MALAKAS na malakas ang tibok ng puso ni Ember nang lumabas sila ng arrival area ng Logan International Airport sa Boston, Massachusetts. Nakakalasing ang kabang iyon, nakakapanghina. Or was it because of jet lag? Mahigit labinpitong oras ang biyahe mula Maynila hanggang Boston at bawat himaymay ng katawan ni Ember ay humihiyaw ng pahinga. Ngunit may isang bahagi niya ang gising na gising—ang puso niya.
Ilang oras na lang at makakaharap na niya uli si Lantis. Ang huling balita niya, inilipat na ito mula sa ICU patungo sa isang private suite. Isang linggo na itong may malay. Sa loob ng limang araw, hindi pa ito hindi makapagsalita o makagalaw nang maayos. Disoriented pa rin ito. Pero kahapon daw nang dalawin ito ng lolo nito ay nakikipag-usap na ito sa matanda.
"There's our car," untag sa kaniya ni Yngrid. Kay Yngrid siya nakikibalita sa mga kaganapan kay Lantis. Si Yaya Ida na kasama ni Lantis mula nang ilipat ito sa Massachusetts General Hospital ang siyang informant ni Yngrid. Siya ang nakiusap kay Yngrid na samahan siya sa America since minsan na itong nakarating sa ospital na iyon dahil minsan nang na-confine ro'n ang tatay nito. Ember knew nothing about travelling this far kaya laking pasalamat niya nang pumayag si Yngrid. Gusto rin daw makaharap ni Yngrid nang personal si Lantis upang makahingi ng tawad dito at makapagpaliwanag. Iyon na rin ang magadang pagkakataon para magkaroon na ng closure dalawa, ayon kay Yngrid.
Ilang sandali lang ay bumibiyahe na sila papunta sa tutuluyan nilang hotel. Kumain muna sila bago tumuloy sa kani-kanilang kuwarto. Her dreams were filled of Lantis, of their memories together, of the things that might happen later. Para siyang isang malaking tensiyon na naging tao. Lumala iyon nang lumala nang lulan na sila ng sasakyan na magdadala sa kanila sa ospital.
"Relax," ani Yngrid na nakaupo sa tabi niya. "Ngayon ka pa ba kakabahan? Ligtas na si Lantis."
"Hindi ko mapigilan, eh. P-Paano kung hindi niya ako matandaan? Paano kung hindi niya maalala lahat ng pinagsamahan namin?"
"Then do everything to make him remember you. Huwag kang susuko, Ember. The love like yours and Lantis deserves a happy ending. Mabuting tao kayo ni Lantis, deserve ninyo na maging masaya."
Hindi niya napigilang yakapin si Yngrid. "Maraming salamat, Yngrid." Sa kabila ng hindi magandang nangyari sa pagitan nila ni Yngrid, hindi niya akalain na mapapalapit sa kaniya nang ganoon ang babae. She, too, deserved to be happy. Sana, makamit na nito iyon.
Narating nila ang ospital. Nang nasa mismong harap na sila ng private suite ni Lantis, napatigil siya sa paghakbang. Hindi na siya halos makahinga sa kaba. Tiningnan niya ang pinto ng silid at naramdaman na nangilid ang luha niya.
Isang pinto na lang ang pagitan nila ni Lantis, ilang hakbang na lang. He was inside that room, breathing, moving, talking. She was so overwhelmed with emotions. Ano ang gagawin niya kapag nagkaharap na sila? Ano ang sasabihin niya? Ano ang gagawin nito? Will he recognize her immediately? Will he smile at her?
"Gusto mo bang mauna na ako?" tanong ni Yngrid, hawak na nito ang handle ng pinto.
"O-Okay. Susunod ako after ten minutes."
Tumango si Yngrid at pumasok na sa silid.
Sumandig si Ember sa dingding at pumikit. Nag-inhale-exhale siya. Kinausap ang sarili, sinulyapan ang relos pagkatapos ay ang pinto.
Napakislot siya at napamulat nang bumukas ang pinto at makitaang nakatayo ro'n si Yaya Ida. Ngumiti ito, iniabot ang kamay sa kaniya.
"Pumasok ka na, anak," anito at hinila siya papasok sa silid.
Agad tumuon ang mga mata ni Ember sa malaking kama sa gitna ng silid. Ngunit bakante iyon dahil ang taong inaasahan niyang nakahiga ro'n ay nakaupo sa wheelchair. Nakaluhod si Yngrid sa harap nito, magkayakap ang dalawa. Ang buhok lang ni Lantis ang nakiKita niya dahil nakasubsob ang mukha nito sa leeg ni Yngrid.
"You don't know how much I miss you," sabi ng paos na boses at na-realize na si Lantis ang nagsalita. "I'm so sorry for leaving you."
Napaatras si Ember, hindi napigilan ang mapahawak sa dibdib nang maramdamang tila may matalim na bagay na sumugat doon. Sumungaw ang luha sa mga mata niya. Inaasahan na niya na mangyayari iyon but despite that, the pain and fear that gripped her as she stood there watching Lantis and Yngrid was so intense. Eight months ago, when Lantis shut his eyes, si Yngrid ang mahal nito. Ngayon na nakamulat na iyon, kay Yngrid pa rin ba tumitibok iyon?
Humikbi siya pagkatapos ay tumalikod at tinungo ang pinto.