"Napakaswerte mo talaga, Cerise," sarkastikong sambit niya sa kaniyang sarili at sinabayan ng pag-rolyo ng kaniyang mata. "Napakaganda ng simula ng araw mo. Sana naman mas gumanda pa mamaya, 'no?-- Lord, help me not to waste this opportunity. 'Di ko na keri kung matatanggal pa 'ko dito." Habang nakakrus ang dalawa niyang daliri.
Pinapanatili niya ang kaniyang blangkong mukha habang patuloy sa pagbagtas sa kalsada ng poblasyon ng San Guillermo. Hindi niya maipilit ang ngumiti dahil naaasiwa pa rin siya sa mga kaganapan kanina.
Halos labing-limang minuto na siyang naglalakad at ilang saglit pa ay makararating na siya sapagkat malapit-lapit na ang kaniyang bagong pagtatrabahuan.
Hindi na niya gaanong minamadali ang paglakad upang maiwasan niya ang pagpawisan dahil bago pa naman mag-alas dyes ang kaniyang call time. Mahirap na rin at baka maging amoy-araw pa siya.
Nakahinga na rin siya nang maluwag dahil hindi na gaanong nasisinagan ng araw ang kaniyang dinadaanan sapagkat natatakpan ito ng mga nagtataasang mga gusali tulad ng mga naglalakihang malls, commercial buildings at condominiums.
Maraming tao. Napakaraming tao ang naglalakad sa mga daanan at may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan.
May mga nagmamadaling mga estudyante at trabahante na malamang ay nahuhuli na naman sa kanilang pagpasok. Sa kaniyang hinuha ay nagpuyat ang mga ito o kaya ay in-overwork ang kanilang mga sarili noong nakaraang gabi. Halos magkadapa-dapa na rin nga sila dahil sa bilis ng paglakad-takbo.
Mayroon ding mga ina na kay agang namamalengke para sa pagluluto ng kanilang mga pananghalian. Bitbit ang mga eco-bag na may lamang karne, pampalasa at samot-saring mga gulay.
Malakas rin ang pagpito ng mamang pulis na sinasaway ang mga batang pulubi na nakikipag-patintero sa mga umaandar na sasakyan sa gitna ng kalsada. Sa kanilang kamusmusan ay hindi nila alam ang hinaharap na kapahamakan.
Ngunit may isang bagay na ikinainggit niya sa mga batang ito. Isang bagay na nahihirapan niyang makuha. Ang matamis nilang mga ngiti. Kay tamis ng kanilang ngiti kahit mismong kahirapan ang kanilang kalaro ay natatagpuan pa rin nila tunay na kaligayahan. Na kahit sila mismo ang dehado sa buhay ay nakukuha pa nilang ngumiti at maging masaya.
"Kailan ko ba mahahanap ang tunay na kasiyahan, Sawyer? Sana lahat." Napasinghap na lamang siya at inilibot ang kaniyang tingin upang makapagmasid.
Napansin niya na hindi naman ganoon kasibilisado ang siyudad ng San Guillermo kumpara sa ibang mga lungsod sa ibang lugar na mas moderno.
Mayroon pa rin namang mga bakanteng lote rito na hindi pa natatayuan ng mga gusali. Tinutubuan pa ng mga matatayog na puno at luntiang mga damo. Medyo maaliwalas pa itong tingnan.
Ngunit ang polusyon ay tuluyan nang binalot sa kasulasukan ang pook. Halos lumalabo na ang paligid sa dami ng usok at alikabok na binubuga ng mga maiingay na sasakyan. Sumusuot din sa ilong ang masangsang na amoy ng mga nagkalat na basura.
"Grabe. Kailan ba matututo ang mga tao na magtapon sa tamang basurahan? Porke ba hindi nila lugar 'to ay malaya na silang magtapon sa kung saan? Hindi talaga nila maintindihan na lahat tayo ay apektado dahil tayo ay nasa iisang mundo. When will they fucking start to care?" Sinasadya niyang lakasan ang kaniyang boses upang tamaan ang mga taong kasabay niyang naglalakad.
Napapaisip na lamang siya na napakaganda siguro dito kung mas gawing eco-friendly ang mga produkto ng mga industriya. O dili kaya'y ipagpatuloy ang paglunsad ng pagbibigay ng sariling espasyo ng kalikasan sa loob ng mga siyudad. Malaya sana nitong nagagawa ang tungkulin na linisin ang hangin at mas lalong mapaganda ang kapaligiran.
Sa kaniyang nakikini-kinita ay hindi ang kasalukuyang ito ang pag-ulad na dapat ay namamayani sa lupain ng ating mga bayan. Ganito ba ang depinisyon ng pag-unlad kung iwinawaksi lamang natin ang mismong kalikasan? Napupuno na ba ang mga tao ng pagkaganid sa huwad na kaunlaran? Kahihiyan.
Dagdag pa ang malaking problema ng kawalang disiplina ng mga tao. Tao naman talaga ang pasimuno ng pagkasira ng buhay at mga biyaya sa mundo. Tao ang may sala.
Napahinto siya sa paglalakad nang matapat siya sa isang malaking gate ng isang paaralan. Marahan niya itong nilingon at nabasa niya ang malaking nakasulat sa itaas ng gate.
Pamantasan ng Lungsod ng San Guillermo. Ang unibersidad na pinangarap niyang mapasukan upang makapag-aral ng medisina. Minsan sa kaniyang buhay ay pinangarap niya na maging isang opthalmologist o doktor sa mata.
Naaninag niya ang kalooban nito na napakalawak at maraming mga nakatayong mga gusali. Isang senaryo na bumubusog sa kaniyang mga mata.
Nakaaakit ang field na angat ang pagiging luntian dahil sa malagong damo nito. Dagdag pa sa kagandahan ang mga mayayabong na puno na makikita sa alinmang sulok ng paaralan.
Malaya ring winawagayway ng malakas na ihip ng hangin ang watawat ng Pilipinas. Sa tabi nito ay isang matayog na dambanang sumisimbulo sa karangalan ng pamantasan.
Nakita rin niya ang isang lalaking sa labas na nagkakamot ng ulo dahil hindi pinapasok ng guwardiya. Mukhang nakalimutan ata nito ang ID na kailangan para makapasok.
Bukod pa rito, iba't-ibang mga estudyante ang palakad-lakad sa pasilyo ng mga gusali sa loob ng paaralan. May mga magkakaibigan na nagtatawanan at nag-aasaran. At meron din namang subsob ang mga mukha sa mga libro at tutok sa kanilang pag-aaral.
"Napakaganda." Hindi pa rin niya maitatanggi na gusto niya pa ring makapasok dito. At makapagtapos sa pinapangarap niyang kurso.
"Hindi pa nga siguro ito ang oras para sa'yo. Balang araw, makakamit mo rin ang pangarap mo." Humugis sa kaniyang labi ang isang mapait na ngiti at unti-unting namuo ang luha sa kaliwang mata ngunit agad niya ring pinunasan ito.
"Ate." Isang munting tinig ang kumuha ng kaniyang atensiyon kasabay ng marahang paghila sa laylayan ng kaniyang itim na blusa.
Napatingin siya sa kaniyang tagiliran at nakita ang isang lalaking paslit na may kadungisan ang mukha at suot ang isang marumi at lumang damit na halos mas malaki pa sa katawan ng bata. Sa wari niya ay nasa limang taong gulang pa lamang ito.
Ngunit kahit sa kaniyang madungis na anyo ay hindi maitatanggi ang kakisigan ng batang ito. Matangos ang kaniyang ilong at kakaiba ang kulay ng kaniyang mga mata. Mukhang may dugong banyaga ang batang ito.