IBINIGAY ng maestro sa kanila ang address ng eskuwelahan na kung saan nag-aaral ngayon ang babaeng duplicate.
Naglalakad sina Siwan at June sa gitna ng kagubatan pauwi. Lungkot ang makikita sa mga mata ni Siwan. Ganoon din ang makikita sa mga mata ni June upang bigyan ng simpatiya ang kasama sa mga nalaman nila tungkol sa pagguho ng dimensyon ng mga fairies. Maliban pa sa pagbibigay niya ng simpatiya, nagbibigay rin sa kanya ng lungkot ang fact na hindi pala ganoon ka magiging madali ang paggising niya mula sa commatose. Ang buong akala niya'y sa oras na makahingi sila ng kaunting impormasyon sa maestro ay magiging malaking tulong na ito para magising na siya. Ito lang pala ang unang hakbang upang matunton nila kung nasaan ang goblin na gumawa sa kanya bilang duplicate.
***
NASA bahay na sila ngayon at pare-pareho silang nakaupo sa sofa. Sina Siwan, Hansel at June. Lahat sila ay nakatulala matapos ang kanilang mga nalaman. Kay Siwan: ang tungkol sa pagguho ng dimensyon ng mga fairies at goblins. Kay Hansel: ang reincarnation ni Songha sa katauhan ng kapatid ni Erika. Kay June: ang pagiging kumplikado ng paghahanap niya sa goblin na gumawa sa kanya bilang duplicate.
Sabay-sabay silang napabuntong-hininga. Lahat sila ay mukhang problemado.
Sampung segundo matapos nilang magbuntong-hininga ay napabuntong-hininga na naman sila nang sabay-sabay. Hindi na nila napapansin ang isa't isa dahil sa lalim ng kanilang pag-iisip.
Pagkaraan ng ilang sandali ay napansin na rin sawakas ni Siwan si Hansel na noon ay nakapako ang tingin sa flower vase nanasa gitna ng center table. Napaisip siya kung bakit ganoon na lang ang expression nito sa mukha gayong inihatid lang naman niya si Erika sa kanilang bahay.
"Anong problema, Hansel?"Napatingin na rin si June kay Hansel, na noon ay naghalukipkip ng mga braso at patuloy pa ring nakatingin sa flower vase.
Napatingin din sina Siwan at June sa flower vase. Nagbakasakali silang doon nila makita ang sagot.
"Siwan, hindi ka maniniwala sa sasabihin kong 'to." Sawakas ay nagsalita na rin si Hansel. At nakatingin na siya ngayon kay Siwan na punong-puno ng nerbyos ang mga mata.
"Tingnan natin," sabi ni Siwan at nagpatango-tango ng dalawang beses.
"Siwan, si Songha, siya ang ate ni Erika. Nabuhay siyang muli sa mundong 'to."
Mula sa pagkakasandal ni Siwan sa likod ng backrest ng couch ay naialis niya ito at napaupo nang maayos dahil sa sobrang gulat.
Napalunok ng laway si June dahil sa inakto ni Siwan, nakaramdam siya ng kaba.
"Sino nga iyon?" pagtatanong nito.
Kulang na lang ay bumaligtad ang mga ulo at paa nina Hansel at June dahil sa reaksyon ni Siwan.
"Hindi mo na ba natatandaan si Songha?"
Napaisip siya. "Pamilyar ang pangalan. Alam mo namang isang libong taon na akong natutu—" Napahinto siya sa pagsasalita nang sawakas ay tuluyan nang rumehistro kung ano ang naging papel ni Songha sa buhay niya.
Dahan-dahang gumuhit ang gulat sa mga mata niya dahil sa galit. Tila nanumbalik sa puso niya ang mga masasakit na alaala nilang dalawa sa nagdaang panahon.
Si June, hindi maka-relate sa pag-uusap ng dalawa at nagtataka lamang siyang papalit-palit ang tingin sa dalawa niyang kasama. Gusto sana niyang magtanong ora-mismo ngunit dahil sa naging reaksyon ni Siwan ay hindi na niya nagawa.
"Ate ni Erika si Songha?" hindi makapaniwalang paniniguro ni Siwan.
"Oo," mariin nitong sagot. Napagtanto ni Siwan na totoo nga ito dahil sa nakikita niyang pangamba sa mga mata ni Hansel. Alam din niya kung ano ang naging relasyon nina Hansel at Songha noon. Nakaramdam din siya ng kaunting pag-aalala para kay Hansel dahil bukod pa sa namamagitang relasyon kina Hansel at Songha ay alam din niya kung paano namatay si Hansel dahil sa pagtataksil ni Songha.
Muling napasandal si Siwan sa backrest ng couch at huminga nang malalim.
"Teka, nga pala, ano nga pala ang problema niyo? Bakit kung makabuntong-hininga kayo kanina'y akala mo 'y pasan niyo na ang daigdig?"
Napabuntong-hininga si June na may kasamang kalungkutan. "Parang gano'n na ngayon, Sir Hansel." Ipinaliwanag niya kay Hansel ang lahat ng mga sinabi ng maestro sa kanila.
"Ikaw naman, Siwan? Anong ikinakalungkot mo?"
Napabuntong-hininga naman si Siwan na may kasamang kalungkutan. "Gumuho na pala ang dimensyon ng mga fairies at goblins."
Nagkaroon ng gulat sa mga mata ni Hansel at napaayos ito ng upo. "Gu-gumuho na ang dimensyon niyo? Ang ibig sabihin no'n, wala nang natitirang goblins, ghouls at fairies ngayon?"
"Mayroon pa. Dalawang fairy na lang ang natitira. Ako at si Eureka. Dalawang goblins, sina maestro at ang goblin na gumawa sa duplicate ni June, at ang ghoul."
"Kung dalawang goblin na lang ang natitira, at ang isa sa kanila si maestro, ang ibig sabihin no'n, iisang goblin na lang pala ang kailangan niyong tuntunin."
"Oo, Sir Hansel. Kung iisipin medyo madali na lang, peromahirap pa rin kaysa sa inasahan ko," malungkot na saad ni June at sinundan ng pagbuntong-hininga.
"June, alam mong hindi ako ang tipo ng taong nagbibigay ng lakas ng loob sa iba, pero dahil mawawala na rin ako, gagawin ko na. Matutunton mo rin ang goblin na iyon, basta't huwag ka lang mawawalan ng pag-asa, okay?"
Napangiti si June. "Yes, Sir! Malaking tulong ang sinabi niyong 'yan para tumaas ang fighting spirits ko!"
"Pero, ano ng plano niyo ngayon? Pupuntahan niyo iyong babaeng duplicate?"
"Oo, iyon ang gagawin namin."Si Siwan.
"Pero paano naman kayo makakapasok do'n? Huwag niyong sabihing magpapanggap kayong estudyante at teacher doon?" tanong ni Hansel.
Napatingin si Siwan kay Hansel, as if nagustuhan nito ang sinabi ng kasama. "Magandang ideya iyan. Sigurado akong hindi magiging madali ang paghahanap natin sa babaeng iyon at kakailanganin natin ng mahabang panahon," sabi nito. Then tumingin siya kay June. "June, ikaw na ang pumasok at ikaw ang bahalang maghanap sa babaeng iyon."
"Huh? Sir Siwan? Paano naman ako magpapanggap? Hindi madaling mag-enroll, ah."
"June, wala ka bang tiwala sa akin? Ako na ang bahala roon. Para saan pa't naging fairy ako kung hindi ko kayang gawin ang ganyang kasimpleng bagay?"
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi ni June habang pinagmamasdan si Siwan. "Talaga, Sir Siwan? Sige! Iaasa ko sa inyo ang buo kong tiwala! Ako na ang bahalang maghanap sa babaeng duplicate na iyon."
"Pero, Siwan, paano naman niya malalaman kung sino sa mga babae sa school na iyon ang duplicate?"
"Hindi ko pa alam. Pero kailangan nating isa-isahin kung sino-sino sa mga estudyanteng naroon ang nagkaroon ng aksidente na puwedeng mauwi sa kamatayan. Kailangan nating i-eliminate ang mga suspek hanggang sa magkaroon tayo ng findings." Natahimik si Siwan nang may mapansin siya sa mga salitang binibitawan niya.
"Wow, nakakagamit na rin ako ngayon ng English?" bilib nitong pagtatanong sa sarili.
"Oo, kasama na iyan sa ininom mong gamot kahapon."
"Anyway, anong balak mo, Hansel? Ngayong araw ka na ba talaga susunduin ng grim reaper? Bakit ba kasi ang aga-aga mo nagpa-appointment? Dapat hinintay mo man lang si June na magising mula sa pagkaka-comma."
"Siwan, matagal na panahon ko nang pina-appointment iyon. It's been..." Nag-isip siya. "... one thousand years, I guess nang magpa-appointment ako sa grim reaper?"
"One thousand years na? Baka naman nakalimutan na niya iyon," sabi ni June na may pag-asa sa mga mata na sana'y gano'n nga.
"Anong nakalimutan?" sabi ng isang boses galing sa may pintuan. Lahat sila ay napalingon doon at nakita nila ang isang lalaking nakatayo roon na nakasuot ng itim na damit na abot sa kanyang tuhod at long sleeve. Matangkad ito, matangos ang ilong at itim ang mga labi.
"Grim Reaper 17-02-05," sabi ni Hansel na may gulat sa mga mata. Sabay na napatingin sa kanya sina Siwan at June dahil sa komplikadong pangalan na binanggit niya.
Muling nailingon nina Siwan at June ang tingin sa grim reaper na noon ay naglalakad palapit sa kanila.
"My bad. Pasensya na kung hindi ko nakalimutan ang tungkol doon. It is just, wala kaming kakayahang makalimot sa mga appointments ng mga kaluluwa."
Napalunok ng laway si June dahil sa kaba. May pangamba ang mga mata niya na baka kunin na siya ngayon ng grim reaper.
"Grim reaper, puwede bang huwag mo munang kunin sa amin ang kaibigan ko? Mahal na mahal namin siya!" sabi ni Siwan na may pagmamakaawa sa mga mata.
Pinaghawak ni June ang dalawa niyang kamay sa kanyang harap, as if nakikisali siya sa pakiusap ni Siwan. "Opo, Grim Reaper, please, huwag niyo munang kunin si Sir Hansel sa amin. Marami pa kaming mga bagay na gustong gawing magkakasama!"
"Grim reaper! Please!" Nakisali na rin si Hansel sa dalawa niyang kasama.
"Tigil!" sabi ng grim reaper na nagpatigil sa tatlo.
Tiningnan ng grim reaper si Hansel sa mga mata, at pagkatapos ay kay June, at pagkatapos ay kay Siwan. After no'n ay ibinalik niya ang tingin kay Hansel.
"Kung gusto mo talagang manatili pa sa mundong 'to nang mas mahaba pa, pagbibigyan kita. Sa isang kondisyon, kailangan niyong kunin sa goblin na pinag-uusapan niyo kanina ang kaluluwa ng babae na ginawan niya ng duplicate bago pa man niya ito makain."
Nanlaki ang mga mata ng tatlo sa gulat. Nagpalitan sila ng kani-kanilang tingin at pagkatapos ay sabay-sabay na napalunok.
"I-iyon lang? Kailangan lang naming dalhin sa 'yo ang kaluluwa ng duplicate na iyon sa oras na mamatay na siya?" paniniguro ni Hansel.
"Te-teka, naguguluhan ako, hindi ba't ang kakainin lang ng golbin ay ang duplicate at hindi ang totoong kaluluwa?" si June.
"Oo, pero iba sa puntong 'to, nakatadhanang mamatay ang babaeng iyon hindi dahil kakainin ng goblin ang kanyang duplicate kung hindi natural cause. Marahil ay hanggang doon na lang ang kayang itagal ng buhay niya. Sa oras na mamatay ang babaeng iyon at lumabas ang totoo niyang kaluluwa sa katawan niya, maglalaho ang duplicate. At dahil maglalaho ang duplicate, malaki ang posibilidad, na ang mismong kaluluwa ng babaeng iyon ang kapalit ng duplicate na naglaho—at ito ang kakainin ng goblin na iyon."
"Kung gano'n bakit kailangan mo pang ipagawa sa isang kaluluwa iyon? Hindi ba't ikaw ang grim reaper?" si Siwan.
Nagkaroon ng lungkot sa mukha ng grim reaper. Naibaba nito ang kanyang tingin at naikuyom ang kanang kamao.
"Ang goblin na iyon ang pumatay sa akin. Hangga't maaari, ayokong dumating ang araw na ako mismo ang makapatay sa kanya dahil sa sobrang galit ko."
Nanlaki ang mga mata ni June sa sinabi nito, nagkaroon ng kaunting pag-asa sa kanyang puso.
"Grim reaper! Ang ibig sabihin ba nito, kilala mo ang goblin na iyon? Alam mo ba kung nasaan siya ngayon?"
"Kilalang-kilala ko ang goblin na iyon at hinding-hindi ko makakalimutan ang mukha niya. Pero hindi ko na alam kung nasaan na siya ngayon, o may paki ako. Dahil katulad nga ng sinabi ko, gusto ko nang kalimutan ang existence niya sa isip ko."
Muling nanumbalik ang pagkadismaya sa mukha ni June. Maliban pa roon, makikita rin ang kaunting simpatiya para sa grim reaper sa naging buhay nito sa kamay ng goblin.
"Payag ako, Grim Reaper 17-02-05 (seventeen zero two zero five). Basta't huwag mo muna akong kukunin ngayon!"
"Okay, deal! Tawagan mo lang ako sa phone sa oras na makuha mo na ang kaluluwa ng babaeng iyon?"
"Okay," sabi ni Hansel na may malaking ngiti sa mga labi, at the same time, makikita roon ang pagiging grateful sa grim reaper.
Sa isang iglap ay naglaho na ang grim reaper.
Nagtatakang tiningnan ni June si Hansel. "Anong tawagan na lang siya sa phone? May mga phone din ang mga grim reapers?"
"Oo naman. Para rin silang mga tao na may mga kaibigan din at kailangan ng communication tools. Besides, their only job is to send the souls to the portal papuntang after life. And they don't do that 24 hours. Mayroon din silang time para gawin ang ibang mga bagay."
"Ah..." sabi na lang ni June. Then lumaki ang ngiti nito sa mga labi at mabilis na nilapitan si Hansel, at niyakap ito sa braso.
"Sir Hansel! Congratulations! Hindi na kayo kukunin ng grim reapers ngayon!" Nakakintil sa boses nito ang labis-labis na kagalakan. Ganoon din ang makikita sa nakangiting mukha ni Siwan.