Chereads / Kokoro no Honoo / Chapter 4 - Lunch

Chapter 4 - Lunch

PUMASOK ako sa school ng walang baong pera. May mga araw talaga na hindi ako nabibigyan o sabihin na nating hindi talaga ako binigyan ng aking Nanay. Hindi ko naman siya masisi lalo na't pinag-aaral pa niya ako. Pinapatigil na nga niya ako pero ang sabi ko'y mas mabuti na tapusin ko ang high school, na kahit ito man lang ay matapos ko. Dahil do'n ay napapayag ko siya.

Pagsusugal, iyan ang trabaho ng Nanay ko. Lumaki ako na iyan ang kanyang pinagkakaabalahan. D'yan kami kumukuha ng aming gastusin. Minsan ay swerte, at handa lagi ako kapag umuwi siyang talo. Kung hindi man siya magwawala, ay uuwi naman ang Nanay ko ng lasing at do'n ay mas matindi siyang magwala. Minsan nga'y pakiramdam ko ay wala na siyang pakialam sa akin. Hindi niya ako sinesermonan o pinagsasabihan kapag umuuwi akong may pasa. Kapag ipinapatawag siya sa school ay hindi siya pumupunta. Wala siyang pakialam kung mababa ang mga grado ko o kung bumagsak man ako. Ako nga palagi ang pumipirma sa report card ko para sa parent's signature. Pero kahit na ako'y laging napapaaway sa school at minsa'y pasaway... ay ginagawa ko pa rin ang aking tungkulin bilang anak.

Kahit hindi ko nararamdaman na mahal ako ng aking Nanay ay inaalagaan ko pa rin siya. Kapag siya'y lasing at nagwawala dahil sa pagkatalo sa sugal ay ako ang tagasalo ng mga itinatapon niyang gamit at naglilinis ng kalat. Kinukumutan ko siya kapag nilalamig. Naglalaba ng mga damit namin. Inaalagaan kapag nilalagnat at umaabsent ako kapag sumasakit ang kanyang likod. Kapag walang pasok ay nagko-construction worker ako para may maibigay sa kanya. Mahal na mahal ko ang aking Nanay kahit gano'n siya...

"Ui! Ang seryoso mo. May problema ka ba Mars?" Bigla na lang tinapik ni Venus ang aking balikat.

"Kanina ka pa kasing nakatingin sa labas."

Gaya naman ng palagi kong ginagawa, hindi ko siya inimikan at muling tumingin sa labas. Kahit na sabihin na nating kaibigan ko siya ay naiilang pa rin akong magsabi sa kanya ng mga personal na bagay. Nasanay kasi ako na walang pinagsasabihan.

"Aray!" Bigla akong napasigaw nang may kumurot sa tagiliran ko. Nagtinginan tuloy ang mga kaklase ko sa akin. Napansin ko rin ang katabi ko na nagpipigil ng tawa. Si Venus ang kumurot sa akin.

"Bakit mo ginawa 'yon?" naaasar kong tanong sa kanya habang siya'y naka-peace sa akin. Pinagtitripan na naman niya ako. Pasalamat talaga siya dahil hindi ako pumapatol sa babae. At hinding-hindi ko iyon gagawin sa kanya... baka gamitin niya sa akin ang kanyang kapangyarihan.

"Sorry... Mars. Pa'no ba naman, kanina ka pang nakatingin diyan sa labas. Ang lalim pa ng iniisip mo," wika niya sa akin.

"Pwede ka namang magsabi sa akin... kaya nga tayo magkaibigan 'eh."

"Wala naman," mabilis kong sagot at pagkatapos ay dinukot ko mula sa aking bag ang Physics Book.

"Huwag mo muna akong istorbohin. Mag-aaral lang ako." Iyon ang ginawa kong palusot para hindi na nya ako kulitin. Pero nahalata ni Venus na nagtitingin lang ako ng mga pictures kaya agad niya akong sinimangutan.

"Sabihin mo na kasi Ma--" hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin dahil biglang dumating ang Physics' Teacher namin. Salamat kay Sir Fernandez dahil hindi na ako kukulitin ng katabi ko.

"Mamaya sa lunch break... Lagot ka sa 'kin," mahina niyang sinabi sa akin at sinamaan pa niya ako ng tingin. Mukhang tinatakot ako. Napalunok na lang ako ng laway dahil doon.

"Bahala na mamaya," sabi ko na lang sa aking sarili.

Natapos ang aming Physics class at lunch break na ang sunod. Napansin ko na parang padabog na inaayos ni Venus ang kanyang gamit.

"May baon ka bang tanghalian?" tanong niya sa akin.

"W-wala... B-bakit?" sagot ko sa kanya na medyo nag-aalangan.

"Sasama ako sa inyo! Tara na," at bigla niyang kinuha ang kamay ko at isinama palabas ng room. Muntik pa nga akong madapa sa lakas niya. Hindi na ako magtatakang malakas siya, hindi nga pala siya normal.

Agad din akong kumalas sa kanya. Hindi ako komportable kapag hinahawakan niya ako. Nabibwiset kasi ako sa mga estudyante na nakatingin sa amin. Iniisip yata nila na may relasyon kaming dalawa. Kaya nga minsan ay lumalayo ako sa babaeng ito kapag kami'y magkasabay.

"Ayaw kong sumama ka sa amin! Pangit ang bahay namin. Mataas pati ang sikat ng araw... baka mangitim ka," sabi ko sa kanya pero inirapan lang niya ako.

"I don't care... Basta sasama ako sa 'yo sa bahay ninyo. Whether you like it or not!" seryoso niyang sinabi at mukhang wala na akong magagawa.

Labag man sa loob ko'y no choice ako kun'di isama siya. Ito ang unang beses na magsasama ako ng kaklase sa bahay, at isa pang babae.

"A-ako na ang magdadala ng file case mo..." naiilang kong alok sa kanya na ikinagulat naman niya. Nilapitan niya ako at hinipo ang aking noo. Medyo nailang ako nang gawin niya iyon pero huli na para iwasan ko 'yon.

"M-mars? Ikaw ba 'yan?" natatawa niyang tanong.

"Wala ka namang sakit. Hmm..."

Nairita ako sa ginawa niya kaya binawi ko ang aking sinabi. Dito na niya ako tinawanan, namumula raw ang mukha ko. Hindi ko na lang siya pinansin dahil ang totoo'y napahiya ako sa ginawa niya.

Hindi ko talaga maintindihan ang pag-uugali niya. May oras na masungit. Minsan ay seryoso, pero ang madalas ay ang asarin at kulitin ako... At habang naglalakad kami ay inasar niya ako tungkol sa pamumula ko at bilang lalaki ay talagang nakakahiya.

Pagdating namin sa bahay ay eksaktong nakatayo sa may pinto ang aking Nanay habang naninigarilyo. Mukhang day-off niya sa pagsusugal. Hindi ko lang alam kung nagulat siya na may kasama akong babae dahil ang napansin ko ay titig na titig siya kay Venus. Matapos kong magmano ay ipinakilala ko na ang aking kasama.

"Si Venus po...Classmate ko," wika ko. Agad namang nagmano si Venus sa Nanay ko na itinapon naman ang sigarilyong hawak.

"Good afternoon po. Kumusta po kayo Tita?" wika niya sa Nanay ko.

Iniisip ko na hindi siya papansinin ni Nanay dahil isnabera ito pero nagkamali ako.

"Mabuti naman Iha...P-pasensya ka na sa bahay namin dahil hindi ito kalakihan," natatawang tugon ng aking Nanay na talagang hindi ko inaasahan. Tanging sa mga kasugalan lang nito ko siya makitang tumawa o ngumiti at ngayon... pati kay Venus.

Mabuti na lang at may lutong-kanin at may natira pang kaunting sinaing na isda. Pasimple ko rin silang tiningnan mula sa maliit naming kusina. Hindi ako makapaniwala. Parang kilala nila ang isa't isa habang nag-uusap. Huwag nga lang sanang ako ang kanilang pinag-uusapan.

"Kain na," wika ko sa kanila matapos kong ilapag sa sahig ang kalderong may kanin at ang mga plato't kutsara. Kasama na ang isang pitsel ng tubig at tatlong baso. Nakasanayan na naming sa sahig kumain, wala na kasi kaming mesa dahil nasira na ito.

"Pasensya ka na Iha. Ganito kami dito 'pag kumakain," wika ni Nanay kay Venus na inilabas naman ang kanyang baon.

"Ok lang po 'yon. Mas masaya pong kumain 'pag ganito," nakangiting tugon ni Venus.

"Ok! Let's eat na," wika pa niya pero pinigilan ko siya.

"B-bakit Mars?"

"M-magdasal muna tayo," tugon ko sa kanya.

"S-Sorry..." nahihiyang paumanhin ni Venus. Hinding-hindi ko kasi kinakalimutang magpasalamat sa Panginoon bago kumain. Lalo na ngayon, kasabay ko si Nanay na matagal ko nang hindi nakakasabay kumain. Seryoso man ako sa tingin nila, pero ang totoo'y napakasaya ko.

Nabusog ako sa kaing iyon. Si Nanay, inaalok pa niya si Venus na kumain kaso...

"Busog na po ako. Ayaw ko pong tumaba," natatawang wika ni Venus. Napakalaking pasasalamat ko rin sa babaeng ito. Hindi ko alam kung anong ginawa niya pero ngayon ko lang nakitang masaya si Nanay.

"M-marcelo," nabigla ako nang tawagin ako ng Nanay ko bago kami umalis.

"Pasensya na kung hindi kita nabigyan ng baon kanina. Heto ang sampung piso."

Hindi ko alam kung nananaginip ba ako...Si Nanay, nakangiti habang iniaabot sa akin ang aking baon.

"Alagaan mo anak si Venus..." pahabol pang ibinulong ni Nanay sa akin na siyang ikinabigla ko. Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot kaya tumango na lang ako.

"S-salamat po, 'Nay," wika ko bago kami tuluyang umalis ni Venus papuntang school.

"Bye po Tita!" pahabol pa ni Venus habang kumakaway.

Gumaan bigla ang pakiramdam ko. Gusto kong magpasalamat sa kasabay ko pero nahihiya ako. Pasimple ko siyang tiningnan, nakangiti siya. Mabuti na lang at hindi ako kinukulit.

"A-ako na ang magdad--" pero hindi ko na naituloy ang aking sasabihin nang ibigay niya sa akin ang dala niyang file case.

"Thanks," sabi niya sa akin at bigla na lang niyang pinisil ang kanang pisngi ko. Hindi ko alam kung normal iyon sa magkaibigan, pero wala na akong pakialam.

"Mars...Gentleman ka pala."