Pagkamulat na pagkamulat ng mga mata ni Cassian ay agad niyang hinanap si Camiell — ang babaeng pinakamamahal niya.
Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso niya nang hindi niya makita si Camiell sa paligid. Gumising siya na wala ang babae sa tabi kaya agad siyang nagtaka dahil hindi ugali ni Camiell ang iwanan si Cassian nang hindi niya alam.
"Huwag ka nang magtago, lumabas ka na riyan," sambit ni Cassian ngunit malamig na hangin lamang ang sumagot sa kaniya.
Lumakad-lakad pa siya hanggang sa malinawan na siya na wala ang babae sa lugar na iyon.
Nagsimulang mag-iba ang kaniyang itsura nang pumasok sa kaniyang isipan na wala na ang babae, na matagal nang umalis ang babae sa piling niya.
Napangiti siya sa hangin ngunit ang ngiti niya ay hindi nagpapakita ng saya kundi nagpapakita ng pagkasuklam at galit.
Lumapit siya sa tabing dagat at doon nakita niya ang repleksyon ng sarili. May mahabang sungay at kulay pula ang mga mata, hindi gaya ng pisikal na anyo niya noon. Marami ang nagbago sa kaniya, kasama na rin ang panloob na pagkatao niya.
Ibinenta niya ang kaniyang kaluluwa kapalit ng isang malakas na kapangyarihan at ang pagiging isang demonyo. Alam niyang hindi magugustuhan ng babae ang kaniyang mga naging desisyon ngunit wala na siyang maisip pa na ibang paraan.
"Babawiin kita, Camiell," bulong niya sa hangin matapos hawiin ang umaalon na tubig sa karagatan.