Chereads / A Week to Remember / Chapter 3 - Pomelo

Chapter 3 - Pomelo

Isang araw ng Sabado walang pasok sa school. Maagang gumising ang mag-inang Aling Rosario at Tessa. Maaga silang kumain at naghanda na nagtungo sa kanilang pwesto sa Sto. Cristo, Divisoria. Habang nasa daan ay nag-uusap ang mag-ina.

"Anak may dadalawin kami ni Mareng Susan. Bahala ka na muna sa mga paninda natin. Baka dumaan na din si Benjie sa tindahan bago umuwi nang probinsya. Sandali lang kami." Ang habilin ni Aling Rosario sa anak.

"Okay lang Nay. Konti pa lang naman ang tao pag ganyang umaga." Sagot naman ng dalaga.

Nang makarating sa kanilang pwesto ay agad na isinalansan nina Tessa at Aling Rosario ang mga prutas na kanilang ititinda. Pagkatapos na mag-ayos ng mga paninda ay umalis na sina Aling Rosario at Aling Susan.

Habang wala pang bumibili ay naupo muna si Tessa at dinampot ang maliit ngunit matalas na kutsilyo. Dumampot siya ng isang suha. Na balak sana niyang kainin mamaya. Kaya't inukitan niya ang balat nito ng isang korteng puso at inukit sa loob ng puso ang initial letter na T sa isang bahagi ng puso.

At inilapag muna ni Tessa ang suha na inukitan niya dahil may dumating na bibili. Nang biglang may mahinang tapik na dumapo sa kanyang noo galing sa bandang likuran niya.

"Benjie!!!" Natutuwang sambit ng dalaga at lumingon ang dalaga sa kanyang likuran. Dahil alam ng dalaga na si Benjie lamang ang gumagawa nang pagtapik sa kanyang noo.

"Kumusta ka na, Tessa?" Masayang bungad ng binata.

"Heto, ganun pa rin. Nagtitinda pa rin ng mga prutas." Masayang sagot ng dalaga.

"Gumanda ka lalo, Tessa." Ang nasabi ng binata habang pinagmamasdan ang dalaga.

At napangiti lang ang dalaga dahilan upang lumabas ang dalawang maliit na biloy nito sa magkabilang pisngi. Natuwa ang dalaga dahil first time na pinuri sya ni Benjie.

"Ikaw naman tumangkad at lumaki na ang muscle mo sa braso. Nahiyang ka sa bundok." Ang napansin naman ng dalaga.

"Oo. Marami kasing pagkain doon. Malawak ang lugar ng mga taniman ng gulay at maraming mga puno. Kaya lang malungkot doon." Ang paliwanag ng binata.

"Bakit naman malungkot?" Ang tanong naman ng dalaga.

"Magkakalayo kasi ang mga bahay doon. Pag pupunta ka sa isang bahay at may nakita kang nakasampay na panyo at pinuntahan mo. Pagdating mo doon ay kumot pala ang nakasampay hindi pala panyo." Ang paliwanag muli ng binata.

"Ganoon kalayo?" Ang manghang tanong ng dalaga.

"Kaunti pa lang kasi ang mga taong nakatira doon. Minsan nga pati puno tinatanong ko na para lang may makausap." Napapakamot sa batok na kwento ng binata.

"Ano naman ang itinatanong mo?" Nakikisakay na tanong ng dalaga.

"Bakit kaya ang puno ng duhat ang laki ng puno pero ang liliit ng bunga? Tapos yung nasa kabilang tabi naman na kalabasa ang liit ng puno pero ang lalaki ng bunga?" Ang kwento ng binata.

"Ano naman ang sagot ng puno?" Urirat naman ng dalaga.

"Ayaw nga sumagot ng puno." Sabay tawa ng binata.

"Sumasagot yun di mo lang napapansin." Sagot naman ng dalaga.

"Ha? Paano mo naman nalaman?" Pagtataka naman ng binata.

"Saan ka ba sumisilong pag mainit na ang araw?" Tanong ng dalaga.

"Di sa ilalim ng puno ng duhat." Sagot naman ng binata.

"Kapag lumakas ang hangin. Ano ang nangyayari sa bunga ng duhat?" Tanong muli ng dalaga.

"Nalalaglag." Sagot naman ng binata na napakunot ang noo sa gustong ipahiwatig ng dalaga.

"O, kita mo. Kung kasing laki ng bunga ng kalabasa ang bunga ng duhat at babagsak sa ulo mo habang nakasilong ka. Dalawa lang ang pupuntahan mo. Ospital o sementeryo." Seryosong paliwanag ng dalaga at sabay silang nagtawanan.

Iyan ang namimiss nila sa isa't-isa. Ang kanilang masayang kwentuhan at biruan. Hindi nila namamalayan na may isang taong nakamasid at nakikinig sa masayang kwentuhan nila.

At biglang nagseryoso ang mukha ng binata na napansin naman agad ng dalaga.

"Tessa, sumama ka na lang kaya sa'ken sa probinsya. Kayo ni Aling Rosario." Ang seryosong sambit ng binata. Nagtatakang tumingin lang sa kanya ang dalaga.

"Hindi mo ba ako namiss?" Biglang tanong ng binata. Natilihan si Tessa sa naging tanong ni Benjie.

Hindi namalayan ng dalaga na napahawak siya sa mansanas na napansin naman ng binata. Kaya biglang napaurong ng dalawang hakbang ang binata at nagtakip ng mukha.

Nagtaka ang dalaga sa nakitang reaksyon ng binata kung kaya't, "Bakit ka nagtakip ng mukha?" Pagtatakang tanong ng dalaga.

"Baka kasi lumipad yang mansanas na hawak mo. Masira pa ang mukha ko. Inaalagaan ko pa naman ang mukha na'to. Malapit na ang graduation." Depensa naman ng binata.

At natawa na lang ang dalaga. "Pang-asar ka talaga, Benjie. Ipapatikim ko lang naman sa'yo itong mansanas bagong dating malutong at masarap."

Nang may biglang sumigaw kung kaya't naagaw ang pansin ng dalawa.

"Kanina pa may nakatayong buyer." Sabi ng kabilang tindera.

"Pasensya na po. Sorry, Sir." Ang tugon ng dalaga sa customer. Na bahagyang tinanguan lamang siya nito at tipid na ngumiti.

At inasikaso na ni Tessa ang mga napiling prutas ng customer. At tinulungan ni Benjie ang dalaga. Habang inaayos na isinasalansan sa kahon ang mga prutas. Lihim na napansin ni Benjie ang pasulyap-sulyap na tingin ng tisoy na customer kay Tessa.

Nang maisalansan na ang mga pinamili ay nagbayad na ito kay Tessa. Sandaling nasulyapan ng dalaga ang mukha ng tisoy na lalaki.

Kinausap ni Benjie ang tisoy na lalaki kung saan dadalhin ang pinamili. Habang kausap ni Benjie ang lalaki ay napagmasdan ng dalaga ang lalaki.

"Ang ganda naman ng mga mata nito. Maamo at malamlam. Ang kinis ng balat mas makinis pa sa balat ng peras." Ang pumasok sa isip ng dalaga.

Nang matapos maihatid ni Benjie ang mga pinamili nung lalaki ay inabutan na niyang nandoon na si Aling Rosario. Kaya't nagmano agad siya dito. At nagkumustahan sila.

Pag harap ni Benjie kay Tessa ay agad nitong sinabi, "Marunong naman palang magtagalog ang tisoy na yun."

At sumabad naman bigla si Aling Rosario.

"Di tulad ng ibang bumibili. Pinoy naman at dito rin naman nakatira. Marunong naman magtagalog. English pa ng english. Sa huli naman gusto lang pala tumawad." At nagtawanan sina Tessa at Benjie.

"Pero Nanay ayos lang naman po na mag-english kasi International Language naman po sya. Kaya lang hindi naman batayan na komo magaling kang mag-english ay matalino at mabuting tao ka na. Dialect lang ang english." Paliwanag naman ng dalaga.

Nang biglang may maalala ang dalaga.

"Nay, nakita nyo po ba yung itinabi kong suha? Dito ko lang po ipinatong." Pagtatanong ng dalaga.

"Wala naman, Tessa." Sagot naman ni Aling Rosario.

"Hindi kaya kasamang napili ng tisoy na lalaki yung suha mo." Sagot naman ng binata.

"Hala, nadala nya ang puso ko." Wala sa loob na nasambit ng dalaga.

At napatingin si Aling Rosario at Benjie kay Tessa.

"Bakit may nasabi ba akong kakaiba?" Ang pagtatakang tanong ng dalaga.

"Ang sabi mo kasi nadala na ang puso mo." Sagot naman ng binata.

"Ah, akala ko naman kung ano na. Inukitan ko kasi yun ng puso. Kasi balak kong kainin sana mamaya." Ang paliwanag naman ng dalaga.

"Hayaan mo na, Tessa. Kumuha ka na lang dyan ng ibang suha." Ang sagot naman ni Aling Rosario.

Maya-maya pa ay nagpaalam ang dalawa kay Aling Rosario na maglilibot-libot muna. Babalikan ang mga lugar na kanilang pinupuntahan noong sila'y mga bata pa lamang.

Pinayagan naman sila ni Aling Rosario dahil alam niya na matagal na hindi nagkita ang dalawang magkaibigan.

Habang naglalakad ang dalawa ay nagkukwentuhan sila. At tinanong ng dalaga ang binata.

"Kumusta na ang mga kapatid mo? Saka si Mang Nicanor at Aling Belinda." Pag-uurirat ng dalaga.

"Andun sila sa probinsya. Inaasikaso nila Nanay at Tatay ang mga taniman. Malapit na rin kasing mag-anihan. Minsan naman dumalaw kayo ni Aling Rosario sa probinsya. Marami kang makikitang mga taniman ng gulay at puno ng mga prutas doon." Ang masayang anyaya ng binata sa dalaga.

"Marami ka ding pwedeng pasyalan doon. Isasama kita sa Madlum, Mount Monalmon, Sibul Spring, Biak na Bato at kung saan-saan pang magagandang tanawin doon na dinarayo ng mga turista." Dugtong pa ng binata.

"Maiba naman ako Tessa?" Pag-iibang tanong ng binata. At tumango lang ang dalaga.

"Ano ba ang gusto mo sa lalake?" Seryosong tanong ng binata.

"Anong gusto ang gusto mong malaman? Linawin mo kaya. Maraming ibig sabihin ang salitang gusto." Paglilinaw ng dalaga.

"Gusto mong makasama sa buhay." Paglilinaw ng binata.

"Yung hindi magagalitin, hindi pikon, marunong magsorry pag nagkakamali." May sasabihin pa sana ang dalaga nang putulin siya ng binata.

"Ang dami mo namang requirements." Hirit ng binata.

"O sige, simple na lang, yung may mabuting puso." Sagot ng dalaga.

"Paano mo malalaman na may mabuting puso ang tao?" Tanong naman ng binata.

"Sa pamamagitan din ng puso." Sagot naman ng dalaga.

"Paano?" Tanong muli ng binata.

"Sa mabuting puso kasi nagmumula ang mabuting pag-iisip. Pag mabuti ang puso mo, mauutusan niya ang mata mo, bibig mo, isip mo." Paliwanag ng dalaga.

"Ang lalim naman." Reklamo ng binata.

"Basta ako babantayan ko ang puso ko hindi ang puso ng iba. Ang puso ko ang magsasabi sa isip ko kung sino ang type ng puso ko." Ang paliwanag naman ng dalaga.

"Eh ako di mo ba ako type?" Biglang tanong ng binata.