BASANG-BASA ang mukha niya matapos marinig ang kwento ng binata. "Sinabi ba niya kung bakit niya kami iniwan?"
Noon hinawakan ni Raphael ang baba niya saka iniharap rito. "Nope, pero ang lahat ng tanong mo for sure masasagot na, let's have dinner tomorrow night, kasama ang Papa mo" ang binatang yumuko saka hinalikan ang tungki ng kanyang ilong. "stop crying already, mamamaga ng husto iyang mga mata mo at baka mapansin pa ng Tita" paalala nito saka sinimulang imaniobra ang sasakyan.
Tumango siya. "Thank you so much for everything Raph. Sana ganito tayo palagi."
Inabot siya ng binata saka hinalikan sa noo. "God binded us with a cord that would never break, it's called love. Iyon ang dahilan kaya kahit saan ka makarating, o kahit saan ako pumunta, we will end up together. Kasi may sariling paraan ang mga puso natin para muling magkita at magkasama."
Muling nag-init ang mga mata niya sa narinig pero pinigil niya ang maiyak. "I love you so much" aniyang hinalikan ang kamay ng binata na nakahawak sa kamay niya saka niya ito nilingon.
"I love you more" nakita niya sa mga mata ni Raphael na totoo ang sinabi nito.
"Ang swerte ko lang at minahal ako ng isang kagaya mo. Mamatay na ba ako kaya ganito ang sayang nararamdaman ko?" biro pa niya sa kagustuhang ibalik ang nagbabadya niyang mga luha.
"Marami pa tayong pagsasamahan, maraming pang pwedeng mangyari. Pero isa lang ang gusto kong tandaan mo, mahal na mahal kita at kahit anong mangyari hindi ako papayag na magkahiwalay tayo. Dahil kung ako ang tatanungin gusto ko, kung pwede lang sabay din tayong, alam mo na" anitong nagkibit pa ng balikat.
Napangiti siya. "Sweet yun, parang movie ano? Sana nga, sana. Para hindi kita mamiss, lalo na ang masarap mong kiss" saka siya tumawa ng mahina.
"Ha! Sige hayaan mo mamaya!" ang binata umangat ang sulok ng labi dahil sa malisyosong ngiti.
Nag-init ang mukha niya. "Mamaya, ano?"
"Tsk, basta" anitong kinindatan pa siya pagkatapos.
KINABUKASAN ng gabi, gaya ng napagkasunduan nila ni Raphael ay gumayak siya para makipagkita sa kanyang ama. Totoong kinakabahan siya pero mas nananaig sa kaibuturan ng kanyang puso ang matinding pananabik na muling makasama ang ama.
"May lakad ka?" hindi niya napansing nakapasok ng silid niya si Hilde. Sa pagkakakita sa ina niyang nakatayo sa may pintuan ay agad siyang kinabahan. Sasabihin ba niya rito ang totoo? Nalito siyang bigla.
"M-Ma! O-Oo, kasama ko si Raphael" aniyang pinilit na itago ang panginginig ng tinig pero bigo siya.
Tumango si Hilde. "Anak, napapansin ko lately ang sobrang closeness ninyo ni Raphael?" kung hindi lang siguro likas ang puti niya ay baka nahalata na ang pamumutla niya dahil sa tanong na iyon.
Mula sa pagkakaupo sa harapan ng salamin ay hinarap niya ang ina. "W-What?" tanong niya kahit alam na niya ang gustong ipahiwatig ng ina.
"Mabait si Raphael, at habang tumatagal napapamahal na siya sa akin bilang tunay na anak. Pero napakabata mo pa, and I think hindi mo pa kakayanin ang masaktan kung sakali" paliwanag nito sa mahinahong tinig.
Nauunawaan niyang worried si Hilde kaya nito nasabi iyon. Pero hindi niya mapigilan ang masaktan at iyon din ang lumabas sa bibig niya. "Kung sakali po ba, sa tingin ninyo hindi ako ang tipo ng babaeng pwedeng maging dahilan ng pagbabago ni Raphael, Mama?"
Umiling si Hilde. "Hindi iyon, pero anak alam mo naman siguro ang hirap na pinagdaanan ko nung iwan tayo nang Papa mo hindi ba? Ayokong danasin mo iyon" paliwanag nito.
Noon siya matamis na ngumiti. "Hindi ba kayo narin mismo ang nagsabing may mga bagay na mas mabuting ipaubaya nalang sa tadhana? Noon hindi ko naiintindihan iyon Ma, pero ngayon, sa nakikita kong saya sa mukha at mga mata ninyo. Nakuha ko na ang ibig ninyong sabihin" pagsasabi niya ng totoo. "I'll be okay Ma, at kung sakali mang masaktan ako alam kong kakayanin ko" alam kong hindi ako sasaktan ni Raphael dahil nararamdaman kong mahal na mahal niya ako. Dugtong ng isipan niya.
"KINAKABAHAN ka?" nang itigil ni Raphael sa tapat ng isang restaurant ang sasakyan."Normal lang naman iyon di ba?"
"Oo naman" ang binata ng nakangiti. "halika na?" anito.
Pinili niyang maupo sa silyang nakatalikod siya sa pintuan. Alam niyang mabibigla siya sakaling makita niya maging ang pagpasok ni Arthur. Baka hindi niya mapigilan ang emosyon niya. Subalit nabigo siya, dahil naramdaman parin niya ang paglapit ng isang bulto sa kanila. Wala pa man mabilis ng nagsikip ang dibdib niya, kasabay ang pag-iinit ng kanyang mga mata.
"Pasensya na mga a-anak, nahuli ako" sa pagkakarinig sa pamilyar na tinig na iyon ay tuluyan na ngang kumawala ang kanyang mga luha.
Luhaan niyang tiningala ang bagong dating. Bukod sa bahagyang tumanda, walang ipinagbago ang hitsura nito. Gwapo parin, kahit sabihing simpleng shirt at kupasing maong lang ang suot.
"P-Papa?" halos paanas niyang sambit saka mahigpit na yumakap sa ama na katulad niya ay umiiyak narin.
Ilang sandali nanatili sila sa ganoong ayos. Na para bang kayang punan ng mga luha at yakap ang nakalipas na sampung taong nawalay sila sa isa't-isa.
"Masaya ako para sa Mama mo, masaya akong nakita niya sa iba ang lahat ng hindi ko kayang ibigay. Minahal ko ng totoo si Hilde, sana paniwalaan mo ako hija, pero kung minsan ang totoong pagmamahal dumarating talaga sa maling pagkakataon. At ganoon ang nangyari sa amin ng Mama mo" simula ni Arthur.
"Ibig sabihin?" muling nag-init ang kanyang mga mata pero nagpigil siyang mapaiyak.
Narinig niya ang mabigat na buntong-hiningang pinakawalan nito bago nagsalita."Tatlong taon na kaming hiwalay na nauna kong asawa nang makilala ko ang Mama mo. Hindi ko inilihim sa kanya ang lahat ng nakaraan ko pero tinanggap niya ako. Nang mga panahong nagsasama kami kasalukuyan naming pinag-iipunan noon ang annulment ko sa nauna kong asawa. Gusto ko siyang pakasalan, pero dahil nga hindi ako legally separated sa nauna kong asawa, hindi ko nagawa."
"M-May kapatid po ba ako sa inyo Pa?" naitanong niya.
"Noong mga panahong nagsasama kami ng Mama mo, wala. Ngayon meron na, si Vince, walong taon na siya" sagot nito saka muling nagpatuloy sa pagkukwento. "hindi perpekto ang pagsasama namin pero dahil pinili naming paniwalaang perpekto ito, naging masaya kami. Hindi nga lang namin inasahang may katapusan pala ang lahat, nang magsimulang manggulo ang nauna kong asawa ay napilitan akong hiwalayan ang Mama mo para sa ikabubuti ninyo. Ayokong umabot sa puntong pati ikaw ay madawit sakaling magdemanda ang nauna kong asawa at ganoon din ang paniniwala ni Hilde kaya nagbigay siya."
"N-Nasaan na po ang Mama ni Vince? Alam ba niyang nagpunta kayo dito? Hindi ba siya magagalit?" kahit hindi niya aminin nasa puso niya ang lihim na pananabik na makilala ang bunsong kapatid.
Ang ganda-ganda ng pangalan niya? Kasing gwapo sigurado siya ni Papa.
"Namatay siya sampung araw matapos niyang isilang si Vince. Ang totoo binalak ko kayong balikan ni Hilde matapos ang babang-luksa ng ina ni Vince pero naisip kong baka makagulo lang ako kaya hindi ko na itinuloy" paliwanag ng kanyang ama.
Matapos niyang marinig ang lahat ay hindi niya maitatangging nagkaroon ng kapayapaan ang kanyang isipan at ganoon rin ang kanyang kalooban. Hindi naman siya nagalit sa kanyang ama noon kahit iniwan sila nito at nagpasalamat siyang hindi niya inugali ang magtanim ng hinanakit sa kapwa. Dahil kung sakali, baka naging sarado ang isip niya sa lahat ng narinig nyang paliwanag mula sa kanyang ama.
"Gusto kong makilala si Vince, Papa. Alam po ba niya ang tungkol sa akin?" nang hindi niya mapigilan ay may kasabikan niyang tanong.
Sinulyapan muna ni Arthur si Raphael na ngumiti lang. Kumakain na sila noon. "Oo, alam niya ang tungkol sayo. Siguradong matutuwa iyon kapag nakilala ka niya at nakita. Mahal na mahal kita anak, kayo ng Mama mo.
At masayang-masaya ako para sa kanya. Ang totoo wala na sa plano ko ang bawiin siya sa ama ni Raphael, iyong lahat ng masasayang araw na pinagsaluhan namin sapat na ang lahat ng iyon para balik-balikan ko. Masaya narin akong minsan sa buhay ko ay minahal ako ng isang katulad niya at nagkaroon ako ng isang anak na kasing ganda mo" nakangiting tinuran ng kanyang ama.
"Are you happy? Nakagaan ba sa loob mo ang lahat?" tanong sa kanya ni Raphael nang nasa loob na sila ng kotse nito.
Magkakasunod siyang tumango ng nakangiti. "Very, salamat ha? Naibigay ko na nga sa kanya iyong notebook eh."
Umangat ang makakapal na kilay ng binata saka siya kinabig palapit rito. "Really? Napuno mo ba?" napasinghap siyang nang bigla siyang hinalikan sa mga labi ni Raphael. Smack lang pero naghatid parin yon ng kakaibang daloy ng kuryente sa kanyang katawan. Lalo at nanatiling nakapulupot sa kanya ang mga braso ng binata.
"Hindi naman, alam mo namang maliit lang akong magsulat diba? Cursive pa?" aniyang pinilit na kalmahin ang tinig.
Tumango ang binata saka siya muling niyuko at hinalikan. "Nandoon ba ako?" tanong nito sa tinig na naglalambing.
Napangiti siya."Oo naman no! Mula nung una kitang makita hanggang nung naging tayo!" pag-amin niya.
Noon hinagod ng tingin ng binata ang kanyang mukha saka kinuha ang cellphone nito pagkatapos. "Hahalikan kita ng matagal, okay lang?" paalam nito habang abala sa hawak na telepono.
Tumango siya bagaman kunot ang noo. "Ano iyang ginagawa mo?" nang hindi makatiis.
"Ah, sine-set ko lang ang alarm, para alam ko kung kelan dapat tumigil" anitong sinundan ang sinabi ng mahinang tawa saka inilapag ang telepono nito sa may dashboard ng kotse.
"Tumigil san?"
Umangat ang sulok ng labi ni Raphael habang unti-unti nitong inilalapit ang mukha sa kanya. "Sa paghalik sayo, alam mo na palagi hindi kita basta-basta nahahalikan kundi pa ako sasaglit sa kwarto mo pag gabi. Mahirap na baka may makakita" anito.
"Gaano naman katagal ang alarm mo?" curious at naaliw niyang tanong.
"Fifteen minutes?"
Napamulagat siya. "Papatayin mo ba ako sa suffocation?"
"Tsk, hindi ko gagawin iyon sayo okay? So please stop complaining and kiss me back" pagkasabi noon ay mabilis na siyang hinalikan ng binata.