Chereads / Library of Heaven's Path (Tagalog) / Chapter 76 - Ang Estudyanteng Nagwala

Chapter 76 - Ang Estudyanteng Nagwala

Ang pagwawala ng cultivation ng isang estudyante ay isang bagay na nangyari na at hindi na mababago.

Kahit na makipagtalo ka pa, kahit na magaling ka pa magsalita, wala ka nang magagawa.

Alam ni Elder Shang Chen na walang maniniwala sa kanya kahit na ipaliwanag pa niya ng maigi ang nangyari sa Teacher Qualification Examination. Kahit na ipakita pa niya ang mga papel, aakusahan lang din siya ng iba na dinaya din niya ang mga nakasulat sa papel. Kaya naman, napagdesisyunan niyang isantabi na lang muna ang tungkol dito.

"Anong…"

Hindi alam ni Zhang Xuan kung paano niya sasagutin ang mga sinabi ni Elder Shang.

"Hmph, sinusubukan mo bang itanggi ang nangyari? Baiyu laoshi, puntahan mo si Zhao Yanfeng sa silid ni Lu Xun laoshi at imbitahan mo siya dito!" Ang sabi ni Elder Shang Chen.

Si Zhou Baiyu ang guro na naka-duty habang si Zhao Yanfeng naman ang estudyante na nagwala ang cultivation dahil kay Zhang Xuan noon.

"Paanong ang estudyanteng ito… ay napunta sa klase ni Lu Xun laoshi?

Nang marinig nila ang sinabi ni Shang Chen, nagtatakang tumingin sa kanya ang lahat ng tao, kahit si Zhang Xuan ay nagtataka sa nangyayari.

Base sa mga alaala ng dating siya, mula noong magloko ang cultivation ng taong iyon, hindi na siya pumasok sa klase niya. Dahil hiyang-hiya ang dating siya na usisain pa ang tungkol dito, hindi niya alam na lumipat pala si Zhao Yanfeng sa klase ni Lu Xun laoshi.

Isa pa, sino ba si Lu Xun laoshi?

Ang numero unong star teacher ng Hongtian Academy! Sinabi din mismo ni Elder Mo na malaki ang posibilidad na maging isa siyang Associate Master Teacher sa hinaharap. Hindi mabilang ang mga estudyante na naghahangad na sumailalim sa pagtuturo niya, kaya bakit siya pipili ng isang tao na minsan nang nagloko ang cultivation para maging estudyante niya?

"Mula noong magloko ang cultivation niya, nasira ang pundasyon ng kanyang cultivation at noong una, ay naisip niyang umalis na lamang sa akademya. Subalit, napansin siya ni Lu Xun laoshi at di kalaunan, tinanggap siya nito bilang estudyante. Pagkalipas ng ilang buwan ng paggabay at pag-aalaga, bukod sa nawala na ang natamo niyang pinsala sa pagloloko ng kanyang cultivation, umangat din ang cultivation niya sa Fighter 1-dan Juxi realm pinnacle, at nakahanda siyang makalagpas dito anumang oras!"

Ang sabi ni Elder Shang Chen.

"Natanggap siya bilang estudyante ni Lu Xun laoshi? Napaka swerte niya!"

"Para magawa niyang alisin ang pinsalang natamo ni Zhao Yanfeng mula sa sa pagwawala ng cultivation niya sa loob lang ng maikling panahon, dagdag pa dito napataas din niya ang kanyang lebel ng cultivation, talagang kamangha-mangha si Lu Xun laoshi!"

Nang marinig nila ang mga sinabi ni Elder Shang, nabigla ang mga tao.

Ang pagwawala ng cultivation ay nagdudulot ng matinding pinsala sa isang cultivator, at napaka daling masira ang pundasyon ng cultivation sa kalagitnaan nito. Ang cultivation ay kagaya ng pagtatayo ng isang bahay, kapag hindi nakapwesto ng maayos ang mga pundasyon nito, hindi maitatayo ng mataas ang gusali.

Para magawa niyang gamutin ang pinsalang natamo ng isang estudyante mula sa pagwawala ng kanyang cultivation ng ganun kabilis at nagawa pa niyang paabutin ang estudyanteng yun sa Juxi realm pinnacle, ang Lu Xun laoshi na ito ay tunay ngang napakahusay gaya ng mga balita tungkol sa kanya!

Hindi nagtagal, ang guro na naka-duty, na si Baiyu laoshi, ay bumalik na may kasamang estudyante sa likuran niya.

Nasa labing-anim hanggang labim-pitong taong gulang ang estudyante, na may balingkinitang katawan, at may mga matang puno ng determinasyon.

Siya ang malas na estudyanteng tinuruan ng dating Zhang Xuan… si Zhao Yanfeng!

"Elder Shang!"

Dumeretso siya kay Elder Shang pagpasok niya sa silid, nagtaka siya dahil sa sobrang dami ng tao.

"Un, Zhao Yanfeng. Nakikilala mo ba ang taong ito?" Itinuro ni Elder Shang si Zhang Xuan.

Lumingon si Zhao Yanfeng at napansin niya si Zhang Xuan. Agad na sumama ang itsura ng kanyang kalmadong mukha. Itinikom niya ang kanyang mga kamao na tila sinusubukan niyang pigilan ang galit sa kanyang puso.

"Siya ang dati kong guro, si Zhang Xuan!"

Sinabi niya ito habang nagngingitngit ang kanyang mga ngipin.

Malinaw na makikita sa mga ikinikilos niya na may sama pa rin siya ng loob kay Zhang Xuan.

Subalit, iyon ay hindi na nakapagtataka. Kapag ang isang estudyante ay natuto mula sa isang guro, lubusang nagtitiwala ang estudyante sa guro. Katumbas ito ng pagkakatiwala ng kanyang kapalaran bilang isang cultivator sa kanyang mga kamay. Kapag hindi inako ng isang guro ang responsibilidad niya sa isang estudyante, katumbas iyon ng pagsira sa kinabukasan ng kanyang estudyante!

Ang dating siya ang dahilan sa pagwawala ng cultivation ni Zhao Yanfeng, na halos sinira ang kanyang kinabukasan bilang isang cultivator. Ito ang dahilan kung bakit nagalit sa kanya si Zhao Yanfeng. Kung hindi dahil sa posisyon niya bilang isang guro, baka may ginawa na siya kay Zhang Xuan!

"Narinig ko na siya ang dahilan kung bakit nagwala ang cultivation mo dati. Totoo ba yun?"

Nang makita niya ang inaasal ni Zhao Yanfeng, umapaw ang tuwa sa isipan ni Elder Shang habang ipinagpapatuloy niya ang pagtatanong sa kanya.

"Totoo yun! Kung hindi ako iniligtas ni Lu Xun laoshi, baka nalumpo na ako!" Ang sabi ni Zhao Yanfeng.

"Magaling!" Nang marinig niya ang kumpirmasyon ng binata, hindi na nagpatuloy sa pagtatanong si Elder Shang. Sa halip, lumingon siya kay Elder Mo at Huang Yu, "Associate Master Teacher Huang, Elder Mo, malamang narinig niyo ang pag-uusap namin! Huwag na muna nating pag-usapan ang tungkol sa Teacher Qualification Examination. Naniniwala ako na balang-araw, lalabas din ang katotohanan tungkol sa insidenteng iyon! Sa halip, pag-usapan natin ang tungkol sa pagwawala ng cultivation ng kanyang estudyante. Nandito ang biktima, at kung may mga katanungan kayo, pwede niyo siyang tanungin! Sa kabila ng pagiging isang guro, nagawa niyang saktan ang kanyang sariling estudyante. Ito pa lang ay malaking basehan na para bawiin sa kanya ang lisensya niya sa pagtuturo!"

"Errr…"

Nagkatinginan sila Huang Yu at Elder Mo at magkasalubong ang kanilang mga kilay.

Totoo ang sinabi ni Elder Shang. Responsibilidad ng isang guro na linawin ang mga pagdududa ng isang estudyante at patnubayan sila tungo sa tamang landas. Ang maging dahilan ng pagwawala ng cultivation ng isang estudyante ay isa sa pinaka mabigat na kasalanang maaaring magawa ng isang guro. Kahit na gusto nilang tulungan si Zhang laoshi, wala silang magagawa.

"Zhang laoshi, ano masasabi mo sa ginawa mo? Kung nagagalit ka, pwede kang makipagtalo sakin. Pero, kailangan mo munang dumaan kay Zhao Yanfeng!"

Nang makita niyang nanatiling tahimik ang dalawa, pakiramdam ni Elder Shang ay naibalik niya ang kahihiyan na ibinigay sa kanya ni Zhang Xuan. Lumingon siya at nang-aasar na tumingin kay Zhang Xuan.

[Ano ngayon kung malakas ka? Ano ngayon kung nanalo ka sa Enlightenment Will Trial?

Hangga't nasayo ang kahinaang ito, mawawala sayo ang lisensya mo sa pagtuturo. Kung wala ang agimat na yun para protektahan ka, magagawa ko ang lahat ng gusto kong gawin sayo.

Kahit na patayin kita, walang sinumang magsasalita!]

Dinala ni Elder Shang Chen ang biktima dito, at tiniyak ng biktima na totoo ito. Tumingin ang lahat ng tao kay Zhang Xuan at hinihintay kung paano siya sasagot.

Habang iniisip ng lahat na susubukan niyang ipaliwanag ang sitwasyon at ang dahilan sa likod ng pangyayari, nagkibit-balikat lamang ang binata at sinabing, "Galit? Ano naman ang ikakagalit ko? Totoo na ako ang dahilan sa pagwawala ng cultivation niya!"

"Alam kong susubukan mong makipagtalo. Ngunit, malinaw na maisasalaysay ni Zhao Yanfeng ang mga nangyari noon… Ah?" Akala ni Elder Shang Chen na susubukan ni Zhang Xuan na depensahan ang sarili niya, kaya nakahanda siyang sagutin siya. Subalit, bago pa niya matapos ang mga sinasabi niya, may napagtanto siya at nagtataka siyang tumingin kay Zhang Xuan. "Ikaw… Inaamin mo ang ginawa mo?"

[Ano to… Di ko naisip na aamin ka agad sa ginawa mo!

Hindi kaya may pinaplano siya?]

Natatakot na siya kay Zhang Xuan sa puntong ito. Pagkatapos siyang sunud-sunod na masampal sa mukha, nagkaroon na siya ng takot sa kanyang isipan.

"Syempre naman aaminin ko yun. Bakit ko naman itatanggi ang isang bagay na ginawa ko?"

Tumango si Zhang Xuan.

Ang pagwawala ng cultivation ng isang estudyante ay kagagawan ng dati niyang sarili, imposibleng makalusot siya dito. Sa halip na mag-aksaya siya ng oras sa pakikipagtalo tungkol dito, mas mabuting umamin na lang siya.

"Anong…"

Nagulat ang lahat.

Ang pag-amin niya ay nangangahulugan na ang lahat ng sinabi nila ay totoo. Kung ganun, maitatakda na ng Teacher Guild ang kasong ito at magagawa nilang alisin ang kanyang lisensya sa pagtuturo.

Isa pa, ang pagiging dahilan ng pagwawala ng cultivation ng isang estudyante ay hindi isang bagay na maaaring maipagmalaki. Para tahasan niyang sabihin ito… Saan nanggaling ang lakas ng loob mo?

"Mabuti naman umamin ka! Associate Master Teacher Huang, Elder Mo, siguro naman narinig niyo pareho ang sinabi niya. Bilang isang guro, bukod sa wala siyang nararamdamang pagsisisi sa pagwawala ng cultivation ng isang estudyante, tahasan pa niya itong sinasabi. Ang isang tulad niya ay hindi karapat dapat na maging isang guro…"

Sumigaw si Shang Chen, ngunit bago pa man niya matapos ang mga sasabihin niya, lumapit si Zhang Xuan at ikinumpas ang kanyang kamay, "Tama na, gaano kalaking bagay ba ito para patuloy kang magdadadaldal tungkol dito! Matanda ka na, pero madali ka pa ring matuwa sa maliliit na bagay. Hindi ka ba nag-aalala na baka hindi 'to kayanin ng puso mo, dahilan para mamatay ka?"

"Ikaw…"

Nanghina si Elder Shang Chen.

[Ikaw ang madaling matuwa, ang buong pamilya mo madaling matuwa!]

"Zhao Yanfeng, nag-aaral ka sa ilalim ni Lu Xun laoshi diba? Malamang malaki ang ipinagbago mo. Halika, ipakita mo sakin ang iyong punching routine!"

Hindi siya nagpaabala sa nanggagalaiting si Elder Shang, tumingin si Zhang Xuan sa binata.