Chereads / Kokoro no Honoo / Chapter 1 - Venus

Kokoro no Honoo

🇵🇭TaongSorbetes
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 13.4k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Venus

"KAMBAL ang anak ng Reyna," wika ng komadronang nagpaanak kay Reyna Pirena matapos itong magluwal ng dalawang malusog na sanggol. Mangiyak-ngiyak naman sa galak ang Haring si Alpiro na kanina pang inaabangan ito. Parehong lalaki ang anak nila. Ang isang sanggol ay may apoy na simbolo sa kanang pisngi samantalang ang isa'y sa kanang palad.

"Ministro Khan, ipaalam sa buong kaharian na kambal ang aming anak," agad na iniutos ni Haring Alpiro.

"Masusunod po." Yumuko naman ang Ministro, tanda ito ng pagbigay-galang.

Isa ang Kingdom of Fire (Kaharian ng Apoy) sa apat na dibisyon ng Element World (Elementalika). Kinabibilangan din ito ng Water, Earth, at Wind. Balanse ang apat na kahariang ito at 'di dapat maglamangan dahil masisira ang Positive Chain o ang dalawang singsing na bumabalot dito na siyang nagpapatibay rito.

"MASAMANG balita, Haring Alpiro! Linulusob na po tayo ng mga taga-Darkous." Isang 'di magandang balita ang inilahad ni Ministro Khan, limang araw matapos ang panganganak ni Reyna Pirena.

"Nakapaghanda na po ang tatlong kaharian, tayo na lang ang hindi," dagdag pa nito.

"Bakit ngayon mo lang sinabi sa 'kin?" may talim na tanong ng Hari.

Biglang nanginig sa takot ang Ministro, "P-patawarin po ninyo ako, ayaw ko lang pong magambala ang pagsasaya ng buong kaharian..."

Biglang nagliyab ang kanang kamao ng Hari, "Ano pang tinatayo mo? Ipatawag mo lahat ng Heneral, kanselahin ang pagdiriwang at paghandain ang lahat." Nagmadaling umalis ang Ministro, samantalang agad tinungo ng Hari ang kanyang mag-ina.

"Kailangan n'yong magtago, ngayong araw na 'to ay linulusob na tayo ng ating mga kalaban!" paliwanag niya. Kasalukuyan pang umiiyak ang kambal kaya kinarga ito ni Haring Alpiro, "Huwag kayong mag-alala, 'di ko hahayaang mapahamak kayo."

Ang mga taga-Darkous, sila ang matagal ng kalaban ng apat na kaharian. Pinamumunuan sila ni Lucifer, isang kalahating-Terranian, kalahating-halimaw. Isa siyang dating taga-Elementalika, isa siyang salamangkero na sa huli'y hinangad na makamit ang Black Power. Gusto rin niyang mapasakamay ang apat na kaharian. Apat na taon na rin nang magsimula ang digmaan sa dalawang dimensyon. Minsan na ngang nahuli si Lucifer at ipinatapon sa Eucoria, isang lugar na puno ng pagdurusa't pighati... pero 'di nila inaasahan na dito niya pala matatagpuan ang Negative Energy na magbibigay sa kanya ng malakas na kapangyarihan. Nagbigay-daan ito sa pagdami ng kanyang kampo't 'di nga nagtagal ay unti-unti silang lumakas.

NAGULAT na lang sina Haring Alpiro at Reyna Pirena nang may tumamang itim na kapangyarihan sa silid nila. Mabuti na lang at maagap si Haring Alpiro, agad siyang nagpalabas ng harang na apoy. Dito na umiyak nang malakas ang kambal na kasunod naman ng isang nakakatakot na pagtawa.

"Kung gano'n, ipinanganak na pala ang tagapagmana ng mga Flammanian?" nagsalita ang isang itim na nilalang. May mapupulang mata, matatalas na kuko't napapalibutan ng itim na aura.

"Zi Ha Ha Ha!" nakakatakot pa nitong pagtawa.

"L-lucifer?" bulalas ni Haring Alpiro, dito na rin nag-iba ang kasuotan niya. Naging pulang armour ito at ang mga palad niya'y nagliyab.

"Pirena..."

"Kapag sinabi ko na takbo... Tumakbo ka't iligtas ang ating mga anak!"

Isang apoy na Dragon ang pinakawalan ni Haring Alpiro. "Takbo na!" utos agad niya sa mag-ina. Kasunod din no'n ay ang pag-atake ng Dragon kay Lucifer. Nasunog ang katawan nito pero unti-unti ring bumalik sa dati ang anyo nito.

"Ang apoy na Dragon? Hindi naman pala ito gano'n kalakas," wika ni Lucifer na 'di man lang nagalusan...

"At sa'n kayo pupunta... mahal na Reyna?" Napabaling naman ang atensyon ng Hari sa kanyang mag-ina. Isang itim na kapangyarihan ang tumama rito dahil sa isa pang kalaban.

"A-anong ibig sabihin nito... Ministro Khan?" bulalas ng hari. Matagal na niyang kasama si Khan, at 'di niya akalaing ito'y kampon pala ng kalaban.

"Ipagpaumanhin n'yo mahal na Hari, pero ang lahat ng ginawa ko'y kasama sa plano," wika ni Khan at sabay pa silang humalakhak, pero biglang...

"Ah!" napahiyaw si Khan nang may tumamang apoy sa mukha nito.

"H-hindi ko... hahayaang, manaig kayo!" wika ni Reyna Pirena na umaapoy pa ang isang palad. Pilit itong tumatayo para ilayo ang mga anak nila.

"Hindi talaga nag-iisip si Khan!" At biglang tumakbo si Lucifer papunta sa mag-ina.

"Umalis na kayo!" Pero agad itong nahadlangan ni Haring Alpiro. Hinawakan niya ang magkabilang kamao ni Lucifer.

Nagliyab na ang buo niyang katawan, "H-Hindi ko hahayaang saktan mo ang mag-ina ko!"

Pero ngumisi lang si Lucifer, "Ang mga sanggol lang ang aking pakay dahil sa isang alamat! Zi Ha Ha Ha!"

Pagkatapos no'n ay nagpakawala ito ng napakalakas na itim na kapangyarihan, dahilan upang tumalsik si Haring Alpiro. Hindi lang 'yon, dahil sa sobrang lakas no'n ay nagawa nitong wasakin ang buong silid.

"Huwag kang mag-alala... aalagaan ko ang mga anak ninyo," humalakhak pa si Lucifer bago nya tuluyang patayin si Haring Alpiro sa pamamagitan ng pagkuha ng puso nito.

******

LABING-LIMANG taon ang lumipas...

Mukhang wala na akong lusot, na-corner na nila ako. "Mga Brad, baka p'edeng pag-usapan natin 'to?" wika ko sa pitong kalalakihang kanina pa akong hinahabol subalit pinagtawanan lang nila ako.

"Sira-ulo ka rin 'noh?" wika no'ng isa't nilapitan pa ako. "Nakikita mo ba ang black-eye na ginawa mo? Gusto lang naman kitang pagbayarin..."

Napangisi lang ako sa sinabi niyang 'yon, "Papantayin ko para sa 'yo!"

Agad kong sinuntok ang kanang mata niya. Dito na rumesbak ang mga kasama niya. Nakapitan agad nila ako sa braso kaya hindi na ako nakakilos.

"Gago ka!" Sinuntok agad ako no'ng isa sa mukha. Nagdilim ang paningin ko dahil dito pero agad akong nakahirit ng malakas na sipa. Siniko ko naman ang isa sa humahawak sa braso ko at dahil doo'y nabitawan niya ako. Sinikmuraan ko naman 'yong isa pero isang malakas na hampas ang tumama sa likod ko, dahilan para bumagsak ako.

"Gago ka Marcelo! 'Eto lang palang pipe ang katapat mo," wika no'ng humataw sa likod ko. Nanghina ako sa ginawa nilang iyon. Doon na sila bumawi, pinagsisipa't tinapakan nila ako. Dinuraa't pinagtawanan.

"Iyan ang bagay sa 'yo!"

"Hoy! Mga gunggong," Sabay-sabay silang napatingin sa babaeng nagsalita. 'Di ko na alam ang sunod na mga nangyari... basta paggising ko, bugbog-sarado na 'yong pito.

"Ano? Ayos ka lang?" tanong no'ng babae sa akin. Agad akong bumangon at laking-gulat ko dahil wala na ang aking mga sugat at galos. Parang walang nangyari.

"Si... Sino ka?"

"Hi! I'm Venus, nice to meet you," nakangiti niyang sagot.