Si Jun Xian at Jun Qing ay nagpalitan ng tingin at ang nakita nila sa mata ng bawat isa ay
matinding gulat. Ang isang malakas na Condor Country, ay talagang nabura na sa sandaling
oras lamang? Iyon ay hindi kapani-paniwala.
Higit pa doon, si Jun WU Xie ay hindi gumamit maski isang mandirigma, at nagawa niyang
tapusin iyon ng malinis at buo, na mas lalong nakakamangha.
[Ang pangalawang pinakamalaki na Condor Country, ay…]
[Naglaho ng ganoon lamang?]
"Iiiwan ko ang Imperial Edict kay Grandfather upang ibigay kay Mo Qian Yuan. At sa kung
paano natin makukuha ang mga ari-arian ng Condor Country, kayong dalawa na lamang ang
mag-usap." Walang nalalaman si Jun Wu Xie sa mga ganoong bagay at mas minabuti niyang
huwag na lamang magtanong tungkol doon.
Kinailangan ni Jun Xian at Jun Qing ang matinding pagsisikap upang maintidihan nila ang balita
na sinabi sa kanila. Salungat kay Jun Wu Xie na walang malasakit, ang dalawang lalaki ay hindi
mapanatili ng maayos ang kahinahunan.
Hindi nila lubos maisip, kung paano nagawang makuha ni Jun Wu Xie lahat ng iyon.
Naisip ng dalawa na nasanay na sila sa mga mahiwagang kakayahan ni Jun Wu Xie, ngunit sa
mga sandaling iyon, hindi nila maiwasang maramdaman na ang dalaga ay mas nagiging
sukdulan hanggang langit.
"Sige. Dadalhin ko maya-maya ang Imperial Edict sa Kamahalan." Saad ni Jun Xian habang
tumatango. Ang pagkuha sa mga lupain ng Condor Country ay hindi ganoon kadali. Ang
paghihiwalay hangganan ng kaharian upang isama sa lupain ng Qi Kingdom ay hindi gaanong
magdudulot ng problema, ang magiging mahirap ay ang kumbinsihin ang mamamayan na
dati't pag-aari ng Condor Country na tanggapin ang lahat ng iyon. Inaasahan na kailangan ng
matinding pagsisikap upang pagsama-samahin.
Agad nilisan ni Jun Xian ang Imperial Palace pagkatapos niyon, si Jun Qing ay inayos ang lugar
na pagpapahingahan ni Qiao Chu at ng mga kasama nito, si Jun Wu Xie naman ay nagtungo sa
silid ng munting Emperor.
Ang munting Emperor ay nakahiga sa kama, tila ito'y mahimbing na natutulog, tahimik at
walang imik at hindi gumagawa ng anumang ingay. Ngunit hindi nagtagal, ay mayroong
napansin na kakaiba si Jun Wu Xie.
May napansin siyang isang maputlang puting liwanag na kumakalat mula sa dibdib ng munting
Emperor, dahan-dahan na binabalot ang buong katawan nito!
Agad itong nilapitan ni Jun Wu Xie at binuksan ang kasuotan ng munting Emperor upang
tignan iyon. Nakita niya ang Soul Calming Jade na inilagay ni Jun Qing sa katawan ng munting
Emperor ay sumasailalim sa isang nakapagtatakang pagbabago!
Ang pirasong iyon ng jade ngayon ay naglalabas ng mainit na baga, na nagliliwanag mula sa
ilalim ng kasuotan ng munting Emperor, at ang buong piraso ng jade, ay maigting na nakadikit
sa dibdib ng munting Emperor, at unti-unting bumabaon sa balat ng munting Emperor!
Natigagal si Jun Wu Xie at akmang aabutin niya iyon upang hawakan.
Ngunit sa sumunod na sandali, isang mainit na kamay ang humawak sa kamay niya na akmang
aabot doon, at hinatak ang munti niyang kamay pabalik.
"Huwag mo hawakan. Magpakabait. Magiging maayos siya." Ang pamilyar na boses na iyon ay
umalingawngaw sa kaniyang tainga, at nanigas ang katawan ni Jun Wu Xie nang maramdaman
ang kaniyang likod na nakasandig sa isang mainit at malapad na dibdib!
"Tuwing wala ako sa iyong tabi, tila hilig mo ang dumampot ng nga kakaibang bagay." Ang
boses nito ay puno ng katuwaan habang muli'y umalingawngaw sa tainga ni Jun Wu Xie.
Hindi nagsalita si Jun Wu Xie. Hindi niya maintindihan, tila nakaramdam siya ng kakaibang
pakiramdam na biglang umusbong at kumalat sa buong katawan niya.
Ang munting kamay niya ay nakakulong sa malaki at mainit na kamay na iyon at banayad na
minamasahe, habang ang nakagagayumang boses nito ay patuloy sa pag-alingawngaw sa
kaniyang tainga.
"Ang mga taong pinahirapan ng Scarlet Blood at hindi namatay, ay napakahirap hanapin sa
buong mundo. Maliban na lamang kung ang ring spirit nito ay kusang-loob na isakripisyo ang
kaniyang kaluluwa, upang salagin ang katawan na unti-unting sinisira ng Scarlet Blood,
malamang ngayon ay patay na siya. Ngunit bagaman ang ring spirit at ikaw ay nagawang isalba
ang katawan nito, ay hindi mo nagawa na protektahan ang kaniyang spirit. Ang kaniyang spirit
ay hindi inalis sa kaniya kundi ito'y nawasak. Ang kaniyang kalagayan ay bahagyang naiiba sa
iyong ama. Ang hayaan ang Soul Calming Jade na sumanib sa kaniyang katawan, bilang kapalit
ng kaniyang pangunahing kaluluwa, upang dahan-dahan na matipon muli, ay mas malaki ang
pagkakataon na gumaling siya at maging isa normal na tao. Hindi siya sasaktan ng Soul
Calming Jade, hindi mo kailangang mag-alala." Ang boses na iyon ay unti-unting umabot sa
tainga ni Jun Wu Xie, sa pagitan ng mga salita, ang mainit na hininga ng taong nasa likuran
niya ay humahaplos sa leeg ni Jun Wu Xie.