Chereads / Jackie Tejero's Short Horror Stories / Chapter 5 - Varsity Jacket

Chapter 5 - Varsity Jacket

"Varsity Jacket"

AMINADO SI PIERRE sa kanyang sarili na naduwag siya matapos niyang matuklasan ang tungkol sa pagdadalang-tao ng Girlfriend niyang si Joy. Kaagad niyang naisip ang malaking responsibilidad na haharapin niya bilang isang ama, at hindi pa talaga siya handa sa buhay na ganoon.

Member siya ng varsity, at hinirang na Most Valuable Player ngayong taon sa kanilang basketball team. Samantalang si Joy naman ay kasalukuyang On-Job-Training Nurse sa isang pampublikong hospital. Nakaplano na ang career nilang dalawa. Pero dahil sa kanilang kapusukan, nakagawa sila ng malaking pagkakamali.

"Ipalaglag natin ang bata!" mungkahi niya.

"What?!" gulat ni Joy.

Noong una talaga, malaki na ang pagtutol ni Joy sa iminungkahi niyang iyon. Nakuha pa talaga nitong makipagtalo sa kanya ng ilang beses. Pero dahil na rin sa matinding takot sa mga magulang nito ay nagawa na rin nitong sumang-ayon sa kanya.

Isang gabi, nagcheck-in sila sa isang hotel upang isagawa ang kanilang plano.

Binigay niya ang instruction kay Joy kung paano gamitin ang gamot na nirekomenda ng isa nilang kaibigan.

Nagtungo ito ng banyo na mag-isa. Mga ilang minuto lang ang lumipas ay narinig niya ang malakas na pagtawag nito sa kanya.

Natataranta pa niya itong pinuntahan. Aktong kakatukin na sana niya ang pintuan nang bigla itong lumabas.

"P-Pierre…" gumagaralgal ang tinig nitong tumatawag sa kanyang pangalan.

Mabilis niyang naramdaman ang pag-akyat ng dugo sa kanyang ulo nang makita niya ang itsura ni Joy. Halos magkulay suka na ito sa sobrang pagkaputla. Kitang-kita rin niya ang mga namumuong pawis nito sa mukha. Nang maalalayan niya ito, naramdaman niya ang panlalamig at pangangatog nito.

"A-ansakit! S-sobrang sakit!" daing nito. At saka napadipa sa sahig at doon ito namilipit.

Nagsimula na rin siyang pagwisan dahil sa nakikita niyang reaksyon ng kanyang nobya. Gusto sana niya itong tulungan pero hindi niya alam kung paano at kung ano ang gagawin niya. Halos nagpaikot-ikot siya sa loob ng kuwarto nila, habang patuloy sa pamimilipit sa sakit ng puson si Joy. Ang buong akala niya ay mababawian na ito ng buhay hanggang sa may iilang dugong lumabas sa bandang pwetan nito.

Nanlaki ang mga mata niya. Nagsimula na rin siyang mangatog dahil sa sobrang takot. Kitang-kita niya ang sariwang dugong lumalabas sa kanyang nobya.

Alam niyang kasalanan ang ginagawa nilang ito pero nakuha niyang tawagin ang Diyos para maisnan ang takot niya.

Pagkaraa'y isang nakakagimbal na pagkulog at kidlat ang biglang pinakawalan ng langit kasabay ang malakas na pagsigaw ni Joy. Hanggang sa may namuong dugo ang lumabas sa maselang parte ng katawan nito.

Para naman nakahinga ng maluwag si Joy. Samantalang siya naman ay halos hindi makahinga nang makita niya isang duguang fetus. Hindi niya akalain na ganoon na ang itsura nito, korteng sanggol na.

Mga ilang segundo pa niyang tinitigan ang fetus hanggang naisipan na niyang hubarin ang varsity jacket na suot niya. Aaminin niya, mahina ang loob niya sa mga ganitong bagay pero nagawa pa rin niyang tapangan ang kanyang loob. Gamit ang varsity jacket niya, nangangatog niyang dinampot ang fetus at binalot ito. Dali-dali niyang inilagay iyon sa kanyang bag pack.

"Aalis muna ako!" pagpapaalam niya kay Joy. At kahit walang anumang naging tugon ang dalaga ay dali-dali na siyang lumabas sa kanilang kuwarto. Umarte siyang normal sa lahat ng taong nasasalubong niya sa naturang hotel na iyon hanggang sa makalabas siya.

At doon na rin nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan.

Nagmamadali na siyang tumawag ng taxi. Hindi niya alintana ang lakas ng ulan, maitapon lang niya sa malayo ang bunga ng kasalanan nila.

Sa isang ilog na puno ng mga basura, doon siya napadpad. At dahil malalim na ang gabi at umuulan pa, madalang na lang ang taong dumaraan doon.

Halos nangangatog ang kanyang mga kamay nang kunin niya mula sa kanyang backpack ang varsity jacket kung saan nakabalot roon ang naturang fetus. Aktong itatapon na niya iyon nang maramdaman niyang parang may gumagalaw sa loob.

Sinubukan niyang tignan ito, at laking-gulat niya nang makompirma niyang buhay pa ito. Dahil sa takot ay muli na lang niyang binalot ito at walang awa na itinapon sa maruming ilog. Wala nang lingon-lingon pa, dali-dali na siyang umalis sa lugar na iyon.

Nang magbalik siya sa hotel, nagulantang siya sa kanyang naabutan.

Hindi na humihinga si Joy. At ang labis na kinagulat niya, katabi nito ang varsity jacket niyang itinapon niya kanina sa ilog.

Tila huminto ang oras sa mga sandaling iyon. Hindi siya makapag-isip ng matino. Blankong-blanko ang utak niya.

Sa bilis ng pangyayari, namalayan na lang niya ang kanyang sarili sa tapat ng funeral chapel kung saan nakaburol ang labi ni Joy. Pagtungtong pa lang ng mga paa niya sa lugar na iyon ay bumungad na sa kanya ang galit na Ina ni Joy. Nakatikim pa siya ng malutong na sampal mula rito.

"Kasalanan mo ang lahat ng ito! Kung nalaman ko lang ang totoo, hindi ko hahayaang ipalaglag n'yo ang bata!" umiiyak na dinuduro siya ng Ginang.

Wala na siyang nagawa pa kungdi ang mapayuko. Alam naman niya sa kanyang sarili na siya naman talaga ang dapat na sisihin sa lahat. Pero sa kabila ng pagtataboy na ginagawa sa kanya ng pamilya ni Joy ay nanatili pa rin siyang naroroon sa burol nito.

"Ang daya-daya mo. Hindi mo man lang ako hinintay," hinanakit niyang bulong habang pinagmamasdan niya ang mukha ng pumanaw niyang girlfriend na nakahimlay sa kabaong. Saglit niyang pinunasan ang kanyang luha.

Aktong magsasalita pa sana ulit siya nang mapansin niyang may pumatak na tubig sa salamin ng kabaong nito. Nagtatakang napatingala siya sa maputing kisame pero wala naman siyang nakitang anumang bakas ng tumutulong tubig roon.

Muli siyang napatingin sa mukha ni Joy. At sa ikalawang pagkakataon, may pumatak muling tubig.

Aktong pupunasan na sana niya iyon gamit ang kanyang kamay nang mapansin niyang nagiging kulay itim ito. Mariin niyang itong tinitigan. Parang may sariling pag-iisip ang tubig na unti-unting kumakalat sa buong salamin ng kabaong ni Joy.

Sa kanyang pagkakatitig sa salamin ay bigla na lang bumulaga sa kanyang paningin ang nakadilat na mga mata ng nobya niya.

Napakislot siya. Kasunod noon ang pagsagi sa utak niya ng isang imahen ng duguang fetus na gumalaw sa bandang tiyan nito.

Napaupo pa siya sa sahig dahil sa tindi ng pagkagulat niya.

"Kuya, ano'ng nangyare?" nagtatakang nilapitan siya ng isa sa mga pinsan ni Joy na si Rowena.

"S-si Joy!" hintatakutan niyang tinuturo ang kabaong ng nobya.

Lumapit roon si Rowena at sumilip, "H-huh?!"

Dali-dali na siyang tumayo at sumilip ulit sa kabaong. Hindi na niya alam ang kanyang mararamdaman sa mga sandaling iyon nang wala na siyang anumang nakitang kakaiba roon.

Nananatiling nakapikit ang mga mata ni Joy. Wala na rin roon ang itim na tubig. At higit sa lahat, wala na ang duguang fetus sa bandang tiyan nito.

"K-kanina kasi... p-parang dumilat siya!" kinakabahan niyang sabi.

"Ha?" gulat ni Rowena at mabilis na bumakas ang takot sa mukha nito, "N-nananakot ka ba, Kuya? H-hindi naman magandang manakot ka sa ganitong sitwasyon, diba?"

"H-hindi ako—" napahinto siya sa kanyang pagsasalita nang mapagtanto niyang nakatingin na pala sa kanila ang ilang taong naroroon. Halos nadama na naman siya ng hiya dahil sa nakita niyang galit sa mukha ng mga magulang ni Joy.

"K-kuya…" ani Rowena sa kanya.

"M-magsi-CR na lang muna ako!" pagpapaalam na lang niya saka na siya dali-daling lumabas sa chapel na iyon, at dumiretso sa malapit na comfort room.

Gusto muna niyang pakalmahin ang kanyang sarili.

Pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ng comfort room ay kaagad niyang hinilamusan ang sarili niyang mukha. Bakasakaling mawala, at magising ang diwa niya. Dala na rin siguro ng pagod at puyat kaya anu-ano na lang ang nakikita niya. Mariin niyang tinitigan ang sarili niyang repleksyon sa salamin. Kapansin-pansin ang panlalalim ng kanyang mata, at pangangayayat niya.

Aaminin niya, hindi na siya pinapatulog ng kanyang konsensya. Lihim niyang sinisisi ang kanyang sarili kung bakit namatay si Joy.

Nasa ganoon siyang sitwasyon nang maramdaman niyang may paparating. Ewan nga ba niya, wala naman siyang dapat iwasan pero nagawa niyang magtago sa isa sa mga cubicle.

At buhat sa kanyang kinaroroonan, dinig na dinig niya ang pinag-uusapan ng dalawang pamilyar na lalaking bumisita sa burol ng nobya.

"Grabe, may natagpuan na naman fetus doon sa ilog malapit sa amin!" anang boses ng isang lalaki na nasa timbre ng boses nito ang pagkainis.

"Matapos magpakasarap eh noh?" biro pa ng isang lalaki.

"Tsk…Tsk…Tsk…" tanging nadinig na lang niyang reaksyon.

Dahil sa kanyang mga nadinig, hindi niya tuloy maiwasan ang pagkuyom ng kanyang mga kamao. Parang muli siyang sinundot ng konsensya sa mga sandaling iyon, at naalala niya ang gabi kung saan wala siyang awang itinapon niya ang kanyang anak sa ilog. Bigla tuloy niyang naisip, paano kung itinuloy na lamang nila ni Joy ang pagbubuntis nito. Paano kung tinibayan niya ang kanyang loob? Paano kung hindi siya nagpakaduwag? Siguro buhay pa sana ngayon si Joy. Siguro, masaya dapat sila ngayon.

Sinabunutan niya ang kanyang sariling buhok. Ngayon palang parang gusto na niyang iuntog ang sariling ulo sa pader.

Nadinig na niyang lumabas sa comfort room ang dalawang lalaki. Pero nananatili pa rin siyang nakatayo sa loob ng isa sa mga cubicle. Nakasayad ang ulo niya sa pintuan, at sinusubukan niyang alalahanin ang mga panahon na magkasama sila ni Joy.

Pero bigla siyang natigilan nang mapansin niya ang umaagos na tubig sa sahig. Napalingon siya sa bowl kung saan nakita niyang umaapaw roon ang tubig. Hindi nagtagal, unti-unting naging kulay pula ang likidong dumadaloy roon.

Naging dugo!

Aktong lalabas na sana siya cubicle nang may biglang humawak sa kanyang braso. At nang lingunin niya iyon, nakita niya ang isang pamilyar na babaeng nakaupo sa mismong bowl at punong-puno ng dugo ang buong katawan.

"P-pieeeerrreee...." gumagaralgal ang tinig nitong tumatawag sa kanyang pangalan.

"J-joy?!" bulaslas niya nang makilala ito.

Mabilis na umakyat ang kilabot sa buong katawan niya nang dahan-dahan itong tumatayo. Halos hindi siya makagalaw sa kanyang kinatatayuan.

Wala na siyang ibang naririnig mula rito kungdi ang panaghoy nito na parang nanggagaling sa pinakailalim ng lupa.

Unti-unti itong nag-angat ng mukha. Nang magtama ang paningin nilang dalawa, siya ang unang umiwas. Mariin na lamang niyang pinikit ang kanyang mga mata, at pilit niyang iniisip na panaginip lang ang lahat ng nakikita niya.

"P-ppiiieee….rrreeee…" dinig niyang daing ni Joy. Nagawa pa nitong kunin ang mga kamay niya, at dinala ito sa mismong sinapupunan nito.

Nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman ng kanyang mga kamay ang paggalaw ng kung anong bagay sa malagkit nitong katawan. Para pa niya naririnig ang pagtibok ng pulso nito, patunay na may buhay sa loob.

Napatingin siya sa mukha ni Joy, at unti-unting gumuhit ang nakakalibot nitong ngiti.

"B-buhay siya, Pierre..." anito pero bigla na lang siya nitong sinakal.

Dahil sa pagkabigla, hindi kaagad siya nakakilos. At saka pumasok sa isip niya ang panahon na bago niya tinapon sa ilog ang anak nila, para pa niyang naramdaman ang paggalaw nito. Pero hindi na niya iyon pinansin dahil nanaig ang kagustuhan niyang mawala ito.

"…Pero pinatay mo s'ya!" nanlilisik ang mga mata ni Joy, "Pinatay mo ang anak ko!"

"J-joy…" napaluha siya, "…patawarin mo ako! S-sorry!"

"W-wala nang magagawa ang sorry mo!" galit itong sambit saka matining itong tumili sa kanyang harapan. Pagkaraa'y may kulay pulang likido ang bumulwak sa bibig nito at tumalsik sa mismong mukha niya.

"Isasama na kita!" sigaw ni Joy.

Hindi na niya nagawa pang makagalaw sa kanyang kinalalagyan. Naramdaman na lang niyang ang paghigpit pagbaon ng mga kamay ni Joy sa kanyang leeg. Nagsisimula na ring magmanhid ang kanyang katawan. Hindi na siya makahinga.

Wala na siyang naanigan kundi ang galit na mukha ng babaeng pinakamamahal niya.

At bago pa nandilim ang kanyang paningin, may luhang pumatak sa kanyang mga mata tanda ng pagsisisi dahil sa nagawa niyang kasalanan.

Ilang oras ang lumipas, isang kamag-anak ni Joy ang nakakita sa bangkay ni Pierre sa loob ng comfort room. Dilat na dilat ang mga mata nito, at naliligo sa sarili niyang dugo.

Ang labis na pinagtaka ng marami, ang Varsity Jacket na nakalupot sa leeg ni Pierre, at ang varsity jacket na natagpuan noon sa tabi ni Joy ay iisa.

The End