"Eiden! Tara na, laro na tayo!"
* sigaw ng batang patago-tago sa puno na malapit sa gubat, ang tinutukoy ay ang batang nakasalumbaba sa loob ng bakuran at kulungan ng mga inaalagaang tupa at baka...
"Saglit lang!"
* sagot naman ni Eiden sa kalarong nagtatawag habang isinasara ang tarangkahan ng bakuran kung saan naroroon ang mga hayop na binabantayan.
Si Eiden, isang masiyahing bata, puno ng sigla, nag-iisang anak ng mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagsasaka at pag-aalaga ng mga hayop. Madalas man mapagalitan, ay masunurin naman ito at tumutulong sa kanyang mga magulang, madalas nga lang pag may pagkakataon at kung mayaya ng mga kaibigan ay bigla itong tumatakas sa gawain at umaalis ng wala man lang paalam. Gaya sa tagpong ito na kung saan ay naatasan siya na magpastol at magbantay ng kanilang mga alaga, ng bigla itong nayaya ng mga kaibigan upang maglaro sa kagubatan.
Pangangaso ng kuneho at iba pang maliliit na hayop ang madalas gawing laro ni Eiden, natutunan niya ang mga ito mula sa ama kapag sila ay nangunguha ng mga tangkay na panggatong o kung mamumutol ito ng puno na ginagamit naman sa pag-aayos ng kanilang mga bakuran, sa tuwing magpapahinga kasi sa kalagitnaan ng kagubatan ay nangangaso ang ama nito upang makain nila, at pag may pagkakataon ay tinuturuan nito si Eiden ng mga paraan kung paano manghuli ng mga maliliit na hayop, gaya ng mga patibong at tirador na kanilang madalas na gamit...
Kung hindi naman nangangaso ay umaakyat ng puno ang mga magkakaibigan at namimitas ng mga bunga upang makain. Bagaman madalas ay lumalayo sa masusukal na parte ng kagubatan, hindi naman naliligaw ang mga ito at nagagawa din namang makabalik bago pa man magtakip-silim, hindi lang dahil kabisado na nila ang kagubatan, dahil na rin sa alam din kasi ni Eiden ang paggamit ng mga tanda na sa murang edad ay naituro din ng kanyang ama sa kanya.
Sa mga paglalaro naman gaya ng taguan ay nagagamit din niya ang kanyang kakayanan, dahil sa mga tanda na tanging siya lamang ang nakakaalam ay nakapagtatago ito sa mga lugar na alam niya na kung susuungin ay maaaring ikalito ng kanyang mga kalaro, bagay na madalas ay kainisan sa kanya ng kanyang mga kaibigan.
Kung iisipin ay masasabing may pambihirang kakayahan si Eiden, madali kasi niyang mapag-aralan ang mga bagay-bagay sa paligid kahit ba sa murang edad, sa maikling panahon lamang ay nagagawa nito agad matutunan ang mga naituro sa kanya, kahit ba minsan lang ito maipakita o kaya naman ay mapagmasdan lang ay madali niya agad ito nakakabisa...
Kinahapunan, sa isang sakahan sa liblib na pamayanan, ay may maririnig na isang babae na papalabas sa kanilang tahanan ang nagtatawag...
"Eiden! Anak!"
* pagtatawag ng ina ni Eiden
Si Crisa, ang kanyang ina, isang ring magsasaka at katuwang ng kanyang ama sa maraming gawain, ito rin ang madalas kung magalit sa tuwing nakagagawa ng hindi tama at mabuti si Eiden
"Naku lagot! Hanap na ako ni ina"
* bulong nito sa sarili.
"Kailangan ko ng bumalik, hinahanap na ako ng aking ina!"
* pagpapaalam nito sa mga kalaro kasabay ang mabilis na pagtakbo nito patungo sa kanilang tahanan papalabas ng gubat
Hindi kalayuan sa lugar kung saan dapat siya nagbabantay ng mga hayop, sa may gubat, ay namataan din naman siya agad ng kanyang ina.
"At saan ka na naman galing? Hindi ba't ilang beses ko ng sinabi sayo na huwag na huwag mong iiwan ang mga alaga natin, maaari silang salakayin ng mga mababangis na hayop kapag nalaman nilang walang nagbabantay sa mga ito!"
* panenermon nito sa anak habang nakatungo ito
"Binabantayan ko naman ina, sa totoo nga niyan, tinaboy ko papaplayo kani-kanina lang ang isang aso na nagtangka na sumugod, hinabol ko lang para siguraduhin na hindi siya babalik"
* pagsisinungaling naman nito sa ina
"Ganoon ba?"
* pagkabanggit ay ituturo nito sa anak ang mga kaibigan na sa mga sandaling iyon ay dahan-dahan at patago-tago na umaalis sa gubat.
"Mukha ngang makulit ang aso na hinabol mo, tingnan mo banda roon."
* sabay turo naman nito sa kung saan naroroon ang mga bata na liningon naman agad ni Eiden.
At ng makita nga ni Eiden ang mga kaibigang itinuturo ng ina ay napangiti na lamang ito at napatungo dahil sa pagkapahiya bunsod ng pagsisinungaling. Madalas kung gawin ito ni Eiden lalo na kapag may pinapagawa sa kanya na nakakaligtaan nitong mabalikan bago pa man siya hanapin ng kanyang mga magulang, ang magsinungaling, subalit, kahit ano pa mang galing niya sa pagsisinungaling ay madalas din naman siya mabuking ng kanyang ina, bagay na nagiging dahilan kung bakit siya napapagalitan.
"Haay nako anak, hala! maligo ka na at mag-ayos, isasama ka ng iyong ama sa pamilihan."
* pagpapa-alam ni Crisa sa anak
"Talaga po?!"
* pananabik na sagot nito mula sa sinabi ng ina na naging dahilan din upang kumaripas ito ng takbo papasok ng bahay
Payak lamang ang pamumuhay ng pamilya ni Eiden, sa bahay lamang namamalagi ang kanyang ina na bukod sa pag-aalaga sa kanya ay katuwang din ito ng kanyang ama sa kanilang hanap-buhay, ang kanya namang ama na si Gilbo, isang magsasaka, na sa tuwing umaani ng mga gulay, nangunguha ng gatas sa mga alagang baka, balahibo ng tupa, o kaya naman ay mga karne mula sa mga kinatay na alagang hayop, ay dinadala at ibinebenta naman nito sa kanyang mga parokyano sa pamilihan ang kanyang mga inaaning produkto.
Maliit na halaga lamang kung bilhin sa kanila ang kanilang mga kalakal, magkagayon man ay sumasapat naman ang kinikita ng kanyang ama upang matustusan ang kanilang pangangailangan, minsan pa nga ay nagagawa pa nitong mabilhan ng anumang naisin si Eiden kapag isinasama ang anak at kung magkakataon na malaki ang kinita nito mula sa pagbebenta, bagay na pag nangyayari ay hindi din naman maiwasan na mapagtalunan nilang mag-asawa ang ganitong bagay.
Oras na ng hapunan, at madalas sa mga ganitong tagpo ay nagbibigay ang ama't ina ni Eiden ng mga aral sa kanya, pamamaraan upang mapalaki siya ng maayos at magsisilbing gabay niya sa paglaki...
"Anak, iwasan mo ang pagsisinungaling, alam kong maaaring hindi mo pa ito lubusang mauunawaan, pero ang pagsisinungaling ay may kalakip na kapalit, madalas nito ay kapahamakan."
* pagpapaliwanag ni Gilbo kay Eiden
"Pasensiya na ama, nayaya kasi ako ng mga kaibigan ko, ng dahil sa pagkabagot ko kanina sa pagbabantay ay hindi ko na naiwasan ang sumama at makipaglaro"
* sagot naman nito sa ama
"Wala namang problema kung nais mong maglaro, sana naman ay ipinagpaalam mo sa amin, at kung sakali naman na wala na kaming ginagawa, ay hahayaan ka naman namin na makapaglaro, huwag mo lang sana iiwan ang iyong tungkulin"
* pagpapaala naman ni Crisa sa anak
"Makinig ka sa iyong ina, ang pagtalikod at pag-iwan sa isang tungkulin, gaya ng pagsisinungaling ay may kapalit na kapahamakan din, pakatandaan mo sana ito anak."
* dagdag pa ni Gilbo
"Opo"
* ito na lamang ang nasagot ni Eiden sa mga paalala at paliwanag ng ama't ina buhat sa kanyang ginawa, matapos mapakinggan ay yumuko na lamang ito at kumain
"huwag sanang sumama ang loob mo anak, lahat naman ng sinasabi namin sa'yo ay para sa ikabubuti mo, kaya paka-tandaan mo sana ang mga ito"
* pagbibigay linaw naman ni Gilbo sa mga aral na naituro sa anak habang tinatapik ang balikat nito.
Isang umaga, habang naglalaro si Eiden kasama ang kanyang mga kaibigan, abot ng kanyang natatanaw ay may tatlong armadong kalalakihan ang pumunta sa kanilang bahay, at ng pinaunlakan ng kanyang ina ang mga ito na pumasok ay hinarap naman ito agad ng kanyang ama na sa mga sandaling iyon ay nasa sakahan, hindi man niya naririnig ang kanilang usapan ay kapansin-pansin na panay ang yukod ng kanyang ama sa mga ito habang dinuduro at pinagagalitan.
"Hanggang kailan kami maghihintay? Hindi ba't pinagbigyan ka na namin? At ayon sa pinangako mo noong huling pumunta kami dito ay maihahanda mo na ang kakulangan, bakit hanggang ngayon sasabihin mong wala?!"
* pagdidiin ng isang lalaking armado kay Gilbo
"Pagpasensyahan niyo na sana ang aking kabiguan, ngunit naging mahina kasi ngayon ang pangangailangan sa mga saka ko, kaya naman maliit lang din ang kinikita ko ngayon, hindi naging sapat upang mabuno sa tamang oras ang kakulangan ko."
* pagpapaliwanag naman ni Gilbo sa mga ito
" Hindi namin kailangan ang pangangatwiran mo! Napapagod na kami sa pabalik-balik namin sa mga kagaya ninyo na puro na lang pagdadahilan! Kung hindi na talaga ninyo kayang magbayad ay mabuti pang lisanin niyo na ang lugar na ito, dahil kung hindi ay mapipilitan na kaming gumamit ng dahas! Naiintindihan mo ba?! "
* pagbabanta pa ng isang lalaking suot ng magarang damit at sombrero na may hawak na baston habang idinuduro nito kay Gilbo.
"Hindi kami aalis dito ng wala kaming napapala, mabuti pang magbigay ka na kung ayaw mong sirain at halughugin pa namin ang bahay mo hanggang sa makuha namin ang makatutumbas sa halagang dapat mong mabayaran!"
* dagdag pananakot pa nito.
Kaya naman ilang saglit pa'y pumasok sa kanilang tahanan si Gilbo, hindi din naman nagtagal ay lumabas agad ito na may bitbit ng supot na inabot naman sa mga lalaking kaharap, at ng matapos matanggap ay hindi na rin naman ito nagtagal at umalis din...
"Uuwi na ako!"
* pagpapaalam ni Eiden sa mga kalaro
"Huh?! Bakit?"
* pagtataka ng isa nitong kaibigan
"Kakailanganin na kasi ako sa bahay"
* sagot nito
"Hindi ka na ba babalik?"
* tanong naman ng isa niya pang kalaro
"Hindi ko alam, pero sige, susubukan ko!"
* pangangako naman niya
Ng tuluyan na ngang makaalis ang mga taong bumisita ay dali-dali ding nagpaalam si Eiden sa kanyang mga kalaro at umuwi, bukod kasi sa pagtataka sa kung sino ang mga pumunta, ay nasasabik din kasi siya sa merienda na madalas ihain ng ina tuwing sasapit ang dapit-hapon.
Bagaman nababalot ng pighati at lungkot, ay minabuti pa rin ng mag-asawa na magpatuloy at umarte na para bang normal ang lahat, nagbalik si Gilbo sa sakahan upang iayos ang mga gamit, samantalang si Crisa ay nagtungo naman sa kusina para ihanda ang kanilang kakaining merienda, at ng matapos na niya ang makakain ay inilabas na niya ito at inilapag sa mesa na nasa ilalim ng puno upang magsilbing lilim ng hapag-kainan, makaraan ay isa-isa niya ng tinawag ang kanyang mag-ama.
"Gilbo! Eiden! Halina kayo at kumain!"
* pagtatawag nito.
"Parating na ako, saglit lang at inaayos ko lang itong mga gamit ko sa saka"
* sagot naman ni Gilbo sa asawa
"Napansin mo ba si Eiden?"
* pag-aalalang tanong naman ni Crisa
"Hindi eh, pero malamang ay papauwi na iyon"
* pampalubag-loob naman nito habang papalapit na sa hapag kung saan nakahain ang kanilang makakain
"Ano na bang mangyayari sa atin?"
* biglaan nitong tanong patungkol sa naging pangyayari kanina
"halos wala ng natitira pa para sa atin..."
* dagdag pa nito
"Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan, makakabawi din tayo"
* pagtitiyak nito kasabay ng pagyakap at paghagkan sa asawa
"Kakain na ba? Kakain na ba?"
* pananabik na bulalas ni Eiden habang nagmamadaling pumasok sa kanilang tarangkahan at kumaripas patungo sa lamesa kung saan nila pagsasaluhan ang pagkain
Masayang pinagsaluhan ni Eiden at ng kanyang mga magulang ang meriendang inihain ng kanyang ina, ito talaga kasi ang kinasasabikan ni Eiden tuwing sasapit ang hapon, na kahit ano pa man ang kanyang ginagawa o mapasaan man siya naroroon ay handa niyang ipagpalit at iwan ang mga bagay-bagay huwag lang mapalampas ang pagkakataon na malasap ang luto ng kanyang ina.
Naging maayos nga ang pagsasalo nila sa hapag-kainan, nagkakabiruan pa nga ang mga ito at nagtatawanan, lalo pa ng mabilaukan si Eiden ng dahil sa katakawan, halos hindi magkanda-ugaga ang dalawa sa pagbibigay ng inumin at tapikin ang likuran nito, natawa na lamang ang mag-asawa dahil matapos mahimasmasan at maginhawaan ang anak ay kumuha pa uli ito ng pagkain at muling kumain na para bang walang nangyari, halos ayos na nga ang lahat, dahil pinipilit din ng mag-asawa na malimutan ang naganap kani-kanina lang at upang huwag din mahalata ng anak ang suliranin na kinaharap, subalit ang lahat ng saya at pagtatago ay bigla na lamang nagwakas ng...
"Ama, sino po ang mga panauhin kanina?"
* biglang pagtatanong ni Eiden.
Sa isang tanong lamang na ito ay para bang may bumuhos na malamig na tubig sa mag-asawa, sa pagkabigla ay napatingin pa ang mga ito sa isa't-isa.
"Bakit parang nagagalit po sila sa inyo? At ano po iyon na ibinigay ninyo sa kanila?"
* dagdag pa nito habang patuloy sa pagdampot ng pagkain
Dahil nga sa kamusmusan ay naging matanong si Eiden, bagay na ikinagulat ng kanyang mga magulang kung paano nalaman ng batang ito ang pagdating ng mga panauhin, at kung paano nito nakita ang mga pangyayari, labis na nabahala ang ama ni Eiden sa mga naging tanong nito, hindi rin niya kasi alam kung paano maipapaliwanag sa isang murang edad ang sitwasyon na kanilang kinahaharap at kung sino ang mga pumunta.
Matagal ng hinaharap ng mag-asawa ang mga taong iyon, sila kasi ang mga grupo na humahawak sa maliit na pamayanan kung saan sila nakatira, kung tutuusin, lahat na lamang ng naninirahan doon ay hinihingan nila ng buwis, buwis na sila lamang ang nagpapataw bilang proteksyon di umano sa mga bandido o kung sino pa man na maaaring manamantala sa maliit na pamayanan na iyon, bagay na naiintindihan naman ng mga taong naninirahan doon.
Subalit, habang tumatagal ay palaki din naman ng palaki ang kanilang hinihingi na halos isang buong araw na panggastos na ang naibibigay ng mga nakatira dito, marami na ang tumanggi sa ganitong patakaran ng grupo, iyon nga lamang kung hindi nasasaktan ay sinusunog ng mga ito ang kabahayan o ari-arian ng mga lumalaban, may mga nagtangka na ring mag-aklas, subalit nauwi lamang ang mga ito sa pagkasawi, bagay na ayaw naman mangyari ng mga magulang ni Eiden sa kanila, kaya naman kahit gaano pa man kahirap ay pinipilit nilang maibigay at matustusan ang pangangailangan ng pangkat na ito.
At tila ba natulala sa tanong na iyon ang ama ni Eiden, hindi kasi niya sukat akalain na darating ang araw na ito, na magtatanong ng ganoong bagay ang anak, nawaglit sa kanilang isipan na maaaring matuklasan ito ni Eiden, bagay na hindi nga nila napaghandaan sa kung ano ang maaaring sabihin...
"Ahm, ang mga taong iyon? Aaah, sila ba? Ano kasi..."
* naguguluhang pagsagot ni Gilbo sa anak, hindi niya kasi alam kung paano nga ba maipapaliwanag ang pangyayari lalo na sa isang murang edad, at kung maiintindihan na nga ba nito ang kanilang pinagdadaanan
"Mga opisyal sila ng ating pamayanan..."
* pagsingit ni Crisa sa nais sabihin ni Gilbo sa anak
"Tama! Oo, mga opisyal nga sila, nandito kasi sila dahil kailangan na natin magbayad ng ating buwis"
* biglaang pagpapaliwanag at pagputol nito sa nasabi ni Crisa
'Kasinungalingan', iyan na lamang ang tanging naibigay na sagot ng mag-asawa sa anak, bagay na taliwas sa naibigay nilang aral at katuruan dito, bagay din na hindi nila maiwasan upang huwag mag-alala at mabahala ang anak sa tunay na sitwasyon na kanilang nais maitago sa bata na kanila ngang dinaranas.
"Buwis? Ano po iyon?"
* muling pagtatanong ni Eiden
"Alam mo anak, kahit na ipaliwanag namin ito, ay maaaring hindi mo pa maintindihan, kaya huwag mo na lamang alalahanin ang bagay na iyon."
* pag-iwas na sagot naman ni Crisa sa anak upang maiwasan at mapatigil na nito si Eiden sa pagtatanong, sinabayan niya na lamang ito ng ngiti at pag-aabot ng inumin upang huwag ng mabahala ang anak.
Lumipas pa nga ang ilan pang mga buwan, mas lalo pang tumitindi ang paniningil ng buwis ng grupo sa bawat mamamayan na kanilang nasasakupan, bagay na lalong nagpapahirap sa kalagayan ng mga magulang ni Eiden, pilit mang ilihim, dala na rin ng panglulumo, ay hindi na nila naitago pa kay Eiden ang kalungkutan at pagkabagabag na nararamdaman na nagiging sanhi upang mas mapansin na ng bata ang kanilang pamumrublema sa suliranin na kanila ngang kinahaharap.
At ng minsan ngang mapansin ito ni Eiden, habang umiiyak ang ina at yakap-yakap ng kanyang ama, ay hindi na naman nito napigilan ang magtanong, bagay na binigyang pansin na ng mag-asawa.
"Ina, bakit ka po umiiyak?"
* pagtatanong ni Eiden sa ina
"Nahihirapan na kasi kami anak, alam kong hindi pa namin dapat sabihin sa'yo ang mga bagay na ito dahil hindi mo pa rin naman maiintindihan, pero kasi, maaaring hindi na natin kayanin pa ang problema na ating kinahaharap"
* pagpapaliwanag naman ni Gilbo dito
"Bakit po? Ano po ba ang nangyari?"
* pag-uusisa pa ni Eiden
"Sa totoo kasi niyan anak, masyado ng malaki ang buwis na hinihingi ng mga opisyal sa atin, halos wala na tayong maipambayad, kahit ano na nga lang ang naibibigay ko makabayad lang tayo, unti-unti na rin nauubos ang ating salapi, humantong na nga rin tayo na kinakailangan na natin ibenta ang ating mga alagang hayop, bagaman alam kong wala ka pang alam sa ganitong mga bagay, pero mainam na rin siguro na malaman mo"
* pagbubuod nito sa anak, pagbabaka-sakali na maunawaan ito ni Eiden
"Ganoon po ba? kaya pala naubos na ang mga alaga nating hayop, dahil po pala ito ang ipinambayad natin sa buwis?"
* malungkot na pag-ulit nito sa nasabi na ng ama
"Tama ka anak, paumanhin kung inilihim namin sa iyo ang bagay na ito, ayaw lang din naman namin na mabahala ka at mag-alala, bagay na hindi na rin naman namin maitatago pa, ang mga pananim na lamang natin ang tanging natitira pa sa atin"
* pagpapaliwanag nito sa anak
"Ano po ba ang dapat natin gawin para makabayad ng sapat na buwis?"
* pag-uusisa pa nito
"Malaking salapi anak ang kinakailangan natin, kaya nga kailangan namin ng iyong ina na makapagtanim pa ng mas maraming punla upang mas marami din tayong aanihin... " pagsagot naman ni Gilbo dito, "...kaya sana huwag ka na muna magpapasaway sa iyong ina, maliwanag ba?"
* dagdag pa nito
"Hindi naman po ako nagpapasaway, wala na rin naman ako babantayan na mga alaga natin eh, kaya hindi na ako tatakas"
* pagbanggit nito'y nagbigay ito ng ngiti sa ama,
"kaya naman para hindi ninyo ako mapagalitan, tutulong po ako sa inyo para makabayad!"
* buong sigla nitong pagbabanggit sa ama
At ng dahil sa nasabi ni Eiden, ay lalo pang napaiyak si Crisa, niyapos ang anak ng mahigpit kasunod ay ang pagyakap naman ni Gilbo sa mga ito.
Isang araw, habang si Eiden kasama ang kanyang mga kaibigan na naglalaro, ay bigla na lamang may napagkwentuhan ang mga ito...
"Alam niyo ba, narinig ko ang aking ama kagabi habang nakahiga ako, ang sabi niya ay magtutungo daw siya sa bayan upang doon ay makapagtrabaho, ng sa gayon daw ay makadagdag ang kanyang kikitain sa pambayad ng buwis"
* pagpapa-alam ng isang bata sa kanyang mga kalaro
"Ganoon din ang narinig ko sa paguusap ng mga magulang ko, ang sabi pa nga nila ay mas maganda daw kung sa ibang bayan na kami tumira, kung magkakataon nga raw ay hindi na namin kailangan pang maghirap ng dahil sa buwis"
* pagkukuwento naman ng isa
"Ang sabi naman ng aking ama, mas mainam kung maglalakbay daw siya sa iba't-ibang lugar upang magbenta ng kanyang mga kalakal, sa ganoong paraan ay maaari siyang kumita ng mas malaki, at pag nangyari daw iyon ay hindi na namin kailangan pang mamrublema sa mga gastusin at mabibili na namin ang lahat ng gugustuhin namin"
* pagmamalaki naman nito sa mga kaibigan
Mula sa mga naging usapan, ay nakabuo ng pangarap si Eiden, nais niyang maglakbay upang makatulong sa kanyang mga magulang, gaya nga ng kwento ng kanyang mga kaibigan, kung maglalakbay siya patungo sa ibang bayan o lugar ay maaari siyang kumita, pag nagkagayon nga ay hindi na niya makikitang maghihirap at iiyak ang kanyang ama't ina, ilang gabi din nabagabag sa pag-iisip si Eiden, musmos pa man ay napapa-isip na ito sa mga bagay na kanyang ninanais na magawa para sa kanyang pamilya, at ng isang beses nga habang nananghalian ay bigla niya ito sinabi sa kanyang mga magulang
"Ama, ina, alam ko pong nahihirapan po tayo ngayon ng dahil sa mga binabayaran natin, gaya nga po ng sinabi ko, gusto ko pong makatulong sa inyo, kaya naman po... Naisip ko... Gusto ko po maglakbay!"
* masigla at sabik nitong pagkakabanggit sa harap ng gulat na gulat niyang mga magulang
At ng dahil nga sa sinabing iyon ni Eiden, ay hindi agad nakapagsalita ang dalawa, napalunok na lamang ng nginunguyang pagkain si Gilbo habang napahinto naman sa pagsubo si Crisa, sa tindi nga ng kanilang pagkagulat ay napatingin pa ang mga ito sa isa't-isa...