Chereads / Library of Heaven's Path (Tagalog) / Chapter 48 - Anong Klaseng Laruan ‘to

Chapter 48 - Anong Klaseng Laruan ‘to

".." Pakiramdam ni Huang Yu umiikot ang kanyang paningin at halos mawalan na siya ng malay.

[Hindi mo kilala si Zhennan Wang? Tropa, taga Tianxuan Kingdom ka ba talaga? Sigurado kang hindi ka biglang sumulpot galing sa kung saan lang!]

Sa pagkakataong 'to, nagsisisi siyang dinala niya ang taong 'to dito.

Sabihin nang ignorante talaga siya, malamang may sasabihin siyang mali para mahila silang pareho pababa!

Sa katunayan, hindi talaga nagpapanggap si Zhang Xuan, wala talaga siyang kaalam-alam sa bagay na 'to.

Ang dating katauhan niya ang pinakawalang kwentang teacher sa buong akademya.Mula noon, nakatuon na ang isip niya sa kung paanong hindi siya matatanggal sa paaralan. Kaya naman, hindi niya sinubukang mangialam sa mga nangyayari sa loob ng kaharian at konti lang din alam niya tungkol dito. Ang dating siya ay hindi rin alam kung ano ang pinagkaiba ng section, division at bureau, kaya paano naman niya malalaman kung sino si Zhennan Wang?

Jiya!

Ikekwento na sana niya ang mga nagawa ni Zhennan Wang noong panahon ng digmaan. Nang biglang bumukas ang pinto sa harapan nila. Lumitaw ang isang tao sa kanilang harapan, at sinalubong sila.

"Uncle Cheng, nakahanda na ako. Sana magabayan ako uli ni master ngayong araw!" Ang sinabi niya sa butler na tinawag niyang Uncle Cheng, magalang na nagsalita ang nakaputing si gongzi Bai Xun, nawala sa kanyang boses ang taglay niyang kayabangan kanina.

"Kayo pala Bai gongzi at Huang guniang[1]! Pakiusap sundan niyo ako at maghintay sa lounge!" Nang mapansin ang tatlong taong nakatayo sa harap ng pinto, yumuko ang butler at inalalayan sila papasok.

Sumunod ang tatlo sa kanya papasok sa kanilang tinutuluyan.

Tumingin sa paligid si Zhang Xuan.

Hindi man ganun kaganda ang pagbabago sa kanilang tutuluyan, at hindi man ito kasing ayos kumpara sa ibang parte ng akademya, ngunit ito ay nagbibigay ng kakaibang kapaligiran. Sa bawat paggalaw at katahimikan sa lugar ay para bang nasa isang tranquil ink painting sila.

"Ang ganda ng natural ink painting na 'to!"

Hindi mapigilan ni Zhang Xuan ang kanyang paghanga.

"Oh? Gongzi... mukhang may alam ka sa pagtingin ng mga painting?" Nang marinig ang kanyang paghanga, lumingon ang butler at nagtanong.

"Nasabi ko lang yun!" Hindi inaasahang makukuha niya ang atensyon ng butler dahil sa kanyang sinabi. Dali-daling umiling si Zhang Xuan.

Sa dati niyang buhay, isa siyang librarian, at malaki ang kinalaman ng kanyang trabaho sa literatura. Kahit na marami na siyang nakitang ibat-ibang klase ng painting noon, kahit kailan ay hindi pa siya humawak ng brush, lalo na ang magpinta!

"Ang aming laoye[2] ay ginamit ang kanyang puso bilang kanyang brush at ang lugar bilang kanyang papel upang maging isang painting ang aming tahanan. Hindi ka nagkakamali sa iyong sinabi!" Tumango ang butler habang patuloy na naglalakad.

Hindi nagtagal, nakarating na sila sa lounge.

Hindi kalakihan ang lounge, ngunit mayaman ito sa mga painting, dahilan para maging elegante ang silid. Napapagaan nito ang pakiramdam ng sinumang pumasok dito.

Hindi ito katulad ng ibang lugar, na kahit saan makikita ang mga Strength Measuring Rock Pillar, na dahilan upang maramdaman ng isang tao na palalayasin sila kapag kulang ang naipakita nilang lakas.

"Sasabihin ko 'to kay laoye!"

Pagkatapos ayusin ang upuan para sa kanilang tatlo, umalis na ang butler.

"May alam ka ba na kahit ano tungkol sa mga painting?" Nang makaalis ang butler, nang-uusisang tumingin si Huang Yu.

Mukhang narinig niya ang usapan nila kanina. Kung iisipin, wala siyang kahit anong alam tungkol sa binatang dinala niya dito.

"Pakiramdam ko lang na parang isang painting yung buong lugar!" Ang sagot ni Zhang Xuan.

"Xiao Yu, huwag kang makinig sa mga kalokohan niya. Nagpapakitang tao lang yan para makuha ang atensyon mo!" Tila mag-aapoy ang mga tingin ni Bai Xun.

"Ano bang alam mo? Ang kaibigan ko ay napakatalino at talentado! Tingin mo ba lahat ng tao kayang magkunwari katulad ng ginagawa mo? Nang marinig niyang ininsulto ang kaibigan niya, nagalit si Huang Yu.

"Matalino? Siya? Xiao Yu, dapat kang mag-ingat. Sa tingin ko isa lang siyang walang kwentang playboy. Sa kabila ng pagiging bata niya, sanay na siyang paglaruan at kunin ang loob ng mga kababaihan. Totoong walang hiya siya!"

Luolou, nang marinig niyang pinuri ng dalaga si Zhang Xuan, lalong nakaramdam ng matinding galit si Bai Xun.

"Ang kaibigan kong ito ay mahusay sa zither, chess, literatura at pagpipinta. Wala siyang hindi kayang gawin, eksperto siya sa kahit anong bagay. Bukod sa napakahusay niya para sa kanyang edad, hindi lahat ng nakatatanda ay kaya siyang tapatan! Ikaw, tignan mo nga ang sarili mo! Wala kang alam sa kahit ano, at puro pakikipagaway at patayan lang ang nasa isip mo! Ikaw ang walang kwenta!"

Hindi nagpapigil si Huang Yu.

"Mahusay sa zither, chess, literatura at pagpipinta? Siya ba? Mukhang hindi naman siya mas matanda sakin. Kahit na sa sinapupunan pa lang nagsimula na siyang matuto, gaano karami ba ang sa tingin mong kaya niyang matutunan? Mukhang ikaw lang ang maloloko niya!" Nanlilisik ang tingin ni Bai Xun kay Zhang Xuan.

"Dahil lang ba mas bata siya ibig sabihin hindi na siya mahusay? Paano kung talentado siya? Wag mong pagdudahan ang iba dahil lang sa wala kang talento!" Sagot ni Huang Yu.

"..." Nang marinig niya ang pagtatalo nila, ang inosenteng si Zhang Xuan, ay napasimangot.

[Kung gusto niyong magtalo, kayo na lang! Bakit kailangan niyo pa 'kong idamay? May nagawa ba akong mali sa kahit na sino sa inyo?

Zither, chess, literatura at pagpipinta, kamo? Sa buong buhay ko hindi ko pa nahawakan ang kahit ano sa apat na yun... Kung talentado ako, paano nga bang ang isang katulad ko ang kauna-unahang teacher na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination sa Hongtian Academy?]

Bago pa man siya kontrahin ni Bai Xun gamit ang kanyang mga salita, may narinig silang mga yabag galing sa labas at may pumasok na isang tao.

Ito ay isang matandang lalake na may puting buhok at balbas. Nagtataglay siya ng isang natatanging aura, dahilan upang magmukha siyang dakila.

Ang butler kanina ay nakasunod sa likuran niya.

Siya ang dating tagapagsanay ni Emperor Shen Zhui, si Lu Chen!

"Magbigay pugay sa master!"

Nang makita nila si Lu Chen, tumigil sa pagtatalo sila Bai Xun at Huang Yu at sabay silang yumuko.

"Narinig kong mayroon daw nakapagsabing isang ink painting ang aking tahanan. Bihirang makakita ng ganitong talento sa mga kabataan ngayon."

Hindi niya pinansin ang dalawang nagbigay pugay sa kanya, sa oras na pumasok ang matanda sa silid, napako ang kanyang tingin kay Zhang Xuan. Malinaw na nabanggit sa kanya ng butler ang mga sinabi ni Zhang Xuan.

"Master, puro kalokohan lang ang pinagsasabi ng taong 'to, huwag mo na lang siyang pansinin. Naayos ko na ang lahat kanina, kaya master, maaari mo na akong subukan…" Nang makita niyang nakapako ang tingin ng master sa binata, nainis si Bai Xun at agad na nagsalita.

"Sinabi ko bang magsalita ka?"

Sumimangot si Master Lu Chen.

"Ah…"

Namula ang mukha ni Bai Xun, ngunit hindi na niya sinubukan pang sagutin ang master.

Maari ngang mataas ang kanyang katayuan sa buhay, at napakalakas din ng kanyang ama. Subalit, sa harap ng tagapagsanay ng emperor, higit na mababa pa rin siya kung ipagkukumpara sila.

Pagkatapos niyang pagsabihan si Bai Xun, muling nabaling ang tingin ni Master Lu Chen kay Zhang Xuan. "Tutal may alam ka sa pagpipinta, mayroon akong ginawa dito na gusto kong suriin mo para sakin!"

Pagkatapos ay ikinumpas niya ang kanyang kamay.

Nagmadali ang butler at inilatag ang isang painting scroll sa mesa.

Ito ay isang simple at eleganteng ink painting. Sa oras na inilatag ito, nakaramdam ng kaginhawaan ang mga nakakita nito. Sa isang payapang nayon, naglalaro ang mga bata sa paligid at lumalabas ang usok mula sa mga chimenea. Kung titingnan itong maigi, tila maririnig mo ang tunog ng mga cicada at makikita mo ang pagsayaw ng mga dahon sa puno. Ito ay larawan ng isang magandang tanawin.

"Ito ay…" Napakamot ng ulo si Zhang Xuan.

Wala siyang alam na kahit ano sa pagpipinta. Ang tanging masasabi niya sa painting na ito ay maganda ito. Pero kung ipapasuri sa kanya 'to? Anong ba ang dapat niyang suriin dito?

"Mag-isip ka munang mabuti bago ka magsalita. Isa itong pagsubok ni master, hilig niyang… subukan ang ibang tao. Noong una akong dumating dito, sinubukan niya din ako… Kung maayos kang makakasagot, maaari kang humiram ng mga libro hanggang gusto mo. Pero kapag pumalpak ka, agad kang palalayasin…"

Habang nagdadalawang-isip siya, narinig niya ang nababahalang boses ni Huang Yu sa tabi niya.

"Pagsubok?"

Napangiwi si Zhang Xuan.

Kung alam lang sana niya na may ganitong hilig si Master Lu Chen, hindi na sana siya nagsalita ng kahit ano pagdating niya.

Matatawag ba 'tong paghahanap ng gulo? Subalit, base sa mga sinabi ni Huang Yu, malamang ay susubukan pa rin siya ng master kahit na wala siyang sabihin. Kunsabagay, isa 'tong bagay na nakahiligan na ng master. Malamang ay hindi niya rin ito maalis kahit na gustuhin pa niya.

Pagdating sa pagsusuri, ano ba ang kailangan niyang suriin!

Hindi nga niya napag-aralan ito, kaya anong klaseng problema naman ang makikita niya sa painting na 'to? Ano ba dapat ang sabihin niya?

Kunsabagay, siya ang tagapagsanay ng emperor, isang master sa pagpipinta. Kung magsasalita siya ng kung anu-ano, baka habulin siya nito palabas gamit ng patpat bago pa man siya makatapos sa pagsasalita.

"Bakit? May problema ba?"

Nang makita niya ang reaksyon ni Zhang Xuan, nagtanong si Master Lu Chen.

"Ah, wala!"

Napakamot ng ulo si Zhang Xuan. Nang hindi na niya alam kung paano niya bubuoin ang mga sasabihin niya, biglang may sumulpot na ideya sa kanyang isipan.

"Dahil may kakayahan ang Library of Heaven's Path na silipin ang mga gamit, siguro… posible din kayang makita nito ang mga mali sa isang painting?

Sa puntong ito, hindi niya napigilang lumapit at dahan dahang hawakan ang painting.

Weng!

Umalingawngaw ang isang tunog sa kanyang isipan at lumitaw ang isang libro.

Tuwang tuwa si Zhang Xuan. Pagkatapos niyang basahin ang nilalaman ng libro, itinaas niya ang kanyang ulo at tumingin kay Master Lu Chen ng may ningning sa kanyang mga mata. Bahagya siyang ngumiti, at nagtanong siya, "Gusto talaga ni master na suriin ko 'to?"

Hindi sumagot si Master Lu Chen, ang tahimik niyang pahintulot.

"May walong salita ako para sa painting na 'to!" Ang sabi ni Zhang Xuan.

"Makikinig ako!" Tumingin si Master Lu Chen kay Zhang Xuan.

Tumango si Zhang Xuan. Muli niyang tiningnan ang painting at umiling siya, "Ang walong salita ay… Isang malaking kalokohan, anong klaseng laruan ba 'to!"

"Gongzi, magdahan dahan ka sa mga sinasabi mo!" Noong una, gusto niyang malaman kung ano ang sasabihin ni Zhang Xuan. Ngunit nang marinig niya ang mga sinabi ng binata, halos mawalan ng malay ang butler. Dahil sa pagkataranta, agad niyang sinubukang pigilan si Zhang Xuan, "Ito ay isang painting na katatapos lang ipinta ng master…"

------

[1] Guniang -> Binibini/Ginang

[2] Laoye -> Matandang Master