Chereads / Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini / Chapter 18 - s: si Senyor Salazar [ 4 / 5 ]

Chapter 18 - s: si Senyor Salazar [ 4 / 5 ]

[ 1894 - Ang pagbabalik ]

Anim na taon na silang kasal ni Manuela. Mayroon na silang limang taong gulang na anak na babae at isang buwang gulang na sanggol at siguro dahil doon ay nakalimot si Isidro. Nalimutan niya na siguro na hindi naman talaga sa kanya si Manuela. Nakalimutan niya na ang puso ng asawa ay pagmamay-ari ng isang binatang akala niya ay hindi na talaga babalik.

Nanaginip lang pala siya. Nakakatuwa dahil ilang beses niyang pinaalalahan ang sarili na panatilihin ang mga paa sa lupa. Ngunit, matapos niyang makayanan ang isang taong pag-aayos ng tahanan nila para mas maging komportable ang asawa ay nagsimula na siyang managinip. Nagsimula na siyang mag-isip na maaring matutunan ni Manuela na mahalin siya.

Matagal na pala siyang nakapikit. At nalaman lang niya ito ng isang araw ay masaya niyang kinuha ang sanggol sa asawa at hinalikan ito sa pisngi. Nagpahalik ito katulad ng dati at nakangiti na rin. Kakulay ng lupang mga mata ang nakapokus sa kanya hanggang sa bigla iyong nawala.

Parang sinapian ang asawa niya at basta nitong ipinasa sa kanya si Lela at nagsimulang maglakad. Siya naman ay parang nahipnotismo na sinundan ito ng tingin hanggang sa nakita niya ang rason ng biglang paglayo nito sa kanya.

Isa lang at dahil matagal na niyang tinitignan ito sa likod noon ay hinding-hindi niya makakalimutan kung sino ito: si Apolinario.

Anim na taon.

Isang araw.

Lumalayo si Manuela, naglalakad lang sa simula, hanggang sa halos patakbo na itong humabol sa papalayong kalesa.

Isang araw lang.

Nakatulala lang siya sa gitna ng daan. Wala siyang marinig na kahit anong ingay dahil parang biglang tumahimik ang mundo. Wala na rin siyang maramdaman kahit ang alam niya ay umiiyak na ang batang kanyang karga at kanina pa hinahatak ni Lela ang kanyang manggas.

Parang ngayon lang niya nakita nang mas malinaw ang mundong kanyang kinagagalawan at ngayon lang niya mas narandaman ang mga paa niyang nakatapak sa lupa.

Isang araw lang.

Hindi pa siya babalik sa huswisyo kung hindi pa siya itinulak ng kung sino. "May balak ka bang magpakamatay?" sigaw sa kanya ng isang babae habang hinahabol nito ang hininga. Nang hindi siya sumagot ay kinuha nito ang sanggol saka siya sinampal. Napakurap-kurap siya at napahawak sa pisngi.

Doon lang mas nagbalik ang pandinig niya. Pinandilatan niya ang babae at pati na ang umiiyak niyang anak na si Lela. Lumuhod siya sa harap ng bata at hinawakan ito sa magkabilang pisngi. "Ayos ka lang ba, anak? May masakit ba sa'yo?" nag-aalalang tanong niya.

Umiiyak na umiling naman ang bata at niyakap siya. Nahahapong binuhat niya naman ito bago muling binalingan ang babaeng ngayon naman ay pinapatahan ang sanggol. "P-Patawad at naabala ka namin, binibini."

"Hesus, Ginoong Maria," napapailing na wika ng babae na ngayong tinitignan niya ay nakilala niya. Ito ang matalik na kaibigan ni Mirabella, si Luciana. "Isidro naman. Pansinin mo naman ang iyong paligid. Huwag mong basta-bastang ikalat ang iyong sarili sa daan. Buti sana kung mag-isa ka lang o wala kang anak."

Naghigpit nang kaunti ang pagkakahawak niya kay Lela, "Ayos lang ba talaga sa aking mawala kung mag-isa lang ako o wala akong anak?"

Lumambot ang ekspresyon ni Luciana at napapailing muli bago nag-iwas na lang ng tingin. Napansin niya rin ang pamumula ng mga pisngi ng dalaga. "B-Binibigyan lang kita ng ehemplo ngunit hindi ko tahasang sinasabing basta kitilin mo ang iyong buhay. Mabuti na lang talaga at nakita kita. Kung hindi lang ako narindi sa paghaharutan ni Mirabella at Samaniego ay nakisabay na ako sa pagbisita sa inyo ni Manuela."

Nalungkot siya nang marinig ang pangalan ng asawa. Hindi ka na ba babalik, Manuela?

Hindi niya alam kung nagbago ba ang kanyang ekspresyon dahil bigla siyang pinandilatan ni Luciana. Narandaman na lang niya ang mga kamay nitong pinapahiran ang basa niyang mga pisngi. "Bakit ka umiiyak, Isidro? May masakit ba sa iyo? Si Manuela, asan siya?"

Hindi siya sumagot dahil hindi niya alam ang isasagot. Ang alam niya lang ay gising na siya sa katotohanang kelanman ay hindi sa kanya si Manuela. Na darating rin pala ang araw na ito mismo ang kusang iiwan siya sa gitna ng daan at hawak-hawak niya pa ang kanilang mga anak.

~ ~ ~

"Ang mga babae na muna ang nag-alaga kay Lela at Apolinario," wika ni Samaniego nang sinamahan na siya nito sa sala. May dala rin itong tasa ng umuusok na kape. "Hindi ka ba gumalaw riyan, Kuya?

"Hindi pa," kanina pa kasi siya nakahiga sa ratan at nakatitig lang sa kisame. Kanina rin ay umiiyak siya. Hindi naman siya iyakin. Si Manuela lang ang tanging babaeng nakapagpaluha sa kanya.

"Siya, galaw na. Maupo ka, Kuya. Inumin mo muna ang kape para umayos naman ang iyong pakiramdam," pinalo pa ng kapatid niya ang kanyang tuhod. Umupo siya at tinapunan ang kapatid ng masamang tingin.

Buti pa ito. Ito ang sumuko at ngayon ay tinatamasa na nito ang pagmamahal na ibinabalik na talaga ng bago nitong pag-ibig. Hindi niya inaasahan na si Mirabella pa ang magiging kasintahan ng kapatid gayong halos aso't pusa ang dalawa kung nagkikita. Ngayon naman ay parang mahirap na raw paghiwalayin sa sobrang pagdidikit ng dalawa. Kulang na nga raw ay ang ibang tao na ang magdadala sa mga ito sa simbahan para mabilisang ikasal.

Samantalang siya... Pumikit siya at huminga nang malalim. "Dapat ba nagpapigil na lang ako sa'yo, Samaniego?" sa mahinang boses ay tanong niya. Ito mismo ang naunang kumuwestyon sa desisyon niyang magpakasal kay Manuela noon. Tinaliwas niya ito at sinabi niyang parehas lang naman sila at ang ginagawa niya ay para naman sa ikabubuti ng dalaga. Ang inilaban naman nito ay iba ang paghahabol sa taong iba ang mahal at mas malala ang nais niyang gawin.

Nag-away sila noon at sa nakaraang taon lang sila nagkabati dahil ang akala niya ay maayos naman na ang lagay niya at naniwala naman ang kapatid niya.

Ngunit, naririto siya ngayon. Mag-isa. Hindi niya alam kung asaan ang kanyang asawa. Hindi niya rin alam kung ayos lang ba ito o kung nakasunod nga ba talaga ito kay Apolinario. Hindi niya alam. Wala siyang alam. Ayaw niyang malaman.

Kinuha na niya ang tasa ng kape at inisang lagok iyon kahit na mabilis nitong sinunog ang kanyang bunganga at lalamunan. Gusto niya lang makarandam ng ibang bagay dahil masyadong masakit magkunwaring manhid.

Napa-buntong hininga naman ang kanyang kapatid at napahalukipkip. "Sinampal ka na ni Luciana kaya hindi na kita sasaktan. Ngunit, kumakati ang aking kamao, Kuya. Nais mo bang makatikim ng suntok mula sa akin?"

"Magtigil ka, Samaniego. Ako pa talaga ay iyong sasaktan rin?"

"Ikaw ba ay masaya na?"

Natahimik siya sa tanong nito at siya naman ang napa-buntong hininga. "Ipinilit ko ang aking nais kahit alam kong mali. Alam kong hindi lang iyon ang maari niyang gawin. Gusto ko lang..." Gusto ko lang siyang tulungan. "Subalit... akala ko talaga maibabaling na niya sa akin ang kanyang atensyon at ang kanyang puso. Anim na taon na kaming magkasama, Samaniego. Isang taon na lang at parehas na kami ni Apolinario na nakasama si Manuela ng pitong taon."

Napahilamos siya ng mukha at nalalasahan niya ang pait ng kape. Ang pait, sobrang pait. "Hindi na lang dapat ako umasa. Ako naman mismo ang nagsabing ayos lang sa akin kahit hindi niya ako kayang mahalin. Ngunit, iba ang nagagawa ng anim na taon. Mas lalo ko lang siyang minahal at nakalimutan ko na hindi mapapasakin ang kanyang puso."

"Kuya--"

"Naging makasarili ako, Samaniego. At naging isang malaking tanga. Tama ka nang inaway mo ako noon. Hindi nga ako magiging masaya sa ganitong relasyon. Ang hirap na malaman na ngayong binabalikan ko ang anim na taon ay maaring sa mga oras na hinalikan niya ako ay pinipilit niyang isipin na ako si Apolinario.

"Sa oras na nagiging mas malapit kami ay siya pa rin ang nakikita ni Manuela. Alam mo bang nung una naming sinubukan ay sinabi ko sa kanya na magpanggap na lang siya na ako si Apolinario? Nakakatawa dahil ako naman mismo ang nagsabing ayos lang sa akin. Ayos lang basta nandiyan siya sa aking tabi.

"Ayos lang sa akin basta malasap ko lamang ang bawat sandaling sa akin siya nakatingin. Na makarandam ako nang kahit katiting na pagmamahal. Wala na akong pakialam na para na akong isang alternatibo sa orihinal.

"Ngunit, kanina lang, basta niya ibinigay sa akin ang mga anak namin at halos patakbong may hinabol siya. Iniwan niya ako nang ganoon lamang, Samaniego. Parang malakas na sampal iyon sa'kin. At doon ko lang naalala na hindi siya sa akin, hinding-hindi siya magiging akin. Isa lamang akong instrumento para sa hinaharap ay magawa nilang magkita muli."

Dumadaloy na naman ang mga luha sa kanyang mga mata. "Ang sakit, Samaniego. Ang sakit dito," itinuro niya ang dibdib kung saan para siyang sinasaksak sa bawat pagtibok noon. Umiiyak pati ang kanyang puso. Desperadong tinatawag nito ang pangalan ng asawa, masyadong desperado. Masyado siyang desperado.

Martir. Napaka-martir at napakatanga.

Lumambot naman ang ekspresyon ng kapatid at lumabas ang emosyong ayaw niyang makita sa kahit na sino: awa. Hindi niya naman mapipigilan itong maramdaman iyon. Pati nga si Luciana ay ganoon ang tingin sa kanya nang bigla siyang umiyak sa harap nito.

Awa. Anim na taon na siyang nakakaawa. Ngunit, ni minsan, hindi siya naawa sa kanyang sarili hanggang sa araw na ito. Awang-awa na siya sa sarili.

Hindi naman nagsalita si Samaniego. Sa halip, tinabihan lang siya nito at marahang hinagod ang kanyang likod habang malaya siyang nagdadalamhati. Andami ring mga luhang lumalabas sa kanyang mga mata na wari niya ay naipon.

Mga patak ng tubig na hindi niya hinayaang pumatak simula nang nagdesisyon siyang alukin si Manuela ng kasal. Mga patak ng tubig na gustong sabihin sa mundo na nasaktan siya, oo, napakasakit. Mga patak ng tubig na kahit nag-uunahang umalpas ay walang magagawa para sa kanya.

"Ano ang balak mong gawin?" tanong ni Samaniego kay Isidro, ito na lang ang naroroon dahil nauna na nitong pinabalik si Mirabella at Luciana kasama ng kanyang mga anak.

Mugto na ang kanyang mga mata at sa tingin niya hindi na niya kayang umiyak pa. Isang tipid na ngiti na lang ang ibinigay niya sa kapatid na hanggang ngayon ay mukhang nag-a-alala pa rin. Ilang beses nga siya nitong tinanong kung wala ba talaga siyang balak na biglang kitilin ang sarili.

Ilang ulit niyang sinagot na wala at mas dinamihan lang nito ang pagtatanong. At sinagot niya lang naman kahit na nakakarindi na.

"Hihintayin ko si Manuela rito ng isang linggo. Baka sakaling bumalik siya o may kailangan siyang balikan. Kakausapin ko na rin siya. Alagaan niyo muna si Lela at Apolinario para sa amin. Susunod din ako," sunod-sunod niyang wika sa kapatid at tango lang naman ang sagot nito.

"Siguraduhin mong susunod ka, Kuya. Kung hindi ako mismo ang papatay muli sa iyo kung sakaling nadatnan kitang walang buhay," parang naluluhang pagbabanta naman nito.

Natatawang iwinasiwas niya ang kamay. "Siya, umalis ka na."

"Siguraduhin mo, Kuya, ah. Hindi ako nagbibiro."

"Oo, Samaniego. Oo."

Pinanood niya ang kapatid na umalis at hinintay na unti-unti itong ilayo ng kalesa bago siya bumalik sa ratan. Maghihintay siya kahit alam niyang maaring wala nang bumalik para sa kanya. Hindi naman siguro masama.

Nakatulog na ata siya at nang paggising niya ay may kamay na parang siya'y aabutin at aayusin ang kanyang buhok. Napaupo siya at sasabihin niya sana ang pangalan ng asawa ngunit ang nauligan niya ay si Luciana.

"Hindi ka pa ba umuwi?" tanong niya dahil ang alam niya ay kasama nito si Mirabella.

"Ako'y nagluto lamang nang iyong makakain. Bumalik ako dahil nag-aalala sa iyo si Samaniego."

Umayos siya ng upo at napasuklay ng buhok. Nahihiya siya rito. Hindi niya ito palaging nakakausap noon kahit na nakasama niya rin ang dalaga dahil kaklase ito ni Mirabella at ni Samaniego.

May pagkamasungit kasi ito kaya hindi niya ito laging nakakausap nang matino. Ngayon pa'y idagdag na makikita siya nito sa ganoong lagay. "Hindi mo na sana ginawa iyon. Marunong naman akong magluto."

"Nakita mo na ba ang sarili mo sa salamin?" tanong nito. "Mukha kang namatay, Isidro. At mukhang hindi mo kayang alagaan ang iyong sarili."

Maliit na ngiti ang isinagot niya rito. "Ako'y ayos lamang. Bubuti rin ang aking lagay kinabukasan."

"Isa kang malaking tanga at isa ka ring martir. Ang dapat sa iyo ay binabaril sa Bagumbayan."

Natahimik naman siya sa sinabi nito at napatitig na lamang siya sa dalaga. Walang ekspresyon ang mukha nito ngunit mukhang may namumuong poot sa mga mata nito. "Ano ang iyong ibig sabihin?"

"Narinig ko ang nangyari at nagawa kong mapaamin si Samaniego," direstang sagot nito bago naupo sa upuan na nakaharap sa kanya. Humalukipkip ito at mataman siyang tinignan. Hindi naman siya makaimik at nawala rin ang kanyang ngiti. Iba pala ang epekto na ang ibang tao na ang nagsasabi ng bagay na matagal mo naman nang alam.

Gusto niyang ipagtanggol ang sarili ngunit tama naman ito.

"Kung nakakasakit na lang rin sa iyo ay bakit maghihintay ka pa rin?" tanong nito nang hindi siya sumagot sa una nitong paratang. "Hindi ba mas mainam na lamang na sabihin mong patay na si Manuela, tanggapin na hindi na siya babalik, at magpatuloy na lamang? Maghanap ka na lang ng taong kayang ibalik ang kaya mong ibigay na pag-ibig."

Para nitong binigyan ng pisikal na boses ang kanyang utak. At sinabi nito ang lahat ng iyon na ni isang pagbabago sa ekspresyon ay wala siyang nakita. Nanatili ang kawalan at nanatili ang poot. Mukha ngang nais siya nitong sabunutan hanggang sa mapagtanto niya kung ano ang gusto nitong iparating.

Nag-iwas siya ng tingin at ipinokus na lamang iyon sa sahig na parang ang lahat ng sagot sa kanyang problema ay biglang lilitaw roon. "Hindi naman ganoon kadali ang mga bagay-bagay, Luciana," pinagsalikop niya ang kanyang mga kamay. "Madali lamang sabihin na hindi mo na mamahalin ang isang tao. Ngunit, kung tumagal ay siya pa rin ang iyong hahanapin kahit na may mahal siyang iba. At hindi naman lahat ng pag-ibig ay talagang nasusuklian."

Natawa naman ang dalaga sa paraang hindi niya nagustuhan. Nang-iinsulto. Ngunit, parang wala naman siyang karapatang mainis. "Kaya nga ika'y tanga. Kung alam mo kung ano ang makakabuti sa iyo ay dapat ginaya mo na lamang si Samaniego. Sumuko siya noon at ngayo'y masaya na siya," napabuntong hininga ito. "Maganda siguro ang ating buhay kung pinili lamang natin ang mga taong talagang nagmamahal sa atin, ano?"

Alam niya iyon. Kung siya rin naman siguro ang papapiliin noon at alam niya ang mangyayari ngayon ay iyon ang ginawa niya. Ang oras lamang ay lumipas at hindi naman siya maaring bumalik sa nakaraan para suntukin ang sarili at sabihing mali ang ginagawa niya. "Ikaw ba'y nagmahal na at nasasabi mo lamang ang iyong nasasabi na parang iyon ay napakadali?"

Itinaas niya ang ulo at tinitigan ito. Nagulat naman siya sa nakita.

Ang pagkakilala niya kay Luciana ay isa itong babaeng parang hindi mabubuhay ng walang nobyo. Iyon kasi ang pinapakita nito nang una niya itong nakilala. Ang mga naging nobyo naman nito ay pinagtitiisan lamang siya dahil siya'y maganda at unica hija sa isang mayamang senyor.

Ngunit, ni isa ay walang nagtagal.

Nang nagkita sila muli sa Maynila ay tumigil na raw ito sa paghahanap. Ang akala niya ay tumaas lamang ang pamantayan nito sa pamimili ng mga lalaki. Sa panahon ring iyon niya ito naging kaibigan at doon niya masasabing mahirap nga itong tiisin. Ngunit, mabuti naman ang dalaga at may pake naman ito sa kanyang mga kaibigan at kapamilya.

At ngayon ay nakatitig ito sa kanya na parang siya lamang ang nag-iisang tao sa mundo o mas mainam na sabihing siya na ang mundo. At sa simpleng pagtitig nito ay naramdaman niyang kaya nitong magbigay ng pag-ibig at alam nitong magmahal.

Ang kaso...

Nag-iwas siya ng tingin. "Luciana, hindi ko masusuklian ang--"

"Huwag kang magpatawa," sabat nito bago pa niya matapos ang kanyang sasabihin. "Ikaw na mismo ang nagsabing kung ika'y iibig ay hindi ka aasang babalik iyon at hindi lahat ay nasusuklian."

Marahang natawa muli ito at nais niya sana itong tignan ngunit pinanatili niya ang tingin sa ibang direksyon. Ayaw niya itong makitang nasasaktan kahit alam niyang siya ang rason. Naging mabuting kaibigan ito sa kanya kahit lagi siya nitong sinusungitan. Nakasama niya ito ng apat na taon at ni minsan hindi niya man lamang napansin.

"Masama bang umibig kung ganoon?" tanong ni Luciana para punan ang kanyang pananahimik. "Kung iibig ka at masasaktan ka lamang naman pala nang paulit-ulit, maganda pa bang magpatuloy kahit na ang pang-araw araw ay parang isang parusa sa bawat paghinga at sa bawat pagtibok ng pusong kahit kailan ay hindi mo kayang tanggapin?"

Napakuyom siya ng kamao at ibinaling na ang tingin diro. "Patawarin mo ako," halos pabulong niya nang sabi. Walang ekspresyon ang dalaga at wala na rin ang poot sa mga mata nito.

Unti-unti ring gumuhit ang isang ngiti sa mga labi nito saka ito umiling. "Wala ka nang aalalahanin sa iyong pagkain ngayong gabi. At kung bumalik man ang iyong asawa ay nagluto naman ako ng sapat para sa inyong dalawa," tumayo na ito. "Mag-iingat ka palagi, Isidro."

Tumayo siya para sana pigilan ito ngunit mabilis lamang itong naglakad palabas ng kanyang tahanan. Nagawa niya na lamang sundan ito ng tingin at hindi niya maiwasang hindi malungkot para rito. Kung pinili na lamang kaya niyang maghanap na lamang ng babaeng magmamahal sa kanya ng lubos ay hindi ba siya masasaktan nang ganito? At maari kayang matutunan niya ring mahalin ang dalaga o magiging katulad lamang ito ng kaso ni Augusta?

Huminga siya nang malalim at pumikit. Hindi na lamang siya mag-iisip. Minsan, iyon pa ang nakakasama, ang pag-iisip.

Dalawang araw na naghintay si Isidro mula sa kanilang bintana. Doon na siya halos kumain at natulog para lang siya agad ang unang makita ng asawa kung sakaling bumalik ito. Ngunit, ni anino nito ay wala siyang nakita. Minsan nga ay namamalikmata na siya at muntik niya pang talunin ang ikalawang palapag para lang batiin ito.

At sa pangalawang gabi, doon lang niya nakita ang pigura ng asawa na naglalakad papalapit sa kanilang tahanan. Mabilis pa sa alas-kwatrong umalis siya sa bintana kaya nang nakarating na ito ay naroroon na siya.

Suot pa rin ni Manuela ang suot-suot na damit nang iwan siya nito. Mukhang naglakad ito pabalik na walang sapin sa paa. Hapong-hapo siya at gusto niya sana itong hawakan ngunit pinigilan niya ang sarili.

Tinitigan niya lang ito at nakatitig lang rin naman sa kanya si Manuela. Suot pa rin nito ang singsing nila. Pinigilan niya ang sariling umasa.

"Isidro..." simula nito sa basag na boses. "O, Isidro..."

Isa-isang pumatak ang mga luha sa mga mata ng asawa at naikuyom niya ang mga kamay para pigilan ang sariling pahirin ito. Ibinuka niya ang bibig para sana magsalita ngunit wala siyang masabi. Hindi niya alam ang sasabihin.

Malungkot itong ngumiti at ibinaba ang tingin sa mga paang nahuhulaan niya'y may maraming sugat. "Patawarin mo ako, Isidro. Hindi ko..." tumigil ito at mas napahikbi. Nanginginig ang mga kamay na tinakpan nito ang bibig. "Hindi ko sinasadyang umalis. Hindi ko..."

Bumigay ang mga paa nito at napaluhod ito sa harap niya. Ibinaba rin nito ang ulo at nakikita na lang niya ang mga luha nitong pumapatak sa lupa. "Patawarin mo ako, Isidro..." Hindi na nito itinuloy ang sasabihin. Sa halip, umiyak na lamang ito at paulit-ulit na humingi ng tawad.

Naramdaman naman niya ang kakaibang pait at sakit na namumuo sa dibdib. Parang nanakit ang kanyang lalamunan at gusto na rin niyang umiyak. Sa halip, ibinaba niya na lang ang sarili at itinaas ang asawa mula sa kinasasadlakan.

Inilagay niya ang mga kamay sa mga pisngi nito at tinignan ito nang mabuti. Hindi ito nanlaban ngunit hindi rin ito makatingin sa kanya. "M-Manuela," nahihirapang wika niya. "Anong nangyari, Manuela?"

Lumuluhang kinuha nito ang kamay niya at hinalikan na mas lalong nagpasakit lang sa kanyang damdamin dahil alam niyang hindi iyon totoo. Nagsisi lang ito at hindi nito alam kung papaano humingi ng tawad.

Inulit niya ang pangalan nito at hindi ito sumagot. Sa halip, lumapit lang ito sa kanya at narandaman niya ang paglapat ng labi nito sa kanya. Napapikit siya nang mariin at bago pa ito kumilos para mas halikan siya ay siya na mismo ang humiwalay rito.

"Pakiusap... Huwag mo nang pilitin ang sarili mo, Manuela," nasasaktang wika niya. Hinawakan niya ito sa mga balikat para hindi na ito makalapit sa kanya. "Masasaktan ka lang."

"N-Ngunit... ikaw ang asawa ko, Isidro... Ikaw ang pinakasalan ko..." sa halos pabulong na boses ay sambit ng asawa. "H-Hindi dapat kita basta iniwan. Hindi dapat ako umalis... Kahit naman umalis ako ay..."

Napahikbi muli ito. "Humabol ako sa kalesa... Alam kong alam ni Pole na sumusunod ako, na hinahabol ko siya... Hindi siya lumingon, Isidro. Hindi niya ako nilingon."

Hindi siya nagsalita. Tinignan niya lang ito habang patuloy ang mga luhang umaalpas sa kulay lupa nitong mga mata. Ni minsan hindi na muli umiyak si Manuela matapos nitong magkulong ng isang linggo. Nang lumabas ito ay nakangiti na ito kahit pilit at hindi sinsero. Kahit ng unang gabi nila at sinabihan niya itong isipin na si Apolinario ang kasama niya ay hindi ito umiyak ng umagang magising siya sa tabi nito.

Ni isang beses, wala na siyang nakitang kalungkutan sa asawa.

Iyon pala ay nag-iipon ito tulad niya at ngayon, kahit gusto nitong pigilang tumulo ang mga luha ay hindi nito magawa.

"H-Hindi nagtagal ay tumigil na rin ako at hindi ko napigilang umiyak. H-Hindi talaga siya lilingon, Isidro. Alam kong nakita niya tayo. Alam kong naisip niya na maaring masaya na ako. Na mas pinili ko ang piling ng iba ngunit..." Nahihirapang inabot nito ang mukha niya at hinawakan ang kanyang pisngi. "Ma-Mahal ko pa rin siya, Isidro. Patawarin mo ako dahil mahal na mahal ko pa rin si Pole. Ngunit, kahit na gusto kong hanapin siya at sundan siya, hindi na pwede. Huli na ang lahat..."

Mas sumakit ang lalamunan niya sa narinig at kulang na lang ay mas pisikal siyang sampalin ni Manuela. Binitawan na siya nito at ginamit nito ang dalawang kamay para takpan ang mukha, sa pagsisi o sa pagkapahiya ay hindi na niya alam.

Ang alam niya lang ay parang nanalaytay na sa buong katawan niya ang sakit na nagmumula sa kanyang dibdib. Inabot niya ito at ikinulong sa mga bisig. Hinayaan niya itong umiyak sa kanyang dibdib at ginawaran niya ng mumunting halik ang sentido nito.

Hindi na niya napigilang lumuha at napakapit na lang siya sa babaeng hiniram lang naman talaga niya. At kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya mamahalin. Nanatili sila sa ganoong posisyon hanggang sa wala na silang mga luhang mailuluha. Doon lang niya pinakawalan ang dalaga at hinawakan ang magkabila nitong pisngi.

"Manuela," pabulong niyang sabi. Hinawakan lang nito ang kamay niya bilang sagot. "Maari ba kitang halikan sa huling pagkakataon? Pangako, hinding-hindi na kita muling hahalikan pa matapos nito."

"Isidro... Huwag mong--"

"Pakiusap, Manuela. Kahit ito lang ang ibigay mo sa akin."

Alam niyang nagtutunog desperado na siya ngunit kailangan niyang gawin ito upang magpaalam sa sarili niyang damdamin. Kailangan na niya iyong patayin kung magpapatuloy sila sa pagkukunwaring masayang mag-asawa. Hindi niya pa rin iiwan ito at magiging mabuting asawa't ama pa rin siya. Ngunit, hindi na niya ito muling hahalikan at siguro sapat naman na ang dalawang anak para rito.

Nakita naman ni Manuela ang sakit at pagkahapo sa kanyang ekspresyon kaya narandaman niya muli ang mga labi nito sa kanya. At akala niya'y hindi na niya kaya pang umiyak ngunit napaluha na naman siya habang tinutugon ang halik nito. Mariin siyang napapikit at nagsimulang magbilang sa kanyang ulo. Hinalikan niya ito at unti-unting namamaalam siya sa kanyang damdamin. Hinalikan niya ito na parang kinabukasan ay maaring mamatay na siya. Hinalikan niya ito... at nangakong iyon na nga ang huli.

Nang maghiwalay na ang kanilang mga labi ay tinulungan na niya itong tumayo habang nagpupunas ng luha. Nakangiti na rin siya. "Halika na sa loob. Ika'y maglinis na muna ng sarili at lulutuan kita ng pagkain. May nais ka bang ipaluto?"

Maliit na ngiti ang iginawad ng asawa sa kanya. "Ayos lang ako sa kahit anumang iyong lulutuin. Sorpresahin mo na lamang ako, Isidro."

"Kailan ka pa nahilig sa sorpresa?"

"Ngayon lang."