"Ipakita ang kanyang punching routine?"
Nang marinig ang mga sinabi ni Zhang Xuan, nagulat ang lahat ng tao.
"Ang lahat ng tao dito ay may pakialam lamang sa pagwawala ng cultivation ng dati mong estudyante, tapos ikaw naman, sinusubukan mong kumbinsihin siya na ipakita ang kanyang punching routine. Ano bang sinusubukan mong gawin?"
Kakaiba ang naging ekspresyon ng mukha ni Elder Shang Chen.
"Punching routine?"
Nasa kalagitnaan tayo ng imbestigasyon tungkol sa pagwawala ng cultivation ng dati mong estudyante, pwede bang huwag mong ibahin ang usapan?"
"Ehem ehem, Master Zhang, sa tingin ko mas mabuti kung ipapaliwanag mo ang mga detalye sa pagwawala niya. Siguro… hindi naman mali ang mga itinuro mo, at… dahil ito sa ibang bagay?"
Hindi mapigilan ni Huang Yu ang sarili niya na ipaalala kay Zhang Xuan ang nangyari.
Maraming posibleng dahilan sa likod ng pagwawala ng cultivation ng isang tao. Posibleng dahil ito sa maling paggabay ng isang guro, o kaya naman mali ang pagkakaintindi ng estudyante sa itinuturo ng kanyang guro at nagcultivate siya sa maling paraan. Kung ang huli ang dahilan, may pananagutan pa rin ang guro sa pangyayari, pero hindi ito mauuwi sa isang parusa na kasing lupit ng pagbawi sa kanyang lisensya sa pagtuturo.
"Ang guro na ito, noon, nagcultivate ako base sa mga paraan na itinuro sakin ni Zhang laoshi nang walang binabago na kahit ano dito. Sa huli, nagwala pa rin ang cultivation ko. Pagkatapos nito, nagtanong ako kay Lu Xun laoshi tungkol dito, sinabi niya na mali ang paraan ng cultivation na yun at siguradong magwawala ang cultivation ng isang tao kapag sinunod niya ito!"
Alam ni Zhao Yanfeng ang iniisip ng dalaga nang sabihin niya ang mga ito.
Mayroon pa rin siyang malalim na galit kay Zhang Xuan. Dahil alam niyang pagkakataon na ito para matanggalan siya ng lisensya sa pagtuturo, hindi siya makakapayag na palampasin pa ito.
"Master Zhang…" Nang marinig niya na sabihin iyon ng biktima, wala nang ibang maisip na mga posibilidad si Huang Yu para maabswelto siya sa kaso. Kaya naman, napatingin na lamang siya kay Zhang Xuan.
"Subukan mong gamitin ang isang punching routine. Ipakita mo sakin kung may ipinagbago ka!" Hindi niya pinansin ang panghihikayat ni Huang Yu at nakatitig pa rin siya sa binata.
"Sundin mo ang sinasabi ni Zhang laoshi, subukan mo munang gumamit ng isang punching routine!" Dahil sa pagpupumilit niya, kahit na naguguluhan si Huang Yu sa ginagawa ni Zhang Xuan, inutusan pa rin niya si Zhao Yanfeng na gawin ang ipinag-uutos niya.
"Opo!" Hindi man niya kilala si Huang Yu, pero kung titingnan kung gaano siya iginagalang ni Elder Shang Chen, hindi na nangahas si Zhao Yanfeng na suwayin ang ipinag-uutos niya. Tumango siya, at naglakad papunta sa gitna ng bulwagan.
Huhu!
Pumito ang hangin kasabay ng malalakas niyang mga kamao.
"Maaari ngang bata pa siya, pero ang kontrol niya sa kanyang lakas ay hindi na masama at bihasa din siya sa paggamit ng kanyang battle technique. Maituturing na isa siyang taong may malaking potensyal."
"Hindi na masama, mukhang natanggal na talaga sa kanya ni Lu Xun laoshi ang pinsalang natamo niya noong magwala siya!"
"Totoong hindi na masama para sa kanya ang magtaglay ng ganitong lebel ng lakas sa napaka batang edad!"
…
Karamihan sa mga tao sa silid ay mga eksperto sa cultivation. Nang makita nila ang mga suntok ni Zhao Yanfeng, napatango silang lahat.
Palihim na tumingin si Elder Shang Chen kay Zhang Xuan. Dahil si Zhang Xuan ang nag-utos kay Zhao Yanfeng na ipakita ang kanyang punching routine, naisip niya na susuriing mabuti ni Zhang Xuan ang punching routine ng binata, para makapagpalusot siya. Pero, ang taong ito ay nakapikit, at payapa ang ekspresyon ng kanyang mukha.
"Anong binabalak niya?"
Napuno ng katanungan ang isipan ni Elder Shang Chen.
Hindi kaya alam ng taong iti na hindi siya makakahanap ng ebidensya o ng dahilan para maabswelto siya at nabaliw na!
"Sapat na ba 'to?"
Mabilis na natapos ang punching routine. Nang makita niya na nakapikit ang kinamumuhian niyang si Zhang laoshi, na hindi man lang tiningnan ang kanyang punching routine, halos sumabog na si Zhao Yanfeng dahil sa naipon niyang galit habang sinasabi niya ang mga salitang ito nang nagngingitngit ang kanyang mga ngipin.
"Un!" Iminulat ni Zhang Xuan ang kanyang mga mata.
"Sige na, huwag na tayong magsayang ng oras. Dahil inamin mo naman na nagwala ang cultivation ni Zhao Yanfeng dahil sa paggabay mo, at siya mismo ay mapapatunayan ito, bakit hindi na lang aminin ang mga krimeng ginawa mo! Sa ganitong paraan, konti na lang ang poproblemahin natin…"
Dahil natatakot siyang maging masmagulo ang sitwasyon kapag nagpatuloy pa ito, nagsalita si Elder Shang.
"Huminahon ka!" Pinigilan ni Zhang Xuan ang pagsasalita niya. Tiningnan niya ang paligid, at sinabing, "Tutal interesado kayong lahat na marinig ang paliwanag ko, ipaliliwanag ko sa inyong ang nangyari!"
Napako ang atensyon ng lahat sa kanya, interesado silang marinig ang sasabihin niya.
Kahit si Zhao Yanfeng ay hindi mapigilang mapatingin sa kanya.
"Yung totoo… Sinadya ko talagang magwala ang cultivation niya!" Umalingawngaw ang boses ni Zhang Xuan sa silid.
"Ah?"
"Sinadya?"
Napatigil ang lahat sa kinatatayuan nila.
Anong klaseng biro 'to?
Wala nang atrasan pa sa oras na sabihin mo ang mga salitang iyon. Siguradong matatanggalan ka ng lisensya sa pagtuturo!
"Haha!" Hindi inasahan ni Elder Shang Chen na ang taong nasa harap niya, pagkatapos niyang gumawa ng mga misteryoso at nakakalitong bagay, ay bigla na lang siyang aamin ng ganun-ganun na lang, lalo pa't ganito ang kanyang pagkakasabi. Nagningning angvmga mata ni Elder Shang sa tuwa, "Mabuti umamin ka na! Bilang isang guro, para sadyain mong turuan ng mali ang isang estudyante at dalhin siya sa kapahamakan, tunay ngang tumaliwas ka sa mga dapat gawin ng isang guro! Kung hindi siya tatanggalan ng lisensya sa pagtuturo, magiging mahirap na pakalmahin ang nagngangalit na mga tao! Associate Master Teacher Huang, Elder Mo, siguro naman walang magiging problema ngayon tama!"
"..." Napatingin na lang si Huang Yu kay Zhang Xuan. Wala nang ibang alam na paraan si Huang Yu para tulungan siya dahil sa ginawa niyang pag-amin.
Magsasalita pa lamang sana siya, nang makita niyang ikinuyom ni Zhao Yanfeng ang kanyang mga kamao at nagngitngit ang kanyang mga ngipin. Tumingin siya ng masama kay Zhang Xuan habang kitang-kita ang matinding galit sa kanyang mga mata at sinabing, "Ano bang nagawa ko sayo Zhang laoshi, para maisip mong itulak ako sa bangin?"
"Estudyante mo ako, pero bakit sinadya mong turuan ako ng mali, dahila para magwala ang cultivation ko. Anong klaseng galit ba ang meron ka sakin?"
Ganito rin ang naisip ng lahat ng tao at isa-isa silang tumingin kay Zhang Xuan.
Nagsimula na ring mapaisip si clan head Wang Hong kung tama ba ang desisyon niyang ipasailalim ang kanyang mga anak sa pagtuturo ni Zhang Xuan.
Ano ngayon kung malalim ang mga teorya niya at magaling siyang magturo?
Paano kung bigla siyang magalit at sadayain niyang turuan ng mali ang mga estudyante niya? Kung ganun, masisira ang buhay ng mga anak niya.
Ang isang Fighter 1-dan na nagwala ay posible pang mailigtas. Subalit, habang papataas ang cultivation ng isang tao, magiging mas mahirap silang iligtas kapag nagwala ang kanilang cultivation.
Hindi niya pinansin ang tingin sa kanya ng mga tao, inilagay ni Zhang Xuan ang kanyang mga kamay sa kanyang likuran at makikita sa kanyang mga mata ang tingin ng isang taong hindi maintindihan ang mundo. Bumuntong hininga siya, at sinabing, "Hayyy! Mukhang hindi mo pa naiintindihan!"
"Hindi naiintindihan?"
Nagdilim ang mukha ni Zhao Yanfeng. Kung hindi dahil sa kanyang kahinaan, malamang sinugod na niya si Zhang Xuan para atakihin siya. "Intindihin ang ano?"
"Sinadya mong magwala ang cultivation ko tapos gusto mong maintindihan ko yun? Maintindihan ang ano? Maintindihan ang kamatayan?"
"Wala ba talaga sa inyong nakakaintindi?"
Tumingin si Zhang Xuan kay Huang Yu, kay Elder Mo at sa madla.
"Nakakaintindi?"
Natulala ang dalawa sa sinabi ni Zhang Xuan.
"Sinadya mong turuan ng mali ang isang tao, anong gusto mong maintindihan namin dun?"
"Maintindihan… Kung paano mo dinala sa kamatayan ang estudyante mo?"
"Sige, dahil wala sa inyong makapagsabi, hayaan niyong magpaliwanag ako!" Umiling si Zhang Xuan. Tiningnan niya ang mga tao, at sinabing, "May nakarinig na ba sa inyo ng tungkol sa kondisyon ng katawan na tinatawag na [Innate Sealed Meridians]?"
"Innate Sealed Meridians?" Sumimangot si Huang Yu. Pagkatapos, nang may maalala siya, sinabi niyang, "Narinig ko na yun. Hindi ito isang innate body type, sa halip isa itong uri ng kapansanan! Ang nagtataglay ng ganitong pangangatawan ay may maraming masisikip na parte sa kanyang meridian. Gaya ng isang ilog na nabarahan ng banlik at putik, hindi makadaloy ang zhenqi sa mga ito. Kahit na magawa pang magcultivate ng taong iyon, magkakaroon ng limitasyon ang mga maaari nilang gawin. Karaniwan, ang Fighter 1-dan ang magiging pinakamataas na maaabot nila, at ang makaabot sa Fighter 2-dan ay imposible na para sa kanila!"
Nang marinig nila ang paliwanag na ito, napatango ang lahat ng mga tao.
Maaaring isang bihirang kondisyon ang Innate Sealed Meridians, ngunit may mga kaso nito. Bilang mga guro at pinuno ng mga makapangyarihang grupo, karamihan sa kanila ay narinig na ang kondisyon na ito.
"Nabanggit ni Zhang laoshi ang tungkol sa Innate Sealed Meridians, posible kayang…"
Biglang may naisip si Mo Xiang laoshi at tumingin siya kay Zhang Xuan at nanlaki ang mga mata niya.
"Tama, nagtataglay si Zhao Yanfeng ng ganitong klaseng pangangatawan!" Tumango si Zhang Xuan.
"Ako? Nagtataglay ako ng Innate Sealed Meridians?" Hindi makapaniwala si Zhao Yanfeng. "Imposible yan… Kahit kailan hindi ko pa naramdaman na para akong nakagapos kapag nagku-cultivate ako, kaya paano naman ako magkakaroon ng Innate Sealed Meridians?"
"Hindi mo pa naramdaman na para kang nakagapos?" Tumingin sa kanya kay Zhang Xuan ng may ngiti sa kanyang mga mukha. "Kung ganun, tatanungin kita, bago magwala ang cultivation mo, nakakaramdam ka ba ng pagka hingal kapag nagku-cultivate ka dati? Sa tuwing mag-iipon ka ng ispiritual na enerhiya, pakiramdam mo ba parang mapupunit ang buong katawan mo?"
"Paano… Paano mo nalaman?"
Noong una, walang pakialam si Zhao Yanfeng sa mga sinasabi ni Zhang Xuan, iniisip niya na puro kalokohan lang ang sinasabi ng kanyang dating guro. Subalit, nang marinig niya ang mga sinabi ni Zhang Xuan, naningkit ang kanyang mga mata at nanigas ang kanyang katawan.