Chereads / KUWENTONG Multo, Aswang at Pantasya / Chapter 6 - PROMISE OF THE DEAD

Chapter 6 - PROMISE OF THE DEAD

PROMISE OF THE DEAD

by: Alex Asc

Hating-gabi ng mga oras na ito. Kasalukuyang hinuhukay ni Daniel ang puntod ng babaeng labis niyang minamahal.

"Hinding hindi na kita iiwan dito, tulad ng mga pangako't sumpaan natin sa isa't isa. Hinding-hindi tayo maghihiwalay! At walang sinumang makakapaghiwalay sa atin, hanggang kamatayan!" wika ni Daniel habang malapit na niyang marating ang dulo ng kinahihigaan ng babaeng labis niyang minahal.

Sariwa pa rin sa isip ni Daniel ang lahat ng mga matatamis nilang sandali.

"Pangako, walang iwanan?" wika ni Leah kay Daniel.

"Sumpa man... hanggang kamatayan," masuyong sagot ni Daniel sabay thumbs-up nito.

"Peksman, mamatay man!" makahulugang wika ni Daniel sa minahamal.

Mas lalo tuloy siyang niyakap ni Leah, at hinalikan naman ni Daniel sa noo ang babaeng labis-labis niyang minamahal habang nakaupo sila sa isang bench at nakamasid sa dagat.

Matagal nang magkasintahan ang dalawa. Kababata nila ang isa't isa at matatawag silang halimbawa ng dalawang taong labis na inibig at pinahalagaan ang isa't isa.

Kaya't paulit-ulit silang nangangako sa isa't isa na walang iwanan, dahil hindi kakayanin ng isa ang maiwanan, at ang nakakakilabot pa sa sumpaan ng dalawa ay ang paulit-ulit nilang sumpaan na hanggang kamatayan, kung saan ngayon ay pinaninindigan ni Daniel.

Napakalambing ni Leah, at ganoon din si Daniel. Talaga namang ipinapadama nila sa isa't isa ang walang hanggang pagmamahal.

Ngunit dumating sa punto na kinapitan ng malalang karamdaman ang isa. Si Leah ay nagkaroon ng sakit na cancer.

Naging mahirap sa dalawa na tanggapin ang nangyari. Mukhang ito na yata ang sisira sa mga sumpaan nila. Ito na 'yung kinatatakutan nilang dumating sa punto na lilisan na ang isa ay kailangan maiwan ng isa pa.

"Hindi ako papayag na mawala ka. Magpapakamatay ako, susundan kita," seryosong wika ni Daniel habang umiiyak sa harapan ng nakaratay na si Leah.

"'Wag... 'wag mong sasaktan ang sarili mo, hindi kita mapapatawad kapag ginawa mo iyan, sige ka, magagalit ako sa 'yo." Kahit seryoso'y hinahaluan ng biro ni Leah ang kaniyang salita. Nais niyang mabawasan man lang ang pighati ng kaniyang minamahal.

Napahinto na lang habang bumubuhos ang luha ni Daniel, at hinahaplos-haplos ni Leah ang mukha ng kasintahan.

"'Di bale, kahit wala na ako, pangakong hindi pa din tayo maghihiwalay, dahil dito lang ako lagi sa iyong tabi," nakangiting wika na naman ni Leah.

Nasa malalang kondisyon na si Leah kung saan binilangan na lang siya ng doktor na masuwerte kung aabot pa siya ng isang buwan.

Walang araw na hindi umiiyak si Daniel dahil sa labis na hinanakit, 'yung araw-araw niyang nasasaksihan ang pagdurusa ng minamahal na babae.

Kung puwede lang sana, siya ang naroroon sa kalagayan ni Leah, kung maaari lang sana, sasaluhin niya ang lahat ng sakit sa mundo, maisalba lamang ang babaeng iniibig. Mas ninanais niyang siya ang mawala kaysa babaeng si Leah.

Ngunit wala siyang magagawa, kay Leah nakatadhana ang sakit na iyon. Si Leah ang nakatakdang mamatay ngunit ayaw pa rin sumuko ni Daniel. "Till to the last breath."

Hangga't sa hindi tumitigil sa paghinga ang dalaga, para sa kanya, may pag-asa pa, baka magkaroon ng himala.

Pero dumating sa punto na tuluyan nang namaalam si Leah. Mahigpit siyang yakap ni Daniel at patuloy sa pag-iyak. Pinipilit nilang alisin sa pagkakayakap ni Daniel sa dalaga, ngunit ayaw niyang bumitaw.

"Hindi! Hindi pa siya namamatay. Mainit pa ang katawan niya, maaaring hindi pa tuluyang lumalabas ang kaluluwa niya," pahayag ni Daniel habang tila nawawala sa sarili.

"Please, doc, gawin n'yo ang lahat, buhayin n'yo siya," dagdag niya sa mga sinasabi.

Hanggang mapagod ang kaniyang katawan, sa haba ng oras na pagluha at pagyakap sa babaeng iyon, para kasi sa kanya, ayaw niyang bitawan dahil ayaw niyang ilayo nila si Leah sa kanya.

Kahit paglipas ng ilang araw, lagi siyang nakaupo sa tabi ng kabaong ni Leah. Lagi niyang kinakausap ito habang nakaburol. Akala na tuloy ng lahat, malapit nang mabaliw si Daniel.

"Tanggapin muna, wala na si Leah, bro..." pagpapanatag ng ilan niyang kaibigan.

"'Di bale, someday, makaka-move-on ka at makakalimutan mo din siya," payo naman ng isa. Sa puntong ito, hindi nakatiis si Daniel at itinulak niya ang kaibigan niyang ito. Susuntukin sana niya ngunit naawat siya ng mga tao.

"'Wag na 'wag mong sasabihin sa akin na kalimutan siya, dahil hinding-hindi mangyayari 'yon, babalik siya! Mabubuhay siyang muli at magkakasama kami ulit!" asik niyang sigaw sa kanila.

Mas lalo tuloy naaawa ang lahat sa kanya, dahil masyado niyang dinamdam. Sa puntong nawawala na siya sa kanyang sarili.

Pati sa araw ng libing, nagwala siya dahil ayaw niyang ipalibing si Leah. Dahil ayaw niyang magkalayo sila, ngunit tutol ang lahat, pati mga magulang ni Leah ay nagdesisyon na ipalibing ang kanilang anak.

"Leah... 'wag mo akong iiwan!" sigaw niya habang nakaposas na at hawak ng mga pulis dahil sa matinding pag-e-eskandalo, at saka pa lamang nadala sa huling hantungan si Leah.

Kahit nakalibing na ang namayapang dalaga ay kinailangan pa rin ng pamilya ni Leah ng ilang kalalakihang magbabantay sa puntod ng dalaga, dahil sa banta ni Daniel na huhukayin niya ito at ilalayo niya.

Dahil 'di na nararamdaman ang pagdating ni Daniel at itinigil na ang pagbabantay sa puntod.

Makalipas ang ilang araw, heto na si Daniel at kasalukuyang hinuhukay ang puntod ni Leah.

Agad niyang binuksan ang kabaong na iyon, at bahagyang inunat ang bangkay at niyakap iyon.

"Nandito na ako, mahal... sorry kung nahuli ako ng dating. Pero pangako, hindi na kita iiwan mag-isa," magkahalong saya at paghihinagpis ang nadarama niya.

Hinalik-halikan niya sa pisngi ang babae. Wala siyang pakialam kong nangangamoy na ito o nabubulok na, basta para sa kanya, kasama na niya ito.

Nagtago ng mahigpit si Daniel sa lugar kung saan walang makakakita sa kanya, walang makakaalam kung saan siya naroroon, at walang makikialam sa kanila. Sumumpa siyang papatayin niya ang magnanais na paghiwalayin sila.

"Mahal, kumain ka na.." habang nakahiga ang medyo naaagnas nitong katawan, at sinusubukang pakainin ni Daniel.

Ngunit alam niyang wala ring mangyayari. Sadyang nauulol na talaga siya. Bawat gumagapang na uod palapit sa nobya ay pinapatay niya, mga langaw na nagtatangkang lumapit.

Mawalay lang siya nang sandali ay ginagapangan na ng uod ang katawan ng nobya at paisa-isa niyang pinagtatanggal.

Nagpaalam siya sa nobya upang lumuwas muna at mamili ng mga pangangailangan nila, ngunit nang bumalik siya'y labis siyang binulabog ng kaniyang kaba.

Nang madatnan na wala roon ang kaniyang nobya.

Hinalughog niya ang buong sulok ng bahay, ngunit wala siyang mahanap.

"Nasaan ka na, Leah!" Ang tanging naibubuga ng kaniyang bibig. Lumabas siya at tumakbo sa paligid habang isinisigaw ang pangalan ng nobya. Hindi maaaring nakawin ninuman dahil liblib ang pinagtataguan niyang lugar.

"Hindi kaya, inubos na siya ng mga uod?" Iyon ang namutawi sa kanyang utak.

Hanggang maabutan niya ang babaeng nakatalikod at nakatingala sa buwan.

Unti-unti siyang lumapit at halos bumaliktad siya sa pagkabigla nang lumingon ang babaeng nakaupo.

"Daniel!" bigkas ng babaeng nakangiti.

Tumayo si Daniel na nagtataka.

"Leah! Ikaw ba 'yan?" punong-puno ng pagtataka si Daniel.

"Ano ka ba, natatakot ka na ba sa akin? Halika nga rito't tabihan mo ako," wika ni Leah.

At maagap sa paglapit si Daniel. Hinaplos nito ang mukha ng babae. Naninigurado siyang totoong buhay ang Leang kaharap, na hindi na ito bangkay o 'di kaya'y multo. Nagtataka siya kung paano, ngunit binalewala niya dahil sa ligayang nangingibabaw sa kanya.

Hindi na naaagnas ang mukha ni Leah, parang normal ito na buhay na buhay. Agad siyang niyakap ng humahagulgol na si Daniel.

"Sabi ko na nga ba, eh, mabubuhay ka!" sambit ng lumuluhang si Daniel.

"Tulad ng pangako ko sa 'yo, hinding-hindi kita iiwan, hanggang kamatayan," sambit ni Leah.

Naging masaya ang pagsasama nila sa buong maghapon. Walang paglagyan ang ligayang nadarama ni Daniel, at sa wakas, nabigyan siya ng pagkakataong makapiling muli ang babaeng kinababaliwan niya.

Ngunit unti-unting nag-iiba si Leah, nagiging garagal ang boses nito, nagiging mabaho ang amoy nito, at inuubo lagi.

Palagi rin siyang pinapakain ni Daniel dahil 'di napupuno, kung ano-ano na lang ang kinakagat niya. Nagsisimula na ring pumuti ang mga mata nito't nawawala sa sarili, at halos hindi na kilala si Daniel.

Lalo pa nang maabutan ni Daniel na nilalapa nito ng buhay ang isang usang nahuli sa paligid na animo'y isa nang aswang.

Dahil sa mga pangyayari, binalak ni Daniel na lumuwas at maghanap ng albularyong makakatulong sa problema niya, ngunit nabigo siya dahil lahat ng pinagsasabihan niya sa sekretong ito ay ayaw maniwala at iniisip ng mga albularyo na nababaliw na ang lalaking ito.

Umuwi si Daniel ng walang napala, ngunit pagdating niya sa paanan ng bundok, nadatnan niya roon ang mga taong nagkukumpulan at may dala-dalang mga kahoy, bato at bakal.

Agad pinuntahan ni Daniel at laking gulat niya nang maabutan roon si Leah na hawak ang buong katawan ng isang pusa at kinakagat-kagat ito, habang nakapaligid ang taong-bayan, at naglalakas sila ng loob na sunggaban ang babaeng zombie kung tawagin nila.

Agad niyakap ni Daniel ang babae at inilagay sa likuran niya.

"Huwag! Maawa kayo! Hindi siya masamang-tao, nagugutom lang siya."

"Aswang ba iyan o zombie? Bakit mo pinoprotektahan!" hiyaw ng lalaki.

"Nobya ko po, maawa po kayo!" pagmamakaawa ni Daniel.

"Umalis ka diyan kung ayaw mong masaktan, papatayn namin ang zombie na 'yan!" sigaw ng iba pang lalaki.

At nag-umpisa silang magsihagis ng kanilang mga dala-dalang kahoy o bato.

Dahil sa ginawa nila ay binitawan ni Leah ang hawak at nagalit ito sa kanila. Akma siyang susugod ngunit pinipigilan ni Daniel.

"Leah, 'wag mo silang susugurin, makinig ka sa akin, please. Sasaktan ka nila!" pakiusap ni Daniel ngunit dahil ayaw siyang bitawan ni Daniel ay humarap si Leah sa kanya at sinunggaban si Daniel at kinagat sa leeg, dahilan upang sumirit ang dugo nito at nangingisay habang natutumba.

Maya-maya pa'y sumunod ang malalakas na putok ng baril na dala ng ilang kalalakihan, at pinagbabaril sa mukha at katawan si Leah dahilan upang matumba siya kay Daniel.

Nakapatong ang babaeng hindi na gumagalaw sa katawan ni Daniel habang yakap ito ni Daniel, at humihinga pa si Daniel.

Makailang saglit, tuluyan na ring namatay ang lalaki...

Wakas...