Chereads / Siga ng Universe (Tagalog) / Chapter 4 - Chapter 3. Change of Pace

Chapter 4 - Chapter 3. Change of Pace

KUMPLETO NA!

Kumpleto na ang Pamilya Genesis. Magkakasama na uli ang daddy at mommy nya sa iisang bubong.

Ang anim na taong pangungulila sa aruga at kalinga ng kanyang mga magulang ay tapos na. Ang ideya pa lamang ng pagiging buo ay lubos ng nakakaantig at hindi maipaliwanag sa damdamin ng batang bida.

Ilang birthday, perfect score sa exam, excellent stamp sa kamay at kung ano ano pang masasayang araw ay hindi nya naranasan kasama sila. Ngayon ay magkakasama na sila para ipagdiwang ang mga bagay na ito.

Ilang sugat, aksidente, galos at sermon mula sa guro ang hindi nila nasaksihan ng kasama sya. Ngayon ay nandito na sila upang ipaliwanag sa kanya ang mga pagkakamali at magbigay ng suporta sa kung ano man.

Ilang pasalubong, kotse-kotsehan, sapatos, damit, laruan, itlog ng pugo at pritong balat ng manok ang kanilang pagsasamahan ng buo. Higit pa sa mga materyal na bagay ang pagkakataong ito. Ang masabing buo, kumpleto at magkakasama ang iyong pamilya; ito na siguro ang pinakamasayang araw sa buhay ni Archeebal.

Ang Daddy Robert nya ay hindi na mangingibang bansa samantalang ang Mommy Anna nya naman ay graduate na ng college.

Magsisimula na mag trabaho ang kanyang ina sa isang kompanya ng inuming hindi pangbata. Ang kanyang ama naman ay itutuloy ang pag didisenyo ng mga magagagarbong bahay para sa mga bigating tao tulad ng mga a. Politiko b. Negosyante (Legal o Illegal) c. Mataas na Ranggo sa Military o Police o d. kabit ng a, b & c.

Magkakasama na nga sila sa iisang bahay, Pero kung susuriing mabuti ay hindi pa din nya nakakasama ng matino ang mga magulang nya. Gabi gabi man silang umuuwi, Hindi na din nilang naabutan gising ang bata.

At sa Hindi pa maipaliwanag na kadahilanan...

Napagdesisyunan ng kanyang mga magulang na tumira na sa may Paraan. Dito nakatira ang kabilang side ng mga kamag anak. Nandito sila Lola Vicky at Lolo Leo, ang mga magulang ng kanyang daddy.

Ang Paraan ay hindi kasing laki ng nakasanayang 2 palapag na tahanan ng bida. Tatambad muna ang isang malaking kalawanging gate bago pa man makapunta sa mismong bahay. Pagpasok mo dito ay eentrada ka sa isang damuhang compound na punong puno ng mga puno at halamang hindi naman namumunga.

Mga ilang kilometro din ang layo nito sa Petruz Manor, kaya hindi sya basta basta makakabisita sa kanyang dating tirahan. Nawalay na din sya mga kaibigan nya at pinsan. Nakumpleto nga ang pamilya nya, nakaramdam naman sya ng pangungulila sa ibang tao.

Isang Lunes ng Hapon, Pebrero

Medyo nakakaramdam na ng pangungulila si Archeebal sa kanyang Mama, mahigit 2 linggo na din silang hindi nagkikita.

Kaya matapos ang klase, kinausap nya ang kanyang service na si Mang Dante.

"Kuya, pakihatid ako sa Petruz Manor. Ayoko umuwi ngayon kila Lola." pangiting sabi nya.

"Ay nako hindi pwede, at ang daddy mo'y magagalit sa akin! Sa Paraan ka raw ihatid lagi." pakunot noong sabi ni Mang Dante.

"Kuya ako bahala! Nag paalam ako. Ibibigay ko lahat ng baon ko ihatid mo lang ako sa Petruz Manor!" sabay abot ng bente pesos sa sundo nya.

"Oh sige bahala ka ah? Pag ako'y namura ih ikaw ang mag paliwanag!" pakamot ulong sabi sa batang bida habang ibinulsa ang pera.

Pagdating na pagdating sa Manor, pagkatok nya sa pinto ay biglang bungad ng isang mahigpit na yakap ang kanyang Mama. Gulat na gulat na si Archeebal na para bang antagal nyang nawalay sa kanila.

Mabilis na pinagluto ang bida ng paborito nyang sinigang na baboy. Para bang patay gutom si Archeebal dahil naka limang beses syang kumuha ng pagkain.

Pagkatapos kumain, diretso na si Mama at Archeebal sa terrace ng Petruz Manor. Dito nila tinatapos ang mga assignment at kung ano pa man dapat aralin; napaka aliwalas kasi dito at sariwa ang hangin.

Ito ang pinakamataas na parte ng bahay. Matatanaw dito ang isang kahabaan ng kalsada hanggang sa may Salubungan. Kaya talagang may mala bird's eye view effect pa yung terrace. Sosyalin talaga!

Habang tinuturuan ng Mama nya, natanaw nila ang kanyang Lolo Leo sa malayo. Para bang alam na alam nila na dumiretso ang bata sa Manor. Sakto din naman na natanaw sya ng kanyang Lolong paparating.

"Archeebal! Uuwi na tayo!"pasigaw ng kanyang Lolong nagmamadali papunta sa harap.

Nagmamadali namang bumaba ang kanyang Mama upang kausapin ng matino at mahinahon ang Lolo Leo ni Archeebal.

Hindi alam ng bida ang kanilang pinag uusapan. Ngunit nakakaramdam na sya ng kaba at konting takot.Pagbukas na pagbukas pa lang ng pinto ng terrace-

"Archeebal! Uuwi na tayo! Bakit dito ka nagpahatid?" galit na entrada ng kanyang Lolo.

"I just wanna visit my Mama, and I got a lot of school work thats-"

Hindi pa man tapos magsalita ang bata, hindi pa man naririnig ang kanyang paliwanag-

"Hindi! Uuwi na tayo! Ayaw na ng magulang mo na dito ka!" pasigaw na sabi ng kanyang tagapagsundo habang binibitbit na nito ang school bag ng bida.

Sinusubukan pa rin maging mahinahon ng kanyang Mama ng bigla biglang hinablot ng matanda ang braso ni Archeebal.

"Huwag! Ano ba naman?! Nasasaktan yung bata!" Pa hysterical na sigaw ng kanyang Mama.

"OUCH! My arm! I just wanna finish my school works! You guys don't even help me out in that God forsaken house!" pa English na rebuttal ng bata dahil highly emotional na naman ang situation.

"Hindi ka marunong sumunod! Masyado matigas ulo mo! Sa susunod na magpahatid ka uli dito, malilintikan ka!" Sabi ng kanyang Lolo Leo habang kinakaladkad sya sa kaliwang braso palabas ng Manor.

"LET ME GO! I want my Mama!" Pahagulgol na sambit ng bida habang natatanaw nya sa malayo ang kanyang Lola na wala din magawa.

Kinabukasan, Pagkatapos ng Klase

Matapos ang isang hindi mawaring pangyayari ni Archeebal, Hindi na sya nangahas pang magpahatid sa Petrus Manor. Pero hindi pa din malinaw sa kanya ang mga nangyari.

Marahil masyado pa syang bata para ganap na maintindihan ang mga pagbabagong nararanasan nya.

Kaya pagdating na pagdating sa bago nyang bahay...

"Lola, anong food? I'm starving na eh!"pasimpleng tanong sa kanyang Lola.

"Nilagang Bangus, may kanin din dyan." pataray na sagot sa kanya.

"Wala bang fried chicken? Hindi ako kumakain nyan eh" pakunot noong sabi ni Archeebal ng-

Nanggalaiti ang kanyang Lola Vicky at biglang pasigaw na sinabing:

"Kung anong meron dyan! Yan ang kainin mo! Hindi yung kung ano ano hinahanap mo! Antigas ng ulo mo! Masyado ka ini-spoiled dyan sa Manor na yan! Kung ayaw mo kainin yan, bahala kang magpakagutom!"

Napasagot din naman ang Batang bida at pabalang na sumagot ng:

"I don't eat that! And I don't want to be here anyway! Maghahanap ako ng fried chicken! I got my own money to spend!" sabay walk out palabas.

Mabuti na lang at may karinderya doon sa may kanto ng kanyang bagong tinitirhan.

At swerte na din nya at may fried chicken pa silang tinitinda.

"Manang I'll have an order of fried chicken and rice" sabay abot ng pera sa tindera.

"Yung pinritong man-ok hane? Alam ba ng iyong magulang na ikaw ih kakain rito?" sagot ng tindera na akala mo naman ay kialla ang magulang ni Archeebal.

Wala lang syang imik.

Kaya pagdating ng kanyang order, nagdasal ng mataimtim habang kumakalam pa ang sikmura; ay napapaluha na lang sya habang kinakain yung piniritong manok na inaasam asam nya buong magdamag.

Lumipas ang ilang araw

Tuloy lamang sa pagpasok sa eskwela si Archeebal. Literal na "gising-ligo-kain-pasok-uwi" routine tuwing mga araw na may pasok. Hindi na nya binalak pang mag mangahas suwayin ang utos ng kanyang Lolo't Lola; dahil ayon nga sa kanila ito'y ayon sa kagustuhan ng kanyang mga magulang. Ayaw nya na rin masakatan pa ng ganoon.

Ang dating masasayang araw nya ng pakikipaglaro at pakikihalubilo sa mga pinsan at kaibigan ay tapos na, napalitan na ito ng paglalaro ng video games. Wala na rin ang maingay at magulong pasikot ng Salubungan, naging isang tahimik at madamong harapan ng bahay na lamang ang kanyang tambayan. Ang pagtuturo o pag asiste din sa kanya ng mga nakatatanda sa kanyang mga proyekto at araling-pambahay ay napalitan na ng panonood ng telebisyon ng walang haribas.

Kawalan ng pakikihalubilo sa iba't ibang tao, kalinga, aruga at disiplina ang umiral sa bago nyang tahanan.Kumpleto ngang tutuusin pero para bang nawalan naman ang ibang parte ng kanyang buhay. Ang kanyang inaasam asam buong buhay nya ay ang kabaliktaran pala ng inaasahan.

Para bang binigyan ka ng isang bagong laruang hinihintay mo buong pasko, ngunit kapalit nito ang pagbawi sa nakasanayan mong gamit; ang gamit na laging nandyan kapag kailangan mo. Isang gamit na nahahawakan mo kapag ikaw ay nalulungkot, at ang pag tingin pa lang dito ay mapapawi na ang iyong sakit na nararamdaman.

Siguro nga ay nasa huli ang pagsisisi-

Na hindi nya masyadong napahalagahan ang aruga, kalinga at atensyong natamasa nya sa dating tahanan. Na hindi nya napasalamatan ng lubos ang mga taong nagturo sa kanya magbasa, magsulat at maging mabait na bata. Na hindi nya higit na nakita na hindi lahat ng bagay sa mundo ay permanente.

Kahit ang pamilyang kinagisnan. Kahit ang Petruz Manor.

**********

KULANG...

Kulang kulang ilang linggo na lang at patapos na ang pangalawang taon nya sa Elementarya. Sa pagkakataong ito, hindi nya nasisiguro kung matatanggap nya pa ba ang pinaghirapan nya ng tatlong grading period; ang Gold Medal Award.

Ang pangungutya ng kanyang mga kaklase ay lumipas man, pero mas malaking gulo naman ang bumabagabag sa kanyang puso't isipan. Hindi man sya nakakatanggap ng mga pasaring na "Lola's boy" ay mas nanaisin nya na din sigurong marinig yun araw araw, huwag lamang sya mawalay sa pamilyang kinagisnan...

Isang Araw ng Marso, Recognition Day

Kahit papaano, may karingot pa din naman ng liwanag ang dilim na nararanasan nya. Ito ang unang pagkakataon na kasama nya ang kanyang Daddy at Mommy sa isang importanteng okasyon. Proud na proud sila sa kanilang unico hijo.

Sa Ceremony Proper, magsisimula sa Red Ribbon Award, Blue Ribbon at syempre ang panghuli ang Gold Medal. Ang pinakakamote sa kamote ang mauuna, ang huling tatawagin ang lumalabas na "First Honor" sa kanilang Award Division.

Tapos na tawagin lahat ng Red Ribbon Awardees, habang papalalit na sa dulo, sa isip isip ni Archeebal-

"I deserve to get the Gold Medal again. 'I've worked so hard for it. I just want to make my parents proud-"

bago pa matapos ang kanyang pag mumuni muni ay biglang narinig nya-

"And the last to receive the Blue Ribbon Award is, Genesis, Archeebal"

Sa pagkakataong ito ay hindi sya makapaniwala sa kanyang narinig. Na dulot ng pabulusok nyang mga grado ay hindi na sya kasama sa mga tatanggap ng gintong medalya.

Pero tuloy pa din sya paglalakad paakyat ng entablado kasama ang kanyang mga magulang, tanggapin ang kanyang Ribbon.

Makikita sa mata ng kanyang mga magulang ang pagkagalak, dahil kung tutuusin ito ang unang pagkakataon nilang makasama ang kanilang anak tumanggap ng award. Ngunit makikita sa mata ni Archeebal ang pagkabigo. Ang pakiramdam na hindi pa sapat ang kanyang ibinigay.

Kaya pagbaba ng entablado ay napaluha na lang ang bida.

"Oh bakit anak? bakit ka umiiyak?" malambing na tanong kanyang Ina habang medyo nalilito sa kanyang nakita.

"I did my best, but I guess my best wasn't good enough"mahinang sagot nya habang iniisip kung song reference ba talaga ang sinabi nya.

"Ano ka ba anak. We're proud of you!" gatong naman ng Ama para pakalmahin sya.

"Ang importante Arch, magkakasama na tayo." pangiting sambit ng kanyang Ina.

Ganun pa man, kailangan nya na din tanggapin ang katotohanan na may mga bagay kang hindi mo makukuha kahit gaano mo pa kagusto ito. Kailangan nyang tanggapin Ang katotohanan na may mga bagay na hindi natin ganap na maintindihan. Marahil sa tamang panahon masasagot din ang mga bagay na ito.

**********

Hindi pa man malinaw sa kanya ang mga pagbabagong nagaganap sa kanyang buhay ay mayroon na naman isa pang paparating na pagdadaanan. Isa ito sa mga magiging hakbang upang ganap syang matuto at mahulma bilang Siga ng Universe.

Isang maaraw na Sabado, Mayo

Tapos na ang mga panahon ng pagiging unico hijo. Siyam na buwan na lamang may madadagdag na sa kanilang pamilya.

Dagdag sa pagbabagong ito ang isa pang pagbabago sa kanyang murang edad.

"Arch, were moving to a new city! We're going to have our own house there." excited na bati sa kanya ng Daddy nya.

"Again? We just moved here a couple of months ago." sagot ng bidang medyo naguguluhan pa din sa kanyang sitwasyon.

"Kasi nakahanap na kami ng bahay na ma's malapit sa work namin. Para hindi naman masyadong nakakapagod pauwi" paliwanag ng kanyang Mommy.

Sa kanyang isipan ay nagulantang na naman ang future Siga ng Universe. Ngayon ay lalo na syang mapapalayo sa kanyang kinalakihang tahanan, ang Petruz Manor.

Hindi na nya magagawa pang tumakas at pasimpleng pumunta doon kapag nangungulila sya sa kanyang Mama at Papa.

Hindi na sya makakapaglaro sa Salubungan na punong puno ng kanyang mga kaibigan.

Hindi na nya maririnig ang:

"Tebulats! kapag nawala ang isa, susunod lahat! te te te tebulats!"

Sa parehong dahilan din ay hindi na nya kailangan tiisin pa ang pangungutya ng mga kaklase nya sa ChiSMoSA.

Hindi na nya makikita at makakahalubilo pa ang mag utol na mukhang Construction worker na sina Birex at TumTom.

Hindi na nya maalala ang masasakit na sinapit nya sa bayang ito.

Ang kanilang lilipatan ay humigit kumulang 22 kilometro ang layo sa kanyang bayang sinilangan. Sabi pa sa Slogan ng kanyang bagong bayan na Matayog Ang Paglipad ng mga tao dito. Siguro nga ay magbubunga ito ng isang pagbabago kay Archeebal

Ang kanyang bagong bayan ay isang kanugnog o suburbs. Kumbaga ito ay halo ng isang probinsya at syudad. Isang urbanisadong gubat.

Ang lugar na ito ay sumisimbolo ng Yin at Yang. Mabuti at Masama. Malinis at Madumi. Tama o Mali. Hindi maaring isa lamang, kailangan ng isa ang kabila upang maging balanse.

Dito sa lugar na ito magsisimula ang kanyang pagiging Siga..

**********