Chereads / Aza&Miguel / Chapter 6 - Chapter 6

Chapter 6 - Chapter 6

Pagkatapos ng Tagaytay ay isang linggo din kaming hindi nagkita ni Aza, pero madalas kaming magka usap sa cellphone, paggising sa umaga at bago matulog sa gabi. Para kaming may relasyon pero wala, kasi may Franco siya, pero ayos lang, swerte ko pa din dahil habang tumatagal, mas lalo kong nakikilala si Aza. Habang nag aalmusal kami nila Nanay, nag ring ang cellphone ko, agad agad kong sinagot, si Aza kasi yung tumatawag.

"Aza, good morning." nakangiti kong sabi.

"Good morning, Migs. Hatid mo naman ako oh, nasa biyahe ka ba? Hindi kasi pwede si Franco eh. Kailangan ko lang ipasa portfolio ko sa may QC, kung ayos lang naman sayo. Dito ka na din mag breakfast"

"Oo naman, nasa bahay pa ako. Mga 15 minutes siguro nandyan na ako sa tapat ng condo."

"Thank you so much, Migs. See you."

"Wala yun, see you."

Pagkababa ko ng cellphone ay nakatingin silang lahat sa akin, lalo na si Nanay.

"Hoy Miguel, tumawag lang yung babae aalis ka na agad? Atsaka hindi ba sabi mo may nobyo na yan, bakit parang gabi gabi na lang kayo mag usap?"

"Close lang kami, Nay. Doon na din ako mag aalmusal sa unit niya. I love you nay, Tay, alis na ako. Michelle mag commute ka na lang ah."

Bago ako makalabas ng bahay ay narinig ko si Michelle. Sabi niya asang asa daw ako kay Aza, napangiti lang ako kasi totoo. Hindi ko na nga iniisip na may Franco, ang mahalaga masaya ako at si Aza ang dahilan nun. Nagmadali akong magmaneho papunta sa Vito Cruz dahil taga Buendia lang naman ako. Kilala na ako ng receptionist nila laya dire diretso na ako sa unit niya. Unang doorbell pa lang, bumukas na ang pinto. Bumungad sa akin ang naka bathrobe na si Aza, mukhang napaaga ako ng dating.

"Sorry, sige bihis ka muna. Napaaga yata ako ng dating." sabi ko kay Aza.

"No, It's okay, ikaw lang naman yan. Pasok ka na, bibihis lang ako sa kwarto, may breakfast na sa table."

Pumasok na ako at hinintay si Aza bago mag almusal. Paglabas niya ay nagsimula na kaming kumain. Pinakita niya din sa akin ang portfolio niya, ang ganda ng mga kuha niya, binigyan niya ako ng kopya para daw kay Michelle. Pagkatapos mag almusal ay umalis na kami para pumunta sa Cubao kung saan ipapasa ni Aza ang mga kuha niya.

"Matutuwa si Michelle dito, salamat ah."

"No, thank you, kasi malaki ang naitulong niyo sa akin, lalo ka na. I feel so lucky to have you, Migs."

Ang swerte ko din, Aza.

"Okay lang kahit wag no na akong sunduin, baka mga ala una pa ako makakauwi, bumiyahe ka na, sayang naman ang araw." pagdating namin sa Cubao ay nagpaalam na si Aza sa akin. "Thank you, talaga Migs ah." hinalikan niya ulit ako sa pisngi bago bumaba, sabay kaway at ngiti, ngumiti ako pabalik. Ang saya saya ko, nagsisimula pa lang ang araw, buo na yung akin. Kumuha ako ng pasahero sa cubao dahil alas nuwebe pa lang naman, mamayang ala una ay susunduin ko si Aza.

"Kuya sa may Espana lang po kami."

"Sige po, sakay na."

Napapansin ko na kinukuhaan ako ng picture ng dalawang estudyante na nakaupo sa likod ng taxi. Isusumbong ba nila ako? Para saan eh ang bait ko nga? May mali ba sa itsura ko ngayon? Bahala na nga, alam ko naman na wala akong ginagawang masama, diyos ang nakakaalam. Pag para nila sa Espana ay biglang nagsalita ang isa sa kanila, nag iwan pa ng calling card.

"Maam para saan po ito?"

"Kuya ang pogi mo kasi, ngayon kailangan namin ng model para sa project, kung okay lang po sa inyo, ayan po contact number namin. Bye kuya, thank you. Keep the change na po."

Natawa lang ako sa kanila dahil para silang mga bulate na nahagisan ng asin, hindi mapakali, mga kabataan talaga ngayon o. Kumuha pa ako ng pasahero pero sinigurado ko na pa Cubao ang biyahe dahil alas onse na, gusto ko masundo si Aza. Nagkaroon pa ako ng dalawang pasahero, at sakto, ala una na, nag park ako sa harapan ng building kung saan ko hinatid si Aza kanina. Kumusta kaya ang presentation niya? Dahil may malapit na food chain ay kumain muna ako at nag take out na din para kay Aza. Sa totoo lang, hindi ko naman ito dapat ginagawa dahil alam kong may boyfriend si Aza pero naisip ko, kung sakaling mapagtanto ni Aza na mas okay akong kasama kaysa kay Franco, kung sakali lang naman, baka iwan niya si Mestizo para sa akin, kung mangyayari yun, talaga namang jackpot! Kaya ko naman patunayan sa kanya na mas magiging masaya siya sa akin kaysa sa hilaw niyang nobyo.

Tumambay muna ako sa lobby ng building at nang makita ko si Aza, tinawag ko siya.

"Migs! Kanina ka pa?" lumapit si Aza sa akin, nakangiti at medyo nasupresa.

"You suprised me ah! Ano yan, para sa akin ba yan?" tanong niya sa dala kong burger at fries. Inabot ko sa kanya at tinulungan siya sa mga dala niyang boards at envelopes. Pagdating namin sa taxi ay agad agad siyang kumain, tama ang hinala ko at nagutom nga ang anghel ko.

"Thank you so much, I'll pay you promise."

"Hindi na, kusa naman ito. Atsaka bumiyahe din naman ako, kumita din ako bago ako maghintay sayo. Kumusta ang presentation mo?"

"Really? Super sweet mo talaga Migs. The presentation went well, nagustuhan nila yung mga kuha ko so they will call me para sa projects nila next month, I'm so excited!"

"Maganda kung ganun, ang ganda naman kasi talaga ng mga kuha mo, pati ikaw, maganda din"

Tumingin lang sa akin si Aza at ngumiti, maya maya lang ay nakayakap na siya sa akin. Ang sarap sa pakiramdam.

"Alam mo Migs, sana ikaw na lang si Franco, you're the sweetest kasi. You make my heart full."

Gusto ko sanang sabihin na iwanan na niya si Franco, pero hindi ko na tinuloy at iniba ko na lang ang topic. Dahil wala siyang meeting next week, napagdesisyunan namin na ituloy yung trip namin sa Baguio, wala din sa bansa si Franco, may business trip abroad kaya libre si Aza. Hinatid ko si Aza sa condo at pinagpatuloy ang biyahe, tatawag na lang ako mamaya kapag nakauwi na ako sa bahay, kailangan din ni Aza magpahinga.

Naging maayos ang biyahe ko maghapon hanggang gabi, malaki laki din ang kinita. Mga alas nuwebe ng gabi ay umuwi na din ako, sasabay ako sa hapunan sa bahay at magpapaalam din ako na pupunta akong Baguio next week, birthday ko na din naman.

Pagdating ko ng bahay, nakaready na ang hapunan, ako na lang pala ang hinihintay ng lahat, nasa bahay din si Ate Maya pati yung dalawa kong pamangkin.

"Hello, Miguel. Ngayon lang tayo ulit nagkita, musta ka na? Kanina ka pa hinihintay ng mga pamangkin mo." agad agad na tumakbo ang kambal sa akin, nagmano sila at humalik sa akin.

"Hello Tito Miguel, namiss po namin kayo."

"Namiss din kayo ni Tito kambal. Maglaro tayo ulit?"

"O siya, mamaya na yan, kumain muna." sabi ni Nanay at sabay sabay kaming kumain ng specialty ni Nanay na Sinampalukang manok at pakbet.

"Gumagwapo itong anak niyo nay, hindi na masyadong mukhang taxi driver, anong meron?" tanong ni Ate Maya kay Nanay. Si Ate Maya talaga.

"Naku, may kinababaliwan na babae yan, Maya. Pagsabihan mo nga dahil may nobyo na yung babae pero pinopormahan pa din niya."

"Ano? Kumakabit ka ngayon? Napaka gwapo mo para kumabit, sino ba yan?"

"Anong kumakabit? Walang ganun, close lang kami ni Aza, ayun lang yun. Masaya lang kami sa isa't isa." sagot ko kasi totoo naman, hindi naman ako kabit. Pwede lang naman akong tawaging kabit kung may relasyon kami ni Aza, pero wala.

"Kita mo Nay, linya nga ng mga pangalawa yan." sagot ni Ate Maya. "Concern lang kami sayo ah, Miguel. Mahal ka naming lahat, ayaw namin na masaktan ka "

"Alam ko naman ginagawa ko Ate Maya. Mabait si Aza, hindi niya din naman gusto na masaktan ako. Kung makikilala niyo siya, sigurado ako magugustuhan niyo din si Aza, hindi ba Michelle?"

"Opo Nay, mabait at maganda si Ate Aza kaya yan si Kuya, asang asa" pang aasar ni Bunso. Wala ba akong kakampi dito? Si Tatay naman nakikinig lang.

"Ikaw na ang bahala, kilala ka naman namin, Miguel. Kung saan ka masaya, masaya na din ako" sa wakas, may kakampi ako, si Tatay. Tinapos ni Tatay ang usapan tungkol kay Aza at nagtanong tungkol sa kambal at bagong bahay nila Ate Maya sa kabilang barangay lang namin. Bigla kong naalala yung envelope na binigay ni Aza, mamaya na lang pagkatapos kumain.

Dahil nasa bahay ang kambal, manunuod na naman sila nanay at tatay ng cartoons, bonding nilang mag lola at mag lolo, kami naman nila Ate Maya at Michelle ay naka tambay sa loob ng kwarto ko. Inabot ko kay Michelle yung envelope.

"Ano ito Kuya?"

"Bigay ni Aza, yung mga pictures mo yan."

"Talaga?! OMG, excited na ako."

Binuksan nila ang envelope at tuwang tuwa si Michelle sa mga kuha niya, natutuwa din si Ate Maya. Bigla silang tumiling dalawa dahil sa isang picture. Ano kaya yun? Hindi ko kasi sinilip yung envelope kanina.

"Ang pogi o! Model ang mga ngiti. Ngiti ng isang in love!" pang aasar ni Ate Maya. Kinuha ko yung picture, yung kuha ko kay Aza, pati pala ito sinama niya.

"Saan si Aza dito? Puro si Michelle at ikaw lang ito eh." dagdag pa ni Ate Maya. Agad agad naman kinuha ni Michelle ang cellphone niya para ipakita si Aza, pati yung picture namin na magkahawak kamay sa tagaytay.

"Kaya naman pala inlove ang only boy natin, maganda naman pala itong si Aza."

"Mabait pa yan, sabi ko nga sainyo, magugustuhan niyo si Aza. Next week nga aalis kami eh, punta kaming Baguio."

"Eh paano yung boyfriend niya? Alam ba na may out of town kayo?" tanong ni Michelle.

"Syempre sasabihin ni Aza yun. Nasa abroad si Franco, next month pa ang uwi"

"Siguraduhin mo lang ha, ayaw namin na uuwi ka ng bahay puno ka ng bugbog dun sa boyfriend. Mag iingat ka Miguel."

"Opo Ate, alam ko yun."