Chereads / Jackie Tejero's Short Horror Stories / Chapter 4 - Teacher's Pet

Chapter 4 - Teacher's Pet

"Teacher's Pet"

"I HATE TEACHER'S PET!"

Nagtatakang tumingin si Louise kay Marivic nang marinig niya ang nanggagalaiti nitong bulong. Nakita rin niya ang matatalim na tingin nitong binabato sa kaklase nilang si Jenny.

"Masyado siyang bida-bida kay Sir Oliver!" dagdag pa nito.

Baguhang guro palang si Sir Oliver Dela Cruz sa kanilang university pero dahil sa kaguwapuhan nitong taglay, maraming kababaihan ang nagkakagusto rito, mapaistudyante man o kapwa guro pa nito. Kaya hindi nakakapagtataka kung bakit marami rin ang naiinis kay Jenny. Mahilig din ang kanilang professor sa mga pusa, kapansin-pansin iyon sa mga gamit nito. May picture pa nga ito ng imported na pusa sa ibabaw ng desk nito sa faculty room. At ayon rito, iyon daw ang unang naging alaga nito.

Mukha bang pusa si Jenny para maging teacher's pet? Syempre joke lang! Pero aaminin niya, mabait, masipag at matalino rin kasi si Jenny kaya siguro naging paborito ito ni Sir Oliver. Pero hindi iyon nagugustuhan ni Marivic.

Hindi naman niya masisi ang kabigan kung bakit parang galit na galit ito kay Jenny. Kasi naman feeling ni Marivic ay inaagaw na ni Jenny ang posisyon nito bilang President ng Student Council.

Makailang beses na ding binully ni Marivic si Jenny. Pero nitong mga nagdaang mga araw, parang sumusobra na ang kaibigan niya. Nagawa pa nitong patirin si Jenny nang mapadaan ito malapit sa kanila. Kitang-kita ng dalawang mata niya kung paanong pasadyang iharang ni Marivic ang binti nito nang dumaan si Jenny.

Napasubsob si Jenny sa sahig.

Nagtama ang tingin ng dalawa, pero biglang napatayo sa kinauupuan si Marivic na para bang gulat na gulat.

"Miss Samonte, are you Ok?" nag-aalalang tanong ni Sir Oliver at nagawa pa nitong lapitan si Jenny.

"O-opo, Sir…" tugon naman ni Jenny.

Samantalang nasa mukha pa rin ni Marivic ang pagtataka, at hindi mabali-baling tingin kay Jenny.

"Ganyan ba dapat ang attitude ng isang Student Council President, Miss Hernandez?" may galit na tanong ni Sir Oliver, "You are already twenty years old but you still acting like a teenage girl!"

"Po?" parang wala naman sa sarili si Marivic.

"Mag-usap tayo sa faculty room!" galit pa rin na saad ni Sir Oliver bago ito lumabas ng kanilang classroom.

Tahimik naman na bumalik na si Jenny sa upuan nito.

"Girl, bakit mo ginawa 'yun?" nag-aalalang nilapitan ni Louise ang kaibigang si Marivic, "Kitang-kita ko na sinadya mo siyang patirin."

Pero nananatili pa ring walang imik si Marivic, at hindi pa rin maputol-putol ang pagkakatitig nito sa nananahimik na si Jenny.

"Oi, 'Nanyare sa'yo?" bahagyang kinalabit na niya ang natulalang kaibigan.

"Nakita mo ba 'yung kanina?" bulong ni Marivic, at sa wakas ay nagawa na nitong tignan siya.

"Nakita ang alin?" nagtatakang tanong niya.

"May something sa mga mata niya," bulong pa rin nito, "P-parang ano…Parang…"

"Oi, Hernandez!" siya naman ang pagdating ng isa pa nilang kaklase na si Kyle, "Hinihintay ka ni Sir Oliver sa faculty room!"

Wala nang sinabi si Marivic, taas-noo na lang itong naglakad patungo sa pintuan. At nagbabanta pa itong tumingin kay Jenny bago lumabas ng kanilang classroom. Ilang minuto pa ay dumating na ang isa pa nilang English Professor na si Ma'am Delia, na kasalukuyan namang limang buwang buntis.

Muli nang nagsimula ang sumunod na klase nila.

Lumipas ang maghapon, natapos na ang buong klase ay hindi pa rin bumabalik si Marivic simula nang pinatawag ito ni Sir Oliver. Nagsimula na ring mag-alala si Louise para sa kaibigan kaya naisipan na lang niyang puntahan ito sa Faculty Room. Pero aktong bubuksan na sana niya ang pintuan ng naturang silid nang lumabas roon si Jenny.

"Ano'ng ginagawa mo rito, Louise?" bungad na tanong sa kanya ni Jenny.

"Titignan ko sana kung nandito pa si Marivic," sagot naman niya, "Bitbit ko kasi ang mga gamit niya."

"May binigay kasing parusa si Sir Oliver kay Marivic kaya hindi pa siya makakasabay sa'yo sa pag-uwi," nakangiting sabi nito.

"Ano'ng parusa?" usisa naman niya.

"Hindi ko alam, eh…" napakibit-balikat ito, "…Don't worry! Kayang-kaya niya ang parusang iyon! Amina na 'yang mga gamit niya. Ako na lang ang mag-aabot sa kanya."

Kahit may pagdududa siyang nararamdaman ay nagawa pa rin niyang ibigay kay Jenny ang mga gamit ni Marivic.

Kinabukasan, hindi naman niya maiwasan ang magtaka nang maabutan niya sa classroom si Marivic na masayang nakikipagkwentuhan kay Jenny. Lihim naman siyang natuwa dahil ramdam niyang wala nang bakas ng tensyon sa pagitan ng mga ito.

"Bati na kayo?" masayang sita niya sa dalawa.

Saglit na napahinto ang mga ito at sabay na napatingin sa kanya. Sa hindi niya malaman na dahilan ay nakadama siya ng kakaibang presensya na nanggagaling sa mga ito. Lihim na nagtaasan ang balahibo niya sa katawan, at nakadama siya ng kakaibang takot.

Para ring may kakaiba sa tingin ng mga ito.

Hindi na siya umimik. Dumiretso na lang siya sa kanyang desk, at doon ay tinuon na lang niya ang kanyang atensyon sa ibang bagay. Pero paminsan-minsan ay tinatapunan pa rin niya ng tingin si Marivic. Wala talaga siyang ideya kung anong parusa ba ang binigay ni Sir Oliver rito, at sa isang iglap lang ay nagbago ang kaibigan niya.

Lalo pang tumindi ang pagdududang nararamdaman niya sa paglipas ng mga araw na hindi na sila nagkakausap ni Marivic. Palagi na lang nitong kasa-kasama ni Jenny, at parati na rin itong nakabuntot kay Sir Oliver.

Nakadama siya ng lungkot. Pakiramdam niya, ibang Marivic ang nakikita niya araw-araw.

Isang hapon, after ng kanilang klase ay naglakas-loob siyang habulin si Marivic. Nagawa pa niyang hawakan ito sa braso. Pero bigla siyang napakislot nang lumingon ito sa kanya at nakita niya ang kakaibang kulay ng mga mata nito. Matinding kilabot ang mabilis niyang naramdaman. Bigla tuloy niyang naaalala iyong araw na sinabi sa kanya ni Marivic na may kakaiba sa mga mata ni Jenny, at mukhang totoo nga.

"May problema ba, Louise?" tanong ni Marivic sa kanya na sa isang iglap lang ay bumalik sa dati ang kulay ng mga mata nito.

"W-wala…Wala naman…" umiling na lang siya, "T-tatanungin sana kita kung gusto mong sumabay sa akin pag-uwi. A-alam mo na, tulad ng dati!"

"Mauna ka na," tanggi nito, "May gagawin pa kasi ako."

"P-pero…" saka naman siya palihim na napatingin sa kaliwang kamay nito dahil parang may napansin siyang lumitaw na kung anong bagay roon.

"N-next time na lang siguro, Louise!" sabi nito sabay lagay ng mga kamay nito sa likuran.

"S-sige, b-bye…" nginitian na lang din niya ang kaibigan, at saka na niya tinalikuran ito.

Humugot muna siya ng malalim na buntong-hininga bago siya mabilis na naglakad papalayo. Hindi na niya nagawa pang lingunin si Marivic. Hindi na rin niya makaipag-aakila ang takot at kabang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Lalo pa't pakiramdam niya ay parang nakasunod lang si Marivic sa kanyang likuran.

At dahil pagabi na rin, halos wala na ring mga istudyante ang naroroon sa mga sandaling iyon. Kaya naman halos lumipad na siyang bumaba ng hagdanan.

"Bakit ko pa kasi siya kinausap?" paninisi niya sa kanyang sarili.

Pero bigla siyang natigilan nang marinig niya ang boses ni Ma'am Delia banda sa bakuran.

"Huwag kang lalapit!"

Dahil sa narinig niyang iyon ay natukso siyang sumilip sa likod ng mga mayayabong ng halaman. At halos manlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang matatalas na pangil at mahahabang kuko ni Jenny. Hindi na rin nakawala sa kanyang paningin ang dumadaloy na dugo sa bandang leeg ng kanilang professor na lalong nagpadama sa kanya ng matinding takot.

"I-isa kang halimaw!" sa kabila ng takot ay nagawa pang sambitin iyon ni Ma'am Delia habang hawak-hawak nito ang sariling tiyan, "Hindi ako makakapayag na makuha mo ang baby ko!"

Walang sinabi si Jenny, gumihit lang ang nakakakilabot na ngiti sa mga labi nito. Lumabas roon ang dalawa nitong pangil na katulad sa mga bampira na napapanuod niya sa mga movies. At bago pa makawala ng sigaw si Ma'am Delia ay mabilis na itong sinugod ng dalaga.

Napakislot siya sa pagkabigla. Muntik pa siyang makagawa ng ingay, mabuti na lang at mabilis niyang tinakpan ang kanyang bibig. Kitang-kita ng dalawang mata niya kung paano hiwain ni Jenny ang tiyan ng kanilang professor gamit ang matatalas nitong kuko.

Bumulwak ang napakaraming dugo.

Halos hindi na siya makagalaw sa kanyang kinalalagyan nang simulang kainin ni Jenny ang noon pang fetus na anak ni Ma'am Delia. Halos bumaliktad ang sikmura niya sa kanyang mga nasaksihan. Lalo pa't nadidinig niya ang bawat pagnguya ni Jenny na parang sarap na sarap sa kinakain.

Hindi na niya namalayan ang pagdaloy na luha sa kanyang mata. Sa tanang buhay niya ngayon lang siya nakasaksi ng ganito. Halos hindi na niya maigalaw ang kanyang sariling katawan. Sobra siyang nanghihina!

Mukhang naramdaman naman ni Jenny ang presensya niya kung kaya't bigla itong napahinto sa pagkain at tumingin sa kinaroroonan niya.

Mabilis na umakyat ang lamig sa buong pagkatao niya. Pakiramdam niya ay biglang huminto ang oras sa pagitan nila nang magtama ang kanilang paningin. Aktong susugurin na sana siya ni Jenny nang biglang lumitaw sa kanyang harapan si Sir Oliver. At mabilis siya nitong sinunggaban. Naramdaman niya ang pagbaon ng mga pangil nito sa kanyang leeg, at pagsipsip nito sa kanyang dugo.

Nanghihina siya, at parang namamanhid ang buo niyang katawan. Halos wala na siyang maramdaman hanggang sa magdilim ang kanyang paningin.

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------

MALAKAS NA PUTOK NG BARIL ang biglang nagpagising kay Louise. Pagdilat ng kanyang mga mata, nakita niyang may hawak na baril si Sir Oliver habang si Jenny naman ay nakahandusay sa sahig at naliligo sa sarili nitong dugo. Naroroon rin si Marivic na tahimik na nakamasid.

"Ganyan ang mangyayari sa'yo sa oras na sinuway mo ang mga utos ko," sabi ni Sir Oliver at saka nilapag ang baril sa ibabaw ng lamesa. Pagkaraa'y nilapitan nito si Marivic at hinimas-himas ang mahabang buhok ng dalaga, "Dapat lang 'yan sa kanya, sinabi ko naman na maghintay siya ng tamang panahon para makuha ang sanggol. Pero sinaway niya ako! Kailangan ko tuloy linisin ang mga iniwan niyang kalat!"

Parang maamong pusa naman tumingin si Marivic sa lalaki.

"Sige, pwede na!"

Pagkasabing iyon ni Sir Oliver ay mabilis na lumapit si Marivic sa walang buhay na si Jenny. Sabik na sabik nitong kinain ang laman-loob ng dalaga. 'Ni wala itong arte kung mamantsahan man ng dugo ang damit nito.

Hindi niya alam kung ano nga ba ang nangyayari, kung nasaan sila ngayon. Pero isa lang ang nakakasiguro niya, hindi karaniwan ang kanyang nararamdaman ngayon.

Nagsimula na siyang pumalag. Gusto sana niyang makawala sa kanyang kinaroroonan pero nakagapos ang kanyang mga kamay at paa.

"Oh, gising na pala ang bago kong alaga!" nakangiting nilapitan siya ni Sir Oliver.

Kitang-kita niya ang matatalas nitong mga pangil, at maala-pusa nitong mga mata. Sinubukan pa siya nitong hawakan pero inambangan niya ito ng kagat. Nagpupumulit siyang kumawala sa kanyang pagkakagapos. Amoy na amoy rin kasi niya ang mabango at sariwang dugo na nagmumula sa bangkay ni Jenny. Gusto niyang saluhan si Marivic sa pagkain nito. Gusto rin niya ng sariwang dugo at laman.

Nagugutom siya!

Nauuhaw!

"Take it easy, honey!" tuwa ni Sir Oliver saka nito nilislis ang braso nito at tinapat sa kanyang harapan.

Hindi na siya nagdalawang-isip na kagatin ang makinis nitong braso. Gamit ang matatalas niyang mga pangil ay sabik niyang sinipsip ang dugo nito.

Para namang may kakaibang init siyang naramdaman nang magsimulang dumaloy ang dugo nito sa mga ugat niya. Ramdam na ramdam niya ang mabilis at malakas na pagkabog ng kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay may gustong kumawala sa kaloob-looban niya. At parang may gusto siyang makuha ng higit pa roon.

Pagkaraa'y malakas na sigaw ang pinakawalan niya nang bumitaw si Sir Oliver. Lumabas ang matalas niyang pangil na puno ng dugo. At nagsimula na ring mag-iba ang kulay ng kanyang mga mata.

"Ssshhhh…" pag-amo ni Sir Oliver at nagawa pa nitong himasin ang kanyang buhok na katulad ng karaniwang ginagawa nito sa mga alaga nitong pusa. Pero dahil sa ginagawa nito, pakiramdam niya ay pumapanatag ang kanyang kalooban.

The End