas, ang layuning mapagbuklod ang lahat at tuluyan ng matigil ang mga digmaan ay nauwi na sa katapusan.

Ang kapayapaan na inaasam sa ilalim ng iisang kalangitan, ang Imperyong nagpatigil sa walang humpay na digmaan, na sa kasaysayan ay inaasahang magtatagal maging hanggang sa mga susunod na henerasyong magdaraan.

Taong 200 A.C.

Ang panahong ipinagdiwang sa kauna-unahang pagkakataon ang "Pista ng Pagkakaisa", ang kapistahang ipinagdiriwang maging hanggang sa kasalukuyan upang pagpapaalala sa makasaysayang kaganapan na nagbuklod sa lahat ng kaharian sa iisa

Ayon sa naitala sa kasaysayan bagaman walang patid ang pananakop at pagsalakay ni Emperador Aexcer Hoeward I, hindi naman lahat ng kanyang nilusob ay kanya ngang kinukubkob at winasak, dahil ayon sa nagtala at nangalap ng mga pangyayari, ang ilan ay kusa lamang sumuko at ang iba naman ay mga nakuha sa isang maayos na pakikipagkasunduan.

Sa taong din na ito ay opisyal na ngang itinalaga ang lahat ng mga naging gobernador sa anim na estadong nabuo ng Imperyo. Ang Sitrom, Alfrix, Worenheim, Wrethel, Reksin at ang Rishwaga. Kung saan ang mga tumanggap ng parangal na iginawad ay ang anim na heneral na kasapi ng "Sampung Delubyo" upang mamahala sa mga nasabing kalupaan.

Sa edad na pitongpu't-isa ay nakamit na nga ni Aexcer ang mithiin na kanya ngang nilayon na mapangyari, napatigil nito ang mga digmaan, napagkaisa ang lahat ng lipi't mga angkan na noon ay naglalaban-laban para sa mga pansariling kapakanan, mga bayan na napagbuklod at naipalaganap ang pagtanggap anumang lahi pa ang pinggalingan.

Ito ang kasaysayang naganap dalawandaang taon na ang nakararaan, ang naging katunayan na ang kapayapaan ay kayang makuha ng magmimithi at maglalayon na ito ay makamtan, hindi man naging madali ang lahat, pero ng dahil sa pagsusumikap, ang lahat ng pakikipagsapalaran ay mauuwi din sa isang matagumpay na pangarap na ating malalasap.

.

.

.

.

.

Subalit...

.

.

.

.

.

Ano pa mang ganda ng hangarin at mithiin ng nauna, ay siya namang kabaliktaran ng sumunod na henerasyon na magtatakda.

Na ang kapayapaan at katahimikan, pagkakaisa't kaayusan, ay muling maipapanumbalik sa walang kabuluhan na...

MABANGIS NA DIGMAAN!

<===]=0 WILD WAR 0=[===>