Alas-kwatro na ng hapon ilang oras nalang ay darating na ang dilim. Sa isang malawak na silid nakahiga ang isang matandang prinsesa habang sa gilid niya ay natutulog ang prinsipe, naghihintay sa oras ng kanyang paggising. Matagal na ding natutulog ang prinsesa. Mula ng dapuan ito ng sakit ay dito ito inilagay ng kanyang mga kasamang duwende. Sumunod ang prinsepe sa pag-asang magigising ang kanyang prinsesa.
Unti-unti nang dumidilim. Nakatitig ang prinsepe sa kanyang magandang prinsesa, malagkit at puno na ng romansa. Sa isip niya'y tumatakbo ang mga nakaraang alaala at mga planong sa hinaharap ay gagawin nila. Sa kalagitnaan ng kanyang masaya at malambing na pantasya ay biglang tumunog ang isang puting kahon na puro linya, unti-unti, ang mga linya'y dumederetso ng nakahiga. Tinawag ng prinsepe ang mga diwata na nasa di kalayuan. Pinalabas siya ng mga ito at tinawag ang isang lalaking mangagamot.
"Charging, five-hundred, clear!" Sigaw ng mga diwata. Di nagtagal ay lumabas ang mga diwata at ang lalaking mangagamot.
"Pasensiya na ho, mahal na prinsepe. 'Di na talaga kaya pa." Ang sabi ng lalaking mangagamot sa prinsepe. Nanlaki ang kanyang mga mata at di siya makapaniwala. Nanginginig ang kanyang mga kamay at tila namamanhid ang buong katawan. Hindi niya maibukas ang kanyang mga labi, wala kahit isang salita ang lumabas mula rito.
Marahan siyang naglakad papasok, naupo sa tabi ng kanyang prinsesa.
"Ang ganda mo, aking prinsesa. Matulog ka na at magpahinga. Sa iyong panaginip tayo'y magkikita" Ani niya. Hinawakan niya ang kamay nito at unti-unting inilalapit ang kanyang mga labi sa labi ng kanyang prinsesa, umaasa na sana sa isang halik ay magising ang natutulog niyang prinsesa.