Chereads / LAKAMBINI NG TONDO / Chapter 2 - Kabanata 1: Ang Pagbagsak

Chapter 2 - Kabanata 1: Ang Pagbagsak

Sa gitna ng pagpupulong, humahangos na pumasok ang mensahero sa bulwagan. Nasa mukha nito ang ang matinding emosyon—ang pagmamadali, at pagkatakot. Sa bawat pag-tigib ng pawis nito at paghakbang ay nagsasabing dala niya ang isang napakahalagang mensahe. Hindi makapaghintay. Mabilis siyang nagbigay galang kay ama. Sa panginginig na kamay, inabot nito ang iskrol na nababalot sa pula at gintong palamuti.

Nagtataka si ama na inabot iyon. Gayunpaman, nasa kamay nito ang pagmamadali ng alisin nito ang tali at iladlad iyon. Saglit pa lang nitong pinaraanan ang sulat ngunit agad na nagbago ang ekspresyon nito. Nakitaan ko rin siya ng takot. Napakunot ang noo ko.

"A-ang dinastiyang Ming ay..."

"Tama po, Rajah Maisog. Nasa baybayin na natin ang kanilang sasakyang pandigma. Sa mga oras na ito ay nagmamartsa na sila papasok ng bayan."

Kasabay ng opisyal ng aking ama na naroon, narinig ko rin ang aking pagsinghap. Napatingin ako sa aking ina na nasa aking tabi. Nasa mata rin nito ang namamayaning emosyon ng sandaling iyon, ngunit may reserbasyon. Dumantay ang palad nito sa aking balikat.

"Walang mangyayaring masama," sabi nito. Nasa boses nito ang paniniyak pero hindi nito naalis ang emosyong nasa aking dibdib na bawat sandali ay patindi ng patindi.

Walang sabi-sabing lumabas ako ng bulwagan. Narinig ko pa ang pagtawag ni ina pero hindi ko pinansin iyon. Mabilis akong tumakbo patungo sa pinakamataas na palapag ng Lakandula (Tahanan ng Rajah). Kasing bilis ng pagtibok ng aking puso na parang gustong humulagpos sa aking dibdib.

Narating ko ang terasa. At mula roon tanaw na tanaw ko ang larawan ngayon ng Tondo. Ang limang barkong pandigma ng Tsina; ang watawat nito na nakangiting nililipad-lipad ng hangin; ang mga sundalong naka-kulay dugo na sa bawat pagmartsa ay dagundong ang hatid sa akin; ang mga nagsasalimbayang palaso; ang tunog ng bakal sa bakal; ang pahaw ng mga bata; ang pagmamakaawa ng mga walang laban; at ang pagsilab ng apoy sa buong Tondo.

Pinangapusan ako ng hininga. Hindi ko makayan ang tagpo.

Sa murang edad, naranasan ko ang mabigo, ang matakot, ang magalit, ang desperasyon dahil alam kong wala akong magagawa kahit anong gawin ko at narito lamang ako ako at nakamasid habang nilulupig ang walang kalabang-labang Tondo. Ang bayang pamamahalaan ko pagdating ng panahon.

Naramdaman ko ang pagdantay ng kamay ni ina. Doon nag-uunahang bumagsak ang aking mga luha. Humarap ako sa kanya. "Ang Tondo, inay," sabi ko sa gitna ng mga hikbi.

Yumukod ito para magkaharap sila. "Alam ko," mahinahon pa rin ito at masuyong hinahaplos ang luha sa aking pisngi. "Pero wala tayong magagawa sa pagkakataong ito, Suyen."

"Hindi. Hindi pwedeng walang gawin, inay. Dito ako namulat. Dito ako natuto. Dito ako nangarap. Narito ang halakhak ko. Narito ang lungkot ko. Narito ang puso ko."

Napangiti si ina at niyakap ako. "Masaya ako at naririnig ko yan mula sa'yo, Suyen. Pero dapat mo ring maintindihan ang katotohanan ng buhay. Hindi lahat ng bagay ay ganoon kasingdali sa pagbigkas ng salita."

"Dayang Oreta, nakahanda na po ang lahat para sa inyong pag-alis," putol sa kanila ng dama.

"Aalis tayo. Ngunit pansamantala lang ito." Ang sagot ni ina sa nagtatanong kung tingin. "Hindi ito pagsuko o pagtanggap ng pagkatalo. Isa itong paglalaan sa ating mga arili ng espayo para makatugon sa hakbang ng Dinastiyang Ming."

"Babawi tayo."

Ang salitang iyon ni ina ay itinatak ko sa aking puso.