Chereads / TJOCAM 3: Secluded Feelings / Chapter 6 - Bombshell

Chapter 6 - Bombshell

Chapter 6: Bombshell 

Jasper's Point of View 

Kanina pa ako paikot-ikot rito sa kama ngayon pa mang wala akong magawa.

Hindi naman ako makapaglaro ng games dahil karamihan sa mga 'yon ay tapos ko na. Pero ngayon, tinatamad akong bumili ng bagong laro dahil wala siya sa store nila't day off. Ate niya ngayon ang bantay.

Umikot ako ng isang ikot sa kama at itinuon ang tingin sa kisame. "Boring..." 

Simula noong mawala 'yung mga kaibigan ko bilang mga kapit-bahay ko, nanahimik 'yung lugar. Wala na akong magulo sa tabing bahay. Kung magkakaro'n man ng ingay, iyon lang 'yung katabing mansiyon na kasalukuyang ginigiba. 

Umalis ako sa kama para silipin ang labas ng bintana. 

May iilang mga bulldozers at isang demolition truck na makikita at patuloy pa rin sa paggiba ng dating Montilla Mansion. Gagawin daw'ng convenience store iyon bilang kapalit. 

Inilipat ko naman ang tingin sa isang tao sa hindi kalayuan. Nakasuot siya ng purong itim na damit at helmet. Nakatuon din ang tingin niya ro'n sa dine-demolisyang gusali nang umalis siya. 

"Hmm..." Paggawa ko ng tunog at mabigat na bumuntong-hininga. "Nalulungkot ako. Gusto kong makita si Mirriam." 

"I-surprise visit mo na lang kung hirap kang ayain siyang lumabas." 

Nilingon ko ang nagsalita 'tapos sinimangutan siya.

"Hindi ka pa rin ba tapos diyan? Bakit ka ba nandito? May sarili ka namang PC?" Tanong ko kay ate Yiah. Hindi niya ako pinansin at nag gesture lang siya na parang tinataboy ako.

Nanahimik na lamang ako at nagbuga ng hininga, na sa kasalukuyan ako ng pag-iisip nang biglang sumigaw si Ate Yiah. Halos magulantang ako sa kinatatayuan ko, ang tahi-tahimik, eh! 

"ARASHO!" Mangha niyang sigaw habang nakatuon lang ang atensiyon sa monitor, pagkatapos lumingon siya sa akin na may malawak na ngiti sa labi, "Look? I got Quadra Kill" Turo niya sa screen at tumawa na animo'y isang kontrabida sa isang pelikula. "Screenshot then post on twitter! Oh yeah, baby ~!" Napailing ako at ibinaling ang tingin sa ibang direksyon. Hindi ko na sana siya tinuruang maglaro kung alam kong dito siya madalas maglalaro.  

Labas sa ilong akong naglakad at kinuha ang jacket ko. "Maiwan muna kita riyan, i-lock mo na lang itong pinto kung tapos ka ng maglaro." Paalam ko kaya lumingon siya sa akin matapos niyang mamatay sa laro. 

"Say hi to her for me, okay?" Ngumiti lang ako saka ko siya iniwan sa kwarto ko. 

***

BUMABA AKO sa motorsiklo ko't inalis ang suot-suot na helmet.

Sumilip sa loob ng bahay nila Mirriam na sakto namang paglabas ni Airiam para salubungin ako. "Napadalaw ka kuya pogi? Wala si ate Mirriam dito" 

"Wala siya?" Parang nanghihinayang kong tanong saka ngumiti. "Nasa'n siya? Pwede bang pumasok? Makikipaglaro na lang ako sa mga kapatid mo." 

Humagikhik siya. "Oo naman, kuya. Matutuwa si Julius na makikita niya 'yung idol niya." Mas binuksan pa niya lalo 'yung gate kaya lumakad na ako papasok. 

Isinara na ni Airiam ang gate pagkatapos samantalang nag pogi sign ako na nakatalikod sa kanya. "Idol niya ako? Maganda ang taste ng kapatid mo." 

Naramdaman ko ang pagharap ni Airiam sa akin. "Gusto rin naman kita, kuya Jasper." Labas ngipin na ngiti ni Airiam nang lingunin ko siya, ipinatong ko ang kamay ko para guluhin ang buhok niya't nginisihan siya. 

"Kaya kung magkaka-boyfriend ka, maghanap ka ng katulad ko." Turo ko sa sarili ko gamit ang hinlalaki 'tapos tumingala. "Kaso nag-iisa lang pala ang Jasper Kyle Villanueva kaya too bad, kid." 

Nanguna na akong pumasok sa loob ng bahay nila, 'kala mo talaga na sa sarili kong bahay, eh 'no? 

Bumungad ang magkakapatid dito sa sala, wala 'yung mag kambal gayun din si Mirriam. 

Napatingin ako kay Rain na lumalapit sa akin. "Kuya!" Tawag niya saka ko siya binuhat gamit ang isang kamay. 

"Ang laki mo na, ha? Nagiging kamukha mo na si ate Jean at kuya Jin mo." Sinampal niya ako gamit ang dalawa niyang mga palad, mukhang ayaw niya sa sinabi ko't hindi siya sang-ayon. 

"Ano gusto mo kuya pogi? Kape o juice?" Tanong ni Airiam kaya sinabi ko naman ang gusto ko. 

Hindi ako mahilig sa kape kaya nag Juice na lang ako.

Lumapit sa akin si Ricka. "Ah, nandito pala 'yung manliligaw ni ate Mirriam" Saad niya habang nakasuot ng pokerface, parang kailan lang, ang sigla sigla ng mukha niya kapag nakikita ako, ah?

Ito ba 'yung tinatawag nila sa puberty? 

"Pasaway 'yung mga kapatid ko but suit yourself, bro. Aalis lang po 'ko." Magalang na pagpapaalam ni Nick saka siya lumakad na pormang porma. May date?

"Kuya!" Tumalon si Julius sa likuran ko, nakakapit siya sa leeg ko kaya kamuntik-muntikan pa akong ma-out of balance. 

Bumungisngis ako. "Oy, delikado 'yan." Ibinaba ko na si Rain sa sahig, kusa ring itinanggal ni Julius 'yung kamay niyang nakakapit sa leeg ko kanina. 

"Ang tagal mo ring hindi pumunta rito, hinahanap kita kay ate Mirriam!" ani Julius kaya iniluhod ko ang kanan kong tuhod para ipatong ang aking kamay sa ulo niya. 

"Marami lang inasikaso si kuya pogi," Tugon ko 'tapos sinundan ng tingin si Airiam na inilalapag ang pitchel na may juice sa glass table. "Anong oras ba umalis si Mirriam?" Tanong ko nang makatayo. 

Nagsalin siya ng juice sa baso ko. "Pupunta raw siya sa kaklase niya," Sagot niya ng hindi inaalis ang tingin sa baso, 'tapos ay inabot sa akin ang juice ko. "Kanina pa iyon kaya baka mamaya, nandito na siya." 

Kinuha ko ang basong inaalok niya para inumin kasabay ang pag-upo ko sa single sofa. "Mayro'n bang bumabagabag sa'yo, kuya?" Tanong ni Airiam at umupo sa harapang sofa. 

Pumasok naman sa utak ko 'yung taong nakita ko kanina na nasa tapat ng bahay.

Tumawa ako. "Wala, wala. Gusto ko lang sanang surpresahin kapatid mo, kaso pagod na 'yon pagkauwi rito." 

Tumigil si Ricka sa gilid ko kaya inangat ko ang tingin sa kanya. 

Dalawang beses siyang nag tsked 'tapos inilagay ang kanang kamay sa beywang niya. "Nakarinig ba ako ng surpresa? May alam akong isang paraan, behold!" 

Kumurap-kurap ako ngayon pa mang nakikita ko ang kakaibang pag pose ni Ricka. Hawak niya ang siko niya habang nakatakip ang mukha gamit ang naka-spread na fingers sa kamay niya. 

Naramdaman ko ang pag ngiti ng pilit ni Airiam. "I don't like the idea, but--" Nakarinig kami ng kung anong kalampog sa kaliwang bahagi namin dahilan para sabay-sabay namin iyon lingunin. 

Mirriam's Point of View 

Bumaba na ako sa tricycle at lumakad papunta sa harapan ng gate namin. Pipindutin ko na sana 'yung doorbell pero nakita kong bukas nang kaunti 'yung gate. "Bakit iniwang bukas 'to?" Tanong sa sarili at pumasok na sa loob, isinarado ang gate at bumaling. 

Nanggaling ako kina Rose kanina kasama si John, may pinag-usapan kasi kami tungkol sa gagawin naming presentation sa HEALTH dahil next next week na rin 'yong reporting.

Kumatok ako sa pinto nang makarating na ako sa harapan niyon. "Julius! Ricka! Airiam! Pinto, pakibukas." Sigaw ko at kumatok ulit. Pero wala, hindi nila binubuksan.

"Augh, ano ba'ng ginagawa niny--" Pinihit ko ang door knob at laking gulat na bukas din 'yon.

Dahan-dahan kong itinulak iyon habang iginagala gala ko ang tingin sa paligid. Napakatahimik at walang tao, teka nasa'n sila? 

"Rain?" Tawag ko sa bunso naming kapatid at dahan-dahang lumakad. Patuloy ako sa paglinga linga sa paligid habang pinapakiramdaman kung may mali ba. Hindi naman ganoon kagulo 'yung bahay pero bakit ang sama ng pakiramdam ko? Bakit kinakabahan ako? 

Muli kong naalala 'yung mga pangit na insidente gayun din ang mukha ni Ray. 

Kinilabutan ako't napahawak sa tiyan ko nang bigla itong sumakit.

Ngunit hindi iyon ang dahilan para tumigil ako sa paglalakad. "Julius!" Tawag ko sa isa sa kapatid ko. "Ricka! Airiam!" Tawag ko pa. "Nasaan kayo?" Unti-unti akong naglakad hanggang sa mapunta ako sa kusina, sa likod ng bahay, at banyo...

Pinagpapawisan na ako sa kaba, 'tapos nararamdaman ko na rin ang kaunting pagnginig sa aking mga kamay.

Hinawakan ko ang railings ng hagdan at tumingala nang makarinig ako ng ingay sa taas. Lumunok muna ako ng laway. "Julius?" At humakbang na ako. 

Bakit tuloy-tuloy pa rin ako kahit pakiramdam kong may mali? 

Habang paakyat ako ay inihahanda ko na ang mga kamao ko sa pagsuntok kung sakaling mapupunta ako sa panganib. Nakatungtong na ako sa pinakapalapag. 

Hindi ako sigurado sa gagawin ko, pero heto't tuloy-tuloy pa rin sa pag-abante. 

Mas hinigpitan ko ang pagyukom sa aking kamao, naglabas nang mabigat na hininga para kumalma. Parang nasa isang horror movie lang ako kung saan may mga susulpot na nakakatakot na bagay at makakarinig ka ng kung anong ingay sa paligid.

Tahimik akong sumilip silip sa mga kwarto at napahinto nang makita ko sa peripheral eye view na may tao sa kwarto namin. At halos atakihin ako sa puso nang bumungad ang napakalaking ballet ball na ibinato ng kung sino sa akin. 

Tumalsik ako't bumagsak sa sahig. 

Naiintindihan niyo 'yon, 'di ba? Kahit isang bola lang siya, mabigat 'yon lalo na't may impact.

Ginagamit rin siya pang exercise! Kaya malamang, matutumba talaga ako.

"Ngh..." Hawak ko ang pwet ko dahil iyon ang unang-unang bumagsak sa sahig.

Pagkatapos ay napatili na lang din ako nang may magpasabog mula sa tinuping papel. 

Kumurap-kurap ako dahil sa sobrang gulat, at mariin na ipinikit ang mga mata dahil nanggagalaiti ako sa galit. Sumilip si Jasper mula sa pintong na sa harapan ko. 

Lumapad ang ngisi niya. "Happy new year!" Biro niyang pagbati pero hindi ako natutuwa. 

Marahan akong tumayo mula sa pagkakabagsak. Nag-alala ako sa wala.

"E-Eh? Galit ka ba?" Walang ideyang tanong ni Jasper saka lumabas si Airiam para paliguan ako ng mga piece of papers. 

"Advance Happy birthday to you! Advance happy birthday to you, happy happy birthday happy birthday, advance happy birthday to you!" Pagkatapos niyang kantahin ang happy birthday song ay nag torotot naman si Rain at Ricka. 

Nag head spin naman si Julius 'tapos nag pose ng pogi sign. 

"Surprise!" Paglahad at galaw ni Julius sa kamay niya nang kindatan niya ako. Muling nagpatunog ng toroto si Ricka at Rain. 

Nakatungo lamang ako nang manginig ako dahil sa pagpipigil ng inis. But I failed. 

"LINISIN N'YO 'YANG MGA KALAT N'YO!"

"O-OPO!" Pagsunod nila. 

*****