"Nandito ka na pala." Nakangiting pagsalubong ng isang makisig na binata sa kaniya nang makapasok siya sa coffee shop. "Upo tayo, bal. 'Lika."
Tinungo nila ang isang wooden coffee table at inanyayahan siya nitong maupo sa katabing upuan.
"Thanks, Slate." Umayos siya ng pag-upo at ipinatong ang dala niyang bag sa isa pang katabing upuan. Tila binabantayan niya ang kaniyang bawat pagkilos upang maiwasan niya ang kabahan.
Ngunit sa totoo lamang ay labis na ang pagkabog ng kaniyang dibdib ngayong nasa kaniyang harapan na si Slate. Malalim ang hanging hinihinga upang ikalma niya ang sarili.
"Sakto ang dating mo. The manager just arrived lang din," pagbasag ni Slate sa katahimikan. "Hmm, you're glowing as usual, ah. Parang 'di ka ata na-haggard sa pagbiyahe. Ganda mo lagi." At saka siya tinapunan ng isang nakababaliw na ngiti.
Hindi niya namalayan na namula ng kaunti ang kaniyang mga pisngi ngunit hindi niya ito ipinahalata.
Napakagwapo tingnan ni Slate sa suot niyang three-fourth-sleeve polo na kulay abo. Nakabukas ang mga butones nito at maaaninag sa panloob ang itim na t-shirt na may print ng larawan ni ET. Bagay na bagay ang mga ito at hindi maipagkakaila na napakaangas ng pormahan nito.
Napahimas siya sa kaniyang batok bago sumagot nang nakangiti. "Tss, that's natural, Slate. Ano ba? Medyo napa-trouble nga lang ako sa nasakyan kong jeep pero nakabawi naman na."
"Buti naman. Kung napahamak ka man, sobra 'kong mag-aalala para sa'yo. Ako kaya nagdala sa'yo dito. 'Di ko kakayanin kapag napahamak ka." Bakas sa mga mata nito ang pag-aalala para sa kaniya.
"Tangina, napaka-pafa--" Magbibiro sana siya ngunit agad naman niya itong binawi.
Nagulumihanan at napakunot ng noo si Slate sa pabigla-bigla niyang pagsasalita. Hindi nga naman kasi alam ni Slate ang kaniyang kondisyon. Maging siya mismo ay napatanga.
"Ay, sorry, sorry. It's nothing. I didn't mean it." Napatikom siya ng bibig sa hiya dahil sa kaniyang nabanggit.
"Pero salamat talaga. If it wasn't for you, baka namamalimos na lang ako sa daan. Thank you for helping me with my situation," bigkas niya upang makabawi at mabago ang paksang kanilang pinag-uusapan.
"Don't mind. Maybe it was really an opportunity for you to work here. And it's actually a good thing kase I can watch out for you more often. Isasabay na kita sa pag-uwi tuwing may gig kami dito. T-Th and Saturdays. So tutugtog kami later kase Thursday ngayon." Inangatan siya nito ng makakapal na kilay na nagbigay sa kaniya ng kapanatagan.
"Thanks, Slate." Sinuklian niya ito ng matamis na pagngiti.
"Salubungin ko lang si boss. Just a sec." Tumayo ito mula sa kinauupuan at pinuntahan ang isang lalaking kalalabas lamang mula sa isang pintuan ng opisina nito. Nag-usap ang dalawang lalaki habang sila ay naglalakad.
Sa kaniyang paningin ay tila bumabagal ang takbo ng mundo habang tahimik niyang minamasdan si Slate sa paglakad patungo sa kaniya.
"Grabe. Who wouldn't fall for you, Slate? Gwapo mo, tang'na," sambit niya sa kaniyang sarili habang hindi mabaklas ang kaniyang matang nakatitig sa gwapong binata.
Tunay nga namang nakahuhumaling si Slate dahil sa kakaiba ang katangian ng kaniyang kakisigan. Matangkad, matangos ang ilong, nakabibighani ang mga mata, makakapal ang kilay at ang pamatay na ngiti ng kaniyang mga labi.
Dagdag pa sa kaniyang kakisigan ay ang kaniyang may kahabaang buhok na abot hanggang ilalim ng kaniyang tainga. May kulay itong steel grey at sa tuwing tinatamaan ng liwanag ay waring kumikinang.
"Bal?" Napabalik siya sa kamalayan nang narinig niya ang boses ni Slate na ngayo'y nasa kaniyang harapan kasama ang isa pang mas matangkad na lalaki na hindi naman nalalayo sa kanilang edad. Makisig din ito at binatang binata pa ang itsura.
"Good morning po." Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at marahang niyuko ang ulo upang makapagbigay ng respeto.
"Boss Tan, 'eto na po 'yung nagpasa ng application sa inyo, si Cerise. Masipag na masipag po 'yan and super inspired po para makapagtrabaho. She has a very diligent hands," pagpakilala ni Slate sa kaniya.
"You don't really have to impress me more, Slate. I have read her resume and oks na 'yon. Gusto ko rin namang makatulong as long as it's good for my business. Malakas ka rin naman sa'kin, Slate, e. You're like a bro to me," sagot ng kanilang boss kay Slate.
Inakbayan at tinatapik-tapik nito ang balikat ni Slate. Halata ang pagiging matalik nilang magkaibigan. Kapansin-pansin ang samahan nila na talaga namang malapit sa isa't-isa.
Inilipat naman ni Boss Tan ang atensyon sa kaniya. "So, yeah. Starting today, I am your boss and baka soon to be brother-in-law na nga den. Agh--" Napasama ito ng tingin kay Slate na mahinang sinikuhan ang tagiliran nito.
"Come on. Stop fooling," wika ni Slate habang nakakrus ang mga braso sa kaniyang dibdib.
"Kidding aside. Welcome sa café. Go change because you can start today." Kinamayan siya ng bago niyang boss na nagmamadali ring umalis dahil may iba pa itong pagkakaabalahan.
Naiwan silang dalawa ni Slate na magkatapat at malagkit ang naging pagtitinginan. Wala siyang ibang masabi kaya muli na lamang siyang nagpasalamat.
"Slate, Salamat."
Tinitigan siya nito sa mata at nagpaabot din ng isang makahulugang ngiti. Hindi na isinalin sa salita ang nais nitong ipahayag dahil nakuha na rin naman niya ito.
Ilang saglit ang lumipas at naghiwalay na ang kanilang mga landas. Sinagot ni Slate ang isang tawag sa kaniyang telepono at hindi na muling bumalik sa loob. Malamang ay nakaalis na. Siya naman ay tumungo sa staff room upang makapagpalit ng uniporme para sa kaniyang unang trabaho.
Pumili siya ng isa sa mga locker na nasa loob ng silid. Sa may gawing kanan at ang pinakahuling lalagyan. May kalayuan mula sa iba pang kagamitan ng kaniyang kapwa nagtatrabaho.
Sa loob nito ay kinuha niya ang pares ng unipormeng blusa na kulay cream at pantalon na kulay kape. Mayroon ding isang headband at apron na kailangan din niyang isuot upang mapahalagahan ang kalinisan.
"Sawyer, I'll just leave you here." Tinanggal niya ang suot na earpiece at saka in-off. Pinasok niya ito sa loob ng kaniyang bag. "Work time ko kaya it would be indecent if may earpiece ako. I'll do what I can na lang kapag sinumpong na naman ako."
Naglakad siya patungo sa palikuran ng mga trabahante upang makapagpalit saglit ng damit. Nakapaglagay na rin ng mapulang lipstick sa kaniyang labi kaya naman sa kaniyang paglabas ay namangha siya sa kaniyang sarili. Saktong sakto sa kaniya ang kaniyang uniporme. Napakadisente ng kaniyang dating.