Chereads / Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini / Chapter 19 - s: si Senyor Salazar [ 5 / 5 ]

Chapter 19 - s: si Senyor Salazar [ 5 / 5 ]

[ Enero 1903 ]

Kanina pa hawak hawak ni Isidro ang kamay ni Manuela kahit na pakiramdam niya ay masusunog na siya sa sobrang init niyon. Ang akala lang nila noon ay simpleng lagnat lang ang mayroon sa dalaga at ayaw naman nitong pansinin iyon kaya hindi na lang rin niya pinansin. Ngunit, nang lumaon ay mas lumala ang sakit ng asawa. Nadagdagan pa iyon ng madalas na pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at tuyong pag-uubo.

Kung hindi pa siya nagpumilit na tumawag sila ng doktor ay hindi pa nila malalaman na nagkasakit pala ito ng malaria. Ang malala pa ay malubha na ito. Halos masaktan na nga niya ang doktor nang sabihin nitong wala na itong magagawa para kay Manuela.

At ngayon, habang hawak-hawak niya ang sobrang init nitong mga kamay at pinapanood ang pagtaas baba ng dibdib nito ay kinakabahan siyang baka bigla na lang iyong tumigil. Na bigla lang itong lumamig at basta mamatay. Hindi niya kakayanin iyon kung sakali.

"...Isidro," mahinang sambit ng asawa at dahan-dahan nitong iminulat ang mga mata.

Tinanggal naman niya ang pagkakahawak sa kamay nito at maingat na inalalayan itong maupo, nilagyan niya pa ng unan ang likod nito. "Ayos ka lang ba? Anong kailangan mo?" sunod-sunod niyang tanong sa asawa.

Nakangiting pinisil naman nito ang tungki ng ilong niya na siyang ikinasimangot niya. "Manuela. Seryoso ako."

"Nasaan ang mga bata?"

"Iniwan ko na muna sila kay Samaniego."

Tumango ito at saglit na tinitigan siya. Nagulat na lamang siya nang maramdaman niya ang mainit na kamay nitong lumapat sa kanyang pisngi. "Hindi ka pa natutulog, Isidro. Binantayan mo na naman ba ako nang magdamag?"

"Nag-aalala lamang ako para sa iyo, Manuela." At natatakot ako na bigla kang mawala sa aking tabi nang hindi ko man lang nasasabi ang mga gusto kong sabihin.

Umiling naman ito at marahang pinalo ang pwesto sa tabi nito. "Halika nga rito, Isidro."

Tinitigan niya lang si Manuela at nang makitang hindi ito nagbibiro ay saka siya umakyat sa kama at tinabihan ito. Mas lumapit naman ito at hinawakan ang kanyang kamay. Matapos nang pag-iiwan nito sa kanya noon ay hindi na niya ito hinalikan pang muli. Ang tanging bagay na ginagawa na lamang niya ay hawakan ang kamay nito o yakapin ito kung kailangan.

At minsan, hindi niya na ito tinatabihang matulog kaya ito mismo ang humihila sa kanya pabalik sa kama. Hanggang sa ito na rin ang sumukong pilitin siya. Nagbigay na siya ng distansya para hindi na naman siya magkamaling umasa muli dahil alam niyang tratraydurin siya ng puso kung sakali. Kaya sa mga naglaong mga taon ay mas naging magkaibigan lang sila sa halip na mag-asawa. Wala lang naman iyon sa kanya. Sa simula't sapul ay dapat ganoon lamang naman dapat ang kanilang relasyon.

"Isidro."

"Ano iyon, Manuela?"

"Maniniwala ka ba sa akin kung sinabi ko sa'yong minahal rin kita?"

Napabuga naman siya ng hangin sa sinabi nito. "Huwag kang magbiro nang ganyan, Manuela."

Natawa naman ito sa sinabi niya at narandaman niyang pinisil nito ang kanyang kamay. "Paano kung iyon ay totoo?"

Gumilid naman siya at inunan ang braso sa ulo. Ginaya naman ng asawa ang ginawa niya at nagtitigan sila. Ngayon lang uli sila naging ganito kalapit at nararandaman na naman niya ang pagsikdo ng kanyang puso. Pinigilan niya ito. "Alam kong si Apolinario lang ang mamahalin mo habang buhay, Manuela. Huwag kang magsinungaling."

"Wala ka bang kahit katiting na tiwala sa sarili?" nakakunot-noong tanong nito sa kanya. Mas inayos nito ang sariling pagkakahiga at mas lumapit pa sa kanya nang kaunti. "Hindi ka ba talaga naniniwala na maaring ibigin din kita?"

Mapait siyang ngumiti. "Huwag kang masyadong lumapit sa akin at baka ika'y aking halikan," pabirong wika niya at ang akala niya ay lalayo ito ngunit mas lumapit lang ito sa kanya. Kinuha pa nito ang braso niya at ginawa nitong unan saka siya walang ekspresyong tinignan. Napakalapit nito at gahibla na lang ang distansya nila.

Naghurumentado naman ang kanyang puso at nais niyang umalis at lumayo ngunit mabigat rin sa kanyang braso ang ulo nito.

"Manuela, pakiusap..."

"Hindi ba gusto mo ring dumating ang araw na mahalin kita? Na dumating ang araw na tignan kita na parang ikaw lang ang nag-iisang tao sa mundong ibabaw?"

"Manuela naman..."

"Ikaw ang huwag magsinungaling, Isidro. Bilang na ang araw ko at ayokong wala man lang tayong mapag-usapang ganito kung sakaling mamatay lang ako nang biglaan."

"Huwag mong sabihin iyan. May pag-asa pa. Naghahanap ang mga kapatid mo ng bagong manggamot... Huwag kang mawalan ng pag-asa."

"Mahal kita, Isidro."

"Manuela..."

Nakasimangot na tinitigan siya nito. Hindi naman niya binago ang ekspresyon sa mukha. Nanatili siyang mukhang nag-a-alala rito. Baka kasi dahil sa matindi nitong lagnat ay kung ano-ano na ang sinasabi nito. Matagal na niyang tinanggap na hindi siya mamahalin ng asawa. Kaya hindi siya papalag kahit anong sabihin ni Manuela.

"Kailangan ba halikan kita para lang iyong maramdaman?"

"Huwag mong subukan. Mabilis pa sa alas kwatro akong lalabas sa ating silid."

"Isidro."

"Manuela, maari bang 'wag na lang natin itong pag-usupan? Ikaw ang mas maging makatotohanan sa atin. Huwag kang magsinungaling sa iyong sarili."

Huminga ito nang malalim at kusang lumayo na sa kanya. Bumalik ito sa posisyon at nakasimangot na inunan ang braso sa ulo. "Oo, mahal ko pa rin si Pole. Habang buhay ko pa rin siyang mamahalin. Ngunit, mahal rin kita. Alam kong ni minsan hindi ko maibibigay sa'yo ang pagmamahal na katulad ng kay Pole. Ngunit, hindi ko rin maloloko ang aking sarili na wala akong mararandaman para sa'yo."

Napasuklay siya ng buhok at napailing. "Manuela," inabot niya ang pisngi nito. "Kung sakaling ibinigay mo ang mga liham na sinulat mo noon kay Apolinario, nasisiguro akong hindi tayo ikakasal."

Mabilis pa sa alas-kwatrong pinandilatan siya nito at biglang umupo. "A-Anong mga liham?"

Sumunod naman siya sa pag-upo nito at tipid na ngumiti. Mahal man talaga siya nito o hindi ay ayon pa lang sa reaksyon nito ay natitiyak niyang wala pa rin siyang pag-asa. "Nabasa ko ang mga liham na itinago mo sa kwartong ito, Manuela. Natatandaan mo ba nang iniwan mo ako noon? Naglilinis ako at nakita ko ang iyong mga liham."

Ang mga liham na halos isang araw ay nagpaluha sa kanya at ang naging rason para mas bumalik siya sa lupa. Kaya ni minsan hindi na siya naniniwalang maaring mahalin siya ng asawa. Nasa mga liham na iyon ang tunay nitong damdamin.

"Isidro..."

Kinuha niya ang mga kamay nito. "Kaya nga sinasabi ko sa'yo na ikaw dapat ang mas maging makatotohanan sa atin, Manuela. Nasa mga liham ang nararandaman mo at naniniwala akong hanggang ngayon ay iyon pa rin ang idinidikta ng iyong puso. At kung sa tingin mo talaga na bilang na ang iyong araw, hindi ba magandang ibigay mo ito sa taong nais mo sanang pagbigyan?"

Narandaman niya ang paghalik nito sa kanyang mga kamay at nakita niya ang pangingislap ng mga mata nito. Mukhang naluluha na naman ang asawa. "Ano bang ginawa ko para makuha ka, Isidro? Pakiramdam ko andami kong kasalanan sa iyo at ni minsan hindi man lang ako nakabawi... Ngunit, hindi mo pa rin ako itinatakwil. Andito ka pa rin sa aking tabi."

"Wala kang kasalanan sa akin, Manuela," malambot ang ekspresyong sagot niya rito. "Ako ang may kasalanan sa'yo. Dapat mas tinanong kita noon kung handa ka na ba, kung gusto mo ba talagang matali sa akin. Napansin ko naman ngunit, aaminin ko, naging makasarili ako at ipinilit ko pa rin ang gusto kahit na alam kong masasaktan ka lang sa kalaunan. Ako ang patawarin mo at ako ang mas maraming nagawang mali sa'yo."

Lumapit siya rito at hinalikan ito sa noo. "At hindi kita iiwan hanggang sa ikaw mismo ang magtakwil sa akin. Pangako ko iyan."

"Bakit ba tinatanggap mo lang ako kahit ganitong alam mong kulang ang naisusukli ko sa'yo?" walang emosyong tumawa ito at nakita niya ang awa sa ekspresyon ng asawa. Pati ito ay naawa sa kanya. Kung dati ay masakit iyon, ngayon ay napailing na lang siya.

"Mahal kita, Manuela. Iyon lang naman ang rason. Hindi ko naman gagawin ang mga bagay na ginawa ko kung hindi kita mahal. Mahal kita kahit wala kang maibigay sa aking kapalit. Mahal kita kahit hindi mo ako mahal. Patuloy kitang mamahalin, kahit ano pang sabihin mo riyan. At pakiusap, huwag kang magsinungaling na mahal mo ako kahit hindi."

Hinawakan nito ang kamay niya at humingi ng paumanhin. "Maraming salamat sa lahat lahat, Isidro. Maraming salamat at naging matatag ka para sa atin. Maraming salamat at binigyan mo ako ng dalawang mabubuting anak. Maraming salamat sa iyong pagmamahal. Hindi man kita kayang mahalin ay espesyal ka pa rin sa akin. Mahal pa rin kita kahit sa ibang paraan, Isidro."

Yumuko siya at hinalikan ito sa noo para itago ang pagpalit ng kanyang ekspresyon. "Walang anuman." Inihiga niya muli ang asawa sa kama bago umalis para kumuha ng bimpo na pampalit sa inilagay niya sa noo nito kanina. At pagbalik niya, inilagay niya ulit iyon sa noo nito.

"Pwede mo ba akong tabihan ulit, Isidro?"

Ngumiti siya at tinabihan ito. Hinawakan muli nito ang kamay niya at umibis ito papalapit. Hinayaan na niya ito. "Kung sakaling mamatay nga talaga ako..."

"Manuela..."

"Makinig ka muna sa akin... maari bang ibigay mo kay Pole ang mga liham? Alam kong huli na ang pagdating ngunit tama ka na kailangan niya ring mabasa ang mga iyon."

"Sige. Idadaan ko na lang kay Socorro at sisiguraduhin kong makakarating sa kanya. Iyon lang ba?"

"Makakaasa akong aalagaan mo naman si Lela at si Apolinario, hindi ba?"

"Makakaasa ka."

"Dadalhin mo si Pole sa aking puntod."

"Dadalhin ko siya."

"Aalagaan mo rin ang iyong sarili? Maghahanap ka ng bagong asawa?"

Napapailing naman siya sa mga tinatanong nito at marahang natawa. "Aalagaan ko talaga ang aking sarili. Ngunit, hindi ko maipapangakong maghahanap ako ng bagong asawa."

Saglit na binalingan siya nito ng tingin at narandaman niya ang paghimas nito sa likod ng kanyang kamay. Malambot ang mga maiinit na daliri nito sa malamig niyang kamay. "Mangako kang bubuksan mo na ang puso mo sa iba kapag wala na ako, Isidro."

"Ngunit--"

"Hindi ka naman pipigilan ng mga bata at para sa akin, mas magandang may tumayong ina muli sa kanila. Bata pa sila, Isidro. May tiwala akong makakaya mo itong mag-isa ngunit kailangan mo pa rin nang makakasama."

Hindi na siya umimik. Itinaas na lang niya ang kamay nito upang halikan. "Hindi ka mawawala nang basta-basta, Manuela."

"Kung sakali lang... Isidro."

Umiling siya at hindi na muling nagsalita. Hindi na rin ito umimik at parehas na lamang silang tumitig sa kisame. Hindi naglaon ay nakatulog na rin siya. Nanaginip pa nga siyang hinalikan siya ni Manuela at napapasuklay na lang siya sa buhok sa inis nang nagising siya.

"Manuela," inabot niya ito para sana gisingin ngunit napapitlag lang siya nang marandaman ang temperatura nito. Malamig ang kamay ni Manuela.

Kinakabahan na inilapit niya sa sarili ang asawa. Pinakiramdaman niya ang noo nito, wala na ang nakakapasong init doon. Nanginginig ang mga kamay na niyakap niya ito, sinusubukang ibigay rito ang init ng sariling katawan ngunit lumipas na ang ilang minuto ay walang bumalik doon at wala siyang narandamang pagtaas at pagbaba sa dibdib nito. Pati hangin ay wala na rin siyang narandaman sa baba ng ilong ng asawa.

Nanakit ang lalamunang wala sa sariling napasigaw siya at nag-uunahan ang mga luha niyang lumabas sa kanyang mga mata. Wala siyang marinig. Wala na siyang makita. Wala na.

Wala na si Manuela.

[ ika-siyam na araw ng Abril, 1903 ]

Sa mga huling parte ng kwento ni Isidro ay ni minsan hindi na nagsalita muli si Apolinario. Nanatili lang siyang nakatitig sa sariling mga kamay. Hindi naman maikakaila ang paglalamlam kanyang mga mata at ang katotohanang nagpipigil rin siya ng luha.

Ngunit, mas malakas siguro siya kaysa kay Isidro na kanina ay nahihirapang magkwento dahil hindi rin nito napigilang mapaluha nang ikwinekwento nito ang huling araw na nakausap nito si Manuela. Humingi pa nga ito ng paumanhin sa kanya. Umiling lang naman siya at inabutan ito ng panyo na mas lalo lang atang nagpaluha rito.

Hindi siya umimik. Nanatili siyang nakatitig sa mga kamay at hinintay na lang niyang matapos ang kwento ng senyor. Nang matapos na ito ay mas lalo lamang silang natahimik. Kinausap niya lang ito para tanungin kung malapit na ba sila o kung may malapit bang pagbilihan ng mga bulaklak.

Sakto namang may madadanan sila at doon tumigil ang kalesa. "Anong bulaklak ang nais mong bilhin, Pole?" tanong sa kanya ni Isidro na siyang pinagdudahan niya. Ang alam niya ay dapat alam na nito kung ano iyon. Ngunit, kung hindi pa ay...

Tinitigan lang naman siya nito at halata sa ekspresyon nitong wala talaga itong alam tungkol doon.

Manuela... Masyado nating pinahirapan ang ginoong ito. Nakakalungkot na kailangan humantong sa ganito ang mga pangyayari.

"Mga puting orkidyas, Isidro."

Hindi na niya sinabi sa lalaki na iyon ang paboritong bulaklak ni Manuela. Hindi nito kailangang malaman kung sakaling makakasakit man iyon. Tumango naman si isidro at lumapit sa tindera upang bilhin ang bulaklak bago ito bumili ng mga puting rosas.

Nang matapos ito ay bumalik na ito sa kalesa at nagpatuloy na ang pagpapatakbo niyon. Hindi naglaon ay nakarating sila sa puntod ni Manuela. Doon naman nagkaroon ng bikig sa lalamunan si Apolinario. Siyam na taon siyang hindi nakasagap nang kahit anong balita sa iniirog.

Kung kailan siya nakakuha ng balita ay malalaman lang niyang patay na pala ito. Ang akala pa naman niya ay mananatili itong buhay nang mas matagal pa kaysa sa kanya. At habang papalapit na siya sa lapida nito ay hindi na rin niya napigilang lumuha. Nauna si Isidro na nagbaba ng mga rosas habang ibinababa naman siya ni Ginoong Sandoval.

"Manuela... Tulad nang ipinangako ko sa'yo, nandito na si Pole." Saglit na hinawakan ni Isidro ang lapida bago tumayo at tinapik-tapik ang kanyang balikat. "Tawagin mo na lamang ako kung nais mo nang bumalik. Doon na muna ako sa kalesa."

"Maraming salamat, Isidro."

"Walang anuman, Apolinario."

Iniwan na siya nito at doon siya bumaba sa kanyang upuan. Dahan-dahan siyang lumapit sa puntod ng iniirog. Hindi niya napigilang mas mapaluha nang mahawakan na niya ang nakaukit na pangalan nito.

"Manuela..." nahihirapang wika niya. "Nandito na ako, Manuela... Dala-dala ko rin ang paborito mong bulaklak." Ibinaba niya ang mga orkidyas sa tabi ng mga rosas. "Pasensya ka na at ngayon lang ako nakarating. Pinaghintay na naman kita..."

Hindi na siya nakapagsalita pang muli dahil napayuko na lamang siya sa puntod nito at napahagulgol. Nagkahalo-halo na ang emosyon sa kanyang dibdib. Andoon ang pighati, pagsisi, pait, at pagmamahal. Masakit. Napakasakit sa dibdib.

Ilang minuto siyang nanatiling nakayuko sa harap ng lapida at wala siyang ibang ginawa kundi tahimik na humingi ng paumanhin. Sinabi niya rin ang lahat ng gusto niya pang sabihin na hindi niya naisulat sa mga liham niya. Sinabi niya rin na mahal niya ito, na mahal na mahal niya ito at makakasiguro siyang tutuparin niya ang pangako niyang hinding-hindi na niya ito pakakawalan sa susunod na mundo.

At nang datnan siya ni Isidro ay nagmamadali pang itinaas siya ng lalaki at tinanong kung may nangyari bang masama sa kanya. Umiling lamang siya at nagpasalamat nang tinulungan na siya nitong makabalik sa upuan.

"Sigurado ka bang ayos ka lang, Pole?" nag-aalalang tanong nito.

Ngumiti siya, kahit maliit lang iyon at tipid saka tumango.

"Nais mo na bang bumalik?"

"Wala ka bang sasabihin kay Manuela?"

Itinaas niya ang ulo para tignan ito at katulad niya ay ngumiti rin ang lalaki, maliit at tipid. "Bibisita na lamang ulit ako bukas. Sa tingin ko mas mabuting kayo na lang muna ang nag-usap ngayon. Kung nais mo akong samahan sa pagbisita muli ay sabihin mo lamang sa akin."

Tumango siya at nag-alok muli itong ibalik na siya at siya'y sumang-ayon. Tumulong naman si Mang Sandoval sa pagbuhat ng upuan at doon lamang siya nagsalita patungkol sa mga huling parte ng kwento nito. "Minahal ka niya, Senyor Salazar. Maniwala ka dahil kilala ko si Manuela."

"...Mapagbiro ka rin pala."

Marahan naman siyang natawa sa sinabi nito. "Matanda na rin ako, Isidro. Hindi ako nagbibiro sa mga ganitong bagay. At sa tingin ko, gusto ring sabihin ni Manuela, na huwag mo nang sisihin ang iyong sarili. Wala kang kasalanan sa mga naganap. Kung tutuusin, parang kami pa ang may kasalanan sa iyo."

Wala naman siyang nakuhang sagot mula sa lalaki. Hinintay niya itong sumagot.

"Ikaw rin, Pole. Huwag mo ring sisihin ang iyong sarili. Pakiramdam ko iyan rin ang gustong sabihin ni Manuela." Ito naman ang marahang natawa. "Nakakatawa tayong tatlo, Pole. Hindi ko alam bakit nag-ekis ekis pa ang ating mga landas ngunit hindi ko naman masasabing pinagsisihan kong nakilala ko kayo ni Manuela.

"Pakiramdam ko nagkaroon ako ng dalawang matalik na kaibigan. Alam kong sa susunod na panahon ay ako naman na ang magbibigay daan para masigurong hindi na kayo maghihiwalay. Ngunit, sana'y maging kaibigan ko pa rin kayong dalawa."

Tinapik niya ang kamay nito. "Pangako, kakaibiganin kita kung dumating man ang panahon na iyon."

"Maraming salamat, Pole."

"Maraming salamat rin, Isidro."

Kung nung una ay nahihiwagaan siya kung bakit dumating ang asawa ni Manuela sa tahanan niya ay ngayon, nagpapasalamat na lamang siya na nagkaroon ito ng lakas ng loob na puntahan siya. May mga parte man sa kwento nito kung saan hindi niya mapigilang hindi mainggit o magselos ay ngayon isinasantabi na niya. Tao lamang naman ito. Sadyang parehas lang sila ng babaeng iniibig.

At nagpapasalamat na rin siya na sa dinami-dami ng taong pwedeng kumuha sa iniirog ay kay Isidro ito napunta dahil alam niyang inilagaan ito ng lalaki hanggang sa pinakahuling sandali nito. Kahit wala siya sa tabi ni Manuela ay hindi ito nagkulong sa pagmamahal mula sa iba.

Hindi man nila lahat nakamit ang gusto nilang makamit sa panahong ito ay wala na siyang reklamo. Siguro nga kailangang maganap ang naganap. Hinubog naman sila noon at kahit iba-ibang daan ang tinahak nilang tatlo sa hinaharap ay nag-ekis pa rin ang mga daan nila.

Pati siya'y hindi na rin nagsising nakilala ito.

~ ~ ~

Nang makabalik na sila ay naroroon si Lela at Apolinario. Sabay na lumapit ang mga bata at niyakap ang Ama. Magiliw na nagpaalam rin ang dalawa sa kanya at hindi niya inaasahan ang biglang pag-upo ni Apolinario sa kanyang kandungan.

"Ginoong Pole, may sasabihin po ako," hinawakan nito ang tela ng damit niya at pilit na hinihila siya pababa. Nakangiting nagpahila naman siya at may ibinulong naman sa kanya ang batang nagpagaan ng kanyang damdamin. "Magkikita pa po tayo, hindi po ba? Pasensya na po at nahiya po ako sa inyo noong una. Ngunit, gusto ko po kayong makita muli. Kwentuhan niyo po ako ng tungkol kay Inay."

Inilagay niya ang kamay sa ulo nito matapos nitong bumulong at lumawak ang ngiti niya. "Pangako... Apolinario." Medyo hindi pa rin siya sanay na tawagin ito sa pangalan ngunit hindi na lang niya iyon pinansin.

Bumaba ang bata mula sa kanyang kandungan at sumunod naman si Lela na niyakap naman siya. "Ang sabi po ni Inay ay kung makita ko po kayo ay yakapin ko raw po kayo para sa kanya," sabi naman nito at bago pa siya makaalma ay hinalikan naman siya nito sa pisngi. "Mahal ka po ni Inay, Ginoong Mabini."

Nagulat naman siya sa sinabi at ginawa ng bata ngunit natutuwang ibinalik na lang niya ang yakap nito. Pakiramdam tuloy niya ay sa kanya ang mga batang iyon kahit hindi naman. At iba ang pakiramdam na dulot ng mga ito sa kanya at hindi niya napigilang isipin kung ano ang mangyayari kung sakaling ang mga ito talaga ang anak niya. Umiling na lamang siya.

"Sa susunod muli, Pole. Maraming salamat sa pag-unlak mo sa aming pagbisita," panghuling bati naman ni Isidro. Sinserong ngiti ang nakapaskil sa mga labi ng lalaki. Hindi na katulad noong una niya itong nakita na halos wala siyang mabasang ekspresyon rito.

Ibinalik niya ang ngiti nito. "Maraming salamat rin sa pagbisita. Andito lamang ako kung nais niyong bumisita muli."

Sinundan niya ng tanaw ang mag-ama mula sa kanyang bintana, magiliw na kumakaway ang mga bata sa kanya hanggang sa nakalayo na ang kalesa. At hindi na nawala ang ngiti sa kanyang mga labi hanggang sa gumabi at dumilim.

Maraming salamat at hinayaan mong makilala ko sila, Manuela.

~~~

Sa susunod na buwan, sa ika-labintatlo ng Mayo sa pagpasok ni Pedro ay napansin niyang hindi pa gising si Apolinario. Maaga itong nagigising kaya hindi niya mapigilang magtaka. Lumapit siya rito. Ang lalaki ay nakangiti at magkasalikop ang mga kamay. Payapa ang ekspresyon sa mukha nito na parang maganda ang naging panaginip nito.

"Ginoo?" Inilagay niya ang kamay sa balikat nito para sana ito'y gisingin at baka napuyat lamang ito sa nakaraang gabi. Nagulat na lamang siya nang maramdaman na malamig na ang balikat nito. Kinabahan siya at inilagay naman ang kamay sa mga kamay ng ginoo ngunit malamig na nga talaga iyon.

Sa ika-labintatlo ng Mayo ay sumunod na rin sa paghimlay si Apolinario Mabini.