Nandito ako sa lugar kung saan namamalagi ang kasamaan. Dito naninirahan sa lugar na ito ang mga kauri kong demonyo, pati na rin sina Satanas at Kamatayan. Nagliliyab ang lugar na ito para sa mga kaluluwang pinarurusahan. Labis ang hagupit sa kanila dahil sa nagawa nilang mabibigat na kasalanan.
"Nakatatawa, nasaan na ang Diyos na magliligtas sa inyo? Mga nilalang na walang kuwenta!" pasigaw na tanong ko sa aking sarili habang sinisipa-sipa ang mga kaluluwang lapnos na ang katawan dahil sa nagliliyab na apoy sa paligid.
Hindi ko maiwasang isipin na kaawa-awa silang mga nilalang dahil sa baitang ng mga naninirahan sa mundong ito, sila ang nasa ilalim.
Huminto ako nang makita kong nahihirapan na sila, kahit papaano naman ay may awa pa ako at isa pa, kapag tuluyang nawala ang kaluluwa nila, sino na lang ang uungol dahil sa sakit at hinagpis dito sa lugar na ito?
Kaya hindi dapat sila mawala.
Mayamaya pa'y may lumapit sa akin na mga babae, may mga ngiti sa kanilang labi na talaga nga namang nakasusuka. Alam ko ang mga uri nila. Kumbaga sa mundong ibabaw, sila ang mga tinatawag na pokpok o kalapating mababa ang lipad. Ngunit, wala silang pakpak kaya nararapat lang na tawagin silang kalapating 'di na makalilipad.
Wala silang saplot at tanging buhok lamang nila ang nagsisilbing harang sa kanilang naglalakihang dibdib. Gumigiling-giling sila sa harapan ko na para bang isang bulate na binuhusan ng isang bote ng asin. Dahan-dahan nilang ipinagapang ang kanilang palad sa aking katawan dahilan para dumaloy ang init sa aking katawan. Ngunit ang init na ito ay hindi dahil sa libog kundi dahil sa labis na pagkainis.
"Lumayas kayo!" sigaw ko na ikinagulat nila.
Nakapagtataka na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nasasanay sa aking ugali. Ilang beses na nilang sinubukan na akitin ako at 'yon din ang bilang ng beses na paulit-ulit silang nabigo. Alam naman nilang hinding-hindi ako papatol sa mga klase nilang babae. Hindi ko ugaling makisawsaw sa pagkain ng kapuwa ko demonyo.
"Kapuwa lalaki mo rin ba ang iyong gusto? Bakit ba ayaw mo sa amin?" walang alinlangan na tanong sa akin ng isang babae na kaharap ko ngayon.
Nakaramdam ako ng pagkasuklam nang sabihin niya iyon. Hindi man lang siya nag-alangan na itanong sa akin ang gano'n kawalang-kuwentang tanong.
Lumapit ako sa kaniya nang dahan-dahan at sa bawat hakbang ko paabante sa kaniya ay siya ring pag-atras ng kaniyang mga paa hanggang sa wala na siyang maatrasan pa na espasyo. Napasandal siya sa isang pader at ramdam ko ang tensyon na bumabalot sa kaniya.
Itinutok ko ang aking mukha sa kaniya hanggang sa kaunti na lang at maglalapat na ang mga labi naming dalawa.
Dahan-dahan siyang pumikit at kasabay niyon ay ang pagkagat niya sa ibabang parte ng kaniyang labi. Para siyang isang ibong uhaw na uhaw at kailangan na ng maiinom na tubig. Inilapit ko pa ang labi ko at dahan-dahan kong hinaplos ang kaniyang leeg.
Alam kong may inaasahan siya kaya naman naisipan kong sirain ang mga pantasya sa utak niya. Sinakal ko siya nang mahigpit na para bang may sinasakal lamang ako na isang malambot na unan. Sa isang iglap lang ay naglaho siyang bigla at kumalat ang kaniyang mga abo sa paligid.
Kitang-kita ko sa mga mata ng mga babaeng kasama niya ang pagkabigla. Mahihinuha sa kanilang mukha ang takot at kaba dahil sa aking ginawa ngunit wala akong pakialam kung kasuklaman o magalit pa sila sa akin. Kung sino man ang magnanais na subukin ako ay hindi ko palalampasin.
"Nakatatawa ka talaga." Lumingon ako sa lalaking nagsalita at kasabay niyon ay ang pagluhod ng mga demonyong kasama ko maliban lang sa akin.
Si Satanas ang nakatataas sa aming lahat dito sa impyerno. Siya rin ang namumuno sa mundong ibabaw. At ang nakatatawang parte ay hindi alam ng mga tao na napapaikot lamang sila ng isang demonyo na gaya ni Satanas.
Labis akong naaawa sa mga tao dahil napamumunuan sila ng walang awa na si Satanas at wala silang kaalam-alam na nasa ilalim sila ng mga kamay niya habang ang Diyos na sinasabi nila ay walang magawa kundi ang manahimik at manginig sa gilid.
"Nakatatawa? Hindi naman ako payaso para magpasaya ng mga hayop," nakangiti kong sabi.
Mas lalo pang lumaki ang galak sa kaniyang mukha at tinapik-tapik niya ang likod ko habang lumalakad paikot sa akin. Nakasisindak ang mga sungay sa kaniyang noo at kung paano ikinurba ang kaniyang mukha, aakalain mo talaga na siya ay isinumpa.
"Bakit ka pa ba nandito, hindi ba't sa mga oras na ito'y naninira ka na dapat ng mga buhay? Bakit naririto ka pa rin, Ulupong?" tanong niya sa akin. Huminto siya sa aking likuran at ramdam na ramdam ko ang mga matang nakatingin sa amin.
"Para sabihin ko sa 'yo, hindi ako isang ulupong. Sa ating dalawa, ikaw ang ulupong, at ako? Ako ang magiging pinakamalakas. Hindi ikaw, at mas lalong hindi ang Diyos."
Tumawa siya nang tumawa dahil sa sinabi ko na para bang nagbitiw ako ng isang nakatatawang biro hanggang sa may nagsilabasan na mga babaeng nakahubad at lumapit sa kaniya.
"Halina't paliligayahin ka na namin," wika ng isang babae sa nakapang-aakit na tono.
Nagkukumpulan na sila sa sobrang dami. Hindi ko maisip-isip kung paano niya pinagsasabay ang ganiyang karami sa isang araw lamang.
Sa isang iglap ay naglaho silang lahat at hindi ko na makita pa ang bakas nila, ngunit wala naman akong pakialam kahit na saan pa silang lupalop pumunta.
Hindi naman matanggal-tanggal sa aking isipan ang mga kasamaang gagawin ko ngayong araw. Siguradong mas lalo pang lalakas ang mga ungol ng pasakit dito sa impyerno lalo't magdadagdag pa ako ng mga taong pahihirapan at susunugin ang kaluluwa.
Tumawa ako nang malakas at itiniklop ko ang aking kamay upang makapunta na sa lugar na nais kong puntahan. Napalibutan ako ng mga usok na simbolo na papunta na ako sa mundong ibabaw.
Pagkarating na pagkarating ko pa lang ay marami na naman akong nakitang mga magkasintahan na sobrang saya, mga mag-ina, magkakapamilya at magkakaibigan na nagtatawanan. Nakaririndi talaga ang mga halakhak na nagmumula sa kanila, para itong isang musikang hindi magandang pakinggan sa tainga.
Maganda ang panahon, kumikislap ang araw at ang mga bulaklak na para bang bituin sa kalangitan tuwing gabi. Habang ang mga puno nama'y nagsasayawan dahil sa malakas na pag-ihip ng hangin sa kawalan.
Tamang oras ito para manggulo at manira. Dahan-dahan kong iginalaw ang aking kamay at nagpalabas ng mga kidlat. Kaya kong kontrolin ang panahon at ang iba pang mga bagay-bagay sa mundo. Gaya nga ng sabi ko, ang Diyos lang ang gumawa ng mundo pero ang mga demonyo ang namumuno sa mga tao rito bukod kay Satanas. Ang mga demonyo ang bumubulong sa mga may buhay ngunit sila pa rin ang gumagawa ng kanilang kapalaran at hindi kami.
Pinaulan ko nang sobrang lakas hanggang sa magsitakbuhan ang mga tao para sumilong at 'yong iba naman ay hinayaan nila ang kanilang sarili na mabasa ng ulan. Nakadidiring pagmasdan ang mga magkasintahan na nagsasayawan at naghahalikan sa gitna ng pag-ulan at pagkidlat.
Sa labis na kainisan ay pinatamaan ko sila ng naglalakasang kidlat na naging dahilan para sila ay masunog. Tumawa ako nang napakalakas at nagsimula nang mataranta ang mga tao. Nagsitakbuhan sila at hindi nila malaman kung saan sila pupunta dahil pinaulanan ko ng kidlat ang buong paligid.
Alam kong napakasama ko kung iisipin ngunit wala na akong maisip pa na ibang paraan.
Napangiti ako sa kawalan at hindi ko alam kung tunay ba akong masaya dahil sa ginagawa ko, sapagkat hindi ako makaramdam ni katiting na ligaya sa puso ko.
"Alam kong nakikita mo ako. Kung nakikita mo man ako, pumunta ka na rito bago ko pa sirain ang bawat buhay ng mga tao. At hindi lang ang mga tao ang sisirain ko pati na rin ang mga anghel at ang Diyos n'yo," sigaw ko sa kawalan dahil alam kong nakikita niya ako at sadyang ayaw niya lang magpakita sa akin dahil 'yon ang utos ng Diyos niya.
Nakikita ako ng mga anghel at demonyo, ang mga tao lang ang hindi nakakakita sa akin. Depende na lang kung gugustuhin kong magpakita sa kanila kaya alam kong nasa paligid lamang si Camiell. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit niya ako ginaganito? Bakit labis na paghihirap ang ipinararanas niya sa akin?!
Lumakad ako nang lumakad sa pababakasakaling makikita ko siyang muli. Para akong isang sira na umaasa sa pagputi ng uwak. Bakit ba hindi ko matanggap-tanggap na mas pinili niya ang Diyos? At ako, kahit kailan ay hindi pumasok sa kaniyang isipan na piliin ako. Bakit ba hindi ko maipasok sa aking utak na ihinto ko na lang ang paghahanap? Dahil napakalabong mangyaring magpapakita siya, napakalabo. Mas malabo pa sa salamin na natabunan na ng mga alikabok. Malabong makita ko ang taong ayaw nang magpakita sa akin.
"Bakit ba hindi kita maalis sa isipan ko? Bakit hanggang ngayon ay ikaw pa rin? Ikaw pa rin, Camiell. Hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang hinahanap-hanap ko," wika ko sa hangin habang dahan-dahang napapaluhod sa sahig dahil hindi ko na nakayanan pa ang sakit. Gusto ko nang sumuko.
"Hindi siguro ako naging ganito kung ako ang pinaglaban mo. Hindi siguro nangyayari 'to kung ako ang pinili mo."