Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 38 - ITAPON PALABAS ANG MATANDANG HUKLUBAN

Chapter 38 - ITAPON PALABAS ANG MATANDANG HUKLUBAN

Pagkatapos tumawag ni Mrs. Chan sa security, mabait na pinayuhan niya si Xinghe, "Ms. Xia, magmadali na po kayong umalis. Dadating na ang security dito."

Ang kalmadong Xinghe ay gumanti lamang ng ngiti sa kanya pero hindi ito natinag.

Tiningnan niya si Wu Rong habang nakangisi, "Mabuti na ngang nandito sila, kailangan ko ang tulong nila para mapalayas ang squatter."

Dumilim ang mukha ni Wu Rong. "Xia Xinghe, sino ang tinatawag mong squatter?"

"Ikaw, alam mo kung sino, alam mo ang sagot diyan."

Pumintig ang mga mata ni Wu Rong.

Nagkaroon siya ng masamang pangitain, pero nanatili siya doon.

Ano nga ba ang magagawa ni Xia Xinghe? May mga testimonya man ang buwisit na ito pero wala naman siyang pera para bayaran ang mga ito.

Lahat ng nasa Xia Family villa ay pag-aari niya kaya paano siya masasaktan ng babaeng ito?

Kumalma siya sa naisip na ito kaya siya ay naupo sa sofa at hinintay na dumating ang security.

Dalawang security ang dumating sa eksena.

"Mrs. Xia, bakit ho ninyo kami ipinatawag?" magalang na tanong ng isa sa mga ito.

Tinapunan ni Wu Rong si Xinghe ng isang naiinis na tingin, "Palabasin ninyo ang babaeng ito at huwag na huwag na ninyong papapasukin sa hinaharap. Siguraduhin ninyong hindi na siya makakapasok sa lugar ko, naiintindihan ba ninyo?"

Propesyunal na sinipat ng dalawang security si Xinghe at magalang na sinabihan siya, "Miss, sundan ho ninyo kami palabas."

Kalmadong sumagot si Xinghe, "Ang tunay na may-ari ba ng bahay ang may karapatang magpaalis ng tao sa dahilang ayaw niya rito?"

Pormal na tumango ang mga security, "Natural ho. Isa kasi itong lugar ng mga mayayaman, hindi ho kami nagpapapasok ng mga nanggugulo. Miss, pakiusap ho sumunod na ho kayo sa amin palabas, huwag na ho natin bigyan pa ng problema ang isa't isa."

"Perfect, ngayon tulungan ninyo akong palayasin ang matandang hukluban na ito," utos ni Xinghe habang nakaturo kay Wu Rong.

Nabigla si Wu Rong maging ang dalawang security.

Napangisi ang dalawang security sa hindi kapani-paniwalang utos niya bago ginalitan si Xinghe, "Miss, huwag na ho kayo gumawa ng eksena dito, wala hong makikinabang dito lalo na ikaw. Si Mrs. Xia ang tunay na nagmamay-ari ng bahay na ito, may karapatan ho siya na palayasin ka at hindi ang kabaliktaran. Kaya pakiusap sumunod ka na ho sa amin!"

"Xia Xinghe, kahit na alam kong naibalik na ang alaala mo, siguro ay kailangan mo na ding magpatingin sa ulo," sabi ni Wu Rong habang pinaiikot ang daliri sa gilid ng ulo nito.

Naniniwala siyang nahihibang na si Xinghe.

Ang villa ay kanya, ano at naglalakas-loob itong palayasin siya?

Malamig na tumugon si Xinghe, "Ang sabi mo ay kanya ang villa na ito, nasaan ang ebidensiya? Ang ama ko ang nagbigay ng villa na ito sa akin, wala akong ideya kung kailan ito napunta sa huklubang ito. Gusto mo akong lumayas? Fine, pero ipakita mo sa akin ang kasulatang nagpapatunay na sa iyo nga ang bahay na ito o hindi ako aalis!"

Nalito ang dalawang security.

Kalmadong nagpaliwanag si Xinghe, "Mukhang bago lang kayong dalawa dito. Sasabihin ko na sa inyo ang totoo, ang orihinal na may-ari ng villa na ito ay ang aking ama. Ang matandang hukluban na ito ay ang aking madrasta."

Nagulantang ang dalawang security sa nalaman na dati silang magkapamilya.

Nagngitngit si Wu Rong sa inis.

Inuulit-ulit pa ni Xinghe na tawagin siyang matandang hukluban, malapit na siyang sumabog sa galit!

Pigil ang kanyang galit, gumanti siya ng sagot, "Xia Xinghe, ibabalik ko sa iyo ang tanong. Ang sabi mo ay sa iyo ang villa pero nasaan ang katibayan mo?"

Ngumiti si Xinghe. "Buti at tinanong mo. Alam ko kung saan nandoon ang property certificate."

Naguluhan ng bahagya si Wu Rong at nagkaroon siya bigla ng pangamba. Pero mas naniniwala siyang puro kalokohan lamang ang sinasabi ni Xinghe.

Kung nasa kanyan nga talaga ang certificate, bakit siya naghintay ng matagal hanggang ngayon?

Kaya malamang ay nagsisinungaling lamang ito.

"Sige nga, ipakita mo sa amin. Kung hindi mo maipakita, lilipat tayo sa istasyon ng pulis para pag-usapan ito."