Chapter 2 - Paper Doll

-----♥♥♥♥♥-----

HALOS DALAWANG DEKADA NA RIN ang lumipas simula nang umalis si Benjie sa bahay na kinalakihan niya. Kung hindi pa sumama sa ibang lalaki ang asawa niyang si Clarissa ay hindi pa niya maiisipang bumalik sa lugar na ito.

May kalakihan ang bahay. Sobra-sobra ang laki nito para sa kanilang dalawa ng pitong taong gulang niyang anak na si Cherry. Pero tamang-tama ang katahimikan ng paligid para muli silang magsimula ng panibagong buhay.

Kasalukuyan niyang nililinis ang kanilang likod-bahay sa mga sandaling iyon nang lapitan siya ni Cherry. Kaagad niyang napansin ang lumang kahon ng sapatos na bitbit nito.

"Look, Daddy!" buong pagmamalaki nitong pinakita sa kanya ang laman ng naturang kahon na iyon.

Bumakas ang pagkagulat sa mukha ni Benjie. Hindi niya akalain na sa tagal na panahon ay makikita pa niya ang mga inipon na paper doll ng kinikilala niyang kapatid na si Badeth. Maliit pa lang siya ay alam na niya ang katotohanan na hindi sila tunay na magkapatid o magkadugo. Parehas lang silang inampon ng mag-asawang Castillio na kapwa walang kakayahang magkaroon ng sariling anak.

Sampung taong gulang na siya noon nang ampunin naman si Badeth. Ang pagdating nito sa bahay ng mga Castillio ay siyang nagpabago ng takbo ng buhay ni Benjie. Nagsimulang mag-iba ang trato sa kanya ng kanyang mga kinilalang magulang.

Dahil maganda at nakikitaan ng pagka-bibbong si Badeth noong mga panahong iyon, halos ito na ang naging center-of-attraction ng lahat.

At dahil doon, hindi na maiwasan ni Benjie ang makadama ng selos. Pero kahit may ganoon siyang nararamdaman ay pinipilit pa rin niyang pakisamahan ito ng maganda. Ang natatandaan niya, lagi pa niya iyong sinasalubungan ng paper doll sa tuwing uuwi siya galing school.

Pakitang-tao.

Napapansin kasi niya na kapag okay ang pakikisama niya kay Badeth ay maayos din ang trato sa kanya ng kanyang Daddy at Mommy. Kapag nagkakaroon naman sila ng pag-aaway na dalawa, siya ang laging lumalabas na masama. Siya ang laging may kasalanan. Siya ang laging napagbubuhatan ng kamay, at siya ang laging nakakatanggap ng masasakit na salita.

"S-saan mo nakuha ang mga 'yan?" tanong na lang ni Benjie sa kanyang anak.

"Doon po!"

Maang tinuro ni Cherry ang itaas na parte ng bahay, na kaagad namang sinundan ng tingin ni Benjie. Pero nang mapadako ang mga mata niya banda sa bintana, tila may naaninagan siyang isang batang babae na nakasilip roon.

Mahaba at alon-alon ang buhok nito. Namumutla ang balat pero nangingitim ang gilid ng mga mata.

Ilang saglit pa'y nagsimulang manindig ang mga balahibo sa buong katawan niya nang makita niya ang pagkangisi ng mga labi at panlilisik ng mga mata nito sa kanya.

"Bakit po, Daddy?" nagtatakang tanong ni Cherry sa kanya.

"Amina ang mga iyan!" utos niya sa bata, at saka niya kinuha ang naturang kahon mula rito, "H-hindi mo dapat paglaruan ang mga ito!"

"P-pero..." gulat na napatingin sa kanya si Cherry, at hindi na ito nakapagsalita pa nang itapon niya ang kahon sa nagbabagang drum kung saan niya kasalukuyang sinusunog ang ilang basurang nakuha niya sa paglilinis.

Lihim na napakuyom ang kamao niya. Hangga't maaari ay ayaw na niyang balikan ang nakaraan. Ang tanging iniisip na lang niya ngayon ay ang kaligtasan ng kanyang anak. Gagawin niya ang lahat para maprotektahan ito, dahil ito na lang tanging natitira sa kanya.

Si Cherry palibasa'y masyado pang inosente. Wala itong alam-alam sa tunay na nangyayari. Ang tanging alam lang nito kaya naroroon sila sa lugar na iyon ay para magbakasyon lang.

Matalino, at bibbong bata ang kanyang anak. Pero sa paglipas ng mga araw na pananatili nila sa bahay na iyon, may mga ilang bagay na rin siyang napapansin rito. Makailang beses na niya itong nahuhuli na nagsasalitang mag-isa. O hindi kaya, umaarte itong parang laging may kalaro.

Alam ni Benjie na normal lang sa edad ng kanyang anak ang magkaroon ng isang imaginary friend. Pero isang gabi, yayanin na sana niya si Cherry para kumain ng hapunan nang may kakaiba siyang narinig mula sa loob ng kuwarto nila. Hindi niya alam kung matatakot ba siya o magtataka dahil nadinig niyang kinakanta ni Cherry ang theme song ng Bananas In Panjamas, ang paboritong palabas ni Badeth noong nabubuhay pa ito.

Nakakapagtataka lang dahil paanong nasaulo ni Cherry ang kantang iyon? Ganoong matagal nang hindi umi-ere sa telebisyon ang naturang palabas na iyon?

"Naiisip mo ba ang naiisip ko, B1?" dinig niyang pagtatanong ni Cherry.

"Oo naman, B2!"

Sa pagkakataong iyon, mabilis na niyakap ng malamig na hangin ang buong katawan ni Benjie nang marinig niya ang isang pang boses ng batang babae na sumagot sa kanyang anak. Dali-dali na niyang binuksan ang pintuan, at laking-gulat niya nang makitang nag-iisa lang roon si Cherry.

"May problema ba, Kuya Benjie?"

Gulat siyang napatingin sa kanyang anak dahil nadinig niyang tinawag siya nitong 'Kuya Benjie' imbes na 'Daddy!'

"A-ano'ng sabi mo?" nauutal niyang tanong.

"D-daddy, bakit po?" maang napatingin ito sa kanya.

Para naman siyang natauhan nang biglang bumalik sa normal ang pagtawag nito sa kanya ng 'Daddy!' Pero muli siyang nagtaka nang mapansin niya ang mga nakahelera na paper doll sa kama nito.

"Paano'ng..." gulat siyang napatingin sa kanyang anak, "Diba sinabi ko na sa'yo na ayaw na ayaw kong nakikitang nilalaro mo ang mga iyan!"

Napakislot si Cherry dahil sa pagtaas ng boses ni Benjie. Saka na rin ito napatakbo sa sulok. Ganoon lagi ang ugali nito kapag alam na ng kanyang anak na galit siya.

Samantalang siya naman ay inis na pinagdadampot ang mga nakakalat na paper doll sa kama. Pero habang ginagawa niya ang mga iyon, bigla na lang may malamig na kamay na humawak sa isa pa niyang kamay.

Napakislot siya dala ng pagkabigla. Pakiramdam niya ay gustong tumalon ng puso niya sa malakas na pagkabog nito. Muli na siyang napatingin kay Cherry, aktong tatanungin pa sana niya ito nang bigla itong tumakbo papalabas ng kuwarto.

"Saan ka pupunta? Cherry!" may pagkainis niyang tawag, at nagawa na niya itong sundan.

Nakita niyang itong tumakbo patungo sa dating kuwarto ni Badeth. Ang kuwartong iniiwasan niyang buksan simula nang dumating sila sa bahay na iyon. Dahil sa kuwarto ding iyon nagsimula ang lahat.

"Cherry, ano ba? Diba bilin ko sa'yo, huwag na huwag kang papasok sa kuwartong 'yan? Hindi mo na---"

Hindi na nagawa pang tapusin ni Benjie ang kanyang sasabihin nang tumapat na ang mga paa niya sa bukas na pintuan ng kuwarto ni Badeth. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, pakiramdam niya ay bigla siyang nalipat sa ibang dimension sa mga sandaling iyon. Parang... parang bumalik siya sa nakaraan.

Nakita niyang nakatayo sa gitna ng kuwartong iyon ang pitong taong gulang niyang kapatid na si Badeth. Para rin itong nagliliwanag sa kaputian ng bestidang suot nito. Habang hindi mabali-bali ang pagkakangiti sa kanya.

"Dumating ka na Kuya!" masiglang salubong nito, "May pasalubong ka bang paper doll?" tanong nito.

Hindi niya ito magawang sagutin. Pero ilang saglit pa'y may inagaw itong papel sa kanyang kanang kamay.

"Wow, Paper Doll na Sailor Moon!"

Nakita niya ang saya sa mukha ni Badeth. Kahit totoo ay lihim niyang kinasusuklaman ang pagiging masayahin nito. Naiinis siya kapag naririnig niya ang masayang pagtawa nito na parang umaalingawngaw sa bawat sulok ng kanilang bahay.

"Amina na 'yan!" agaw niyang muli sa hawak nitong paper doll, at nagawa niyang punitin ang ulo ng mga ito.

Natigilan si Badeth.

Hindi pa nakontento si Benjie, binuhos pa niya sa ulo ng kanyang kapatid ang mga pinunit niyang paper doll. Maya-maya pa ay nagsimulang mangilid ang mga luha nito. Banta na malapit na itong umiyak.

"Iiyak ka na n'yan? Iyakin ka naman talaga eh!" pang-aasar niya rito.

"Isusumbong kita kay Mommy!" pagbabanta nito.

"May sasabihin ako sa'yo!" bahagya siyang yumuko, at umaktong may ibubulong sa bata, "Hindi ka na mahal nila Mommy at Daddy! Kasi iniwan ka na nila!"

"H-hindi totoo 'yan!" singhal nito.

"Bakit hindi mo tignan?" ngumisi siya habang dahan-dahan niyang inilalabas ang tinatago niyang patalim.

Naramdaman niya ang kabang unti-unting sumasakop sa buong pagkatao ni Badeth. Hindi rin nakawala sa kanyang paningin ang pangangatog ng mga tuhod nito.

"Naiisip mo ba ang naiisip ko, B2?" tanong niya rito.

Hindi siya nagawang sagutin ni Badeth. Umakto na itong tatakbo papalabas ng kuwartong iyon pero naging maagap ang mga kamay ni Benjie. Nagawa niyang hablutin ang mahabang buhok nito, kasabay ang pagsaksak niya ng patalim banda sa tagilid nito.

Malakas na sigaw ang pinakawalan ng mabait niyang kapatid. Kung dati ay nasusuklam siya ng malakas ng boses nito, ngayon ay parang musika ang pag-iyak nito sa kanyang pandinig.

"K-kuya?" pumatak ang luha sa mga mata nito habang titig na titig sa kanya.

"Huwag na huwag mo akong tatawaging Kuya! Dahil hindi naman tayo magkapatid!" hinanakit na sabi niya, "Pareho lang naman tayong ampon, pero mas pinapadama nila na mas mahal ka nila kaysa sa akin! Pero alam mo ba, nakakatouch pa rin kasi hindi ako nahirapan ipainom ang orange juice na ginawa ko para sa kanila."

"K-kuya..."

"Nakita mo sana kung papaano bumula ang mga bibig nila Mommy at Daddy!" humalakhak ng malakas si Benjie.

"K-kuya..." umiiyak nang sambit ni Badeth.

"Sinabi nang huwag mo akong tatawaging kuya!" buong hinanakit niyang pinagsasaksak ang kawawang katawan ng kapatid niya, "Simula nang dumating ka, naging miserable na ang buhay ko!"

Kitang-kita ng dalawang mata ni Benjie ang pagtalsik ng sariwang dugo ni Badeth sa kanyang mukha. Pati ang pagkulay ng dugo sa puti nitong bestida.

"Kasalanan mo ang lahat ng ito!" galit na galit na sumbat niya. At sa bawat pagtarak ng kanyang patalim sa walang kalaban-laban nitong katawan ay siyang pagbalik sa kanyang alaala ng mga pinagdaan niya sa buhay matapos niyang patayin ang mga taong kinilala niyang pamilya.

Ang pagdampot sa kanya ng mga pulis...

Ang pambubully sa kanya ng mga nakasama niya sa Boy's Town....

Ang pagmamaltratong dinanas niya sa kamay ng mga Psychiatrists na tumitingin sa kanya...

Ang pagtakas niya sa Mental Hospital...

Ang mapasama siya sa mga sindikato na siya nagturo sa kanya kung papaano mabuhay sa magulong mundong ginagalawan nila....

Ang pagtakas niya sa mga kamay ng pulis na humahabol sa kanya dahil sa mga illegal transtraction na sinasalihan niya....

Ang araw na nakilala niya si Clarissa, isang GRO sa Bar na madalas nilang pagtambayan ng kanyang mga kasamahan...

Ang pagdating ni Cherry sa buhay niya...

Si Cherry....

Si Cherry na anak niya...

"D-da....di...."

Natigilan siya.

Para na siyang natauhang bigla nang makita niya ang mukha ni Cherry sa kanyang harapan. Para itong lantang-gulay na nakahandusay sa sahig, at naliligo sa sariling dugo.

Bigla na niyang binitawan ang kutsilyong hawak niya. Hindi niya matandaan kung saan o paano nagsimula ang lahat!

"C-cherry, anak!" nangangatog ang mga kamay niyang kinalong ang katawan nito.

Pero huli na.

Wala nang buhay ang kanyang anak. Dilat ang mga mata nito.

"Cherry!" humagulgol na siya ng iyak.

Ano ba itong nagawa niya? Paano'ng si Cherry na ang nasa harapan niya ganoong si Badeth ang natatandaan niyang pinagsasaksak niya.

"Hindi.... Cherrrryyy...." tinapik pa niya ang pisngi nito. Nagbabakasakaling buhay pa ito, "...Huwag mo akong iwan! Anak please!!!!!"

At nang muli niyang tignan ang mukha ng kanyang anak, mukha ni Badeth ang naaninagan niya. Nakangiti ito sa kanya, at parang nasiyahan sa naging resulta ng kanilang laro.

-----♥♥♥♥♥-----

Copyright © 2020 by Jackie Tejero

Ang tauhan at pangyayaring ginamit sa kasaysayang nakalathala rito ay pawang kathang-isip lamang at hindi hinango sa tunay na buhay o ibinatay dito. Ang anumang paglakatulad ay hindi sinasadya ng may-akda.

Ang anumang bahagi o kabuuan ng istoryang ito ay hindi maaaring sipiin o mailipat sa ibang porma at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng kinauukulan.

---♥♥♥♥♥---