Nang gabing yon ay bisita ni Carlee sa kanilang bahay ang kaibigang si Liza. Bago sya nag-leave ay ibinigay nya sa boss nya ang telephone number nito bilang contact number. Sa sentro ng bayan kasi ito nakatira at doon lamang may linya ng telepono. Ang lugar kasi nila ay masasabing ilang na bahagi ng Santa Quiteria kaya hindi pa abot ng linya ng telepono.
Ang reason kaya dinalaw sya ng kaibigan ay dahil tumawag umano rito ang isang representative ng SM Giants at nagbilin na bukas ng umaga darating ang mga basketball equipments na hinihintay nila. Hindi rin naman ito nagtagal at umuwi na.
Kinaumagahan ay sumama uli sya sa binata sa plaza dahil kailangan nyang asikasuhin ang delivery ng equipments. Maaga silang umalis ng bahay dahil expected nilang maaga din ang dating ng delivery truck. Pagdating nila sa plaza ay naroon na nga ang delivery truck ng SM.
Kinausap muna nya ang driver at ang dalawang pahinante bago isa-isang ibinaba ng mga ito ang mga kargada. Marami-rami rin ang mga iyon. Merong fiberglass backboard, goalpost, scoreboard, mga bola at kung ano-ano pa.
Sa ngayon ay hindi pa nila mapapakinabangan ang mga equipments hangga't hindi naa-assemble ang mga 'yon. Kinausap nya ang nangangasiwa sa plaza. Alam nyang mayrong space sa ilalim ng bleachers na puwedeng paglagyan ng mga gamit. Nakiusap sya kung maaaring doon na muna nila ilagay pansamantala ang mga equipments. Pumayag naman ito.
Pagkatapos maibaba ang lahat ng mga gamit ay lumapit sa kanya ang pahinante, binigyan sya nito ng dalawang pirasong papel. Ang isa ay resibo at ang isa naman ay mensahe mula sa SM Giants. Napangiti sya nang mabasa ang nakasulat. Hindi na raw babawiin ang mga equipments pagkatapos ng clinic. Donation na ng kompanya ang mga iyon sa munisipyo nila. Natuwa sya dahil malaking tulong iyon at tiyak na mapapakinabangan ng mga bata sa kanila.
"Why are you smiling?"
Nag-angat sya ng ulo sa tanong na yon ni Jason na nasa tabi na pala nya. Sa halip na tumugon ay iniabot nya rito ang sulat na hindi nito kinuha. Instead ay dumukwang ito ng bahgya para mabasa ang nakasulat sa papel. Nanuot sa ilong nya ang mabangong scent ng binata. Tumulong ito sa pagbubuhat ng mga equipments kanina kaya medyo pawisan na ito pero hindi ito amoy-maasim. Ang bangu-bango pa rin nito. Amoy bagong tuyong sinampay na winisikan ng konting aftershave cologne. Nag-iba ang pakiramdam nya.
"Cool." Nakangiti ding sabi nito pagkatapos mabasa ang nakasulat.
Nagpaalam na sa kanila ang driver at mga pahinante. Pag-alis ng mga ito ay saka namang pagdating ng mga estudyante ni Jason.
Tulad ng nagdaang araw, pinanuod uli nya ang clinic. Naisp nyang mainam na makinig sya roon para madagdagan ang kaalaman nya sa basketball. Kailangan nya yon sa trabaho nya. Hah! Who was she kidding?!
Nag-sit in din sya sa clinic kinabukasan at nang mga sumunod pang araw. Kamukat-mukat nya ay one week na pala ang lumipas. Sa loob ng panahong yon a unti-unting nagbago ang impression nya kay Jason. Bawat araw na nagdaan ay nadadagdagan ang paghanga nya rito. Kahit naman noon ay hindi nya itinatanggi na attracted sya a physical na anyo nito. She's not blind. Totoong gwapo ito sa boy-next-door na kahulugan ng salita. But now na nabigyan sya ng chance na makasama ito ng mas matagal-tagal ay na-realize nya na higit pa sa physical na anyo, mas kahanga-hanga ang character nito. Una, napatunayan nya na humble ito. Sa kabila ng narating nito sa buhay ay nanatiling nakatapak sa lupa ang mga paa nito. Wala ito ni bahid ng ere sa katawan. Hindi ito nag-aalangan na ipakita sa iba sa hindi ito perfect, na like everyone else may mga kahinaan din ito. Sa itinagal nya sa trabaho ay marami-rami na rin syang nakasalamuhang basketbolista at mabibilang nya sa mga daliri nya sa kamay ang mga tulad nito, namasasabi nyang totoong tao at likas ang kababaang-loob.
Ang isa pang katangian nito na napahanga sya ay mahusay itong makipag-kapwa tao. Mapabata o matanda, babae o lalaki, mapamayaman o mahirap, lahat ay pinakikitunguhan nito ng maayos. Kaya naman hindi nakapag-tatakang giliw na giliw rito ang kanyang pamilya.
Naputol ang takbo ng isip nya nang magsimula itong mag-lecture. Offense ang leksyon nito ng umagang yon. Nakinig sya.
"Maraming paraan para makagawa ng offense ang isang team." Sabi nito, pagkatapos ay nagbanggit ng mga halimbawa ng mga paraang tinutukoy nito.
"Ang ituturo ko sa inyo ngayon ay ang three-man play pattern. Ito ang pinakamadalas gawin sa mga laro dahil ito ang pinakasimple. This pattern ay ginagamitan ng scissor screens, isa sa gilid at isa sa loob. Ideally, para ito sa post at dalawang guards."
She still find it hard to believe how complicated the sport was. Hindi simpleng paramihan lamang ng score ang concept ng game. Masalimuot pala 'yon at hindi lang physical na husay ang hinihingi sa isang manlalaro. Ginagamitan din iyon ng utak.
"I need volunteers para mai-demonstrate ko ng maayos ang play."
Marami ang nagtaas ng kamay. By then ay kilala na nito sa pangalan ang mga participants kay tinawag nito sa pangalan ang mga napili nito.
"Ray, James and Andy. Hali kayo rito sa harap."
Sumunod naman ang tatlo.
"Ray, ikaw ang post kya dito ka pumuwesto. James at Andy, kayo ang mga guards, dito naman kayo." Iginiya nito sa tamang pwesto ang tatlong binatilyo saka nagpatuloy sa pagpapaliwanag.
"James, ipasa mo ang bola kay Ray, tapos mag-pivot ka pabalik sa basket."
Sumunod naman ng bata. Nang walang ano-ano ay bigla na lang nagtawanan ng malakas ang mga batang nasa bleachers. Ang dahilan, sa ginawang pagpihit at pagtakbo ni James ay naiwan ang suwelas ng sapatos nito. Halatang luma na kasi ang rubber shoes nito. Noong isang taon pa yata nanghingi ng kapalit 'yon. At sa tingin nya ay hindi lang isang tao ang nakinabang sa sapatos nito.
"Ayos ka lang James? Gusto mang umupo muna?" Tanong ni Jason. Tanging ito lang yata at sya ang hindi natawa na nangyari.
"Okay lang kuya Jason, magtatapak nalang ako."
Gano'n nga ang nangyari, hinubad ni James ang sapatos nito at hanggang maubos ang tatlong oras ng clinic ay naglaro itong walang sapin sa paa. Mukha namang bale-wala lamang dito yon pero nakadama pa rin sya ng awa sa bata.
"James, sumabay ka na sa amin ng ate Carlee mo. Ihahatid na kita sa inyo." Sabi rito ni Jason pagkatapos ng session.
"Huwag na Kuya, salamat na lang po."
Alam nyang nahihiya lang ang binatilyo kaya ito tumanggi, at alam din nyang hindi maaatim ni Jason na hayaan itong maglakad pauwi ng nakayapak, kaya gano'n na lamang ang pangungumbinsi nito na sumabay sa kanila ang bata. In the end ay napapayag din nito ang binatilyo.