"PATAY KA, December!" sigaw ni Ember nang bumalikwas at makita kung anong oras na: alas diyes y media na ng umaga. Mahigit tatlong oras na siyang late sa trabaho!
Sinipa niya paalis sa katawan ang kumot at tumalon pababa ng kama. Hinablot niya mula sa hook sa likuran ng pinto ang tuwalya niya—at natigilan. Napakurap-kurap si Ember habang kaharap ang malaking kalendaryo. May kulay pulang marka ang petsang November 1.
Natampal niya ang noo saka tatawa-tawang umupo sa kama at bumuga ng hangin. Lumuwag na ang pakiramdam niya. Holiday ang November 1, so walang pasok sa Don Mauricio Arevalo Highschool o DMAH kung saan nagmumula ang ninety nine percent ng costumer niya sa LACE, ang pag-aari niyang bookstore cum snack house cum tambayan cum carinderia.
LACE was actually an acronym for Lando, Antonia, Carrie and Ember. Si Lando o Orlando Madrid ang kaniyang ama, si Antonia o Antonio Madrid, Jr. ang kaniyang tiyuhin na hairdresser ng mga kilalang tao sa Japan at si Carrie ang kaniyang butihing ina. Pareho nang wala sa mundo ang kaniyang mga magulang at si Antonia na lang ang natitirang kamag-anak niya sa Pilipinas. May mga kamag-anak sila na nasa ibang bansa na—mga kamag-anak na inilibing na ni Ember sa limot kasabay ng paghatid niya sa huling hantungan ng mga magulang. Mga kamag-anak na tinalikdan sila sa panahong kailangang-kailangan nila ang mga 'to.
Pabagsak siyang humiga sa kama at tumitig sa kisame. Tumuon ang mga tingin niya sa dalawang butas sa kisame na parang pares ng itim na itim na mga mata, wari'y tinitingnan siya, pinapanood.
Creepy, Ember thought, and diverted her eyes on the capiz windows. Patunay ang mga bintanang iyon sa kung gaano na katanda ang bahay na tinitirhan niya. Iilang bahay na lang ba ang may ganoong bintana sa Pilipinas na gawa pa noong panahon ni Gat Jose Rizal?
Pag-aari ng lolo at lola sa father's side niya ang bahay na ipinamana kay Uncle Darrio, ang kuya ng tatay niya at ni Antonia. Nang mamatay si Uncle Darrio at ang Tatay Lando niya, automatic na kay Antonia napunta ang bahay. Dalawang palapag iyon, may apat na silid-tulugan. Dalawang silid lang ang ginagamit sa kasalukuyan ni Ember, ang isa bilang kuwarto niya at ang isa ay imbakan ng ibang paninda nila sa LACE.
Bagaman luma at tila malapit nang sumunod sa mga dating may-ari ang bahay, matibay pa iyon at fully furnished. Pinaghalong antigo at moderno ang mga kagamitan sa loob. Her new thirty five inches plasma TV—courtesy of Antonia's jowa—was beside a one hundred fifty years old cabinet. Nakapalibot sa lumang baul cum center table ang isang set ng lime green leather sofa, katabi ng stereo ang malaking banga na walumpo't pitong taon na ang edad. Lahat ng kama sa itaas ay canopy bed na may kung anu-anong ukit. Kulay pink na may ruffles at laces ang canopy ng sa kaniya. Mayroong mga life-size mirror na itinambak ni Ember sa silid ni Antonia dahil feeling niya lalabas si Maruja ro'n kapag hatinggabi. May mga lumang portraits ng ninuno nila at siyempre, may grand piano.
Ang sabi ni Antonia, ibenta na raw nila ang mga gamit. May ilang antique collectors nang pumunta ro'n at in-offer-an siya ng halaga na hindi kayang kitain ng tindahan niya sa loob ng sampung taon. Tumanggi si Ember. May dahilan kung bakit ang mga lolo't lola nila ay hindi ipinagbili ang natitirang kagamitan at inirerespeto ni Ember iyon. Selling them was like an insult to their memories.
Dati ay pinapaupahan ni Ember ang dalawang silid sa ibaba ngunit walang nagtatagal na tenant dahil daw sa umano'y bumabalot na kababalaghan sa bahay. Sikat ang bahay niya sa Villa Socorro lalo tuwing Halloween. Tinawag pa itong "Madrid White House" ng mga kapitbahay niyang tsismosa kahit na hindi naman kulay white ang bahay kundi light yellow at peach. Lungga raw ng duwende, kapre, madreng duguan, tiyanak at manananggal ang bahay niya. Sabi pa, libingan ng mga batang in-abort ang likod-bahay at sa lumang balon ay may nakatirang babaeng nakaputi. Sino 'yon, si Sadako?
Kalokohan. Siyam na taon na siyang nakatira ro'n, ni dulo ng rebonded na buhok ni Sadako ay hindi pa nakikita ni Ember at ang tanging manananggal na kilala niya ay nasa Japan na at kumakain ng snow.
Napapiksi siya nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. And speaking of manananggal, aniya sa isip nang sagutin ang long distance call ni Antonia.
"Tita Ganda!" masigla niyang bati, dumekuwatro at kumuya-kuyakoy.
"Mabuti naman at gising na ang pamangkin kong ipinaglihi sa kuko ng The Hunchback of Notredamme," bungad ni Antonia sa kaniya, ang nag-iisa niyang buhay na kadugo na mukhang patay. "Kanina pa ako tawag nang tawag sa'yo, Disyembre."
"Kagigising ko lang mula sa beauty rest ko. Ayokong matulad sa'yo na kinulang sa tulog kaya nagkaganiyan ang hitsura."
"Aba't—babaitang unanng 'to! Maganda na ang tita mo ngayon, baka 'kala mo. Ipapa-cancel ko ang balikbayan box na ipapadala ko sa'yo next month."
Ngumuso si Ember. "Sa'yo na ang balikbayan box mo na ang laman ay pulos expired na canned goods," biro niya. "Si Fujiku lang naman ang nakikinabang ng ipinapadala mo rito." Si Fujiku ang chihuahua na ipinamana rin nito sa kaniya. "Anyway, napatawag ka, Tita Ganda?"
"Nakadalaw ka na ba sa sementeryo, my dear niece?" pa-sweet na tanong nito.
"Bakit? Kailan ka pa inilibing?"
"Impaktita! Mauuna kang ililibing kapag hindi ka umayos diyan," banta nito. Nai-imagine niya ang operada nitong ilong na lumalaki ang butas. Maliban sa pagiging hairdresser, sustentado rin si Antonia ng Hapones na boyfriend kaya afford nito ang plastic surgery. Dalawang taon lang ang tanda sa kaniya ni Antonia, ito na rin ang tumayong parent, best friend at kapatid niya nang pumanaw ang parents niya nine years ago. Ang isa't isa na lamang ang mayroon sila kaya sobrang close nila. Ang panlalait sa isa't isa ay paraan kung paano i-express ang pagmamahal nila. Ganoon sila ka-sweet. "November one ngayon, hija mia, araw ng mga patay. Hindi mo man lang ba dadalawin ang Tatay at Nanay mo o gusto mong ikaw ang dalawin nila?"
Natampal ni Ember ang noo. Kaya pala kanina pa niya iniisip kung ano ang gagawin niya, naka-schedule na pumunta siya sa sementeryo nang araw na iyon. Naihanda na nga niya ang mga gagamitin niya sa paglilinis kagabi.
"Sorry naman, nawaglit sa isip ko." Iniipit niya sa pagitan ng balikat at tainga ang aparato saka sinimulang hubarin ang pajamang suot. Sampung minuto pa silang naglaitan ni Antonia bago niya naibaba ang cellphone at tinungo ang banyo.
Pagkalipas ng isang oras, papalabas na si Ember ng pinto bitbit ang basket ng pagkain, cooler, plastic bag na may lamang basahan at walis tingting. Nakasunod sa kaniya si Fujiku, isang chihuahua, na nagsisilbi niyang bantay magmula nang umalis si Antonia. May pag-aari siyang third hand pick-up truck ngunit ipinasya niyang lakarin na lang ang papuntang sementeryo tutal ay malapit lang iyon sa lokasyon niya.
"Mangkukulam! May mangkukulam!" matinis na sigaw ng bata na nasa kabilang bahagi ng kalsada nang itulak niya ang gate. Pumulot ito ng bato at ipinukol sa kaniya.
"Aba't—! Hoy! Hindi ako mangkukulam! Baka gusto mong kulamin ko ang buong angkan mo!" asik niya. Kumaripas naman agad ng takbo ang bata. Sanay na siyang masabihan ng ganoon ng mga anak ng kapitbahay nila. Pero minsan ay napipikon rin siya lalo kapag hindi maganda ang mood niya, to the point na tinatakot niya ang mga ito na papasundan sa alaga niyang kapre.
Nasa dulong bahagi ng Villa Socorro ang bahay ni Ember, karamihan ng bahay sa paligid ay abandonado at kasing edad ng bahay niya. Either hindi na puwedeng tirhan ang mga iyon o walang naglalakas ng loob na tumira dahil sa kababalaghan na bumabalot diumano roon.
Mahigit kalahating oras na naglakad si Ember bago narating ang Saint John Memorial Cemetery. Maraming tao sa loob at labas, may mga tolda at mesa na nagbebenta ng kandila at bulaklak. Bumili si Ember ng dalawang basket ng puting daisies at mga kandila. Sa gate naman ay isa-isa pang in-inspection ang mga dala niya kaya medyo natagalan bago siya nakapasok.
Pawang middle class at mayayaman ang nakalibing sa Saint John. Except for her parents. Nagkaroon lang ng puwesto ro'n ang nanay at tatay ni Ember dahil kay Tito Simon na best friend ng Papa niya. Ito rin ang sumagot sa lahat ng gastos magmula sa burol hanggang sa pagpapalibing. She was only eighteen then, Antonia's twenty and they were both in college. Walang may kakayahan sa kanila na bigyan nang maayos na burol at libing ang mga magulang niya, plus, all of their things were included in the fire—the same fire that took her parents' lives.
Hindi niya namalayan na nasa tapat na siya ng puntod nina Lando at Carrie Madrid. Kahit na nakapikit, kaya niyang tuntunin ang lugar. Second home na nga kung ituring niya iyon.
Ibinaba ni Ember sa lupa si Fujiku at hinayaang habulin ang dumaang puting paru-paro. Lumuhod siya sa pagitan ng mga puntod, inalis ang lupa at mga tuyong dahon na nagkalat sa ibabaw. Inilabas niya ang mga kandila at sinindihan.
"How's my handsome tatay and my pretty nanay?" tanong niya sa mga puntod gaya ng nakasanayan niyang gawin tuwing pupunta roon. "Regards po pala sabi ni Tita Antonia, malapit na raw siyang sumunod sa inyo—Joke!" Kung nabubuhay lang ang nanay niya, baka kinutusan na siya nito. Medyo isolated ang kinaroroonan ng puntod ng parents niya kaya ayos lang na magsalita siyang mag-isa. The last time she spoke to the graves, may ginaganap na funeral ceremony sa katabing area. Pinagtinginan siya ng mga nakikipaglibing na nakarinig sa kaniya at saka lumayo.
Nagsimula na siyang maglinis—walis dito, walis doon; hugot ng damo dito, hugot ng damo roon. Isinilid niya pagkatapos sa dalang sako ang mga naipong dumi at dinala sa malaking basurahan sa unahan. Umupo muna siya sa bench at nagpahinga. She grabbed the bottled water and watched the people on every grave do their tasks. Napansin niya na siya ang bukod-tanging mag-isang naglilinis doon, lahat sa mga ito ay kasama ang kani-kanilang pamilya.
"I'm with my family, too," aniya, tumingin sa mga puntod. Dumako ang tingin niya sa bakanteng puwesto sa tabi ng puntod ng nanay niya at in-imagine na naroon si Antonia, payapang nakahiga, may bulak sa mga butas ng ilong.
"Arf! Arf!" Napapiksi si Ember nang marinig ang matinis na kahol ni Fujiku. Nagulantang siya nang makitaang nakapatong ito sa tombstone ilang hakbang ang layo sa kanila. Base sa pagkakaupo ng makulit na chihuahua, alam niyang may hindi magandang gagawin ito.
"Fujiku!" naaalarma niyang sigaw. Dali-dali niya itong nilapitan at itinaboy. "Anak ka ng kuwago, umalis ka nga riyan! Doon ka sa malayo magkalat." Marahan niya itong itinulak gamit ang paa palayo sa lapida. Binalingan niya ang puntod at pinagsalikop ang mga palad. "Pasensiya na po, kung sino man ang may-ari nito, pasensiya na sa kalokohan ng aso ko."
Tinakbo niya ang kinauupuan kanina, kinuha ang basahan at pinunasan ang lapidang halatang gawa sa mamahaling klase ng bato kaya lang ay nakaligtaan nang linisin. Halos hindi na niya mabasa ang mga nakauLantis na salita roon. Umiral ang pagiging pakialamera ni Ember. Pinunas niya nang pinunas ang bato, unang nahagip ng mga mata niya ang taon ng kamatayan ng nakahimlay ro'n: 2015. Ang pangalan ng may-ari ng puntod at iba pang detalye ang tiningnan niya: Lantis Arcanghel. December 26, 1986-April 30, 2015.
Kinuwenta niya ang mga numero sa isipan. Anim na buwan pa lang magmula nang mamatay ito and he's only twenty nine years old. Dalawang taon lang ang tanda nito sa kaniya. At ka-birth month niya ito. December 9 ang birthday niya. Iyon din ang dahilan kaya pinangalanan siyang "December".
"Ang bata," may himig-panghihinayang niyang sabi. Kasing edad lang ito ni Antonia. "Lantis. You have a nice name."
Tumayo na siya at akmang aalis nang may matisod ang dulo ng paa niya. She looked down and squinted at the thing on her feet. It was covered with dirt and dry weeds. Dinampot niya iyon. It's a picture frame. Kinahig niya ang dumi na nakabalot sa salamin hanggang sa tumambad ang isang mukha na nagpagitla sa kaniya.
"Oh my siomai," usal niya, titig na titig sa nakangiting mukha ng isa sa pinakaguwapong lalaking nasilayan niya. Ang mga mata nito ay parang buhay na buhay, nginingitian siya. Dumoble ang panghihinayang na nararamdaman niya. "Ikaw ba si Lantis? Shocks, bakit ka namatay?"