Matagumpay na nakaakyat sina Dale at Sid sa itaas ng bangin. Walang sinayang na oras si Dale kaya agad silang nagtungo sa bar na pinupuntahan ng kaniyang pumanaw na ama.
Alas nuwebe na ng gabi. Kahit malakas ang buhos ng ulan na sinasabayan ng pagkulog at pagkidlat, patuloy ang pagsuyod ng kotse ni Sid sa basang kalsada na kanilang dinaraanan.
Huminto sila sa tapat ng bar. Sa malayo ay kanilang napansin ang isang lalaking nakasuot ng sumbrelo at mask na nag-aabang at palinga-linga sa paligid.
Tumama ang liwanag sa mukha ni Dale nang kumidlat dahilan upang mamukhaan ng lalaking nag-aabang si Dale.
Lumapit sina Sid at Dale sa lalaki.
Bumagsak sa kanilang mga katawan ang malalaking patak ng ulan. Ngunit, nagpatuloy pa rin sila sa paglalakad kahit na nababasa.
Sandaling napahinto si Dale dahil naramdaman niya ang tubig na dumadaloy sa kaniyang sugat sa binti at likod. Ang malamig na buhos ng ulan ay nagiging maligamgam sa tuwing hahalo sa mainit na dugo mula sa kaniyang sugat. Kumikirot ang sugat niya at mas nadadagdagan pa sa tuwing sasayad ang patak ng ulan dito.
"Okay ka lang?" tanong ni Sid.
"Oo," sagot niya. Tumindig siya nang maayos at pilit na ipinapakita na ayos lang siya sa harap ni Sid.
"Sumunod kayo sa akin," utos ng lalaki sa kanila nang makalapit sila rito.
Sumunod naman sila.
Dinala sila ng lalaki sa isang malaking gusali. Maganda at malawak ang building na iyon. Hindi gaanong kataasan at hindi rin gaanong mababa. Ang mga harang nito ay gawa sa makakapal at tinted na salamin.
Pumasok ang lalaki sa loob ngunit hinarangan sila ng dalawang bantay doon.
"Kasama ko sila."
Inalis ng mga bantay ang kanilang kamay na ginamit na pangharang sa dalawa. Nagpatuloy na sila sa pagpasok at pumunta sa isang silid sa pinaka-itaas ng floor.
Pumasok sila sa loob ng silid kung saan bumungad sa kanila ang makakapal na papel na nakapatong sa ibabaw ng office table.
Umupo ang lalaki sa swivel chair saka tinanggal ang sumbrelo at mask na suot. Nagpakita ang mahabang balbas ng lalaki na kanina ay natatakpan ng mask.
Tumingala ang lalaki at tumingin sa kanila.
Kulubot na ang pisngi nito dahil sa kaniyang edad. May iilang kulay puti na rin sa hibla ng buhok nito.
"Matutulungan kita sa paghahanap sa pumatay sa pamilya mo."
Tumingin ang dalawa dito.
"Sino ka?" tanong ni Dale.
"Kilala ko ang mama mo."
"P-paano mo siya nakilala. Sino ka ba talaga?"
"Ang mama mo at ako ay dating miyembro ng Aquarius."
Umupo si Dale sa sofa na naroroon. Pagod na ang kaniyang katawan ngunit hindi ang kaniyang isip. Marami siyang gustong malaman.
"Aquarius? Ano 'yon?" naguguluhan niyang tanong.
"Organisasyon na namumuno sa pagbebenta ng mga ilegal na armas."
Namutla si Dale. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Ang ina niya ay dating miyembro ng Aquarius? Na nagbebenta ng ilegal na armas? Parang imposibleng mangyari iyon.
"Twenty-five years na ang nakakalipas nang umalis kami sa Aquarius. Nakilala ng mama mo ang papa mo. Simula noon, ninais niya nang magbagong buhay."
Napahawak ng sintido si Dale. Kung totoo ang sinasabi nito, paano iyon makakatulong sa kaniya.
"Ano naman ang kinalaman no'n sa pagpatay sa pamilya ko?"
Tumikhim muna ang lalaki bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Ang sinumang titiwalag o magtatraydor sa aming samahan ay buhay ang magiging kabayaran. Kaya narito ako ngayon, patuloy na nagtatago. Dahil...dahil kung makikita ako ng taga-Aquarius..."
Lumunok si Dale habang hinihintay ang susunod na sasabihin nito.
"Kung mangyayari 'yon...papatayin nila ako."
Lalong gumugulo ang mga natutuklasan ni Dale. Para siyang nagtatanggal ng buhol sa isang tali ngunit sa halip na matanggal ang buhol na iyon ay lalo pang nagkabuhol-buhol. Mas lalo pang gumulo ang lahat.
Mas parami nang parami ang nagiging suspect niya. Parami nang parami ang mga nagiging involve sa pagpatay sa pamilya niya. Parami nang parami ang puwedeng maging salarin. Para siyang nasa gitna ng karagatan na malawak ang puwedeng mapuntahan. Para bang ang tatahiing maliit na butas lamang sa damit ay mas lalo pang lumaki at nadagdagan.
"Hindi lang si Gonzalez, hindi lang ang mga Pisces...maaaring ang nasa likod din ng lahat ng ito ay ang Aquarius," mahinang sabi ni Dale.
"Ako nga pala si Reggio." Inabot ng lalaki ang isang maliit na papel. Tinanggap naman iyon ni Dale.
"Diyan niyo ako puwedeng puntahan kung kailangan niyo pa ng tulong ko. Handa akong tulungan kayo dahil...malaki ang utang na loob ko sa mama mo. Minsan niya na rin akong natulungan." Ngumiti ang lalaki kay Dale. Nakikita nito sa babaeng kaharap ang babaeng kasama niya dati sa samahan, sa Aquarius. Magkahawig na magkahawig ang dalawa.
"Salamat." Alam ni Dale na kahit dating miyembro ng Aquarius ang kaniyang ina, mabuti pa rin ang kalooban nito. Minsan mang nagkamali ng landas ang mommy niya, mas pinili naman nito sa huli ang magbagong-buhay.
Tumayo siya. Nilibot niya ng tingin ang mga dekorasyong nakasabit sa pader. Napadako ang kaniyang atensiyon sa isang malaking frame. May larawan iyon ng kaniyang ina at ni Reggio. Nakaakbay si Reggio sa mommy niya at nakahawak naman ang isang kamay ng mommy niya paikot sa bewang nito. Bata pa ang mommy niya sa larawang iyon.
Lumapit siya roon at hinimas ang makintab na salaming humaharang sa larawan ng ina. Nadama niya ang lamig mula sa sa salamin pero patuloy niya pa ring itinataas-baba ang palad na para bang ang totoong ina ang kaniyang nahahawakan.
'Bakit magkasama ang mommy niya at ang lalaki sa larawan?'
Naisip niya na marahil maganda ang pinagsamahan ng lalaki at mommy niya. Marahil ay matalik na magkaibigan ang mga ito.
Nag-angat siya muli ng tingin sa nakangiting ina sa larawan. Nagtagal ang titig niya roon. Miss niya na ang mommy niya. Naalala niya ang huling yakap niya rito bago ito pumanaw. Naalala niya ang pagtatago niya sa bisig ng ina nang dumating ang mga lalaking naka-itim sa kanilang tahanan.
Gusto niyang maranasan muli ang mga yakap at halik ng kaniyang ina. Ang pag-suporta nito sa kaniya sa mga activities ng school noong nabubuhay pa ito. Gusto niya ulit marinig ang mga payo at pangaral nito sa kaniya at sa kapatid na si Angela.
Sobrang nasasabik na siya rito. Sa mommy niya, sa daddy niya at sa kapatid na si Angela.
'Sana magkakasama pa sila ngayon.'
Ilang araw na lang, magpapasko na. Maraming pasko na ring nag-iisa si Dale. At mukhang madaragdagan pa ang paskong nag-iisa siya ngayong darating na ika-dalawangpu't lima ng Disyembre. Noong nabubuhay pa ang kaniyang mommy, ito ang nagluluto ng kanilang handa tuwing pasko. Sama-sama silang nagdedekorasyon ng kanilang tahanan. Sa tuwing araw ng pasko, masayang-masaya silang kapiling ang isa't isa. Kumakain, nag-aawitan, nagtatawanan, nagsasayawan at marami pang iba. Marami silang naging bonding. Marami silang maliligayang araw na magkakasama.
Huminga siya nang malalim. 'Mag-isa na naman ako sa December twenty five.'
Naikuyom niya ang kamay. Kumukulo ang kaniyang kalamnan at sumisikip ang kaniyang dibdib. Ang mga alaalang iyon ang lalong nagpapatindi ng kaniyang galit. Sabik siya na makasama ang pamilya ngunit mas sabik siyang makita ang taong pumatay sa pamilya niya. Kapag nalaman niya kung sino iyon, hindi niya lang alam kung anong magagawa niya rito.
Hinaplos muli ni Dale ang larawan ng ina. Sa huling haplos na iyon ay nakaramdam siya ng pagkahilo.
Umatras siya at tinukod ang isang paa upang hindi tuluyang matumba. Naramdaman niya ang paghawak ni Sid sa kaniyang bewang kaya nilingon niya ito.
"Sid." Huling katagang nasabi niya bago tuluyang nagdilim ang kaniyang paningin.