Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 41 - MASYADONG MARAMI KA NG KASALANAN

Chapter 41 - MASYADONG MARAMI KA NG KASALANAN

Sa kanilang opinyon, may tama din ang punto ni Wu Rong…

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Xinghe, at gumanti ito, "Ang sabi mo ay peke ang hawak ko, at tunay iyang nasa iyo?"

"Narinig mo ako," sabi ni Wu Rong, kunwari ay nag-aalala, "Xinghe, matagal ka ng pasaway na bata, noong una ay pinapalampas ko lamang ito habang sinisira mo ang dangal ng iyong ama, pero ngayon nagbalik ka upang sirain naman ang pangalan ng iyong madrasta? Paano mo nagagawa ito? Hindi ko na kayang manahimik pa, kaya kahit na taliwas sa naipangako ko sa namayapa mong ama ay isinusumpa kong ilalabas ko ang mga kasinungalingan mo, dahil kung hindi ay hindi ka magbabago!"

"Magaling," tumango si Xinghe bilang pagsang-ayon, "Dapat talagang isiwalat kung sino ang manloloko."

"Alam mo na kung saan ka nagkamali? Ibigay mo na sa akin ang peke mong papeles o tatawag na ako ng mga pulis!"

"Hindi na kailangan."

Napakunut-noo si Wu Rong at nagtanong, "Hindi na kailangan na ano?"

Tumunog ang sirena ng mga pulis sa labas ng bahay. Sinabi ni Xinghe na, "Hindi na kailangang tumawag pa ng mga pulis dahil ako na ang tumawag niyan para sa iyo."

Namutla bigla si Wu Rong at hindi maipinta ang mukha.

Hindi niya lubos na naisip na tatawag talaga ng pulis si Xinghe!

Ang buwisit na ito, kailan pa niya tinawagan ang mga pulis?

Pinukulan ng masamang tingin ni Wu Rong si Xinghe na tila kakainin niya ito ng buong-buo.

Sa kabilang banda naman ay kalmado si Xinghe, na nagpapakitang kontrolado niya ang lahat.

"Wu Rong, hahayaan natin ang mga pulis ang kumilatis kung alin sa hawak nating certificate ang tunay," tinitigan niya si Wu Rong at dahan-dahang sinabi ang mga katagang iyon. Lalong namutla ang mukkha ni Wu Rong ng marinig ang mga sinabi niya.

Ang hawak niyang certificate ang peke kaya hindi niya mapapayagang tingnan ng mga pulis ito.

"Madam, narito na po ang pulisya…" nahihintakutang sambit ni Mrs. Chan mula sa ibaba ng bahay.

Agad na pinunit ni Wu Rong ang hawak niyang papeles. Nag-utos si Xinghe, "Pigilan ninyo siya."

Agad na kumilos ang dalawang security guard at akmang kukunin ang certificate booklet pero huli na dahil nalunok na ni Wu Rong ang importanteng pahina!

Natigagal ang dalawang guwardiya maging si Xinghe ay humanga sa kakapalan ng mukha nito.

Hirap na nilunok ni Wu Ron gang pahina at napasimangot siya sa ginawang ito.

"Hindi ako makakapayag na magkaroon ka ng ebidensiya laban sa akin!" nanunuyang sambit ni Wu Rong kay Xinghe.

Inis na napangiti si Xinghe. "Hindi ko kailangan ng ganitong ebidensiya laban sa iyo; kakaunti itong masyado. Madami-dami ka ng nagawang kasalanan, huwag kang mag-alala, darating din ang oras mo."

Marami pang plano si Xinghe pero hindi pa ito ang oras para maisagawa ang mga ito.

Ang tanging hangarin niya ng araw na iyon ay mapalayas si Wu Rong sa villa, hindi para durugin ito, dadating din siya sa puntong iyon…

Hindi inalintana ni Wu Rong ang babala ni Xinghe.

Bumungisngis ito ng nang-aasar. Natalo man siya kay Xinghe ngayon pero gagantihan niya ng doble ang buwisit na babaeng ito!

"Sino si Xia Xinghe?" Dalawang pulis ang pumasok sa silid.

Tumango si Xinghe habang nagpapakilala, "Ako po iyon."

"Bakit ho kayo tumawag ng pulis, Miss?"

"Mayroon kasing iligal na tumitira dito sa bahay ko ng maraming taon pero ayaw niyang umalis kahit maayos akong nakiusap kaya wala akong nagawa kung hindi humingi ng tulong sa kapulisan. Pasensiya na po sa abala."

Deretsong tumingin si Xinghe kay Wu Rong habang nagpapaliwanag. Para siyang nakatingin sa nakakairitang langaw.

Alam ni Wu Rong na hindi na siya maaaring manatili pa dito.

Kahit na walang karapatan ang mga pulis na damputin at itapon siya palabas pero mayroong karapatan ang mga guwardiya. Kaya niyang sirain ang pangalan ni Xinghe sa pagpapakalat ng hindi magandang pagtrato nito sa kanya sa publiko, pero madadamay din ang pangalan niya.

Alam niyang hindi naging maganda ang kanyang asal sa engkuwentrong ito.

Pagkatapos ng maraming taon ng paghihirap ay nakatuntong din siya sa mundo ng mga mayayaman at makapangyarihan kaya kailangan niyang ingatan ang kanyang reputasyon.

Isa pa, kakatapos lamang maikasal ng kanyang anak. Ang kanyang mga balae ay respetadong tao din kaya hindi maaaring masira ang kanyang karangalan dito.