"Iire mo! Kapag sinabi ko iire mo ng malakas!" Ang sabi ng matandang babae na nagpapaanak kay Lorna. Nasa sala ng maliit na bahay si Toni na asawa ng nanganganak kasama ng ina niya. Nakaluhod ito sa sala at may hawak na rosaryong kahoy habang nakaharap sa bintana. Bahay na kahoy at pinagtagping dayami lamang ang kanilang tahanan dahil mahirap lamang sila. Isa lamang magsasaka si Toni at labandera naman si Lorna kaya ganoon lamang ang kanilang buhay. Patuloy ang walang humpay at may kalakasan na dasal ng kaniyang ina at nakatingin sa buwan.
"Inay, ano na po?" Tanong ni Toni na patuloy na kinakabahan. Tumigil sa pagdarasal ang matanda at bumaling sa kaniya.
"Masama, nagsisimula na ang pagpula ng buwan." Sagot naman ng matanda.
Isang pamahiin kasi sa kanilang baryo na masamang manganak ang isang ina kapag kulay pula ang buwan. Isa iyong sumpa at isang kabastusan para sa mga demonyo dahil sinasabing pumupula lamang ang buwan dahil hudyat iyon ng pagsilang ng isang demonyo. Hindi naniniwala si Toni sa pamahiin na iyon pero hindi na rin masamang maging maingat.
"Inay, hindi naman po siguro totoo iyon. Pamahiin laang iyon." Sagot naman niya.
"Hindi iyon pamahiin lang Tonyo! Ang pagsabay ng pagsilang sa pulang buwan ay isang malaking kalapastanganan sa mga demonyo. Hindi magiging maganda ang kapalaran ng bata kapag..."
Hindi nito naituloy ang sinasabi dahil sa isang malakas na sigaw na pinakawalan ng kaniyang asawa. Tumingin sila sa labas ng bintana at napahawak na lamang sa bibig ang matanda nang makita ang buwan.
Ang buwan ay namula kasabay ng pag-iyak ng batang sanggol.
Ilang sandali pa ay pinayagan na silang makapasok sa loob ng kwarto at nasilayan ang anghel na isinilang ng kaniyang asawang si Lorna.
"Isang napakagandang babae... kaso... sumabay siya sa pulang buwan. Hindi ito maganda." Ang sabi ng babaeng nagpaanak sa kaniyang asawa.
"Hindi po iyon totoo. Ang mahalaga ay isinilang si Alice." Sabat niya dito.
"Iyon ba ang pangalan niya? Bakit?" Tanong ng kaniyang ina.
"Ano... tunog matapang lang po kasi." Kakamot-kamot na sagot naman niya. Umiling na lamang ang matanda.
Hindi nila napapansin ang takot na tingin ng nagpaanak sa likuran ng batang babae. Isang itim na usok na nakadikit sa likuran ng sanggol na isinilang sa ilalim ng pulang buwan.
"Isang masamang pangitain." Bulong nito.
Masayang niyakap ni Toni ang sanggol habang nag-aalala ang dalawang matandang babae.
"Kambal ng pulang buwan."