Chereads / Kokoro no Honoo / Chapter 2 - Mars

Chapter 2 - Mars

"I'm Venus!" pagpapakilala niya.

"Marcelo, 'yon ang pangalan ko...Sige, papasok na ako," wika ko naman sa kanya.

"Hintayin mo ako, d'yan din ako papasok."

Sumabay siya sa akin papunta sa school. Tumahimik na lang nga ako habang kami'y naglalakad. Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin kasi kung pa'no niya pinatumba 'yong mga bumugbog sa akin kanina... at ang mga galos at sugat ko, ba't nawala?

"Ganyan ka ba talaga? 'Di marunong magsalita?" bigla niyang nasabi.

"Kawawa ang magiging girlfriend mo 'pag gan'yan ka."

Hindi ko siya inimikan hanggang makapasok kami sa gate ng school.

"Sige, mauuna na ako. Pumunta ka na sa room mo," sabi ko sa kanya.

"'Di talaga ako madaldal... ganito talaga ako!" Pahabol ko pa at pagkatapos ay iniwanan ko na siya.

Sa totoo lang, naiilang ako 'pag may babaeng lumalapit sa 'kin. Pumunta na ako sa room ko at pagpasok ko'y biglang nagsitahimik silang lahat. Wala naman akong kasalanan sa kanila, takot lang sadya sila sa 'kin. May mga grupo na kasi akong naitumba dito sa school at sanay akong makipagbasag-ulo. Maraming gang at fraternity na nga ang pinapasali ako, pero tinatanggihan ko lang. Dahil na rin siguro sa imahe kong 'yon kaya marami ang lumalayo sa 'kin. Wala rin kahit isa ang gustong makipagkaibigan sa akin dito.

Sa sulok, sa tabi ng bintana, d'yan palagi ang pwesto ko. Mahilig kasi akong magmasid at tumingin sa labas. Maya-maya pa'y dumating na ang adviser namin at may kasama pa siyang isang pamilyar na babae.

"Good morning, class!" bati ni Ma'm Jane sa amin.

"Good morning, Ma'm," tugon naman ng lahat.

Tinawag ni Ma'm ang babaeng estudyante niyang kasama, "Class, may bago kayong classmate. Galing siya sa kabilang bayan. Dito na niya ipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral."

"Hello! Good morning, sa inyong lahat..." paunang pagbati ng transferee.

"My name is Venus De Lara, 15 years old."

Kaya pala namumukhaan ko, siya pala iyong kanina. 'Di ko inaasahan na magiging classmate ko 'to. Napailing pa nga ako nang mapansin kong halos lahat ng kaklase kong lalaki ay sa kanya nakatitig. Naglaway na yata. Nakakita lang sila ng magandang transferee'y nagkagano'n na sila.

"Ahmm... Ma'm, pwede po ba na sa tabi ako ni Mars umupo?" tanong ni Venus. Napaisip tuloy kami kung sino si Mars na tinutukoy nito.

"Ms. De Lara, sino si Mars?" Hindi rin pala kilala ni Ma'm.

Bigla na lang ngumiti si Venus at tumingin sa direksyon ko. Lumingon pa ako sa likuran ko dahil baka may iba siyang tinitingnan, pero dingding na pala ang kasunod ko.

"Si Marcelo po Ma'm, sa kanya ko po gustong tumabi," winika nito.

Nagulat ang lahat sa sinabi niyang iyon. Palagi kasing walang nakaupo sa tabi ko dahil natatakot sila sa akin, tapos ang babaeng 'to? Gustong tumabi sa 'kin. Nahiya tuloy ako dahil nakatingin ang lahat sa pwesto ko.

May sira yata sa ulo ang babaeng ito, seryoso talaga siya.

"Hi! Dito ka rin pala... dapat pala'y sumabay na rin ako sa 'yo kanina," bungad niya agad sa akin.

"Mabait ka naman, kaya sa 'yo ko naisipang tumabi."

'Di ko na lang siya pinansin, ayaw ko kasi ng matanong. Simula pa lang ng klase'y aktibo na nga agad siya, matalino. No'ng recess ay madami na kaagad siyang ka-close, masigla kasi siya at masayahin.

Kinatanghalia'y umuwi muna ako sa amin para kumain, malapit lang naman ang bahay namin sa school. Wala si Nanay pagpasok ko at mukhang minamalas pa ako... walang lutong-kanin at ulam. Napahaplos na lang ako sa noo ko dahil mukhang magugutom ako. Dalawang piso lang ang baon ko, isa pa, wala naman akong mabibili nito. Napasulyap ako sa alkansya sa ibabaw ng aking damitan. Napailing na lang ako.

"Hindi ko pwedeng dukutin ang aking ipon..."

Nagdesisyon na lang akong bumalik sa school, tumambay na lang ako sa room.

"Malas yata ng araw na 'to," bulong ko sa 'king sarili.

"Nandito ka na?" Bigla namang dumating si Venus. Sumulyap lang ako sa kanya, tapos tumingin na uli ako sa labas.

"Alam mo, nakakaasar ka na. Ba't ang suplado mo?" naiirita niyang sinabi.

May kinuha siya sa bag niya pagkasabi noon.

"Para sa 'yo nga pala..." nagulat ako nang iabot niya sa 'kin ang isang burger.

"Halata sa itsura mo na 'di ka nakapag-tanghalian."

Ang lakas naman ng instinct nito. Medyo kumalam ang sikmura ko nang maamoy ko 'yong burger pero hindi ko 'yon tinanggap.

"Salamat na lang..." tugon ko pero pinilit niya ako na tanggapin ko 'yon.

"'Wag ka ng tumanggi pa! Kunin mo na!" pinagtaasan na niya ako ng boses kaya tinanggap ko na rin.

"Ang kulit mo! Akin na nga..." Tinanggap at kinain ko na rin iyon. Sayang ang grasya.

"Tubig?" inabutan pa niya ako ng baon niyang tubig.

"Ok na ako! Ininuman mo na 'yan 'eh..." pagtanggi ko.

"Huwag ka ngang maarte. Wala akong sakit at malinis akong babae..." Pinilit na naman niya ako na uminom.

Bakit ba kasi ang kulit ng babaeng ito? Muntik pa akong masamid dahil kanina pa pala kaming pinapanood ng mga kaklase namin. Dali-dali na lang akong uminom.

"Oh, sa 'yo na!" Agad din akong lumabas ng room. Tiyak na pag-uusapan kami ng mga tsismosa't tsismoso kong kaklase dahil doon. Pero ayos na rin kasi may kaunting laman na ang aking tiyan.

Mahaba pa ang oras bago magtime kaya pumunta muna ako sa rooftop para magpalipas ng oras pero...

"Ano ba, bitawan mo ako..." wika no'ng babae.

"Bastos!" Isang malutong na sampal naman ang tumama sa pisngi no'ng lalaki at doon na ito nagalit.

"Walang-hiya ka!" Biglang sinikmuraan nito iyong babae kaya nanghina ito. Isinandal ng lalaki sa dingding iyong babae't pinaghahalikan. Sisigaw na sana iyong babae pero natakpan agad ng lalaki ang bibig nito. Patuloy sa panghahalay ang lalaki habang umiiyak na 'yong babae.

"Bastos ang kumag na 'to 'ah," bulong ko sa aking sarili.

"Hoy! Tarantado ka! Ang manyak mo, napakabata pa ng babaeng binabastos mo!"

Hindi ko nagustuhan ang mga nakita ko. Nagalit ako sa kabastusang ginawa ng lalaki. 4th year na siya habang mukhang nasa 2nd year o 1st year pa lang 'yong babae. Minanyak na niya sinikmuraan pa, dapat turuan ng leksyon ang kumag na 'to.

"At sino kang gago ka? Girlfriend ko 'to at p'ede kong gawin ang gusto ko!" Nagpalagutok pa siya ng buto sa kanyang kamao.

"Bakit ka ba nangingialam?" Dagdag pa nito na inaangasan pa ako ng tingin.

"Miss, kung ako sa 'yo... hihiwalayan ko na 'to! Walang respeto sa 'yo 'eh... Bastos pa." Doon na napikon 'yong lalaki sa akin. Sinugod agad ako at sinuntok sa panga. Bumagsak ako sa lakas no'n. Mas malaki siya sa 'kin pero hindi ko 'to uurungan, lalo pa't nambastos siya ng babae.

"Ano! Wala ka palang ibubuga 'eh," Pinasundan niya uli ako ng suntok pero nasalag ko agad iyon gamit ang isa kong kamay.

"Pweh..." Dumura muna ako, dahil dumugo ang bibig ko.

"Ako naman, Brad!" Seryoso kong winika.

Isang mabilis na suntok ang tumama sa sintido niya.

"Dapat sa kagaya mo'y tinuturuan ng leksyon..."

Isa pa uling malakas na suntok ang pinakawalan ko. Napaatras siya at napailing... mukhang nahilo.

"Para ito sa binastos mo!" Itinodo ko ang aking suntok sa kanang sintido niya. Nawalan nga siya ng malay dahil doon. Sanay ako sa suntukan kaya 'di ito uubra sa akin.

"Maraming salamat, Kuya..." wika sa akin no'ng babae.

"Sige na, bumaba ka na! 'Pag inulit pa niya, isumbong mo sa 'kin. Makipag-break ka na dito... mag-aral ka na lang muna," paalala ko. Lumapit siya sa 'kin at hahalikan sana ako. Mabuti't mabilis kong naiwasan iyon.

"Oops!" pigil ko.

"Bawal! 'Di ako bayani at 'di mo kailangang gawin 'yan. Sige na, napakabata mo pa... marunong ka na," sabi ko at pinamulahan siya dahil doon. Napailing na lang nga ako at 'yon, umalis din. 'Di na ako magtataka kung bakit binastos siya ng BF niya.

"Humanga ako sa ginawa mo!"

Medyo nabigla ako nang may babaeng nagsalita mula sa kung saan.

"Bilib na talaga ako sa 'yo, Mars."

"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko sa pinagmulan ng boses. Si Venus De Lara.

"At bakit ba Mars ang tawag mo sa akin?" Dagdag ko pa.

Nginitian lang niya ako na parang nang-aasar.

"'Yon ang gusto ko... at gusto kasi kitang maging friend kaya nga sinundan kita," nakangiti niyang sinabi. Bahagya nga akong nagulat sa sinabi niyang iyon.

"Seryoso ka ba sa mga sinasabi mo?" tanong ko.

"Yap! So? Friends?" bigla niyang iniangat ang isa niyang kamay. Gusto kong matuwa pero naiilang ako sa kanya. Hindi ako sanay sa ganito.

"Friends?" nakangiti niyang inulit. Kinulit niya ako nang kinulit hangga't hindi ako pumapayag kaya...

"Argg... Oo na!" Tinapik ko na lang ang kamay niya.

"Ang kulit mo!" Dagdag ko pa.

"Yes! Friend ko na ikaw..." Kita ko sa mukha niya ang saya matapos iyon. Hindi ko na nga lang siya pinansin at agad akong bumaba.

"Wait, Mars..."

Nasusura ako sa tawag niya sa akin. Hindi ako tinatawag ng ganito rito sa school.

"'Wag mo nga akong tawaging Mars!" sabi ko.

"Gusto ko, bakit ba? Cute ngang pakinggan," wika niya at tumawa pa siya.

Sa huli, wala akong nagawa. Hindi na lang din ako nakipagtalo sa kanya tungkol doon dahil lalong hahaba ang usapan kapag ginawa ko iyon.