Tumingin si Chu Qiao kung saan niya narinig ang sumisigaw. Nanggaling ito sa isang lalaking nagsisilbi sa silid ng mga iskolar. Sa hindi kalayuan ay may isang matangkad na binata, suot nito ay kulay dark green na robe. Nakatayo siya sa harap ng court hall kasama ang apat niyang alalay.
Nabigla si Zhu Shun sa nangyari, agad siyang humarap sa binata at yumuko hanggang sa magpantay ang kanyang likod. "Royal Highness Yan, paumanhin po sa ugali ng aking tauhan. Hindi pa siya na tuturuan ng husto."
"Zhu Shun, mas importante ba ang pagdidisiplina ng mga tauhan mo o ang Royal Highness? Nahihibang ka na yata Zhu Shun."
Hindi ito inasahan ni Zhu Shun kaya agad siyang lumuhod at nag-kowtow habang nagmamadaling sinabi, "Hindi po! Hindi po! Alam ko po na nagkamali ako."
"Kung alam mo ang kamalian mo, ano pang ginagawa mo ngayon dito?" singhal ng tauhan ng Royal Highness Yan.
Mabilis na tumayo si Zhu Shun at nagmamadaling pumunta sa study room ni Zhuge Huai. Lahat ng mga nagsisilbi ay nagbigay daan samantalang isa sa mga ito ang nagtangkang magtanong, "Maari ko bang anyayahan ang Royal Highness Yan na sa pasilyo nalang maghintay?"
Tumango naman ang binatang bilang tugon at masinsing inilibot ang kanyang mata sa kanyang paligid. Naningkit ang kanyang mata nang dumapo ang paningin niya kay Chu Qiao na para bang may pumasok sa isip niya bago siya naglakad papalapit dito.
Kalmado si Chu Qiao na nakatayo ngunit napa-atras ito ng dalawang hakbang na napansin naman ni Yan Xun kung kaya't huminto siya sa paglalakad at nag-isip. Kinuha niya ang isang porcelain bottle mula sa kanyang bulsa na may mga ukit ng orchids. Sinubukan niyang ibigay ang bote kay Chu Qiao, tumango siya dito para abutin na nito ang bote.
Tinignan ni Chu Qiao ang kabuuan ni Yan Xun, saka pumasok sa isip niya ang mga nangyari sa arena. Naging alisto siya sa harap nito.
Ikinataka naman ito ni Yan Xun, napangisi nalang ito bago nilagay ang bote sa lapag. Pagkatapos ay tumalikod ito at nagsimulang maglakad papunta sa hall kasama ang nagsisilbi sa kanya.
"Urgh," ungol ni Xiao Qi nsa nasa likuran ni Chu Qiao. Halos hindi na niya mawari kung sino ang nagbubuhat sa kanya. "Ate Yue Er, mamatay na ba ako?" pabulong na tanong ni Xiao Qi.
Kinuha ni Chu Qiao ang boteng iniwan ni Yan Xun. "Xiao Qi, magiging maayos din ang pakiramdam mo, masisiguro ko yan sa'yo." Taimtim na sagot ni Chu Qiao sa takot na takot na Xiao Qi.
Karga ni Chu Qiao si Xiao Qi sa kanyang likod na tumatakbo pabalik sa kanila. Nagmamadali siyang pumasok sa kwarto at sinimulang linisin ang mga sugat ni Xiao Qi bago ito binalot. Mabilis na magkabisa ang gamot na binigay ni Yan Xun, bukod sa napahinto nito ang pagdurugo ng sugat ay meron rin itong pampamanhid. Sa ilang saglit lang ay nakatulog na si Xiao Qi.
Nagising naman si Xiao Ba, ngunit hindi niya magawang bumangon ng kama dahil sa sakit niya. Lahat sila ay natatakot dahil sa mga nangyayari. Walang nagsalita sa mga nagising at tahimik lang silang nakatingin kay Chu Qiao habang inaalagaan niya si Xiao Qi.
Nakaramdam si Chu Qiao ng matinding pananakit sa kanyang balikat. Pinunasan niya ang pawis sa kanyang noo bago sumandal sa dingding at pinakinggan ang mga iyak ni Xiao Qi sa pagtulog. Pakiramdam niya ay may napiga sa kanyang puso. Ipinikit niya ang kanyang mata at bigla niyang naalala si Lin Xi. Gwapong bata si Lin Xi na may inosenteng mukha. Naaalala niya pa kung paano ito nangakong ililigtas siya nito at kung paano siya binugbog hanggang sa hindi na makilala ang mukha nito.
Pumatak ang kanyang luha mula sa kanyang mata, umagos ito pababa sa kanyang pisngi hanggang sa tumulo ito sa kanyang sapatos.
Isang boses ang narinig nila mula sa labas. Isang batang babaeng nasa labing dalawa o labing tatlong taon gulang ang nakatayo sa kanilang bakuran. Nang makita niya si Chu Qiao ay parang natagpuan niya ang kanyang magliligtas sa kanya. Naiiyak siyang lumapit dito, "Yue Er, kinuha ng mga tauhan ni Butler Zhu si Zhi Xiang at yung iba pang mga bata ng Jing."
"Kinuha? Kailan ito nangyari?" nakasimangot na tanong ni Chu Qiao.
"Kinuha sila kaninang umaga. Nakita ko si Lin Xi kaya sinabihan ko na humingi siya ng tawad sa Fourth Young Master. Pero isang araw na ang nakalipas pero wala pa ring balita tungkol sa kanya. Ano na ang gagawin natin?"
"Sinabi ba nila kung anong gagawin sa kanila?"
"Sabi nila… Sabi nila ipapadala daw nila yung mga bata sa labas ng bayan, sa bahay daw ng old master." Umiiyak na tugon nito sa kanya.
"Ano?!" Sigaw ni Chu Qiao. Na-alarma siya sa kanyang narinig. Naikwento sa kanya ni Lin Xi ang tungkol sa kahabag-habag na libangan nito. Agad na namutla ang mukha ni Chu Qiao.
Narinig ni Xiao Ba lahat ng pinag-uusapan nila. Tulala siyang naglalakad papunta sa kanila. Hinila niya ang manggas ng damit ni Chu Qiao, napakahina ng kanyang boses habang paulit-ulit siyang nagtatanong, "Ate Yue Er, nasaan sila Ate Zhi Xiang at ang iba? Saan sila nagpunta?"
Tumalikod si Chu Qiao bago mabilis na tumakbo palabas ng pinto.
"Yue Er!" iyak ng babaeng sinubukan siyang habulin. Hindi siya nilingon ni Chu Qiao, masama ang kutob niya. Hindi niya alam kung maabutan niya pa ba ang mga ito, o magkaroon ba siya ng pagkakataon para maligtas sila. Gagawin niya lang ang makakaya niya, mabilis siyang tumakbo at hindi tumigil ng kahit sandali.
Nakalagpas na siya ng Qing Shan Court, sa mga kuwadra, at sa likod na bakuran. Malapit na siya sa limang kurbadong corridor ng front court nang biglang narinig niya ang yabag ng paa. Agad siyang napahinto.
"Ate Yue Er?" Isang maliit na boses ang kanyang narinig mula sa kanyang likod. Umikot siya at nakita si Xiao Ba na may suot na blusang maluwag sa kanya, ni hindi nga nito suot ang sapatos niya. "Nasaan po sila Ate Zhi Xiang at ang iba?"
Hawak-hawak si Xiao Ba, naupo siya sa damuhan. Nasa kalagitnaan na ng winter at lanta na ang mga bulaklak. Sa kabutihang palad ay gabi na at kakaunti lamang ang mga ilaw. Mahihirapan ang iba na makita sila.
Palapit ng palapit ang tunog ng mga yabag ng paa. May apat na taong nagtutulak sa isang kariton papunta sa direksyon nila. Sa hindi madalas daanan na lugar ang napili ni Chu Qiao na daanan, sapagkat tanging mga taga-linis lamang ang dumadaan dito. Hinila niya papalapit si Xiao Ba sa kanya at hinintay na makalagpas ang mga to.
Napakalapit na nito sa kanila, sa sobrang kaba ni Xiao Ba ay napakapit siya ng mahigpit sa damit ni Chu Qiao.
Isa sa mga nagtutulak ang biglang nagsalita, "Sandali, magpahinga muna tayo. Malayo layo na ang nalakad natin. Gusto lang manigarilyo kahit sandali."
Nagtawanan ang iba nitong kasama, "Ayan ang smoking addiction ni Old Liu." pagkatapos ay nagsindi rin sila ng kanilang mga sigarilyo.
Nagsimulang kabahan si Chu Qiao na halos magdikit ang kilay niya. Sa pag-ihip ng malamig na hangin, nanginig si Xiao Ba na manipis ang suot. Sa paglakas ng hangin, hinangin ang straw mat na nakapatong sa tuktok ng kariton. Nalaglag ito sa sahig, ang kulay dilaw na straw mat ay kulay pula na at umaalingasaw sa dugo.
Agad na tinignan ni Chu Qiao at Xiao ba ang laman ng kariton. Mabilis na tinakpan ni Chu Qiao ang bibig ni Xiao Ba.
Maliwanag ang sinag ng buwan sa kaulapan na siyang nagbigay ng liwanag sa kapaligiran. Tanging ang katawan ng mga bata ang nakita nilang nakasalansan sa isang kariton. Nandito rin ang katawan ni Zhi Xiang na hubad at puno ng pasa. Naiwang bukas ang mga mata nito at namumula na namuong dugo sa gilid nito at nakatali ang kanyang kamay at paa. Kakaiba ang posisyon nito habang nasa pinaka-tuktok ng mga katawan. Maiging tinakpan ni Chu Qiao ang bibig ni Xiao Ba habang ang isa niyang kamay ay nakayakap sa kanya. Gusto nitong kumawala sa kamay ni Chu Qiao at nagpapalag. Tumulo ang luha ni Xiao Ba sa braso ni Chu Qiao kasabay ng pagbaon ng ngipin nito sa palad niya. Umagos ang dugo ni Chu Qiao mula sa kanyang pulso hanggang tumulo ito sa lupa. Hindi sila maaninagan dahil may mga puno na nakaharang sa kanila.
Walang nakakaalam kung gaano na katagal ang lumipas. Malayo na ang kariton at tanging katahimikan ang bumalot sa kanila. Dahan-dahang na tinanggal ni Chu Qiao ang kanyang kamay at makikitang duguan ito. Samantalang si Xiao Ba naman ay parang nawala sa sarili at nakatulala na lamang sa kawalan. Tinapik ni Chu Qiao ang pisngi nito at tinawag ang kanyang pangalan.
Napakalamig ng hangin, at sa tahimik na gabi maririnig ang musika mula sa main hall ng front court na para parang galing pa sa ibang mundo.
"Patayin sila…" sabi ni Xiao Ba. "Gusto ko… Gusto kong patayin sila!" sabi ng anim na taong gulang na si Xiao Ba.
Namumula ang mga mata nito at na di mapakali na para bang may hinahanap, sabay biglang siyang pumulot ng isang bato. Tumayo siya at balak habulin ang kariton pero mabilis siyang nahabol ni Chu Qiao at napigilan.
"Patayin sila! Patayin sila!" nagwawalang sabi nito sa mga braso ni Chu Qiao. Kita ang galit at pagluluksa sa kanyang mukha habang tuloy ang pag-agos ng luha niya. Maari siyang biglang mawalan ng malay.
Pakiramdam ni Chu Qiao ay hinihiwa ang kanyang puso. Niyakap niya si Xiao Ba ng mahigpit at tuluyang di napigilan na umiyak.
Silang mga asal hayop na mas masahol pa sa demonyo, kahit ilang beses silang mamatay ay hindi magiging sapat para makaligtas sila sa kanilang kasalanan. Ngayon lang niya naramdaman ang matinding galit, at ngayon niya lang rin naramdaman na gusto niyang pumatay. Kinakain siya ng kanyang galit. Nagagalit siya sa mga walang awang mga tao, at galit rin siya sa mundong ito na malupit. Pero higit sa lahat, galit siya sa kanyang sarili na walang magawa kundi manuod na lang sa mga nangyayari.
Halos mawalan na ng malay si Xiao Ba sa kanyang bisig at sa bawat tinig ng iyak nito ay siya ring pagkirot ng kanyang puso. Kung meron lang siyang baril, hindi siya magdadalawang-isip na sumugod sa Zhuge household at patayin lahat ng nakatira dito.
Kaso nga lang wala siyang baril, at wala rin siyang kahit na ano. Wala siyang pera, walang impluwensya, walang kakayahan at walang armas. Isa lang siyang kaluluwang nanggaling pa sa ibang mundo na ngayon ay nasa loob ng katawan ng batang si Jing Yue Er. Kahit na matalino at may kaalaman siya na mas advanced pa sa kasalukuyang panahon, magtago lang ang kaya niyang magawa ngayon. Wala siyang lakas ng loob na makita sila sa huling pagkakataon.
Dahan dahan na tinaas ni Chu Qiao ang ulo niya, nasinagan siya ng liwanag mula sa buwan. Nangako siya sa kanyang sarili na isang beses lang dapat to mangyari, na hindi niya na hahayaang maulit ulit ito. Ayaw niyang mamuhay na walang wala siya. Ayaw niyang mamuhay na wala siyang kakayahan na protektahan ang sarili niya. Hindi na maaari.
Sa laki ng bahay, parang nawawalang tuta si Chu Qiao at Xiao Ba na nagtatago sa damuhan. Puno ng pait at galit ang kanilang mga puso.
Hatinggabi na nang makabalik sila sa bakuran. Malayo palang ay nakita na nilang bukas ang pintuan. Biglang kinabahan si Chu Qiao kaya binitawan niya agad ang kamay ni Xiao Ba at tumakbo sa bahay.
Magulo ang silid at punong-puno ng dugo ang bed-stove, samantalang makikita sa sahig ang mga malalaking bakas ng paa. Wala rin sa loob si Xiao Qi.
"Yue Er! Nakabalik ka na." Sabi ng babaeng nakita niya kanina na nagtatago sa likod ng mga nakasalansang kahoy.
Agad siyang tinulungan ni Chu Qiao tumayo bago nagtanong, "Nasaan si Xiao Qi? Saan nagpunta si Xiao Qi?"
Naiiyak na sumagot ang bata sa kanya, "Kinuha si Xiao Qi ng mga tauhan ni Butler Zhu dahil hindi na raw siya makakapagtrabaho gamit ang isa lang sa kanyang kamay. Balak nilang itapon si Xiao Qi sa Ting Lake para ipakain sa mga buwaya."