Chereads / Aza&Miguel / Chapter 4 - Chapter 4

Chapter 4 - Chapter 4

Hanggang sa bahay, inaasar ako ni Michelle tungkol kay Aza. Paano ba naman si Aza kasi pabigla bigla? Alam ko naman na wala lang yung halik niya, sanay lang siguro siya gawin yun sa ibang tao, pero kasi, sabi nga ni Michelle, gusto ko si Aza, love at first sight.

"Feeling ko kuya, may pag asa ka kay Ate Aza. Kinikilig ako sa inyong dalawa." nagmano kami kay Nanay at Tatay pagpasok sa bahay, binigay ko kay Nanay ang donut na pasalubong namin sa kanila.

"Sino naman iyang si Aza?" tanong ni Nanay.

"Naku, nay! Si Kuya, ang ganda ganda ng crush niya. Si Ate Aza, kasama namin kanina sa MOA namasyal kami at nanuod ng fireworks."

Umupo si Michelle sa tabi ni Tatay at minasahe ang paa nito, dahil paborito ni Tatay ang masahe ni bunso.

"May pinopormahan ka na Miguel?"

"Wala Tay, wag kayong nakikinig diyan kay Michelle. Kaibigan lang po si Aza"

"Nasa tamang edad ka naman na, ligawan mo na."

"Hindi Tay, kaibigan lang talaga atsaka may boyfriend na si Aza."

"Boyfriend pa lang naman, hindi pa asawa" sabat ni Nanay. Itong mga magulang ko talaga, kulang na lang ibugaw ako sa labas ng bahay namin.

"Gusto niyo na ba talaga akong magka syota?" tanong ko sa kanila ng pabiro. At ang sagot nilang lahat sa akin ay "Oo"! Napakamot na lang ako sa ulo. Sabay sabay kaming kumain ng gabihan at nanuod ng pelikula sa TV. Bukas balik na naman sa kalye at kalsada ang buhay ko, kailangan na ulit mamasada at kumita ng pera. Nauna na akong magpahinga sa kanila at maaga pa ang biyahe ko bukas.

"Good night sa inyong lahat. Matutulog na ako, kailangan na bumiyahe bukas."

Humalik muna ako kay nanay at nagmano kay tatay bago pumasok sa kwarto para matulog. Habang nakahiga ako sa kama, hawak hawak ko pa din yung pisngi ko kung saan ako hinalikan ni Aza. Nababaliw na yata ako, nakakatawa. Bago ko ipikit mga mata ko, tumunog ang cellphone ko, may nag text. Sino naman? Kinuha ko ang cellphone at binasa. Talaga naman..paano ako matutulog niyan?

"Good night, Migs! Thank you for this day. - Aza"

Agad agad akong nagreply ng good night. Excited na akong makita siya ulit pero ngayon matutulog muna ako, babalik na ako sa pasada bukas at kung suswertehin ay baka maging pasahero ko ulit si Aza.

Alas singko ako ng umaga gumising, tulog pa silang lahat. Nagluto na lang ako ng instant noodles at nagtimple ng kape para sa almusal, ayaw ko na sila gisingin. Pagkatapos ng almusal ay naligo na ako umalis.

Ang unang pasahero ko ay papunta ng makati, call center agent. Pagdating sa makati ay diretso naman akong Taguig, tapos balik na naman sa Makati at diretso ng Quiapo. Pagsapit ng tanghali ay pumarada muna ako sa isang karinderya na nakita ko sa daan, gutom na ako. Habang kumakain ay binabantayan ko ang cellphone ko at nag aabang ng message o kaya tawag ni Aza, pero natapos na lang ang tanghalian ko, wala pa din. Sandali lang, bakit naman niya ako tatawagan o itetext? Ano ba niya ako? Baka magtetext lang yun kapag kailangan na niya kuhaan si Michelle ng litrato para sa portfolio niya at pagkatapos nun, wala na.

Pagkatapos ng tanghalian ay may pasahero akong papunta ng La Salle, ibig sabihin pa Vito Cruz ang daan namin. Habang binabaybay namin ang kahabaan ng Vito Cruz, pinapanalangin ko na sana makita ko si Aza sa harapan ng condo kung saan siya nakatira. Pumara na ang estudyante ng La Salle at binigyan pa ako ng tip dahil natuwa daw siya sa akin at ang bait ko daw na taxi driver.

Sa kasamaang palad, hindi ko nakita si Aza kaya pinagpatuloy ko na lang ang biyahe ko. Memoryado ko na ang pasikot sikot ng Metro Manila, dalawang taon ba naman na akong taxi driver eh. Minsan na din akong naholdap buti at hindi na naulit, nag iingat na ako ngayon. Hindi ko namalayan, alas siyete na pala ng gabi, dalawang oras na lang, uuwi na ako pero wala pa din ni anino ni Aza.

Ayoko na sanang dumaan sa Vito Cruz pero wala naman akong choice dahil doon ang daan ko pauwi. Bigla kong gusto umorder ng burger at fries kaya nag drive thru na lang ako at sa di inaasahang pagkakataon, nakita ko si Aza pero kasama niya si Franco at mukhang masaya siyang nagkekwento. Habang pinagmamasdan ko sila sa labas, nakikita kong bagay talaga sila, parehong sosyal, parehong mayaman, maganda at gwapo, ano ba naman panama ko kay Franco? Mestisuhin at malaki ang katawan, ako? Hamak na taxi driver.

"Hay, Miguel. Umuwi ka na at sinasaktan mo lang sarili mo."

Hindi na ako kumuha ng pasahero, binuksan ko ang radyo at parang nang aasar lang, puro kanta ng bigo ang tumutugtog. Gustong ipagsigawan na isang pangarap lang si Aza, pangarap na hindi maaabot. Pagdating sa lugar namin ay pinarada ko na ang taxi at naglakad pauwi sa bahay. Maya maya lang nag ring ang cellphone ko.

Si Aza, tumatawag. Sasagutin ko ba? Natapos ang ring pero nag ring ulit, sige na nga, sasagutin ko na.

"Hello, Aza?"

"Hi, Migs. Sorry, nasa biyahe ka pa ba?"

"Hindi, kakaparada ko lang, pauwi na. Napatawag ka, may problema ba?"

"Wala naman, libre na ba si Michelle bukas? Gusto ko na sanang simulan yung portfolio ko."

"Oo naman, kausapin ko."

"Baka pwedeng i hire din kita as service? Hindi available si Franco eh, may lakad siya bukas. Kung, okay lang naman, kung hindi, I'll check my friends."

"Ayos lang, Aza. Sige, ako na lang."

"Oh my, thank you so much Migs. Hulog ka talaga ng langit. See you tomorrow, Good night."

"Good night, Aza."

Hindi ko po alam lord kung bakit niyo pinaglalaruan ang puso ko pero hahayaan ko na lang po kung anong plano niyo sa akin at kay Aza.

Pagdating ko sa bahay ay binalita ko kaagad ang sinabi ni Aza, tuwang tuwa naman si Michelle at ihahanda daw niya ang mga damit niya dahil tinext na sa kanya si Aza ang mga damit na kailangan niya, ang make up daw ay si Aza na ang bahala.

"Ipakilala mo nga sa amin iyang si Aza, mukhang mabait na bata yan, Miguel. Swerte ka dyan."

"Nay, kaibigan lang po si Aza."

"Alam namin, gusto lang namin makilala ng tatay mo dahil kwento ng kwento itong si Michelle na maganda daw at mabait."

Tumango na lang ako at nagpahinga, nakakapagod ang araw na ito.