Pansamantalang tumigil ang aming karwahe. Isang karabana kaming aalis palabas ng Tondo. Hinawi ko ang tabing at sumilip sa labas. Pamilyar sa akin ang lugar. Nasa Tondo pa rin kami.
Lumapit ang isang Dama. "Dayang Oreta, lahat ng daan papasok at palabas ng Tondo ay hawak na ng mga dilaw."
Kinabahan ako. Naalala ko si Ama. Nagpaiwan ito para pamunuan ang aming hukbong-pananggol. "May balita na ba kay ama?"
Wala pa ho, Dayang-dayang Suyen. Kung meron man, ipapaalam namin sa inyo kaagad."
"Maraming salamat," sabi ko.
"Huwag kang mag-alala, matapang ang ama mo," sabi ni ina.
"Alam ko po."
"Onang," tawag ni ina sa Dama. "Sa kakahuyan tayo dadaan. Sa dulo niyon ang daan patungong Urdaneta. Doon tayo pansamantalang tutuloy."
Hindi pa man kami nakakalayo ay muling tumigil ang karabana. Hinawi ko ulit ang tabing para sumilip pero agad ko ding isinara iyon. Lumusot ang isang palaso sa tabing at dumiretso sa kabilang panig.
Sinasalakay kami!
Kasunod niyon ang tila nakakabinging huni ng ibon at pag-ulan ng mga palaso. Pinayuko ako ni ina at pinasuot sa ilalim ng upuan. Samantala narinig ko si ina na bumunot ng tabak. Sa bawat pag-unday nito, isang palaso ang bumabagsak sa aking paanan.
Isa, apat, sampu...
Kasabay ng pagtigil ng walang hanggang ingay, bumagsak sa paanan ko ang tabak ni ina. "Inay..." usal ko.
"Suyen, anak, makinig ka. Kahit anong mangyari, huwag kang lalabas ng pinagkukublian mo. Kailangan mabuhay ka," sabi ni ina sa nahihirapang tinig. Napaiyak ako. May laman ang mga salita niya. Nagpapaalam na ba ito? "Mahal na mahal kita, tandaan mo."
Bumukas ang tabing. Nakarinig ako ng pag-uusap sa ibang salita. Isang animo huni muli ng ibon ang pumailanlang at kasabay niyon ay ang pag-igik ng aking ina. Isang sigaw ang sana ang pakakawalan ko pero maagap na natutop ko ang aking bibig.
Tahimik akong umiyak. Pero ang luhang lumalabas sa aking mga mata ay umaapaw sa poot at galit.
"Dayang Oreta! Dayang-dayang Suyen! Sumagot po kayo!" narinig ko pagkaraan ng ilang sandali.
Si Onang. Narinig ko ang boses ni Onang. Nakaligtas siya. "Narito ako, Onang!" sigaw ko.
Mabilis ang yabag na lumapit siya sa karwahe namin. Napasinghap siya at alam ko kung bakit. Si ina. Nang makabawi siya nakita ay natagpuan niya ako sa ilalim ng upuan. Basa ang mga matang ibinuka niya ang braso para sa akin. "Halika rito, Ginoong Suyen."
Yumakap ako sa kanya. Napahagulhol. Nang maramdaman kong medyo maaliwalas na ang aking pakiramdam ay binalingan ko si ina. Muli na naman akong napaluha. Tatlong palaso ang nakatudla sa katawan niya. Isa sa braso, isa sa tiyan at isa sa kaliwang dibdib.
"Kailangan mo nang magpaalam, Ginoong Suyen sa iyong ina. Hindi na ligtas para sa iyo ang lugar na ito," sabi ni Onang.
Dumako ang tingin ko sa mga mata ni ina. Nakadilat siya. Walang nababakas doon na takot pagmamakaawa. Bagkus nakaguhit sa labi nito ang ngiti ng tagumpay. At iyon ay marahil dahil buhay ako. Ipinikit ko ang mga mata niya, hinalikan sa pisngi, at niyakap ito ng mahigpit.
"Paalam ina," bulong ko.
Nang makababa ako ng karwahe, isang kabayo na may lulang tao ang papalapit sa amin. Bago pa man ito makalapit ay nahulog ang sakay nito. Mabilis kaming lumapit sa kanya. Doon naming nalaman sa sugatan siya. Nakilala ko na mandirigma ito ng Tondo.
"Anong nangyari?" tanong ko.
"Sugatan kayo. Halika muna at nang magamot iyan." Akmang itatayo ni Onang ang mandirigma ngunit pinigilan siya nito.
Lumuhos sa harap ko ang mandirigma. Ginagap niya ang aking palad. Saka niya inilagay roon ang punyal na kilalang-kilala ko. Nakaukit sa talim niyon ang aking pangalan. Sa dulo ng hawakan nakalagay ang itim na perlas.
Napaluha na naman ako.
Naalala ko ang pag-uusap naming ni ama…
"Bakit po punyal ang regalo niyo sa akin?"
"Kasi katulad ka ng isang punyal. Maliit man kung ituring, o hindi man nabibigyan ng halaga, makakasugat at makakasakit ka pa rin. At katulad ng itim na perlas na nakakabit dito, bibihira lang sa mundo ang kagaya mo."
"Wala na si Rajah Maisog, ginoong Suyen. Napatay siya ng isang heneral ng dilaw. Ginawa ko ang lahat upang ipagtanggol siya pero wala akong nagawa. Patawad kung naging mahina ako. Pinapunta ako rito ng iyong ama para sabihin sa iyo na simula ngayon, sa iyong balikat na hihilig ang Tondo at sa iyong mga kamay na aasa ng kaunlaran."
Pinahid ko ang luha ko. Pinatatag ko ang ekspresyon ko. Ayoko nang umiyak. Hindi iyon makakatulong. Gusto kong mag-isip. May responsibilidad na ako. At hindi makakahadlang roon ang pagiging labing isang taong gulang ko para hindi matupad iyon.
"Hindi mo kailangan humingi ng tawad. Ginawa mo lahat ng iyong makakaya. At salamat doon."
Ginamot sandal ni Onang ang lalaki at ako naman ay nagbalot ng pagkain na kasya para sa amin para sa humigit kumulang apat na araw patungo sa Urdaneta. Hindi ko kinalimutan isilid sa lalagyan ang mga ginto na pinaka-importanteng midyum ng pamimili at pagdetermina ng katayuan sa buhay.
Umalis din kami kaagad sa takot na baka bumalik ang mga dilaw. Isang kabayo lang an gaming dala nang sa ganoon ay mabilis an gaming maging biyahe. Nasa labas na kami ng Tondo nang muli akong lumingon. Balot ng usok ang buong Tondo. At mula roon nakikita ko ang imahe nina Ama at Ina.
"Babalik ako para sa inyo," usal ko. "Pangako."