Sa paglalakad ko'y marami akong nakita. Gaya noon, marami pa rin ang mga taong naghihirap at nagmamakaawa na itigil na ang pasakit sa kanila.
Lusaw na lusaw na ang kanilang balat, ngunit kahit na gaano pa sila matunaw ay hindi sila mamamatay, kahit pilitin pa nila. Habambuhay silang maghihirap dito sa impyerno.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa may nakapukaw ng aking pansin. Isang kulungan na hindi ko madalas makita noon. Napalilibutan ito ng mga apoy at maraming tubig na hindi ko alam kung saan nanggaling.
Lumapit ako roon at nang matapakan ko ang tubig ay agad akong namanhid sa sakit dahil banal na tubig pala ang nakakalat sa sahig kung saan nakakulong ang lalaking iyon.
May naaninag akong isang estranghong lalaki na may matipunong pangangatawan na nakaupo sa sulok, hindi ko siya kilala— hindi siya pamilyar sa akin. Nakatali ang kaniyang paa at kamay ng kadenang may apoy habang ang kaniyang mga mata'y nakapiring, gano'n na din ang kaniyang bibig.
"Ano ang ginagawa mo? Balak mo bang patakasin ang traydor na 'yan?"
Napalingon ako sa nagsalita, boses pa lamang niya ay kilalang-kilala ko na kung sino iyon. Bumungad sa akin ang ngiti niyang nakaloloko na may halong kasinungalingan at panglilinlang.
"Traydor? Ano ba ang ginawa niya sa 'yo at ganiyan na lamang ang ginawa mo?" natatawa kong tanong.
Sa hindi malamang dahilan ay umiral ang aking kuryosidad ukol sa bagay na ito.
Lumakad-lakad si Satanas habang nakatingin sa lalaking nakakulong.
"Hindi ba't wala ka namang paki sa mga bagay-bagay? Pero kung gusto mong malaman, sasabihin ko sa 'yo..." Huminto siya sa pagsasalita at kasabay niyon ay ang paghinto niya rin sa paglalakad. "...Siya ang aking kanang kamay na si Jerahmeel. Isa siyang demonyo at alam mo ba kung ano ang ginawa niya? Umibig siya sa taga-lupa."
Lumakad siyang muli at huminto sa harapan ko. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagkamuhi ngunit hindi ko maintindihan, paano'ng napaibig ng isang tao ang isang demonyo? Matitigas ang puso nila at hindi mapapaamo ng kung sino lang.
At isa pa, hindi ba dapat natutuwa siya dahil nakagawa ng kasuklam-suklam na kasalanan ang mga anak ng Diyos. Bakit ganito na lamang ang kaniyang reaksyon? Bakit tila nagalit pa siya imbes na maging masaya?
"Malamang ang babaeng 'yon ay talagang kaibig-ibig," wika ko na may tonong pang-aasar kay Satanas kaya mas lalong uminit ang dugo niya, halatang-halata sa itsura niya ang pagkainis.
"At malapit ko nang mapasunod sa aking kamay ang bunga ng pag-iibigan ni Jerahmeel at ng taga-lupa," nakangisi niyang sabi.
Kung gayon, nagkaroon pala ng anak si Jerahmeel at ang taong 'yon. Nakapagtataka, siguradong makapangyarihan ang batang 'yon kaya gustong-gusto siya mapasunod ni Satanas.
"Aalis na ako. Napakawalang-kuwenta ng sinasabi mo."
Tumalikod ako sa kaniya bago naglakad. Nakailang hakbang na ako nang maalala kong may nais pala akong sabihin sa kaniya. Kaya muli akong lumapit sa kinatatayuan niya na agad niyang ipinagtaka.
Huminto ako sa harapan niya. Nag-iba ang itsura ng kaniyang mukha. Nagkaroon ito ng pagtataka at para bang nagtatanong ito kung bakit ako muling bumalik.
"Humanda ka na dahil malapit ko na kayong mapuksa ng kaibigan mo. Ang matalik mong kaibigan, ang Diyos," siguradong-siguradong sabi ko bago umalis sa harapan niya.
Hindi ko na nakita kung ano ang naging reaksyon ni Satanas dahil sa sinabi ko, ngunit alam kong nanggagalaiti na siya sa mga oras ngayon dahil sa aking ginawa.
Pero, nasisiguro ko na malapit na ang pagpuksa ko sa kanilang dalawa.
Ang mundo'y mapapasailalim ng kapangyarihan ko. Pagkatapos kong puksain lahat ng mga anghel at demonyo sa mundo'y isusunod ko si Satanas at ang Diyos. Kapag natalo ko na silang lahat ay isisunod ko ang mga tao, susunugin ko sila nang buhay at para wala nang makapagpakalat ng lahi sa mundong 'to.
Sisiguraduhin kong kami lang ni Camiell ang maninirahan sa planetang 'to.
Kung sana lang ay nabubuhay pa ang mga magulang ko, isasama ko sila sa pangarap ko ngunit hindi, hindi sapagkat bata pa lamang ako'y nawala na sila.
Iniwan na nila akong mag-isa.
Nawala na sila sa tabi ko at ang tanging naalala ko lang ay ang trahedyang 'yon, ang sunog na pumatay sa nanay at tatay ko.
Bata pa lang ako, kinuha na ng Diyos ang lahat sa akin.
Sa murang edad ay naranasan ko na ang paghihirap, imbes na dapat nagsasaya ako noong mga panahon na 'yon, labis na pighati pa ang yumakap sa buo kong pagtao.
Sobra-sobrang paghihirap ang bumalot sa akin hanggang sa hindi ko na nakayanan. Susuko na dapat ako pero dumating si Camiell, tinulungan niya akong bumangon.
Tinitigan ko ang paligid sapagkat kitang-kita ito sa puwesto ko ngayon. Puro kabahayan at mga puno ang naaaninag ng aking dalawang mga mata.
Napakalaki ng mundo at napakaraming mga tao ang naninirahan dito. Ang daming tao sa mundo pero sa anghel nahulog ang puso ko.
"Take me to the rooftop, I wanna see the world when I stop breathing, turning blue..."
Nabigla ako sa boses na narinig ko at mas lalo akong nabigla nang makita ko ang babaeng nasa harapan ko ngayon. Hindi ko alam kung paano siya nakapunta sa napakataas na gusali na ito nang hindi ko namamalayan.
"Tell me love is endless and don't be so pretentious, leave me like you do..."
Natigilan ako at may nag-uudyok sa akin na pakinggan siyang kumanta. Hindi ako makaalis sa puwesto ko at nanatili lamang ako sa kinatatayuan ko. Para akong napako sa 'di malamang dahilan.
"If you need me, wanna see me. Better hurry 'cause I'm leaving soon..."
May tumulong mga luha sa kaniyang mga mata. Dahan-dahan siyang tumalikod mula sa akin at unti-unti niyang inihakbang ang kaniyang mga paa.
"Sorry can't save me now, sorry I don't know how, sorry there's no way out."
Huminto siya sa pagkanta at sa paghinto niya'y naalala ko bigla ang kurba ng kaniyang katawan pati na rin ang kulot niyang buhok.
Siya 'yong babaeng nasa dagat na dapat magpapakamatay na. Siya 'yong babaeng hindi ko alam kung bakit ko iniligtas mula sa kaniyang sarili.
"Sorry."
Tatalon na sana siya nang kontrolin ko ang hangin at iniatras ko ang mga paa niya patungo sa akin. Hindi ko alam kung bakit pangalawang beses ko na siyang iniligtas. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin.
"Tama na ang pagpigil sa akin Diyos ko. Gusto ko na mamatay!" sigaw niya.
Natawa naman ako dahil ang akala niya'y ang Diyos ang nagligtas sa kaniya. Nakatatawa nga naman.
Humarap siya sa direksyon ko at nakita ko ang maamo niyang mukha. Kulay lila ang kaniyang mga mata at pulang-pula ang kaniyang labi. Nakapagtataka, sa buong buhay ko ay siya lang ang babaeng nakita kong kulay lila ang mata.
"Huwag mo na akong pipigilan dahil ayaw ko na! Ayaw ko na mabuhay!" sigaw niyang muli.
Lumakad siya palayo sa akin at bumaba na siya mula sa gusaling ito.
Nang makita kong wala na ang kaniyang anino at wala na siyang bakas mula rito ay nakahinga ako nang maluwag.
Mabuti at umalis na siya dahil makapag-iisip na ako. Ito ang lugar kung saan nagpapahinga ako at ang dagat naman ang lugar kung saan inaalala ko ang mga nangyari sa amin ni Camiell.
Nandito ako ngayon para magpahinga at isipin kung ano ang susunod na hakbang na aking gagawin. Malapit na naman akong maghasik ng lagim.
Malapit ko nang paslangin si Satanas at ang mga kampon niyang demonyo. Gano'n din ang mga anghel pati ang kanilang Diyos.
Hindi na ako makapaghintay sa oras na 'yon.