Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 4 - Kabanata 2 ✓

Chapter 4 - Kabanata 2 ✓

Puno ng halakhakan, kwentuhan at kalampag ng mga babasaging kubyertos ang hapag-kainan ng mansion. Lahat ng mga mata ng naririto ay nakatuon sa pamilya lalong-lalo na kay Ginoong Severino, bakas ang pangungulila sa ilang buwan niyang paglisan at galak dahil siya'y muling nakasama na.

Nakatayo kaming apat na kasamabahay rito sa gilid upang asikasuhin sila samantalang ang iba naman ay nagluluto at naghuhugas ng mga pinggan.

"Ina, hindi ba masyadong magarbo naman itong paghahanda ninyo para sa akin?" natatawang tanong ni Ginoong Severino sabay tingin sa paligid. Napapaligiran ang mansion ng iba't ibang makukulay na dekorasyon na yari sa papel at ang iba nama'y nagmula pa sa Europa.

"Walang sobra sa iyo, anak. Matagal na talaga namin itong pinaghandaan. Hindi ka pa ba nasanay sa akin?" Marahan itong tumawa at hinawakan saglit ang kamay ng anak. Sa dalawang taon na lumipas, ganito rin ang paghahandang ginawa ni Doña Criselda sa pagbabalik ng anak kung kaya hindi na ito bago sa amin.

"Kuya Severino, maganda ba roon sa iyong paaralan?" nasasabik na tanong ni Binibining Juliana kaya't lahat kami ay napatingin sa kanya. Para siyang sampung taong gulang sa kanyang paghagikhik kaya natawa rin ang iba.

Mas lumapad ang kanyang ngiti na tila umabot sa kanyang mata at tumango ng dalawang beses. "Oo naman, Juliana. Maganda roon lalo na tuwing gabi kumukuti-kutitap sa malayo ang mga lampara na hawak ng mga tao at malalaking sulo na matatagpuan sa bawat gilid ng daanan."

(Sulo ay kahoy na nasisindihan sa dulo na nagsisilbing ilaw noong unang panahon bukod sa lampara)

Tila nagningning naman ang mga mata ng kanyang nakababatang kapatid at umaawang pa ang kanyang labi. "Nasasabik na akong makapuntang muli ng Maynila lalo na sa iyong pinapasukan." Humarap siya sa kanyang ina. "Ina, maaari po ba nating bisitahin si Kuya Severino kapag siya ay babalik na roon? Nais ko po sana dahil matagal na noong huli akong dumalaw roon. Tanging si Angelito at Ate Lydia lamang ang nakasama sa inyo noong nakaraang taon." Naging malungkot ang kanyang mukha na tila nag-iisip ng ibang bagay.

Dumako ang aking paningin sa seryosong mukha ni Binibining Lydia. Siya'y tahimik na kumakain at mahinhing ipinupunas ang bibig. Katabi niya si Ginoong Angelito, ang bunsong anak ng pamilya. Silang dalawa ni Binibining Lydia ang hindi nagkakalayo ng ugali bagaman mas makikitaan ng bait ang bunso kung ikukumpara sa pangalawang anak.

"Ikaw ay nagkasakit noon kaya't hindi ka na namin isinama. Hindi maganda sa isang may sakit ang luluwas pa sa Maynila upang makapamasyal. Bueno, tayo'y pupunta roon at bibisitahin natin ang iyong kuya," pagpapaliwanag naman ni Doña Criselda nang may ngiti sa labi.

Naalala ko nga na nagkaroon ng mataas na lagnat si Binibining Juliana kung kaya't hindi siya isinama at lumuwas ang buong pamilya sa Maynila ng isang araw lamang at bumalik din agad upang maalagaan ang kanilang anak.

"Sabi mo po iyan, Ina, ha?" Lahat sila ay natawa nang mahimigan ang paninigurado sa tinig niya.

"Oo anak. Pangako."

"Bueno, ikaw ba ay may nobya na, Severino?" pag-iiba ng usapan ni Don Faustino habang hinihiwa ang adobo.

Sandaling napatahimik si Ginoong Severino at napatigil sa pagkain. Nagsimula na ring magbulung-bulungan ang aking kasamahan dahil sa kanyang reaksyon at siniko naman ako ni Georgina.

"Marahil ay may nobya na siya, Emilia," bulong niya sa akin.

Kumunot naman ang aking noo at humarap sa kanya. "Anong problema roon? Natural lamang na may mapusuan ang ginoo."

"Ngunit paano na ang aking pag-ibig? Wala na ba akong pag-asa sa kanya?" Malungkot ang kanyang mga mata at napahawak pa sa kanyang dibdib. "Ang sakit, Emilia."

"Mas masakit ang mawalan ng trabaho kaya't itiklop mo na ang iyong bibig." Balak niya sigurong mapagalitan na naman kami. Nasa harap kami ng pamilya kung makabulong siya sa akin mukhang hindi natatakot.

"Hindi ka ba nabibighani sa angking kakisigan at kagwapuhan ng ating ginoo, Emilia? Sa dalawang taon mo ritong paninilbihan, kahit minsa'y hindi ko pa naririnig na ikaw ay umibig. Babae nga bang tunay ikaw, Emilia?"

Iniisip niya bang hindi ako babae? Hahayaan ko na lamang siyang isipin ang nais niyang isipin. Tumingin na lamang muli ako sa pamilya y Fontelo na masayang kumakain habang pinag-uusapan kung mayroon bang nagugustuhan si Ginoong Severino sa Maynila.

Siniko niya akong muli kaya napatingin na naman ako sa kanya. "Bakit ikaw ay natahimik? Totoo ba ang aking hinala? Hindi ka mahilig mag-ayos, hindi tulad ko na dalagang-dalaga at sumasabay sa hangin ang aking pagkahalimuyak. Babae ba ang iyong nais?" Nanlalaki ang kanyang mga mata at napatakip pa sa kanyang bibig. "May gusto ka sa akin, Emilia?!" Lumakas pa ang kanyang tinig dahilan upang mapalaki rin ang aking mga mata.

"Georgina!" pagsuway ng mayordoma, lumapit sa kanya at kinurot siya sa tagiliran.

"Mga binibini, ayos lang ba kayo?" rinig kong tanong ni Ginoong Severino.

Ngayon ko lamang napagtanto na lahat pala sila ay napatingin sa amin. Kahit kailan talaga ang bibig ni Georgina. "A-Ayos lang po, Ginoong Severino." Napatungo na lamang ako sa kahihiyan na idinulot ni Georgina. Isa ito sa dahilan kung bakit ayaw kong makipag-usap sa kanya, kung ano-ano ang naiisip. Baka maipasa niya sa akin ang ganyan niyang ugali.

Nagpaalam muna ako para tumungo sa kusina upang makaiwas sa kanilang mapanuring tingin. Ngunit bago ako tuluyang makalayo narinig ko ang sinambit ni Ginoong Severino.

"Habang tumatagal mas lalo kang gumaganda, Georgina. Bagay na bagay sa iyo ang iyong kulay ginto na baro't saya."

"M-Maramimg salamat po, Ginoong Severino," sagot naman ni Georgina.

"Bakit ka pumarito, Emilia? Tiyak na ika'y kagagalitan ni Ginang Josefa. Bumalik ka na roon at magsilbi," tugon ni Merlita na isa sa aking kasamahan na mas bata sa akin ng isang taon pagkarating ko rito sa kusina.

Tanging kibit-balikat na lamang ang aking isinagot at uminom ng tubig. Mayamaya pa'y narinig ko ang daing at reklamo ni Georgina habang papalapit dito kasama ang mayordoma.

"Ano ba sa tingin mo ang iyong ginawa, Georgina? Kahit kailan talaga ikaw ay nagdudulot ng kahihiyan!" Bahid sa tinig niya ang gigil sa kanyang madaldal na anak.

"Paumanhin, Ina, ngunit si Emilia."

Nagsalubong ang aking dalawang kilay sa kanyang tinuran at dahan-dahang humarap sa kanila. Sila'y nakapuwesto, ilang metro ang layo mula rito sa aking kinaroronan kaya't hindi nila ako napansin.

"Bakit mo sinisisi si Emilia siya'y nananahimik lamang." Kinurot niya itong muli habang pinapanlakihan ng mata.

Gumuhit naman sa mukha ni Georgina ang sakit, napapikit at bahagyang nakakunot ang noo. "Hindi naman po sa ganoon, Ina, ngunit napag-alaman kong siya'y umiibig sa akin!"

Pinalo niya ito gamit ang kanyang itim na abaniko. "Ano ba ang lumalabas sa iyong bibig? Maghulos-dili ka nga! May sakit ka ba sa pag-iisip? Maayos naman kitang ipinagbuntis noon, bakit ka  naging ganiyan?" Siya'y napatalikod habang napapaypay sabay napahugot nang malalim na hininga. Kitang-kita sa kanyang mukha ang pagod na idinulot ng kanyang anak.

"Maayos naman po ang aking pag-iisip, Ina, ngunit hindi mo ba naisip kung bakit ako nagustuhan ni Emilia?" Humarap siya sa kanyang ina at hinawakan sa magkabilang balikat. "Dahil ang iyong bugtong na anak ay nag-uumapaw sa alindog at malakas na karisma! Hindi kataka-taka kung maging ang babae ay nahumaling sa akin! Narinig mo ba ang puri sa akin ni Ginoong Severino, Ina? Siya'y nagagandahan sa akin! Haaah!"

Napairap na lamang ako sa kanyang tinuran at tinalikuran sila. Bago pa ako tuluyang makalayo ay narinig ko pa ang sinagot ni Ginang Josefa.

"Nais mo bang dalhin kita sa bahay-pagamutan ng mga taong nasisiraan ng bait, ha, Georgina? Bumalik ka na roon at magtrabaho na!"

Pagkatapos mananghalian ng buong pamilya ay pinagpatuloy nila ang masayang kwentuhan sa salas at isa-isang nagpakitang gilas ang mga anak. Ang aking mga kasamahan ay masayang nanonood habang ako'y naririto sa labas ng bahay upang paliguan ang limang kabayo.

Tanaw na tanaw mula rito ang mahigit kumulang trentang guardia personal ng pamilya. May anim na nakatayo nang tuwid sa tarangkahan, ang iba nama'y nag-iikot at ang iba pa'y nakatayo lamang sa loob ng nasasakupan ng hacienda.

(Ang tarangkahan ay gate)

Walang sinuman ang masamang loob na makakapasok dito dahil ito'y mahigpit na binabantayan ng mga guardia personal na pinamumunuan ng isang pandak at matabang lalaki na nagngangalang Kapitan Iñigo. Siya'y sobrang isktrikto at napakaalerto sa kanyang trabaho kung kaya't hindi kataka-taka na siya'y isang dekada ng naninilbihan sa pamilya.

"Binibini?"

Napatigil ako sa pagmamasid at pagpapaligo ng kabayo nang may marinig akong nagsalita mula sa aking likuran. "Ginoo." Ako'y tumayo at yumuko sandali.

"Ikaw si Emilia Madrigal, hindi ba?" Nakatago ang kanyang magkabilang kamay sa bulsa ng kanyang barong tagalog at nakangiti sa akin.

"Opo, Ginoo." Ano kaya ang sadya niya? "May ipaglilingkod ho ba ako sa iyo?" Palihim kong pinunasan ang aking kamay sa aking baro't saya.

"Sa tuwing ako'y nauuwi rito sa hacienda, hindi kita gaanong nakakausap. Sa inyong lahat ikaw pa ang hindi ko lubusang nakikilala." Lumapit siya sa puting kabayo at hinaplos ang ulo nito. "Simon, mabait ba itong si Emilia?" Mahinhin siyang tumawa at sumulyap pa sa akin saglit.

Lihim na tumaas ang aking kilay sa kanyang itinanong. Kinakausap niya ang kabayo at itinatanong pa niya kung ako ba'y mabait? "Hindi ba nahahalata sa aking mukha, Ginoong Severino?" Bakit niya naman iyan naitanong at sa isang kabayo pa?

"Sa aming dalawa ni Simon ikaw ang madalas niyang nakakasama kaya nakasisiguro akong kilala ka niya." Mas lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti ng biglang umungol ang kabayo. "Nakita mo ba iyon? Sumagot si Simon. Hahaha."

Nais ko sanang itanong kung anong isinagot ng kabayo ngunit mas pinili ko na lamang manahimik habang tinitingnan siya nang mabuti. Unti-unti namang nawala ang kanyang magandang ngiti nang makita niya akong hindi natawa sa kanyang tinuran.

"Bueno, kaya ako naparito dahil may hihingin ako sa iyong pabor. Maaari ba?"

Tanging tango lamang ang aking iginawad. Nasisiguro kong mangingisay sa kilig at pamumula si Georgina kung siya'y hihingan ng pabor ng ginoo.

"Maaari mo ba akong tulungang maghanap ng hardin ng rosas?" Namula ang kanyang maumbok na pisngi at napahawak pa sa batok matapos niyang magtanong. "Kung maaari lamang sana. Hindi ko batid kung kanino ako hihingi ng tulong."

"Si Georgina. Tiyak po akong matutulungan ka niya." Siya ang unang sumagi sa aking isipan. Bakit niya nais maghanap ng hardin ng mga rosas kung mayroon naman silang hardin dito na may makukulay na bulaklak? Para saan?

Umiling siya, umayos ng tindig at inialis ang mga kamay sa bulsa. "Masyadong matanong si Georgina at maingay pa. Ayaw ko sanang may makaalam nitong aking gagawin kung kaya't ikaw ang aking nilapitan."

"Sige ho. Kailan po ba natin uumpisahan ang paghahanap?" Hindi ko na lamang siya tinanong dahil kakabanggit niya pa lamang na ayaw niyang may makaalam.

"Maaari bang ngayon?"

Nanlaki ang aking mga mata. "Ngayon?" Agad kong natakpan ang aking bibig nang mapagtanto ko ang aking inasal. "Paumanhin po, Ginoong Severino. Hindi ko po iyon sinasadya." Bakit ngayon niya nais simulan? Marami pa akong gagawin. Tiyak akong magagalit ang mayordoma.

Natawa siya habang inilalagay ang mga kamay sa likuran. "Ayos lamang, binibini. Nakakatuwa nga ang iyong reaksyon, e. Nais ko rin sanang ikaw ay akin pang makilala. Sa nagdaang dalawang taon na ako'y napauwi rito, ilang linggo lamang akong nagtatagal at ikaw ay mailap pa. Maaari rin ba?"

"Tutulungan ko ho kayo sa iyong pabor ngunit sapat na sa akin na tanging pangalan lamang ang nalalaman niyo sa akin." Trabaho ang aking ipinunta rito hindi upang makipagpalagayan ng loob sa aking amo. Hindi rin magandang pagmasdan ang babae at lalaki na malapit sa isa't isa depende na lamang kung may relasyon. "Kung hindi niyo po mamasamain ako ay babalik na sa aking trabaho." Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at tuluyan na akong tumalikod upang ipagpatuloy ang pagpapaligo kay Simon.

"A...," Iyan lamang ang lumabas sa kanyang bibig. Hindi niya siguro inaasahan ang aking sinabi. Mabuti na rin iyon para malaman niyang hindi ako interesado. "Ako ang iyong amo, hindi ba isang lapastangan ang iyong sinambit?"

Sandali akong natigilan at biglang bumugso ang kaba sa aking dibdib. Galit ba ang ginoo? Ngunit anong kinagagalit niya? Ako nama'y pumayag sa kanyang pabor.

"Wala pa ni isang tao ang sumagot sa akin tulad ng iyong ginawa. Marapat lamang na ito'y sabihin ko kay Ama upang ikaw ay kanyang maparusahan. Ano sa iyong palagay, Binibining Emilia?" dugtong pa niya.

Ako'y dahan-dahang humarap sa kanya. "Ginoo, hindi ko batid kung ano ang iyong kinagagalit o kung ano man ang kalapastangan ang aking ginawa. Ngunit hindi mo maaaring parusahan na lamang ako kung ako'y pumayag sa iyong pabor. Hindi tama iyon. Ano ang iyong ikinagagalit? Ang hindi ko pagpayag sa iyong nais na makilala mo pa ako nang lubusan?" Palihim akong huminga nang malalim at mariing hinawakan ang aking saya sa likuran. Inaamin kong ako'y nanindigan dahil alam kong wala akong ginagawang masama ngunit hindi maiaalis sa aking puso ang matinding kaba. Tagaktak na ang aking pawis at nanginginig din ang aking tuhod. Isang anak ng gobernadorcillo ang aking sinagot. Maaari niya akong parusahan kung kanyang nanaisin. Ngunit wala talaga akong ginawang hindi tama.

Sumeryoso ang kanyang mukha habang titig na titig sa akin at pinagdikit ang mga braso sa dibdib. "At sumasagot ka? Sa tingin mo mainam tingnan ang isang babaeng tulad mo na sumasagot sa kanyang amo? Sa isang ginoo na anak ng gobernadorcillo?" Tumaas ang kanyang kilay at mas lalong naging katakot-takot ang kanyang tindig. "Masama bang kilalanin ko ang mga naninilbihan sa aking pamilya? Marapat lamang na lahat ng aking nais ay iyong sundin dahil ako ang iyong amo, hindi ba?"

"Batid kong walang masama sa iyong nais na makilala ako ngunit mas mainam kung si Georgina na lamang ang iyong kilalanin pa nang husto." Batid ko ring magugustuhan niya ang aking suhestiyon. "Hindi ko alam kung bakit ka nagkakaganyan. Batid kong wala akong ginawang mali, Ginoong Severino. Hindi magandang tingnan na ang isang kasambahay ay malapit sa kanyang pinagsisilbihan. Aalis na po at gagawin ko pa ang aking dapat gawin." May diin ang bawat salitang binitiwan ko. Hindi ko na siya hinintay pang magsalita, ibinalik ko sa kwadra ang limang kabayo at ako'y tuluyan nang lumisan. Hindi ko inaasahan na iyon ay kanyang ikagagalit. Siguro kung si Georgina pa ang nasa aking posisyon, walang humpay ang kanyang kilig at agad itong ibabalita sa akin.

"Mas lalo mo lamang akong binigyan ng dahilan upang ikaw ay aking parusahan!" sigaw niya.

Bago ako tuluyang makapasok sa loob, isang guardia personal ang humarang sa akin. "B-Bakit po?"

Hindi niya ako sinagot bagkus ako ay kanyang itinulak pabalik sa aking puwesto kanina. Sobrang seryoso ng kanyang mukha at kasindak-sindak ang kanyang mga mata. Tila ikaw ay kanyang papatayin.

"Muchas gracias, Mauricio (Maraming salamat, Mauricio)," rinig kong sambit ng ginoo nang nakatingin sa kanya at sinenyasan na maaari na siyang umalis. Pinaharang niya ba ako sa kanilang guardia personal? "Iyan ang napapala ng mga taong malakas ang paninindigan na wala sa lugar."

Naiyukom ko ang aking kanang kamao. Ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan sa tulad kong walang sala. Tumingin ako sa kanya nang taas-noo at tinitigan siyang mabuti.  Hindi ko batid kung anong nakita sa kanya ng ibang kababaihan kung bakit sila nahuhumaling sa kanya gayong wala naman siyang puso.

Lumapit siya sa akin at naningkit ang kanyang mga mata. "Ikaw lamang ang tanging nakakagawa nito sa akin, Emilia."

"Talagang ako lamang kung alam kong wala akong sala, Ginoong Severino." Nais kong malaman niya na kahit napupuno na ng galit ang aking damdamin ay may respeto pa rin ako sa kanya. Ang pimapatansya ng lahat ay may itinatago rin pa lang kasamaan. Napabulong na lamang ako. "Wala kang puso."

"Wala akong puso?" Ngumiti siya nang marahan, hinawakan ang aking kanang kamay at inilapat sa kanyang dibdib. Ako'y napalunok nang palihim nang maramdaman ko ang tibok ng kanyang puso. "Nararamdaman mo ba ang pintig ng aking puso, Emilia?"

Na-Narinig niya ang aking bulong? Napakurap ako ng ilang beses sa kanyang ginawa. Babawiin ko na sana ang aking kamay ngunit mas lalo lamang niyang hinigpitan ito. Hindi tamang magdikit ang aming balat. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko batid kung bakit ako nakakaramdam ng kaba. Dahil ba ito ang unang beses na sumagot ako kay Ginoong Severino o dahil sa magkahawak naming kamay? Emilia, anong nangyayari?

"Nararamdaman mo na ba kung paano ito tumibok?" Mas lalo pa siyang lumapit sa akin hanggang sa ilang pulgada na lamang ang aming distansiya. "Emilia, hindi ko alam kung bakit ko it---"

Hindi ko na siya pinatapos pa, binawi na ang aking kamay at yumuko.  "G-Ginoo, parusahan niyo ako kung nais ninyo ngunit ayos na po sa akin  ang ganito. Paalam." Binilisan ko ang aking mga hakbang upang wala ng guardia personal ang humarang pa sa akin. Mariin kong napasandal sa pintuan nang makarating na ako rito sa kusina. Mahigpit ko rin itong isinara upang hindi makapasok dito ang señor.

"Emilia, bakit ka humahangos? Ano ang nangyari sa iyo?" nagtatakang tanong ni Merlita. Siya'y kasalukuyang nag-iimbak ng tubig sa malaking palayok.

Umiling lamang ako at lumisan din. Hindi ko alam kung bakit ganito ang aking reaksyon. Bakit ako humahangos? A, batid ko na. Natatakot lamang ako na mahuli ng guardia personal. Sila'y nakakasindak at tiyak na magpapataw ng parusa. Oo tama iyon nga.

"Emilia, nasaan si Kuya Severino?" taas-kilay na tanong ni Binibining Lydia habang nagpapaypay.

"Nasa likod ng bahay po, Binibini."

"Anong ginagawa niya roon? Tawagin mo kanina ko pa siya hinahanap."

Ano? "A, e," Umalis nga ako para makalayo sa kanya kahit ilang minuto.

"Narinig mo ba ang aking ipinag-uutos, Emilia?" Tumataas na naman ang kanyang tinig at bahagya pang lumapit sa akin para ako'y paluin ng kanyang kulay pilak na abaniko. "Kahit kailan talaga, ikaw ay inutil at mabagal kumilo---"

"Lydia."

Nakaramdam na naman ako muli ng kaba nang marinig ko ang kanyang tinig.

"K-Kuya." Bakas sa tinig ni Binibining Lydia ang takot at napatakip pa ng mukha gamit ang kanyang abaniko.

"Ilang beses ko ng sinabi sa iyo na hindi mo dapat tratuhin nang ganyan ang ating mga kasambahay?" Tumingin ako sa kanya. Nakita ko kung paano gumuhit ang pinaghalong inis dahil magkasalubong ang kanyang dalawang makakapal na kilay at pagkaseryoso sa kanyang mukha.

Inangat niya ang kanyang mukha. "Ngunit siya ay may sala. Hindi niya agad sinunod ang aking ipinag-uutos." Dumako sa akin ang kanyang pares ng mata at matalim akong tiningnan. Tila ba sinasabi niya sa akin na 'Humanda ka sa akin mamaya, Emilia.'

"Maaari mo naman siyang pagsabihan nang hindi sinasabihan ng masasakit na salita. Hindi ka ganyan pinalaki ni Ina." Sumulyap pa siya sa akin at inilagay ang dalawang braso sa likuran.

Sa kabilang banda, pinaikot na lamang ni Binibining Lydia ang kanyang mga mata saka umalis.

"Ayos ka lang ba, Binibining Emilia?" Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa akin na ikinakurap ko naman ng ilang beses.  Naiilang ako sa kanyang presensya. "Biro lamang iyon, binibini. Ako sana'y iyong mapatawad."

"Biro?" Anong biro ang kanyang tinutukoy?

"Ang ginawa ko sa iyo kanina roon sa likod ng bahay. Isang malaking biro lamang ang lahat." Sumilay na namang muli ang maganda at malapad niyang ngiti. Kitang-kita ang pantay at mapuputi niyang ngipin at ang malalalim na biloy. "Hindi ako gagawa ng isang bagay na ikakapahamak ng isang binibining tulad mo. Mapatawad mo sana ako sa aking ginawa. Batid kong hindi nakakatuwa iyon." Napahawak siya sa kanyang batok, unti-unting namumula ang kanyang pisngi at panaka-nakang sumusulyap sa akin.

Hindi ko alam kung ako'y matutuwa o maiinis sa kanyang inamin. Napaikot ko na lamang ang aking mata na kanyang nakita at bumulong. "Pilyo."

"Patawad. Babawi ako sa iyo." Inilapit niya ang kanyang hinliliit sa akin at tila ba may hinihintay. Tiningnan ko lamang ang kanyang hinliliit. "Gawin mo rin ang aking ginagawa, Emilia. Ipulupot mo sa aking hinliliit ang hinliliit mo."

Gumuhit sa aking noo ang pagtataka. Ano bang meron sa hinliliit na iyan?

"Gawin mo na lamang, Emilia." Kahit na ako'y nagtataka ay ginawa ko pa rin ang kanyang sinambit. Nang tuluyan nang magkadikit at magkapulupot ang aming hinliliit ay siyang mas lalong paglapad ng kanyang ngiti. "Pangako babawi ako sa iyo, Emilia."

--------------------Abril 3, 1895--------------------

"Emilia, saan kayo tutungo ni Ginoong Severino?"

"Anong namamagitan sa inyong dalawa?"

"Bakit kayo ay lalabas? Maaari ba akong sumama?"

"Naiinggit ako sa iyo, Emilia, sa ating dalawa ako ang umiibig sa kanya ngunit ikaw ang kasama niya sa pamamasyal." Malungkot ang mga mata at tinig ni Georgina.

Halos lahat siguro ng aking kasamahan ay nagtatanong kung saan kami tutungo ni Ginoong Severino. Lahat sila ay nakapalibot sa akin ngayon dito sa bungad ng salas habang aking isinusuot ang bakya na aking nahiram kay Merlita. "Isasauli ko ito mamaya sa iyo, Merlita."

"Gamitin mo na lamang muna. Ako naman ay may ginagamit," nakangiti nitong sambit na tila pa kinikilig. "Saan kayo tutungo ni Ginoong Severino? Saan kayo mamamasyal?"

Saglit akong huminga nang malalim at tiningnan sila isa-isa. "Hindi kami mamasyal. Siya ay mayroong iniutos sa akin at kailangan niyang sumama sa akin."

"Ngunit bakit hindi niya ako kinausap patungkol diyan?" Parang isang batang nagrereklamo si Georgina. Nakakunot ang noo at nakanguso pa.

Hindi ko naman maipaliwanag sa kanila ng maayos ang aming pakay. Hindi kami natuloy ni Ginoong Severino sa paghahanap ng hardin ng rosas noong siya'y nagbiro sa akin. Hindi rin naman ito nagawa kahapon sapagkat dumalo ang buong pamilya sa isang pagsasalo sa kabilang bayan kaya't ngayon lamang siyang hapon nagkaroon ng libreng oras.

"Kung nais mo, sasabihin ko sa kanya na ikaw na lamang ang sumama sa kanya, Georgina," sambit ko. Batid ko namang hindi papayag ang lalakong iyon ngunit pampalubag-loob na rin lamang para kay sa kanya.

Akmang magsasalita na sana siya nang biglang tumayo nang tuwid at yumuko ang aking kasamahan.

"Emilia, handa ka na ba?"

Lumingon ako sa kanya na nakasuot ngayon ng isang magarang barong tagalog at kumikintab na sapatos habang naglalakad siya papalapit sa amin nang nakangiti. Palangiti talaga siya.

"Ginoo, maaari ba akong sumama sa inyo? Tapos ko na rin naman na ang aking gawain kaya't libreng-libre ako!" masiglang tugon ni Georgina ngunit agad ding napalitan ng pagkalungkot. "Hindi mo man lang ako kinausap patungkol dito." Pinagdikit niya ang kanyang mga braso sa dibdib at ngumusong muli.

"Bakit? Nobya ka ba ni Ginoong Severino, Georgina? Bakit naman niya sasabihin sa iyo?" natatawang tanong ni Corazon na sinabayan ng pagtawa ng ginoo at iba pa naming kasama.

"Huwag kang mag-alala, Georgina. Dadalhan kita ng pasalubong upang mawala na ang iyong tampo sa akin." Binigyan niya ito ng mas maganda pang ngiti na nagpasilay ng kanyang dalawang biloy at pagsingkit ng mata.

Namula naman si Georgina at napakagat pa sa kanyang ibabang labi. Mapapansing pinipigilan niya ang kanyang kilig. "T-Talaga? Sabi mo iyan, ha?"

"Pangako."

Pangako? Iyan din ang kanyang sinabi sa akin ngunit bakit hindi niya ipinagawa kay Georgina ang tungkol sa hinliliit?

"Paano kami naman kami, Ginoo?"

"Oo nga naman po, Ginoong Severino."

Segunda naman ng iba. Hindi ba sila nakakaramdam ng hiya? Kung ako niyan ay mahihiya ako.

"O sige dadalhan ko rin kayo basta pagbutihin niyo pa lalo ang inyong trabaho."

"Si, Señorito!"

"Opo, ginoo!

"Maraming salamat po!"

Ngumiti siya at sumulyap sa akin. "Maaari na ba tayong umalis?"

Isang tango lamang ang aking iginawad at tahimik lamang nakasunod sa kanya.

"Mag-iingat po kayo, Ginoong Severino!" rinig kong sigaw nila.

Humarap siyang muli upang kumaway at ngumiti sa kanila. Tinitigan ko siya nang mabuti. Totoo nga ang kanilang sinabi, mabait nga talaga siya. Mali ang pagkakasabi ko na wala siyang puso. Hindi siya tulad ng iba na matapobre at mapagmataas kahit na nagmula sa makapangyarihan at maimpluwensya na pamilya.

"Baka ako ay matunaw sa iyong mainit na titig, Emilia. Hahaha."

Napailing na lamang ako. Bakit niya pa iyon napansin kahit bahagya siyang nauunang maglakad sa akin?

"O sige, magpapanggap ako na hindi ko napansin. Hahaha."

Nakakahiya ka, Emilia.

"Emilia, ako ay may tanong." Bahagya pa siyang naglakad nang mabagal upang sabayan ako nang hindi tumitingin sa akin.

Hindi ako kumibo ngunit hinihintay ko ang kanya tanong. Mukhang nakuha naman niya ang aking pahiwatig dahil napansin kong siya'y sumulyap sa akin sandali.

"Matutuwa ka ba kung ikaw ay sosorpresahin sa isang lugar na punong-puno ng rosas?" Sumulyap siya sa akin sandali.

Ako'y napangiti nang maalala ang Pusong Marikit, ang paborito kong hardin sa lahat na tanging matatagpuan lamang sa hacienda y Fontelo. "Kahit samu't saring bulaklak pa iyan, Ginoong Severino. Walang labis na kasiyahan ang aking mararamdaman."

"Talaga?" Tumigil siya saglit sa paglalakad at tumingin sa akin kaya't napatigil at napatingin din ako sa kanya. "Iyong magugustuhan?"

"Opo. Sino ba namang binibini ang hindi magugustuhan ang magandang tanawin lalo pa't iyon ay isang sorpresa?" Sino kaya ang kanyang pag-aalayan ng sorpresa?

Naglakad siyang muli at inilagay ang dalawang kamay sa loob ng kanyang bulsa. "Ngayon ay napapanatag na ang aking loob. Tiyak ngang magugustuhan iyon ni Floriana," rinig kong bulong niya nang may ngiti sa labi.

Floriana? Sino iyon? Pamilyar sa akin ang pangalan. Marahil ay iyon ang pangalan ng kanyang nobya. Naku, paano na si Georgina. Wala na pala siyang pag-asa sa aming amo. Mayroon na pa lang bumihag at umangkin sa kanyang puso.

"Ikaw ano ba ang iyong inaasam na sorpresa? Naranasan mo na ba iyon?"

Nanahimik na lamang ako at tumingin-tingin sa paligid. Ngayon ko lamang napagtanto, marami pala sa amin ang ngayo'y napapalingon. Nakaramdam ako ng ilang at hiya kaya't yumuko na lamang ako. Hindi ko nagugustuhan ang mga mapanuring matang tumitingin sa amin. Bawal nga pala ito! Bawal magsama ang babae at lalaki kaya agad akong huminto sa paglalakad upang mauna siya.

"Marahil ay hindi mo pa naranasan. Huwag kang mag-alala. Malay mo may isang ginoong mag-aalay sa iyo ng isang maganda at hindi malilimutang sorpresa sa tanang buhay mo."

Pasimple akong tumingin sa kanya. "Hindi ko na po iniisip iyan. Mas importante sa akin ang trabaho para sa aming dalawa ni Delilah." Wala akong panahon sa pag-ibig. Aaksayahin lamang niyon ang aking oras.

Tinitigan niya ako habang naglalakad na nagpakaba sa akin muli. "Ngunit hindi mo masisiguro iyan lalo na kung bigla na lamang tumibok ang iyong puso sa isang taong hindi mo inaasahang mahalin."

Hindi ko alam pero ako'y natawa. "Kanino naman?"

"Malay mo sa akin," dire-diretso niyang sambit na nagpatigil sa akin sa paglalakad at pagkakunot ng noo. Maging siya ay biglang napatigil din. Marahil ay napansin niyang hindi ako nakasunod sa kanya. "Biro lamang muli, Emilia. Masiyado kang seryoso." Mula nang bumalik siya rito nakailang biro na ba siya sa akin? "Hindi mo masisiguro. Maraming kababaihan ang nagkakagusto sa akin base sa aking nakikita at nalalaman." Nagpatuloy na muli kami sa paglalakad na ngayo'y magkasabay na.

"Hindi ako magiging isa sa kanila, Ginoo."

"Aasahan ko iyan, Emilia. Sabi mo, e."

--------

👩👨

<3~